Monday, February 28, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (02-27-11)

MATEO 6: 24-34

Diyos o Kayamanan?

24 "Walang aliping makakapaglingkod nang sabay sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.

25 "Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa inyong iinumin upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

28 "At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. 29 Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon na napakayaman ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 30 Kung dinaramtan ng Diyos ang damo sa parang, na buhay ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!

31 "Kaya't huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. 32 Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na iyan? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 33 Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.

34 "Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw."



MAGNILAY:

Dapat ba tayong mag-alala sa buhay? Aba'y oo. Ang dami yatang problema ng buhay. Ang daming dapat isipin. Ang daming dapat alalahanin. Sa hirap ng buhay ngayon at sa gulo ng mundo ngayon nararamdaman natin ang instabilidad. Hindi tayo nakasisiguro. Mahirap magsiguro ngayon. Pagmulat mo isang umaga wala na ang mga bagay na inaasahan mo. Kaya kung tatanungin kung dapat ba tayong mag-alala o mabalisa, OO at tumataginting na OO!



Pero HUWAG SOBRA! Ito ang punto ng Panginoon ngayon. Huwag mag-alala ng sobra na akala mo wala ng Diyos na nagmamahal, wala ng Diyos na nagmamalasakit, wala ng Diyos na kumakalinga, at wala ng Diyos na makapangyarihan sa lahat at mas makapangyarihan sa lahat nating alalahanin at problema sa buhay. Sinisiguro lang ng Panginoong Hesus na sa gitna ng marami nating hamon sa buhay may nagmamasid, may nakatutok, may nakiki-alam para magbantay, gumabay, umalalay, makiramay, umagapay. Kahit anong hirap ng buhay magtiwala tayo sa Diyos na pinanaligan nating hindi tayo iiwan kailanman.



HUWAG SOBRA! Dahil ang sobrang pag-alala ay masama rin sa atin. Pinaparalisa nito ang pagharap natin sa ating mga alalahanin. Hindi nagmumungkahi si Hesus ng katamaran noong sinabi niyang huwag tayong mabalisa. Hindi niya sinasabing wala na tayong dapat gawin. Alam nating napaka-ilusyunadong panukala ito kung ito nga ang ibig niyang sabihin. Napaka-impraktikal nito. Kailangan pa rin nating gumawa sa gitna ng pagtitiwala natin sa biyaya ng Diyos. Kung sobra tayong mag-aalala, hindi na tayo makakakilos ng maayos. Hindi na tayo makakadiskarte ng tama. Kailangan natin ng linaw ng isip at matatag na damdamin kapag humaharap sa mga problema ng buhay. Ang sobrang pag-aalala ay nakapagpahina ng kalooban, nakakagulo ng isip, at nakakabawas ng tiwala sa sarili, sa kapwa at higit sa lahat sa Diyos.



HUWAG SOBRA! Dahil ang buhay ay hindi lang tungkol sa kakainin, susuotin at iba pang materyal na pangangailangan. Ang buhay ay hindi lang kayod ng kayod para makamit ang mga materyal na pagpapala kahit minsan hindi na talaga kailangan. Ang buhay ay pagmamahalan, pagsasama-sama ng maligaya kahit minsan simple lang ang buhay. Mas higit sa pera, kailangan ng pamilya ang kalidad na presensya ng bawa't-isa. Kailangan tayong magtrabaho, oo, pero hindi lang tayo puro trabaho. Ang buhay ay relasyon na ang pundasyon ay pagmamahalan.



HUWAG SOBRA! Dahil minsan ang ugat ng matinding pag-alala natin ay ang matatayog nating ambisyon na madalas hindi naman talaga kailangan. Maging simple sa pangangailangan. Matutong maging maligaya sa bawa't pagpapala na nakakamit natin. Matuto tayong magdiwang para sa mga maliliit na natatanggap natin sa buhay. Nababalisa tayo minsan dahil ambisyoso tayo ng sobra, mayabang, mapagmataas. At dahil mayabang, kapag dumating ang oras ng pagbagsak, bagsak talaga lahat ng kayabangan natin pati na ang buo nating pagkatao. Hindi natin matanggap na bumabagsak talaga tayo paminsan-minsan pero puwede namang bumangon muli.



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong magtiwala sa iyo sa gitna ng marami naming alalahanin sa buhay. Bigyan mo rin ako ng wastong karunungan upang maging sapat lang sa mga bagay-bagay na dapat kong tamuhin sa buhay. Ipaunawa mo na sa buhay mas mahalaga ang pananampalataya sa iyo, masayang pagsasamahan ng mga mahal ko sa buhay, at pagbubuklod bilang magkakapatid ng lahat ng tao. Turuan mo akong maging masaya kahit sa gitna ng mga alalahanin.

Thursday, February 24, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (02-24-11)

MARCOS 9: 41-50

41 Tandaan ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala."

Sanhi ng Pagkakasala

42 "Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. 43-44 Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang kamay, kaysa may dalawang kamay na mapunta ka sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. 45-46 Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang paa, kaysa may dalawang paa na mapunta ka sa impiyerno. 47 At kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na kulang ng isang mata, kaysa may dalawang matang itapon ka sa impiyerno. 48 Doo'y hindi namamatay ang mga uod at ang apoy.

49 "Sapagkat ang bawat isa'y dadalisayin sa apoy. 50 Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Maging kagaya kayo ng asin, at mamuhay kayong mapayapa sa isa't isa."



MAGNILAY:

Akala natin ang kasalanang nagagawa natin ay personal lamang. Iniisip natin na anumang epekto nito ay sa sarili lamang natin at walang kinalaman ang iba dito. Hindi nadadamay ang iba dito. Pero hindi. Maling-mali ito. Walang kasalanan ang purong personal o pansarili lamang. Walang kasalanan ang hindi nadadamay ang iba. May masamang impluwesya o epekto ang bawa't kasalanan natin sa iba maliit man o malaki, direkta man o hindi! At dahil dito mananagot tayo sa pagdamay natin sa iba sa bawa't kasalanan natin.



Walang tao ang namumuhay ng solo. Likas sa atin ang pagiging kaugnay ng iba. Walang tayong kilos sa labas ng koteksto ng komunidad. Bawa't galaw natin ay nakakabit sa ugnayan natin sa iba. Kaya kahit kasalanan na ginagawa ay may epekto sa ugnayan nating ito sa iba. Mabuti o masama ang galaw natin ay may impluwesya sa mga taong nakapaligid at nakakasalamuha natin araw-araw.



Mas malaki ang pananagutan ng mga nakatatanda at lalo ang mga may tungkuling mangalaga sa mga nakababata. Direkta man o hindi ang nakatatanda ay laging tinitingala ng nakakabata. Ginagaya sila. Tinutularan sila. Modelo sila. Sa mata ng nakababata ay may 'tama' ang ginagawa ng mga nakatatanda. Ang mali na ginagawa natin ay nagiging tama sa kanilang tingin. Ito ang malungkot na epekto ng kasalanan natin sa kanila. Bukod pa rito, kapag nagkakasala tayo humihina at bumababa ang moralidad natin. Apektado nito ang kakayanan nating mangalaga ng iba. Ang bawa't lider ay lider ng moralidad. Kung may unang dapat maging moral ay yung may mga tungkulin na pangalagaan ang iba. Kaya mas higit ang pananagutan ng mga magulang, tagapagturo, lider, nasa posisiyon ng kapangyarihan, at lalo ang mga pinuno ng pananampalataya. Malaki ang impluwensiya nila sa marami. At ang pagkakasala nila ay huwag sabihing walang epekto sa kanilang tungkulin sa iba. Meron. Meron. At meron!



Kaya ang habilin ni Hesus ay putulin ang ugat ng pagkakasala. Ang pagsisisi at pagkukumpisal ay hindi lang paghuhugas ng maruming damit ng ating konsensiya. Hindi lang tayo naglalaba tuwing magsisisi tayo ang mangungumpisal. Inaalam din natin ang ugat ng ating kasalanan at iyon ay dapat bunutin at putulin. Hindi lang patapal-tapal at patagpi-tagpi ang solusyon sa kasalanan. Saliksikin ang ugat at ayusin. Ang mga nabuo nating masamang hilig, nakagawiang gawain, istilo ng buhay, ugali at asal, mga hinanakit sa buhay - ilan lang ito sa mga malalim na ugat ng pagakaksala na dapat ayusin hindi man sa paraang madalian pero sa paraang unti-unti pero tuloy-tuloy. Pag naayos natin ang ugat ng kasalanan magiging mas malaya tayong gawin kung ano ang mabuti at ang lahat ay makikinabang sa pagpapakabuting ito.



MANALANGIN:

Panginoon, gamitin ko nawa ang aking konsensiya sa tamang paraan. Piliin ko ang mabuti at itakwil ang masama. Ipaunawa mo sa akin ang masaklap na epekto ng bawa't personal kong pagkakakasala sa mga taong kinakalinga ko lalo na ang mga mahal ko sa buhay. Matuklasan ko nawa ang mga ugat ng aking kasalanan at matapang na putulin at bunutin ang mga ito.

Tuesday, February 22, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco(02-23-11)

MARCOS 9: 38-40

Kapanig Natin ang Hindi Laban sa Atin

38 Sinabi sa kanya ni Juan, "Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan."

39 Ngunit sinabi ni Jesus, "Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi agad magsasalita ng masama laban sa akin. 40 Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin.



MAGNILAY:

Magaling tayo sa patalbugan. Ayaw nating matalbugan. Dahil dito nauuwi tayo sa pagkakanya-kanya, inggitan, selosan, kumparahan, intrigahan, tsismisan, siraan. Grupo laban sa ibang grupo. Tropa kontra ibang tropa. Organisasyon sabong sa ibang organisasyon. Bansa giyera ibang bansa. Ang masaklap, relihiyon laban sa ibang relihiyon, simbahan kontra ibang simbahan. Gagawin ang lahat burahin lang ang iba sa ibabaw ng lupa dahil kami at hindi kayo ang may mas K!



Ang mga alagad ni Hesus ay nakaramdam din na sila lang ang may karapatan kay Hesus at sa kanyang mga gawain. Sila ang laging kasama ni Hesus. Barkada o tropa sila ng Panginoon. Sila ang may karapatan. Sila ang may pribilehiyo. Kaya naman, pinigilan nila ang isang hindi naman nila ka-miyembro pero gumagawa ng gawain ni Hesus - ang magpalayas ng demonyo. Wala siyang karapatan. Hindi siya kapatid. Ewan lang pero baka ang dahilan talaga ay baka mahigitan pa sila ng taong ito at mukha siyang magaling at may taglay naman talagang kapanyarihan kahit hindi nila kasamahan. Bago ka makapasok sa grupong ito dadaan ka muna sa butas ng karayom. At diyan ka lang sa mababa. Nauna yata kami dito. Huwag kang aasta-asta na mas magaling diyan!



Pero naging okasyon iyon para ipaunawa ng Panginoon sa kanyang mga lagad at sa atin ngayon na hindi man tayo istriktong magkakasama ay magkakabuklod pa rin tayo dahil sa mabuting layunin at gawain. Ang iisang misyon nating mapabuti ang kapwa, baguhin ang mundo tungo sa mabuti, ang iligtas sa masama ang mga naliligaw, ang palayin sa anumang uri ng pagakabilanggo ang lahat, ang gawin Diyos ang sentro ng buhay natin - ang misyong ito ang magbubuklod sa atin bilang isang pamilya. Hindi tayo magkalaban. Hindi tayo magkakompitensya. Hindi tayo magkaribal. Magkasama tayo. Partners tayo kahit sabihin pang magkakaiba tayo ng grupo, ng organisasyon, ng komunidad, ng lahi at ng relihiyon. Mas malaki ang pag-asa ng mundo kapag nagtulung-tulungan tayo. Meron kang maibibigay nah indi ko kayang ibigay. At gayundin, meron akong maibibigay na hindi mo kayang ibigay. Kaya't pagsamahin natin ang ating mga galing at kakayahan.



MANALANGIN:

Panginoon, magkakaiba man kaming lahat pero maunawaan ko nawa na lahat kami ay magkakapatid at ikaw ang aming magulang. Lahat kami ay iyong nilikha. Tulungan mo akong makipagtulungan hindi ang makipagtalbugan. Tulungan mo akong makipag-isa hindi ang makipaghiwalay. Tulungan mo akong lagpasan ang tukso ng inggit, selos at yabang dahil meron silang kaya na hindi ko kaya. Tulungan mo akong matuklasan ang sarili kong galing at iambag ito upang matupad ang aming iisang misyon - ang kaligtasan ng mundo sa anumang masama.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (02-22-11)

MATEO 16: 13-19

Ang Pahayag ni Pedro Tungkol kay Jesus

13 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, "Ano ang sinasabi ng mga tao patungkol sa Anak ng Tao?" 14 At sumagot sila, "Ang sabi po ng ilan kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta." 15 Tinanong ulit sila ni Jesus, "Ngunit para sa inyo, sino ako?" 16 Sumagot si Simon Pedro, "Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay." 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit."



MAGNILAY:

Ang sinumang maluklok sa kapangyarihan ay dapat maging kasangkapan ng pagkakaisa ng lahat ng ipinagkatiwala sa kanyang pamamahala. Ang pagkakaisa ang sukatan ng tagumpay ng isang nasa kapangyarihan.



Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro. Ang luklukan o upuan ay matagal nang simbolo ng kapangyarihan. Ang umupo at mangaral ay kilos na nagpapahiwatig ng awtoridad. Ang luklukan ni Apostol San Pedro ay sumisimbolo sa natatanging tungkulin na iniatas sa kanya upang pangalagaan, pamahalaan at gabayan ang Simbahan na Kawan ng Panginoon. Sa kasaysayan ng Simbahan noon pa man ay kinikilala rin ang papel ni San Pedro bilang ministro ng pagkakaisa at pagkakabuklod. Ang tungkuling ito ay ipinapasa sa kasalukuyang panahon sa Obispo ng Roma, ang Santo Papa, na siyang tumatayong ministro ng pagkakabuklod ng lahat ng Simbahan sa buong mundo. Laganap ang Simbahan. Pinasok nito ang iba't-ibang lahi, bansa at kultura. Iba't-ibang mga komunidad nguni't may pagkakaisa sa pananampalataya at pag-ibig. Ang Santo Papa na nagmana ng tungkulin ni San Pedro ay tagapangalaga at tagapagtanggol ng pagkakaisang ito ng Simbahan. Bilang tagapagturo, tagapamahala at tagapangalaga siya ay instrumento ng pagkakisa at pagkakabuklod.



Nguni't sadyang ganito ang bawa't kapangyarihan o awtoridad sa ipinagkakatiwala sa sinuman. Ang silbi ang kapangyarihan ay hindi para maghahari-harian ang pinagkatiwalaan nito at pagsilbihan ang kaniyang kapritso at bisyo sa buhay. Hindi siya binigyan ng awtoridad para pagwatak-watakin ang kawan. Dapat niyang maging misyon ang tipunin ang lahat pati na ang mga taong kontra sa kanila, hindi naniniwala sa kanila at walang tiwala sa kanila. Hindi trabaho ng nasa kapangyarihan ang magtaboy lalo na ng mga ayaw sa kanya. Ang tunay na awtoridad ay gumagawa ng paraan para papaniwalain ang lahat sa magandang prinsipyong kanyang isinusulong. Huhulihin niya ang tiwala ng mga taong hindi nagtitiwala sa kanya sa pamamagitan ng pagpapatunay ng kanyang wagas na intensyong maglingkod. Sa ganito niya tinitipon ang lahat at binibigyang motibasyon na magtulungan.



Minsan, may mga taong nasa kapanyarihan na insecure. Yung mga kontra sa kanya ay basta na lang itataboy. Didikit lag siya sa mga alipores niya o sipsip sa kanya o yung hindi kontra sa kanya. Ang tunay na awtoridad ay nagtitipon hindi nagkakalat. Habang may nakikita siyang pagkakabaha-bahagi sa kawan ay lalo siyang nag-iisip kung papaano pagtitipunin ang mga nagkakahiwa-hiwalay.



Ang lakas ng Simbahan ay nasa kanyang pagkakaisa. Habang may bahid ng pagkakabaha-bahagi ang Simbahan ay mas lalo itong humihina sa kanyang kapangyarihang maging instrumento ng kaligtasan. Misyon ng bawa't Kristiyano ang maghasik ng binhi ng pagkakaisa at pagtutulungan katulong ang mga nasa awtoridad ng Simbahan na pinagkatiwalaan ng Diyos na pastulan ang kanyang kawan.



MANALANGIN:

Panginoon, tulkungan mo akong huwag maghing sanhi ng pagkakahati-hati sa aking komunidad na kinabibilangan. Maging kasangkapan nawa ako upang magkaisa ang lahat at magtulungan. Gabayan mo ang mga nasa awtoridad lalo na ang Santo Papa upang sila ay maging epektibong tagahasik ng binhi ng pagkakaisa.

Sunday, February 20, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (02-21-11)

MARCOS 9: 14-29

Pinagaling ang Batang Sinasapian ng Masamang Espiritu

14 Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila. 15 Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong upang batiin si Jesus. 16 Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, "Ano ang inyong pinagtatalunan?"

17 Sumagot ang isa mula sa karamihan, "Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya'y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita. 18 Tuwing siya'y sinasapian nito, siya'y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya'y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas."

19 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!"

20 Dinala nga nila ang bata sa kanya. Nang si Jesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata. Ang bata'y natumba sa lupa at gumulung-gulong na bumubula ang bibig. 21 "Kailan pa siya nagkaganyan?" tanong ni Jesus sa ama.

"Simula pa po noong bata siya!" tugon niya. 22 "Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo."

23 "Kung may magagawa ako?" tanong ni Jesus. "Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya."

24 Agad namang sumagot ang ama ng bata, "Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya."

25 Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, "Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!"

26 Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya't sinabi ng marami, "Patay na siya!" 27 Ngunit ang bata'y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito'y tumayo.

28 Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, "Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?"

29 Sumagot si Jesus, "Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin."



MAGNILAY:

Ang pananampalataya at gawa ay dalawang magkakabit o magkakambal na dimensyon ng relasyon natin sa Diyos. Magkakaroon ng malaking problema kapag inihiwalay ang isa sa isa o pinabayaan ang isa para paboran ang isa. Hindi puwedeng paghiwalayin ang pananampalataya at gawa.



Una, ang pananampalatayang walang gawa ay patay. Walang katuturan ang pagsampalataya na hindi nauuwi sa gawa. Nagiging isang uri ito ng pagtakas sa mga alalahanin at realidad ng buhay. Pinapasa-Diyos ang lahat at maghihintay na lang ng himala. Ang dasal sa ganitong pananaw ay nagiging parang droga na gagamitin mo para makalimot, makatakas, at makalipad sa mundo ng ilusyon. Sa totoo lang, hindi ito pananampalataya dahil ang tunay pananampalataya ay pagsasagawa. Walang pananampalataya kung walang pagsasagawa. Oo, ang pananampalataya ay paniniwala at pagtitiwala sa Diyos pero dapat dumaloy ang paniniwala at pagtitiwalang ito sa pagsasagawa at pakikiisa sa gawaing pagliligtas at pagpapanibago ng Diyos.



Ikalawa, ang gawa naman na walang pananampalataya ay inutil. Ang gawa na walang kombiksyon ay walang saysay. Wala itong lakas at kapangyarihang magpanibago. Isa itong pag-aaksaya ng lakas, talino at kakayanan. Abala ka pero hindi mo alam kung bakit at para saan. May mga proyekto ka sa buhay pero walang direksyon at patutunguhan. Kumikilos ka pero walang motibasyon. Hindi napipiga ng husto ang iyong kakayanan dahil wala namang dahilan. Ang pananampalataya ang kaluluwa ng bawa't gawa at pagkilos natin. Ito ang nagbibigay ng sigla sa bawa't nating pinagkakaabalahan. Ito ang apoy na nagbibigay init sa lahat nating pagkilos. Ito ang nagbubunsod sa ating mangarap ng mataas at abutin ito. Ito ang umaakay sa atin sa kalubusan ng buhay na sa Diyos matatagpuan. Ito ang magbibigay ng kapangyarihan sa ating baguhin ang mundo.



Pananampalataya at gawa. Huwag nating paghiwalayin. Lagi silang magkasama. Habang sinisikap nating pagsanibin ang pananampalataya at gawa may pag-asa tayo sa isang maliwanag at matiwasay na bukas.



MANALANGIN:

Panginoon, dagdagan mo pa ang aking pananampalataya. Sa kabila ng maraming kabiguan sa buhay, magiging matatag ang aking paniniwala at pagtitiwala na may magagawa ako para panibaguhin ang mundo sa tulong ng kapwa at higit sa lahat sa tulong ng iyong biyaya't pagmamahal.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (02-20-11)

MATEO 5: 38-48

Katuruan Laban sa Paghihiganti

38 "Narinig ninyong sinabi, 'Mata sa mata at ngipin sa ngipin.' 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong paghihigantihan ang masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. 40 Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit panloob, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong damit na pangbalabal. 41 Kung pilitin ka ng manlulupig na pasanin ang kanyang dala ng isang milya, pasanin mo iyon ng dalawang milya. 42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo."

Pagmamahal sa Kaaway

43 "Narinig ninyong sinabi, 'Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.' 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.

46 "Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit."



MAGNILAY:

Sinong maysabi na hindi mapaghiganti ang Diyos? Mapaghiganti ang Diyos. Gusto niyang balikan ang kanyang mga kaaway. Gusto rin niyang maghiganti tayo. Balikan din natin ang ating mga kaaway. Sikapin natin na masusugpo natin ang kahuli-hulihang kaaway natin.



Yun nga lang, iba ang sandata ang Diyos. Iba ang kanyang armas. Kung ang labanan ay espadahan, ang espada niya ay espada ng pag-ibig na hindi kumikilala ng hangganan at limitasyon. Naniniwala ang Diyos na ang tanging paraan para matalo at tuluyang masugpo ang kaaway ay sa pamamagitan ng sandata ng dakilang pag-ibig na ito. Walang ibang paraan.



Ang aral ni Hesus sa Ebanghelyo natin ay itigil ang paghihiganti na ang sandata ay pagkamuhi. Kung tatapatan ng masama ang ginawang masama sa iyo, hindi titigil ang tanikala ng kasamaan. Manganganak ng lalo pang maraming masama kapag naghiganti tayo ng masama.



Ang unang natatalo natin ay ang mismong kasamaan at kasalanan. Ang lunas sa masama ay mabuti. Kapag nagawa nating magsukli ng mabuti sa masama, mauunawaan natin na posible pala talagang maging mabuti. kaya pala nating gumawa ng mabuti. At ang mabuti ay gumugunaw sa kapangyarihan ng masama sa puso.



Ikalawa, nasusugpo natin ang kaaway dahil magiging kaibigan na siya. Kapag nagsukli ka ng mabuti sa nakagawa sa iyo ng masama malaki ang posibilidad ng paglambot ng kanyang puso at tuluyang pagbabago. Hindi makukuhang suklian ng masama ang isang kabutihang ginawa mo sa kapwa. Nagbubunga ng pag-ibig ang pag-ibig.



Ikatlo, sa desisyon nating tapatan ng mabuti ang masama at mahalin ang kaaway, nakakaranas tayo ng ibayong kalayaan sa kalooban. Natatalo natin ang sarili nating natatakam sas paghihiganti. Lumalaya ang ating isip, ang ting damdamin, at ang buo nating pagkatao. Sa mapagpakumbabang pagsukli ng mabuti sa masama, nagkakaroon ng lugar ang Diyos sa puso natin. Hindi na tayo nauutusan ng galit para maghiganti. Tayo na ang nag-uutos sa galit na umalis na sa puso natin.



Sa huli, ang mahalin ang kaaway ay magmahal tulad ng pagmamahal ng Diyos. Ito'y pinakamataas na lebel ng pagmamahal. Hindi man maarok minsan ng isiup at lohika ng tao, pero ang magmahal ng tulad ng pagmamahal ng Diyos ang tunay at wala ng iba pang tunay na karanasan ng kung paano talaga magmahal. Hindi pag-ibig hangga't hindi ito pag-ibig na hindi kumukilala ng hangganan at limitasyon.



MANALANGIN:

Panginoon, tukungan mo ako ngayon na ipagdasal ang aking mga kaaway. At sa mga susunod na mga araw, tulungan mo akong maghanap ng pagkakataon na paghigantihan sila gamit ang armas ng pag-ibig.

Tuesday, February 15, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (02-16-11)

MARCOS 8:22-26

Pinagaling ang Isang Lalaking Bulag

22 Pagdating nila sa Bethsaida, dinala ng ilang tao kay Jesus ang isang bulag at pinakiusapan nilang hipuin niya ang taong ito. 23 Inakay niya ang bulag at dinala ito sa labas ng bayan. Matapos duraan at takpan ang mga mata nito ng kanyang kamay, tinanong ni Jesus, "May nakikita ka ba?"

24 Tumingin ang lalaki at sumagot, "Nakakakita po ako ng mga tao na parang punongkahoy na naglalakad."

25 Muling inilagay ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag. Sa pagkakataong ito, tuminging mabuti ang bulag. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. 26 Sinabi sa kanya ni Jesus, "Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan."



MAGNILAY:

Sanay na tayo sa mabilis. Lahat ng bagay gusto nating makuha ng mabilisan. Mas matimbang na sa atin ngayon ang bilis kaysa kalidad. Minsan, kahit mababa ang kalidad, ayos na basta't mabilis. Nakakainis maghintay. Nakakabagot ang magtiyaga. Nakakainip ang magpunyagi.



Nakakatawag-pansin ang unti-unting pagpapagaling ni Hesus sa bulag. Una na niyang ginawan ng seremonya ng pagpapagaling ang bulag pero bahagya lang itong nakakita. Inulit ni Hesus ang seremonya at saka lamang ito nakakita ng lubusan. Puwede naman sigurong biglaan na lang. Kaya naman niya sigurong gawin ito ng isang seremonya lamang. Wala naman sigurong problema kung agad-agad magaling na siya. Pero siguro may karunungan sa likod ng dahan-dahan niyang pagpapagaling. Sa parte ng bulag, isa itong pagsubok ng kanyang pananampalataya. Paraan ito para ipakita kung hanggan saan ang kanyang patitiwala. Isang daan din ito para ipaunawa sa kanya na mahalaga ang kanyang pagpupunyagi bilang ambag upang ganapin ng Panginoon ang himalang ito. Walang himala na naganap ng walang partisipasyon at kolaborasyon natin. Hindi magic ang himala para pamanghain lang tayo. Kilos ito ng Diyos para tawagin tayo sa pagkaalagad.



Ang kuwentong ito ay puwede natin i-apply sa ating pagpapakabanal. Walang kabanalan na mabilisan, agad-agad, na isang upuan lamang. Dahan-dahan ang pagkakamit nito. Tuluy-tuloy na kolaborasyon sa grasya ng Diyos ang hinihingi nito. Tiyaga at pagpupunyagi ang kailangan upang magkamit tayo nito. Tulad ng relasyon sa kapwa, pinapalalim din ng panahon ang relasyon natin sa Diyos. Kaya nga ang pagdarasal ay istilo ng buhay. Araw-araw tayong nagbababad kasama ang Panginoon. Sa ganitong paraan ay nakikilala natin siya, nakakapalagayang-loob, at napapadali ang pagsunod natin sa kanyang kalooban. Ang kabanalan ay sanayan o habit. Para masanay tayo sa mga gawaing kabanalan, dapat natin itong gawin lagi-lagi ng may tiyaga at punyagi hanggang matutunan natin, hanggang maisaloob natin, hanggang maging sistema na natin, hanggang kasanayan na natin.



Hindi natin puwedeng i-apply ang sistema ng mundo na mabilisan sa larangan ng pagpapakabanal. Siguradong bababa o lalabnaw o tatabang ang kalidad nito. Ang kabanalang nakamit ng mabilisan ay mabilis din ang paglaho. Konting pagsubok, susuko ito. Pag usaping seryosohan, aatras ito. Ang tunay na kabanalan ay pinagtityagaan, pinagpupunyagian, pinaghihirapang kamtin ng dahan-dahan at unti-unting hakbang hanggang marating ang kalubusan nito.



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong madiskubre uli ang ganda ng paghihintay at pagtitiyaga upang makamtan ang aming hinahangad na mabuti at banal sa buhay na ito. Huwag sana naming isakripisyo ang kalidad para lamang mapabilis ang proseso. Unti-unti ay akayin mo kami sa matamis na pakikipag-isa sa iyong kabanalan.