Monday, November 1, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-02-10)

MATEO 25: 31-46

Ang Paghuhukom

31 "Pagdating ng Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Titipunin naman sa harapan niya ang lahat ng tao at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Inilalagay nito sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.'

37 "Sasagot ang mga matuwid, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y walang maisuot at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?'

40 "Sasabihin ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan.'

41 "Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, 'Lumayo kayo sa harapan ko! Isinumpa kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y walang maisuot. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.'

44 "At sasagot din sila, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, walang maisuot, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?'

45 "At sasabihin sa kanila ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.' 46 Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan."



MAGNILAY:

Nakalaan tayong mabuhay magpakailanman!



Ito ang mensahe ng ating paggunita sa araw na ito. Inaalaala natin ngayon ang lahat ng mga pumanaw na Kristiyano. Para sa atin ang kamatayan ay hindi ang wakas. Ang kamatayan ay paglipat lamang sa isang panibagong buhay sa kabila. Kaya't tumpak ang tawag natin sa kamatayan sa ating wika. Sinasabi natin sa mga namatay na sila'y sumakabilang-buhay. Nagpapatuloy ang buhay sa isang panibagong dimensyon sa piling ng Diyos. Siya ang talagang uuwian natin kapag nagwakas ang ating buhay sa lupa.



Isang napakagandang tradisyong pananamplataya ang dalawin ang mga libingan ng ating mga yumao. Pinapakita nito na hindi napuputol ang ating ugnayan sa kanila lalo na ang pagmamahal natin sa kanila kahit sila'y nasa panibagong mundo na. Para sa atin hindi sila naglaho. Buhay na buhay sila at ang ating pag-asa at dalangin ay nawa sa piling sila ng Maykapal. Kaya't araw din ngayon ng pananalangin para sa kanila. Muli ito ay napakaganda at napakamakahulugang tradisyong pananampalataya. Naipapakita natin sa pagdarasal para sa mga yumao ang ating kakayanan at kapangyarihang mamagitan sa isa't-isa lalo na sa mga yumao sa pamamagitan ng dasal. Ang kakayanang mamagitan ay minana natin sa Panginoong Hesukristo, ang nag-iisang Tagapamagitan at pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihang mamagitan. Ito rin ang disenyo ng Diyos sa Simbahan na siya ay maging isang komunidad na naglalakbay ng sama-sama tungo sa kaluwalhatian, nagtutulungan, umaakay sa isa't-isa, at nagkakabuklod sa panalangin. Simbahang-simbahan tayo sa araw na ito dahil nagkakaisa tayo at ang mga kapatid nating yumao at lahat ng mga santo sa kalangitan sa pananalangin.



Isang paalala rin sa ating nasa mundo pang ito na ang Langit ang ating layunin at destinasyon sa buhay. Huwag sana tayong mahulog sa tukso ng kamunduhan. Huwag tayong malunod sa kaisipang ang mundo lang na ito ang pinakamahalaga. Ang ating Ebanghelyo ay naglalarawan sa atin ng susi tungo sa luwalhati ng Diyos - ang pagmamahal! Pag-ibig sa kapwa lalo na sa mga nangangailangan ang dapat nating pagkaabalahan sa buhay na ito. Sa pamamagitan ng pag-ibig nabubuksan ang pinto ng Langit para sa atin. Ito rin naman ang buhay na inaasahan natin sa kabilang buhay sa piling ng Diyos. Ito ay buhay kung saan ang pag-ibig ay ganap at lubos. Ang malasakit nating nararanasan ngayon ay patikim at paunang karanasan ng pag-ibig na tatamasahin natin sa kabilang buhay.



Isang babala rin ang araw na ito na puwedeng pagsarahan tayo ng pinto ng langit kung dito sa lupa ay mamumuhay tayo ng salat sa malasakit sa kapwa. Kung ano ang itatanim natin dito sa lupa ang siya ring aanihin natin sa kabila. Ang pagtanggi sa tawag na magmahal ngayon lalo na sa mga dukha ay magbubunga ng buhay na pangungulila sa Diyos sa kabila. Kaya't maging matalino tayo ngayon. Maging mapamili sa uri ng buhay na ating tatahakin. Makipot ang daan tungo sa kalangitan samantalang maluwag at madali ang daan sa kapahamakan.



MANALANGIN:

Panginoon, gawaran mo ng walang hanggang pamamahinga sa piling mo ang lahat ng mga yumao. Gayundin, gawaran mo kaming nabubuhay pa sa lupa ng kamalayan na nakalaan kami sa buhay na walang hanggan hindi sa pansamantalang buhay ng mundo lamang. Paghandaan nawa namin ang pag-uwi namin sa aming talagang Tahanan sa piling mo.

No comments:

Post a Comment