Thursday, November 4, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-04-10)

MAGANDANG BALITA NGAYON - HUWEBES NG IKA-31 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Nob. 04)
by Rey An Yatco on Thursday, November 4, 2010 at 4:19pm

LUKAS 15: 1-10

Ang Nawala at Natagpuang Tupa

1 Isang araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. 2 Nagbulung-bulungan naman ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, "Ang taong ito'y nakikisama sa mga makasalanan at nakikisalo sa mga ito." 3 Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito.

4 "Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? 5 Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. 6 Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!' 7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi."

Ang Nawala at Natagpuang Salaping Pilak

8 "O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? 9 Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!' 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan."



MAGNILAY:

Hinahanap mo ang isang nawawala kapag mahalaga ito sa iyo. Maraming bagay ang iniingatan natin. Minsan sa sobrang halaga talagang itinatago pa natin ito na nakandado. At habang mas mahalaga ito, mas lalo ang pagtatago natin. Kaya naman kapag nawala, parang pinagsakluban tayo ng mundo. Hindi natin alam at hindi magkandaugaga sa paghanap kasi nga mahalaga.



Ganito natin puwedeng ilarawan ang paghahanap ng Diyos sa mga nawawala sa kanyang landas. Hindi puwedeng hindi niya hanapin. Pinakamahalaga tayo sa Diyos. Hindi siya papayag na walang gawing paraan. Tulad ng pastol sa kanyang tupa, hahanapin niya ito kahit saanmang sulok ng kabundukan at kagubatan. O kagaya ng babae na talagang wawalisin ang buong bahay makita lang ang salaping pilak na pinahahalagan niya ng labis.



Ang mga nagrereklamo bakit nakikihalubilo si Hesus sa mga makasalanan ay mga taong walang pakialam, walang pagpapahalaga at walang pakundangan sa kapwa. Kesihodang mawala sila at mapahamak. Wala silang pakialam. Hindi ganoon ang Panginoon. Kahit siya ang nasaktan dahil sa kanilang kasalanan siya pa rin ang umuunawa at gumagawa ng paraan na makabalik sila. Minsan nawawalan din tayo ng pagpapahalaga sa kapwa natin kaya ano ba ang pakialam natin kung mapariwara ang mga makasalanang iyan?! Kung puwede nga itaboy silang lahat ng mawalan ng problema ang lipunan. Mawala at magwala silang lahat wala akong paki!



Buti na lang hindi tao ang Diyos. Iba ang kanyang pananaw. Iba ang kanyang pilosopiya. Bukal siya ng awa at wala siyang pakialam kahit siya ang gumawa ng inisyatibo mahanap lang niya tayo at maibalik sa kanyang kawan!



MANALANGIN:

Panginoon, hanapin mo ako kapag ako ay naligaw. Gayundin, kapag alam kong ako'y nawawala, gumawa rin ako ng paraan para matagpuan mong muli at maibalik sa iyong pamamatnubay.

No comments:

Post a Comment