Monday, November 29, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-30-10)

MATEO 4: 18-22

Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda

18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao." 20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.

21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.


MAGNILAY:

Kapag tinawag ka ng Panginoon, sa isang banda, kailangan mong iwan ang iyong dating gawain. Pero sa kabilang banda naman, gagawin mo pa rin ang dati mong ginagawa nguni't sa isang panibagong dahilan at layunin. Hindi ka na magiging yung dati pero hindi pa rin naman talaga mawawala yung dati. Ipipihit lang sa isang bagong direksyon, bagong pananaw, bagong patutunguhan.



Ang mga unang tinawag ni Hesus upang maging mga alagad at apostol ay pangingisda ang hanap-buhay. Isa rito si San Andres kasama ang kapatid na si San Pedro. Mga mangingisda dati pero nang tawagin ng Panginoon ay iniwan ang dating gawain upang sumunod sa Panginoon. Pero hindi talaga pag-abandona ng buo sa dating gawain. Kung noon ay mangingisda sila sa dagat, ngayon ay magiging mangingisda sila ng mga tao. Mamamalakaya sila ng mga tao. Ang galing nilang mangisda ay gagamitin para makabingwit ng mga tao para sa Panginoon. Ang talento nilang manghuli ang magiging instrumento nila para hulihin ang mga tao sa kapahamakan at ilagay sa landas ng kaligtasan.



Maraming katangian ang mga mangingisda na bagay sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos. Una, ang mangingisda ay dapat may kakayanan. Hindi puwedeng mangisda na lamang ng hindi nagsikap na matutong mangisda. May masusing sistema ito. Pinag-iisipan at dinidiskartehan ito. Hindi ito basta-basta o bara-bara. Gayundin, sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos, kailangang hinubog siya ng Panginoon. Pinili ni Hesus ang mga apostol dahil puwede at handa silang hubugin at turuan. Walang yabang sa katawan. Hindi pasiklab na akala mo alam na ang lahat ng bagay. Hindi nagmamagaling. Alam nilang bago sila isabak sa laot, kailangan nilang matuto muna. Ikalawang katangian ay tiyaga. Hindi biro ang mangisda sa laot. Hindi ibig sabihin na kapag inihulog mo ang lambat ay may huli agad. Titiyagain mong maghintay, maghanap ng tamang lugar, mag-abang ng maraming huli. Kapag nakahuli, titiyagain ang paghihiwalay sa makakain at hindi makakain na huli. Parang sa kaharian ng Panginoon na lahat ay aanyayahan. Walang hindi kasali. Mabuti o masama puwede sa kaharian. Yung mabubuti, titiyagain mong hubugin pa para lumalim at maging mas mainam. Yung masasama, titiyagain mong hubugin para magbago at putulin ang sungay. Sa huli, depende kung ano ang tugon ng bawa't-isa, ihihiwalay ang talagang tumutugon sa hindi tumutugon. At sa hindi tumutugon, titiyagain mo talaga na ibigay ang kahuli-hulihang pagkakataon na magbago bago siya hatulan. Ikatlong, katangian ng mga mangingisda ay tapang at sipag. Ibayong tapang ang kailangan para pumalaot ng magdamagan o ilang araw pa nga. Minsan, masungit ang panahon. Marami ring lamang dagat na mapanganib. kung wala kang tapang, hindi ka tatagal sa pangingisda. Sa gawin sa kaharian ng Diyos, ganoong tapang ang kailangan. Maraming sasalungat sa gawain ng Panginoon. Maraming kokontra. Marami ring pagsubok at bagyong haharapin. Tapang na may kasamang sipag ay importanteng sangkap para magampanan ang gawain sa kaharian.



Kapag tinawag tayo ng Panginoon, gagamitin niya kung ano ang galing natin ngayon. Kung ginagamit natin ang galing natin ngayon para sa pansariling layunin, kapag tinawag tayo ng Panginoon, gagawin mo pa rin ang magandang ginagawa mo noon pero para sa kanya na at sa ikalalaganap ng kanyang kaharian. Kung manginguisda ka noon, mangingisda ka pa rin pero ng mga tao. Kung doktor ka noon, doktor ka pa rin ngayon hindi lang ng katawan kundi pati ng kaluluwa. Kung tagapagturo ka doon at tagahubog, magtuturo at huhubog ka pa rin ngayon pero ituturo mo ang aral ng Panginoon at huhubugin ang iba ayon sa imahe niya. Kung abogado ka noon, abogado ka pa rin ngayon at ipagtatanggol mo ang mga api at dukha at mga nauuhaw sa kataryngan ng Diyos. At marami pang ibang gawain na lahat ay may lugar sa kaharian ng Panginoon.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong linangin ang aking personal na kakayanan na sa iyo rin nagmula. Turuan mo ako na ilaan ko ang mga kakayanang ito sa pagpapalaganap ng iyong kaharian.

Sunday, November 28, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-29-10)

MATEO 8:5-11

Ang Pagpapagaling sa Katulong ng Kapitang Romano

5 Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang opisyal ng hukbong Romano at nakiusap, 6 "Ginoo, ang katulong ko po ay naparalisado. Siya po'y nakaratay sa bahay at lubhang nahihirapan." 7 Sinabi ni Jesus, "Pupuntahan ko siya at pagagalingin." 8 Ngunit sumagot sa kanya ang opisyal, "Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong. 9 Ako'y nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno at may nasasakupan ding mga kawal. Kapag inutusan ko ang isa, 'Pumunta ka roon!' siya'y pumupunta; at ang isa naman, 'Halika!' siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko sa aking alipin, 'Gawin mo ito!' ginagawa nga niya iyon." 10 Namangha si Jesus nang marinig ito at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, "Tandaan ninyo: hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya sa buong Israel. 11 Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit.



MAGNILAY:

Ang kaharian ng Diyos sa isip ng mga Hudyo noon ay isang malaking piging, kainan, salu-salo. Pero hinding-hindi inisip ng mga Hudyo na makakasama pala nila doon ang mga Hentil, ang mga banyaga, ang mga pagano. Imbitado rin pala sila. Kasama pala sila sa hapag ng Panginoon.



Ito ang pinakikita sa Ebanghelyo natin ngayon. Ang Hentil na Romanong opisyal ay naging kalugud-lugod sa Panginoon at nakinabang ng kanyang biyaya at pabor. Nilinaw ni Hesus na ang maging kasapi ng kaharian ng Diyos ay hindi pribilehiyo ng kakaunti. Hindi ito reserbado sa iilan. Ito ay para sa lahat, kahit ang mga itinakwil at mga Hentil. Imbitado ang lahat sa piging ng Panginoon. Ang mahalaga ay meron kang pananampalataya. Ito ang kailangan at hindi iyong dapat Hudyo o kung ano pa mang lahi o grupo. Kung may pananampalataya tayo na tulad ng sa opisyal na Romano mapapabilang tayo sa kaharian ng Diyos.



Ang pagliligtas ng Diyos sa lahat ang siyang diwa ng Adbiyento. Ang paghihintay natin sa kanya ay pananabik sa kanyang pagliligtas na tutuparin niya sa lahat ng may pananampalataya. Kaya't magbago rin tayo ng pananaw. Sa paghahangad ng kaligtasan, hindi sana tayo nakasentro lang sa sarili o maliit nating grupo. Pag naghangad tayo ng kaligtasan dapat panglahatan. Kaya't buwagin natin ang mga pader na itinayo natin para magkahiwa-hiwalay tayo. Gibain natin ang mga istruktura ng pagkakanya-kanya, diskriminasyon, pag-iitsapuwera, at lahat ng uri pagtataboy sa kapwa. Ang Adbiyento ay pakikipagkasundo, paghilom ng sugat ng paghihiwalay, pagtatayo ng tulay para maabot ang iba, pag-alay ng kamay sa mga taong hindi mo pa nadadamayan kailanman. Ang Adbiyento ay panahon ng pag-iipon, hindi pagkalat, para magkasama-sama lahat sa piging ng ating Panginoon.



MANALANGIN:

Panginoon, ngayong Adbiyento tulungan mo akong makipagkasundo ang aking mga kaaway, kagalit at kasamaan ng loob. Tulungan mo rin akong umabot sa mga nilalait ko, minamata, tinataboy kasi pakiramdam ko mas espesyal ako. Turuan mo akong mag-isip na pangkalahatan dahil sa totoo lang kaming lahat ay iisang pamilya mo.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-28-10)

MATEO 24: 37–44

37 Ang pagdating ng Anak ng Tao ay tulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao'y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa pumasok si Noe sa barko. 39 Hindi nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 41 May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 42 Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. 43 Tandaan ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya'y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. 44 Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman."



MAGNILAY:

Maghintay! Umasa! Maghintay at umasa ng may kagalakan!



Ito ang buong diwa ng panahon ng adbiyento. Inaanyayahan tayo at tinuturuan ng maghintay at umasa sa Diyos na nagbibigay ng kaligtasan. Ang paghihintay na ito ay hindi paghihintay sa wala at hindi rin pag-asa sa wala. Naghihintay tayo at umaasa sa isang tiyak na katuparan ng pangakong kaligtasan mula sa Diyos. Paghihintay ito sa isang siguradong darating. Pag-asa ito sa isang tiyak na tutupad sa kanyang pangako. Sinabi ng Diyos at umaasa tayo sa kanyang salita. Pinangako niya at nagtitiwala tayo na tutuparin niya ang kanyang pangako. Kaya't ang adbiyento ay hindi malungkot na paghihintay. Hindi ito paghihintay na walang katiyakan. Hindi ito paghihintay na kakaba-kaba kung darating nga siya. Paghihitay ito na may kalagakan at katiyakan, paghihintay na may pananabik, paghihintay na may malaking pag-asa.



Upang turuan tayong maghintay at umasa, binabalikan natin ang unang paghihintay ng Israel sa kanyang Tagapaligtas. Sa ating liturhiya, sinasariwa natin kung paano naghintay ang bayan ng Diyos sa pagdating ng Mesiyas sa gitna ng kanilang kapighatian, pagkaligaw ng landas at nga kadiliman. Ang bayang Israel ay dumaan sa matinding paghahanda sa kanilang paghihintay sa Mesiyas. Umaalingawngaw ang tinig ng mga propeta na nagsusumamo sa kanilang magbago, talikdan ang kasalanan at sundan ang landasin ng Panginoon. Ang adbiyento ay panahon din ng pagbabalik-loob at pagpapanibago ng sarili. Matinding espiritwal na paghahanda ang ginagawa natin. Apat na linggo ng adbiyento at kasama pa ang tradisyon natin ng Simbang Gabi ang paghahanda natin. Sa pagsapit ng Pasko, inaalaala natin ang pagtupad ng Diyos sa kanyang pangako na isusugo ang Mesiyas na Tagapaligtas.



Ang pagturo sa ating maghintay sa pamamagitan ng paggunita sa nakaraan ay dahil sa may ikalawang pagdating pa ang Panginoon sa wakas ng panahon. Binabalikan natin ang unang pagdating upang matuto tayo para makapaghanda sa ikalawang pagdating sa araw ng Paghuhukom. Ito ang pinaka-hinihintay at pinaghahandaan natin. Ito ang araw ng kaganapan ng kaharian ng Diyos. Kaya mula sa pagtanaw sa nakaraan, tumatanaw naman tayo sa hinarap. Kung paanong naging matindi ang panawagang magbago at tumalikod sa kasalanan noong unang pagdating ni Kristo, mas matindi ang panawagan sa kanyang muling pagbabalik.



Gayunpaman, hindi rin natin kinakaligtaan na ang Pnaginoon ay dumarating din sa atin sa araw-araw nating buhay at sitwasyon. Ang hangad nating matutong maghintay ay para rin sa kasalukuyan. Dumarating ang Panginoon sa atin araw-araw sa iba't-ibang paraan minsan lang nalilingat tayo at hindi namamalayan kasi hindi tayo handa at hindi tayo nag-aabang. Dumaraan siya. Dumadating siya. May dalang kaloob ng kaligtasan pero hindi natin napansin at pinansin. Madalas, malungkot, madilim at walang kulay ang buhay kasi bulag tayo sa presensya at pagmamahal ng Diyos araw-araw. Layunin din ng adbiyento ang gisingin ang kaluluwa nating may kapasidad na makiisa sa Diyos. Akala natin walang Diyos pero sa totoo hindi lang tayo nasanay na pakiramdaman siya. Unang paraan para maramdaman siya ay sa pamamagitan ng palagiang pagdarasal ng taimtim, personal at may paglalaan talaga ng oras. Minsan hindi lang tayo nakapokus. Minsan hindi lang tayo naka-configure. Minsan hindi lang tayo naka-programa para makatuon sa Panginoon.



Maghintay! Umasa! Maghintay at umasa ng may kagalakan!



MANALANGIN:

Panginoon, ikaw ay tiyak na darating. Turuan mo akong maghintay at mag-abang ng may pananabik, pag-asa at kagalakan.

Friday, November 26, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-27-10)

LUKAS 21: 34-36

Mag-ingat Kayo

34 "Ang katakawan, paglalasing at kabalisahan sa buhay na ito ay alisin ninyo sa inyong isip. Mag-ingat kayo at baka bigla kayong abutan ng Araw na iyon 35 na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito, at makaharap kayo sa Anak ng Tao."



MAGNILAY:

Nasubukan moi na bang makainom o malasing? Maraming naglalasing para makalimot sa kasalukuyang problema, dinadala sa buhay, kalungkutan ng pagkabigo o pagod sa gawain. Ang pag-inom ay nagdudulot ng pansamantalang aliw, ginhawa, kalayaan, seguridad at lakas ng loob. Parang iyo ang mundo, parang kontrolado mo ang sitwasyon, parang ang tapang-tapang mo - pero lahat ng ito ay parang lamang. Pansamanatala at hindi totoo. Hangga't may alak lamang. May isang kinakatakutan ang lasing o nakainom - ang maubos ang alak kung saan siya nakadepende. Ang nakainom hangga't maaari ay ayaw tumigil sa pag-inom. Kahit kandasuka, hangga't hindi tumutumba, tatagay at tatagay, lalaklak ng lalaklak.



Ganito ang malasing sa isang bagay. Bibigyan ka ng huwad na seguridad. Lasing sa pera, lasing sa tagumpay, lasing sa kagandahan, lasing sa kasikatan - lasing sa mundo. Animo'y malaya pero alipin. Animo'y matapang pero duwag. Animo'y masaya pero kabado. Animo'y matatag pero lampa. Hangga't nakadepende ka sa ibinibigay ng mundo at dito mo hinuhugot ang saysay ng sarili at buhay mo, pansamantala at huwad ang katatagan mo. Kapag nawala ang lahat ng ito, guguho ang napakataas na tore ng Babel na ipinundar mo. Walang ibang panggagalingan ng tunay na katatagan maliban sa matuklasan mong ikaw ay anak ng Diyos. Hangga't hindi ka namumuhay bilang kanyang anak, ang lahat sa iyo ay huwad. Ang lahat sa iyo ay pansamanatala.



Ang dapat sa lasing ay maligo, uminom ng kape at alisin ang pagkalasing. Pag hindi na siya lasing, nasa tunay na siyang katinuan. Wala na siya sa mundo ng pagkukunwari. Puwede na siyang humarap sa buhay sa kung sino at ano siya. Kapag ikaw ay totoo sa sarili mo at ikaw ay namumuhay sa katotohanan, makikita mo ang DIYOS na siyang tunay na kaligayahan at katatagan.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong mawala sa aking kalasingan. Turuan mo akong tumayo sa sarili kong mga paa sa pagharap sa buhay. Matuklasan ko nawa na ikaw ang tunay na makapagbibigay sa akin ng tunay na kaligayahan, katatatagan at kalayaan.

Thursday, November 25, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-26-10)

LUKAS 21: 29-33

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos

29 At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinhaga, "Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 31 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. 32 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang lahat ng taong nabubuhay sa salinlahing ito. 33 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman."



MAGNILAY:

May kaibahan ang obserbasyon sa persepsyon. Ang obserbasyon ay patungkol sa nakikita, naririnig, nahihipo, naaamoy, at nalalasahan. Ang persepsyon ay sa interpretasyon ng naoobserbahan. Ang obserbasyon ay panlabas na kilos. Ang persepsyon ay sa kalooban ng tao nagaganap - sa kanyang isip at puso.



Ito ang tinutukoy ni Hesus sa Ebanghelyo - ang persepsyon. Nais niya na matuto tayong interpretahin ang mga bagay-bagay na nangyayari sa paligid dahil nagsasalita ang Diyos sa mga ito. Nais niya na matutunan nating basahin ang kanyang mga babala sa kapaligiran. Huwag lang tayong tumingin, o makinig, o makiramdam. Matuto rin tayong bumasa sa ating nakikita, umunawa sa ating naririnig, at umintindi sa ating nararamdaman.



Tinutukoy ni Hesus ang wakas ng panahon na magaganap sa kanyang muling pagbabalik. Nais niya na maramdaman natin ang pangangailangang maging handa sa pagdating nito. Walang ibang paraan ng paghahanda maliban sa pagtupad ng kanyang kalooban. Kaya sana ay malaman din natin kung natutupad nga o hindi ang kanyang kalooban sa nangyayari sa paligid natin.



Kapag nakakakita tayo ng karukhaan, maunawaan nawa natin na hindi ito ang kalooban ng Diyos. Kapag ang pandaraya ay nagiging normal na patakaran na ng araw-araw nating buhay, hindi ito ang nais ng Diyos. Kapag nagkokompetensya na tayo hangga't wasakin natin ang dangal at kinabukasan ng iba, hindi ito ang plano ng Diyos. Kapag nalululong na tayo sa kamunduhan at materyalismo, maging babala ito na papalayo ng papalayo na tayo sa disensyo ng Diyos para sa atin. Bago mahuli ang lahat, kumilos na tayo. May wakas ang lahat. May hangganan ang lahat. Bago dumating ang oras na iyon, magawa na natin ang dapat na gampanang pagbabago.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong hasain ang aking persepsyon sa mga nangyayari sa aking paligid. Martuto nawa akong bumasa sa kilos mo sa mga nangyayari sa kapaligiran. Makatulong nawa ako upang maging handa ang lahat sa iyong hatol. Sa wakas ng panahon,lahat nawa kami ay makasama sa iyong kaharian.

Wednesday, November 24, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-25-10)

LUKAS 21: 20-28

Ang Darating na Pagkawasak ng Jerusalem

20 "Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. 21 Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. 22 Sapagkat iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito bilang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito. 24 Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila."

Mga Tanda ng Pagbabalik ng Anak ng Tao

25 "Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. 26 Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit. 27 Sa panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan. 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang inyong katubusan."



MAGNILAY:

Ang muling pagbabalik ni Hesus ay parehong maganda at masamang balita depende sa kalagayan mo ngayon.



Magandang balita ito sa lahat ng nagsisikap isabuhay ang pananampalataya. Taliwas sa nakagawiang reaksyon kapag pinag-uusapan ang wakas ng panahon, ang muling pagbabalik ng Panginoon ay araw ng pagtubos at paggawad ng gantimpala sa mga naging karapat-dapat sa kaharian ng Diyos. Kaya't ang abi ng Panginoon ay magalak hindi matakot. Ito'y araw ng kaligtasan. Ito ay araw ng pagwawakas sa lahat ng hirap at pagsubok. Ito ay araw ng tagumpay. Mabulaklak at simboliko ang paglalarawan ng wakas ng panahon pero isa lang ang mensahe nito sa mga tapat sa Diyos - huwag mag-alala! Bagkus, ikasiya at ikagalak ang kanyang pagdating muli. Ito ay katuparan ng ating inaasahan mula sa Diyos.



Sa kabilang banda, ito'y masamang balita sa mga nag-abuso sa kanilang kalayaang mamili ng tama at mali. masamang balita ito sa mga tumalikod sa landas na ipinakita ng Panginoon. Araw ito ng pagsusulit. Araw ito ng paghuhukom. Araw ito ng pagbabayad-puri. Araw ito na gugulatin ang mga nagtaksil sa Panginoon na araw na ng paniningil. Tapos na ang maliligayang araw nila. Matapos ibigay ang lahat ng pagkakataong manumbalik sa Diyos at tanggihan ito, araw na ngayon ng katarungan ng Diyos. Pananagutan natin bawa't ginawa natin mabuti man o masama. Araw ito ng pagsisisi pero huli na. Magsisisi ang marami hindi dahil gustong magbago kundi dahil may parusang kakaharapin. ang araw na ito ay pagwawakas sa lahat ng uri ng kasalanan.



Inaanyayahan tayo ng pagninilay natin na laging maging handa sa paghuhukom ng Diyos. Nais ng Diyos na maging responsable tayo sa lahat ng ipinagkaloob niya sa atin. Binigyan niya tayo ng pananagutan para matuto tayong magdesisyon para sa kanya. Haharap at haharap tayo sa paghuhukom ng Diyos.



Kahit dito pa lang sa lupa, nararanasan natin ang managot sa lahat ng ating ginagawa. Ang mga bunga ng ating mga desisyon ay nalalasap natin. Ang mga naging mabuti ang pagdedesisyon ay nagtatamasa ng magandang bunga. Ang mga nagdesisyon ng mali ay nagdurusa sa masamang bunga nito. Simple lang naman ang prinsipyo ng paghuhukom ng Diyos: Kung ano ang iyong tinanim ay siya mong aanihin.



Sa muling pagbabalik ng Panginoon, haharap tayo sa pinakahuling paghuhukom. Mapalad ang nagtiyagang manatili sa tama at totoo. Sa pagdating ni Hesus, taas-noo silang titingala sa kanya ng may kumpiyansa at kagalakan. Sasalubungin nila ang Panginoon at sila'y sasalubungin din niya upang ipisan sa kanyang kaharian.



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong magtiyaga at magsikap na isabuhay ang pananampalataya. Lagi nawa akong maging handa anumang oras na harapin ko ang iyong paghuhukom. Ikagalak ko nawa ang iyong pagdating sapagka't araw ito ng aking kaligtasan.

Tuesday, November 23, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-24-10)

MAGANDANG BALITA NGAYON - MIYERKULES NG IKA-34 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Nob. 24)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Wednesday, November 24, 2010 at 5:41am

LUKAS 21: 12-19

12 "Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13 Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. 14 Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15 sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 16 Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, 18 ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. 19 Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay."



MAGNILAY:

Hindi makatotohanan na ipagdasal na alisin sana ng Panginoon ang mga pagsubok sa buhay. Kakambal na ng buhay-kristiyano ang pagsubok. Hinding-hindi mawawala ito sa ating buhay. Mahalagang sangkap ito ng ating buhay. Mabibigo lang tayo kapag pilit nating ipagdadasal na alisin ito. Ang dapat na dasal natin ay malampasan natin ang mga ito. Ang dapat nating ipanalangin ay makayanan nating pasanin ang mga ito. Ang dapat nating hilingin ay lakas at tiyaga para mapagwagian ang mga ito. Sa madali't-sabi, gawin nating positibo ang pagtrato sa mga ito imbes na negatibo. Ituring natin ang mga ito na biyaya imbes na kamalasan gaano mang kahirap harapin ang mga ito. Hindi lahat ng biyaya ay sa madaling paraan natatanggap. May mga biyaya na natatamo sa pamamagitan ng pagtitiyaga at ang mga pagsubok ay isa sa mga ito. Wala tayong pagpipilian. Laging nariyan ang pagsubok. Ang tangging pagpipilian natin ay kung paano natin ito haharapin.



Tulad ng maraming kakayanan at karunungan, ang lakas at tapang natin bilang mga kristiyano ay nanggagaling sa mga karanasan natin ng pagsubok. Kahit sa unang tingin ay parang problema ang mga pagsubok pero ito ang nagtuturo sa atin ng katatagan. Ang taong dumaan sa maraming pagsubok ay nahahasa ang kakayanang lumaban sa marami pang hamon ng buhay. Kaya nga pagsubok ang tawag. Nagiging subok na tayo sa larangan ng katatagan. Isang paraan para gumaan ang mga pagsubok ay itrato ito bilang pagkakataon na matuto. Nag-aaral tayo kung paano harapin ang buhay. Kapag alam nating may matututunan tayo, magkakaroon tayo ng magandang motibasyon na harapin talaga ang mga ito sa isang positibong disposisyon. Hindi ko naman sinasabi na madali ito. Mahihirapan tayo. Masasaktan tayo. Susubukin kung hanggang saan ang makakayanan natin. Hindi ba ganito rin kapag nag-aaral tayo? Walang pagkatuto ang hindi dumaan sa butas ng karayom. Lahat ng natuto ay nahirapan, nasaktan, nagtiyaga at lumaban.



Ang mga pagsubok din ay pagkakataong sukatin ang pagtitiwala natin sa Diyos. Gaano ba talaga tayo naniniwala at nagtitiwala sa kanya. Kung sabihin niyang hindi niya tayo pababayaan, naniniwala ba talaga tayo at nagtitiwala sa kanyang salita? Ganito rin sa dalawang nagmamahalan halimbawa ng mag-asawa. Ang pundasyon ng kanilang relasyon ay tiwala. At ang tiwalang ito ay dapat subukin upang lalong lumalim at lumawak. Sa Diyos ay ganoon din. Ang tiwala ay dapat hindi sa salita lamang o isip. Dapat itong mapatunayan sa karanasan. At walang ibang paraan para mapatunayan ito, lumalim at lumawak maliban sa karanasan ng mga pasubok. Sa mga panahon ng pagsubok, tinuturuan tayong manalangin ng may totoong pagtitiwala. Dinadalisay at pinapalalim nito ang ating pananalangin. Nagiging tunay na ekspresyon ng relasyon sa Diyos ang taing panalangin at hindi na lamang patay na ritwal at obligasyon. Natututo tayong magdasal gamit ang puso. Nag-uusap ang puso sa puso, natin at ng Diyos.



Ang mga pagsubok din ay pagkakataon para makapagbigay-patotoo sa pagmamahal natin sa Diyos. Nais nating ipahayag sa buong mundo na walang anuman o sinuman ang puwedeng humadlang sa pagmamahal at paglilingkod natin sa Diyos. Walang pagsubok ang puwedeng gumiba sa pananampalataya natin sa kanya. Ito ay paraan para akitin natin ang iba sa Diyos. Anumang paninindigan na nananatiling matatag kahit maraming pagsubok ay may malakas na dating sa iba. Ang mga pagsubok ay daan para ang paninindigan natin bilang mga kristiyano ay magkaroon ng matinding hatak sa iba. Lahat ng tanong at pagdududa ay nabubura kapag nakita ng lahat na handa tayong magtiis at magpakasakit alang-alang sa paninindigan natin sa Panginoon. Meron sa Panginoon na hindi natin kayang bitiwan kahit pa magdusa tayo.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong malampasan at mapagwagian ang bawa't pagsubok na dumaraan sa aking buhay. Kahit minsan ay sobrang bigat at tindi, matuto nawa akong manatiling nagtitiwala sa iyong salita. Makayanan ko nawa ang mga tuksong bumitiw sa iyo sa mga oras ng pagdududa. Gawin mo nawang pagkakataon ang lahat ng ito para ako ay lumago, para ako ay lalong magtiwala, at para ako ay makapag-bigay patotoo sa iyong pagmamahal sa lahat.

Monday, November 22, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-23-10)

LUKAS 21: 5-11

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo

5 May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, 6 "Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato."

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating

7 Tinanong nila si Jesus, "Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?"

8 Sumagot si Jesus, "Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako ang Cristo,' at, 'Dumating na ang panahon!' Huwag kayong maniniwala sa kanila. 9 Huwag kayong mababagabag kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga rebelyon. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi darating kaagad ang wakas." 10 At sinabi pa niya, "Maglalaban-laban ang mga bansa at magdidigmaan ang mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kamangha-manghang kababalaghan buhat sa langit.



MAGNILAY:

Ngayong huling linggo ng ating taong liturhikal na nagsimula noong Linggo kung saan nagdiwang tayo ng dakilang kapistahan ng pagkahari ng Panginoong Hesukristo, nakasentro ang ating mga pagninilay sa wakas ng panahon, sa muling pagbabalik ng Panginoong Hesukristo at sa pagdating ng Kaharian ng Diyos. Laman ng ng mga pagtuturo ni Hesus ang mga tema at paksang ito. Masasabing ang Panginoon ay kapani-paniwala at may awtoridad ipangaral ang tungkol sa mga bagay na ito. Marami sa kanyang mga sinabi ay naganap noong unang henerasyon ng mga kristiyano tulad ng digmaan, pag-usig sa mga unang kristiyano at ang pagkawasak ng magarang Templo noong taong 70 AD. Lalong tumindi ang paniniwala na darating ngang muli ang Panginoon, wawakasan ang kasalukuyang paghihirap, at sisimulan ang bagong panahon ng kanyang Kaharian.



May dalawang anggulo ang dapat pagnilayan sa pagdating ng Kaharian ng Diyos - una ay ang realidad ng pagwasak at ikalawa, ang realidad ang pagtatag. Una, ang Kaharian ng Diyos ay bunga ng pagwasak ng kasalukuyang kalagayan. Sa ating karanasan, minsan kailangang wasakin ang isang bagay para bigyang-daan ang isang bagong bagay. Halimbawa, minsan kailangang sirain mo ang isang gusali o bahay para makapagtayo ka ng bago. Ang luma ay hindi na bagay sa bagong itatayo. Para mabigyang-daan ang bago kailangang tiisin ang sakit ng pagwasak sa luma na nakasanayan na natin. Ganito puwedeng ilarawan ang Kaharian ng Diyos. Pag dumating siya, aalisin ang luma nating kalagayan ng kasalanan at pagkamakasarili. Dadalisayin ang mga sangkap ng buhay natin na hindi tugma sa Kaharian ng Diyos. Kapag nilalarawan sa Bibliya ang pagdating ng Kaharian nakakatakot minsan. Kasi puro pagwasak. Pero nawawala ang takot natin kapag naiisip natin na kailangan lang ito para mabigyang-daan ang isang bagong kalagayan. Kailangan may iguho. Sa sarili lang natin maraming dapat iguho - kayabangan, katigasan ng puso, pagmamagaling, pagkamakasarili. Hinahayaan ng Diyos ang sakit ng pagwasak para bigyang-daan ang isang bagong bukas. Walang Kahariang darating kung hindi aalisin ang kasalukuyang kalagayang makasalanan. Kung inaasam natin ang Kaharian sa ating buhay, maging handa tayo sa pagguho at pagwasak na gagawin ng Panginoon.



Ikalawa, ang Kaharian ng Diyos ay bunga rin ng matiyaga nating pagtatatag nito araw-araw ng ating buhay. Ang wakas ng panahon ay ang kaganapan ng kung ano ang sinimulan nating itatag. Gagawing kompleto ng Diyos ang ipinundar natin sa buhay-kristiyano. Ito ay araw ng pag-ani sa itinanim natin. Kaya ang Kaharian ng Diyos ay hindi lang pangyayari sa hinaharap na hinihintay natin ng walang ginagawa. Araw-araw, pinagtratrabahuan natin ito at inaasahang makokompleto sa araw ng pagbabalik ng Panginoon. Para tayong nagtatayo ng isang gusali, araw-araw ipinapatong natin ang mga batong kailangan hanggang mabuo ito. Dapat tayong maging masaya sa pagdating ng araw na iyon ng muling pagbabalik ng Panginoon dahil makikita natin ang bunga ng ating pinaghirapan.



Kaya kung susumahin, ang buhay-kristiyano ay dalawang bagay: pagwasak at pagtatag. Habang nasa proseso pa tayo ng pagsasabuhay ng ating pagiging kristiyano, wasakin na natin, iguho at buwagin ang mga gusali ng kasalanan. Matapos iguho, itayo naman natin ang gusali ng kaharian ng pag-ibig. Sa dulo ng ating paglalakbay, makikita natin ang bunga at komplisyon ng ating pinaghirapan.



MANALANGIN:

Panginoon, ipakita mo sa akin ang mga bagay na dapat kong buwagin sa aking sarili. Maraming sangkap sa buhay ko ang nagdudulot sa akin ng kalungkutan at kawalang-saysay dahil mga taliwas ito sa iyong plano at kalooban. Tulungan mo akong dalisayin ang aking buhay. Matapos iguho ang mga ito, bigyan mo ako ng kakayanang magtayo ng isang bagong ako na tutugon sa iyong tawag. Akayin mo ang iyong mga lingkod na makarating sa araw ng pag-ani, sa araw ng kaganapan ng iyong Kaharian.

Sunday, November 21, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-22-10)

LUKAS 21: 1-4

Ang Handog ng Isang Biyuda

1 Pinagmamasdan ni Jesus ang mayayamang may dalang mga handog sa Templo. 2 Nakita rin niya ang isang mahirap na biyudang naghulog ng dalawang tigsisingkwenta sentimo. 3 Sinabi niya sa mga alagad, "Ang inihandog ng mahirap na biyudang iyon ay higit pa sa inihandog nilang lahat. 4 Ang inilagay nila ay bahagi lamang ng labis na sa kanila, ngunit ang kanyang ibinigay ay ang buo niyang ikabubuhay."



MAGNILAY:

Wala sa dami kundi sa kalidad. Wala sa laki kundi sa sinseridad. Ito ang simpleng mensahe ng ating Ebanghelyo ngayon tungkol sa pagbibigay. Kung ikukumpara ang ibinibigay ng mga mayayaman bilang tulong sa templo ay talaga namang sobrang laki at masasabi mo talagang baryang-barya o baka nga wala ng kuwenta yung ibinigay ng mahiarap na biyuda. Pero ang huli ang nagtamo ng paboir sa mata ng Panginoon. Wala sa dami o laki kundi sa kalidad at sinseridad ng pagbibigay.



Unang katangian ng kalidad na pagbibigay ay ang pagkukusa. Ang pagbibigay ay nagmumula sa puso. Hindi ito napipilitan. Ito'y isang maluwag na desisyon ng puso. Nanggagaling ito sa malasakit ng puso sa isang nangangailangan. Kapag kusa at bunga ng malasakit kalidad din ang ibinibigay at hindi tira-tira lamang. Sa pagbibigay hindi ang materyal na yaman lamang ang ibinabahagi kundi ang yaman ng sarili.



Ikalawang katangian ng kalidad na pagbibigay ay ito ay may kirot sa puso. Ang kirot na ito ay hindi nanggagaling sa dahil ayaw mo talagang magbigay. Hindi ito ang kirot na tinutukoy dito. Makirot kasi ang binabahagi mo ay mahalaga para sa iyo. Bahagi ng sarili mo ang ibinibigay mo. May nawawala sa iyo. May namamatay sa iyo para mabuhay ang iba. Sabi nga, hangga't hindi masakit, hindi pa ito tunay na pagbibigay. Ang para sa akin ay pinaparaya ko na para sa iba. ito ang diuwa ng tunay na pagbibigay.



Ang ikatlong katangian ng kalidad na pagbibigay ay yung hindi naghihintay ng kapalit. Ganap na pagpaparaya ang pagbibigay. Hindi ito yung nagpaparaya ka at nagkakaloob ka pero sa likod ng isip mo sinasabi mo sa Diyos, 'O hayan a, nagbigay ako. Siguro naman ibabalik mo ito ng doble-doble.' Sa pagbibigay, ang tanging gatimpala mo ay yung lumigaya yung iba dahil naibsan ang kanilang paghihirap at nakatawid mula sa hirap na kanilang dinaranas. Sapat na sa iyo yung nakatulong ka.



Panghuli, ang katangian ng kalidad na pagbibigay ay yung palagian kahit maliit. Consistency ang pinag-uusapan dito. Tanda ng magandang motibasyon ay yung palagian o malimit. Hindi ito isang bagsakan lamang. Istilo o sistema ito ng buhay. Habit ito. At ang pag-ibig at malasakit ay dapat maging habitual.



MANALANGIN:

Panginoon ng pagbibigay, turuan mo kaming matutunan ang malasakit na ipinakita mo sa ming lahat kaya't nakuha mong ibigay ang lahat maging ang iyong buong buhay upang kami'y maligtas. Tulungan mo kaming makapagbigay hindi base sa laki o dami kundi sa kalidad at sinseridad.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-21-10)

LUKAS 23: 35-43

35 Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, "Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!"

36 Nilait din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, 37 kasabay ng ganitong panunuya, "Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili."

38 Isinulat nila sa kanyang ulunan, "Ito ang Hari ng mga Judio."

39 Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, "Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami."

40 Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, "Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! 41 Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama." 42 At sinabi pa nito, "Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na."

43 Sumagot si Jesus, "Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso."



MAGNILAY:

Ngayon ay pinararangalan natin ang Panginoong Hesus bilang Hari - Haring nakapako sa krus!



Kadalasan ang mga larawan at imahen ng Kristong Hari ay naglalarawan sa kanya bilang haring nakadamit ng maharlika - may koronang ginto, marilag na kasuotan, nakaluklok sa trono. Sa madali't sabi, nararamtan siya tulad ng mga karaniwang hari sa mundo. Siyempre, ang ganitong paglalarawan ay simbolo na nagpapapakita na siya ang makapangyarihang Hari at Diyos. Hindi natin kayang ilarawan ang kaluwalhatian niya bilang Diyos at Hari kundi sa pamamagitan ng makataong konsepto at karanasan. Kaya kung ano ang konsepto at karanasan natin ng kung ano ang hari ay ginagamit natin upang ipatungkol sa kanya. Pero sana maging maingat tayo. Ginagamit natin ang konsepto ng hari sa mundo sa kanya pero hindi talaga siya ganoon nung siya ay nabuhay sa mundo.



Ito ang dahilan kaya nilalarawan si Hesus ngayon sa Ebanghelyo bilang haring ipinako sa krus dahil yun talaga siya. Kailanman hindi siya pinutungan ng korona maliban sa koronang tinik. Kailanman hindi siya dinamtan ng maharlikang kasuotan maliban sa balabal na purpura na idinamit sa kanya noong siya'y nililitis at kinukutya. At noong ipinako siya sa krus, isang saplot - o baka wala pa nga - ang natira sa kanyang kasuotan. Kailnaman hindi siya lumuklok sa trono maliban sa krus na pinagpakuan sa kanya kung saan kinilala siya na Hari ng mga Hudyo. Oo, ito ang aktwal na nangyari sa Panginoon. Sa panahong nagpapakilala siya bilang hari at ang maraming tao ay tutol sa kanyang pagpapahayag, ipinakita niya kung ano ang kaya niyang gawin bilang hari - ang magsakripisyo kahit ibigay ang kanyang buhay para sa kaligtasan ng lahat. Sa krus, ipinamalas niya ang kadakilaan ng kanyang pag-ibig at awa sa pamamagitan ng pagpapatawad sa nagkasalang magnanakaw. Oo, ang Panginoong Hesus ay hari pero haring ipinako sa krus! At ito ay huwag na huwag nating kalilimutan o kakaligtaan sa pagpaparangal natin sa kanya.



Mahalaga ang pagdiriwang natin ngayon para mapagnilayan ang pagkahari ng Panginoon na siyang tinutularan natin. Marami sa atin ang nag-aasam maging hari at naghahari-harian na. Napalakas ng kompetensya sa mundo kaya't lahat gagawin maunahan lang ang lahat. Lahat ng paraan gagamitin kahit masama mahila lang ang iba pababa para makaakyat ang sarili. Gusto natin sa itaas. Doon makakautos tayo. Doon titingalain tayo. Doon mamamayagpag tayo. Doon pararangalan tayo. Doon mabubusog tayo. Doon sasambahin tayo.



Kabaligtaran ang pagkahari ni Hesus. Siya ang hari ng pagpapakumbaba, ng awa at habag, ng tunay na paglimot sa sarili at paglilingkod - siya ay hari ng tunay na pag-ibig. Ang kadakilaan sa kanya ay ang magsilbi sa kapwa. Ang kabusugan sa kanya ay ang magutom para makakain ang iba. Ang karangalan sa kanya ay ang kutyain alangalang sa katotohanan. Ang katanyagan sa kanya ay ang maging alipin ng lahat. Isang radikal na pagkahari ang ipinakilala ng Panginoon na hahamon sa makasariling uri ng pagkahari na namamayani ngayon sa mundo.



Nngayon, maraming ritwal at seremonya sa pagpaparangal sa Kristong Hari. Yung iba, pabonggahan. Gagastos ng ubod laki maging bonggang-bongga lang ang selebrasyon. Sangkatutak na bulaklak, ilaw, at may paputok at kwitis pa. Maraming gutom, hikahos, api at ligaw. Sa kanila naging hari si Hesus. Kung gusto mong parangalan ang Kristong Hari, parangalan mo siya sa kanila. Hinihintay ka nila upang maging bagong haring handang ipako sa krus ng pag-ibig at tunay na paglilingkod.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, tulungan mo akong pagnilayan ang tunay mong pagkahari. Huwag ko sanang kalimutan ang mga sagisag ng iyong pagkahari - koronang tinik, kapirasong saplot, kahoy ng krus. Maunawaan ko nawa na ang pinakatumpak na larawan mo bilang hari ay yaong nakapako ka sa krus. Ito ang larawan ng kung ano ka naging bilang hari - lingkod ng sangkatauhan. Turuan mong masundan ko ang iyong yapak. Sa gitna ng paghahangad na maging mataas sa mundong ito, magsilbi nawa akong huwaran ng kapakumbabaan.

Friday, November 19, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-20-10)

LUKAS 20: 27-40

Katanungan Tungkol sa Muling Pagkabuhay

27 Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay. 28 Sabi nila, "Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, 'Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.' 29 Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. 31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. 32 Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae. 33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?"

34 Sumagot si Jesus, "Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. 35 Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang 'Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.' 38 Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sa kanya'y buhay ang lahat."

39 Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, "Guro, maganda ang sagot ninyo!" 40 At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya.



MAGNILAY:

Hindi puwedeng pilitin ang ayaw talaga maniwala. Kahit anong lohikal ang iyong sinasabi at kahit gaano pa kapani-paniwala ang nagsasabi, ang sarado na ang isip ay mahirap makumbinsi.



Ganito natin mailalarawan ang mga Saduseo na ayaw maniwala sa aral ng muling pagkabuhay. Pinili nila na ang dapat lang paniwalaan ay ang mga aral ni Moises. Ayon sa kanilang pananaw, walang sinabi si Moises tungkol sa muling pagkabuhay. Kaya't hindi sila rito naniniwala. Sarado ang kanilang isip tungkol sa bagay na ito. Kahit pa napakalinaw ang paliwanag ni Hesus na hindi talaga walang-walang nabanggit si Moises tungkol sa pagkabuhay na muli. Ang insidente nga sa mababang punung-kahoy kung saan unang nagsalita at nagpakilala ang Diyos kay Moises ay nagpapahiwatig ng buhay sa kabila. Hindi puiwedeng maging Diyos ng mga patay ang Diyos ng Israel. Nang binanggit niya ang mga pangalan nina Abraham, Isaac at Jacob, pinapahiwatig niyang buhay sila sa kabilang buhay. Gayunpaman, pinili pa rin ng mga Saduseo na maging sarado.



Totoong pananampalataya ang kailangan para paniwalaan ang muling pagkabuhay. Pero hindi basta-basta ang nangaral at nagpahayag nito - ang Panginoong Hesukristo. Kahit noon pa man, tanyag na siya sa pagiging guro dahil sa kanyang kredensyal. Una, sinasabuhay niya ang kanyang pinapangaral. Kaya't umani siya ng respeto at pagtitiwala ng mga tao. Ikalawa, pinatutunayan niya ang kanyang mga aral sa pamamagitan ng paggawa niya ng mga himala mula sa Diyos. Kahit kapani-paniwala at dapat pagtiwalaan ang Panginoong Hesus, naging sarado pa rin at hindi nagkaroon ng kahit konting pagbubukas ng isip ang mga Saduseo.



Kapag sarado ang isip, walang pag-asang makatuklas ng buong katotohanan. Kapag salat ang ating kaalaman tungkol sa katotohanan, matamlay ang ating puso. Katotohanan ang nagbibigay lakas at sigla sa kalooban dahil nakasalig dito ang kahulugan ng ating mga ginagawa. Dapat nating palawakin ang kaalaman natin tungkol sa katotohanan. Si Hesus ang karunungan ng Diyos. Sa kanya nagmumula ang lahat ng kaalaman at katotohanang kailangan natin.



Ang pagtanggi sa aral ng pagkabuhay na mag-uli ay pagmamaliit rin sa kung ano puwedeng gawin ng Diyos. Ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat. Kaya niya gawin ang di-malirip ng isip ng tao. Mas lohikal na mamuhay tayo magpakailanman sapagka't hindi tayo nilalang, minahal at iniligtas ng Diyos para maglaho lamang ng kusa. Nakalaan tayo na mamuhay sa piling niya magpakailanman. Ang kamatayan at tuluyang paglaho ang pinaka-ilohikal na hantungan ng lahat. Bakit pa lumalang ang Diyos kung maglalaho rin naman kinalaunan? Pero hindi nga. Nilalang tayo para makabahagi sa buhay ng Diyos sa eternidad. Ang nararapat na pupuntahan ng dakilang pag-ibig ng Diyos ay ang buhay na walang hanggan.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, manalig nawa ako sa iyong salita at gawa. Huwag sanang maging sarado ang aking isip sa kung ano ang puwede mong gawin lalo na sa panahon ng dagok ng buhay. Ikaw ang aming sandigan at katotohanan. ikaw ang aming buhay at muling pagkabuhay.

Thursday, November 18, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-19-10)

LUKAS 19: 45-48

Si Jesus sa Templo

45 Pumasok si Jesus sa Templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi niya sa kanila, "Nasusulat, 'Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.' Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw."

47 Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsisikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.



MAGNILAY:

Sino ang hindi magagalit kapag ang simbahan ay lapastanganin? Naalala ko noong kabataan namin sa parokya kung paaano nagalit ang aming kura paroko dahil idinaos namin ang proyekto naming Modern Dance Contest sa loob ng aming simbahan dahil wala pa kami noong malaking lugar para sa ganoong klaseng aktibidades. Sa kalagitnaan kasi ng pagsasayaw ng mga grupong sumali, halos magwala ang mga manonood at nagtayuan sa mga pews ng simbahan. Nagmistulang perya talaga ang simbahan kaya't nagdesisyon ang pari na itigil ang programa. Nadismaya siyempre ang mga contestants dahil naghanda sila. Naging malaking usapin ang nangyari sa buong parokya. Nababoy kasi ang dapat ay lugar ng panalangin. Alam natin kung paaano natin respetuhin ang simbahan.



Mauunawaan din natin ang galit ni Hesus sa mga nagtitinda sa Templo. Hindi lang nila ginawang palengke ito; ginawa rin nila itong lugar ng pandaraya. Isang kalapastanganan sa Tahanan ng Diyos ang ganitong sitwasyon. Ang Templo ay sagrado para sa mga Hudyo. Sagisag ito ng kanilang pagkakaisa sa Diyos. Ito ay itinuturing na pinananahanan ng Diyos. Maging si Hesus bilang Hudyo ay dedikado sa pagpunta sa Templo ng kanyang Amang Diyos upang manalangin. Ang paglapastangan sa Templo ay paglapastangan sa Diyos.



Nguni't sa Bagong Tipan, ang Templo ay nagkaroon ng panibagong realidad. Kung noon, ang Templo ay ang matayog na gusali na itinayo noong panahon pa ni Solomon at muling itinayo at pinaganda ng iba't-ibang mga naging lider ng Israel, ang Templo ngayon ay hindi na gusali o gawa sa bato. Ang Templo ay naging tao sa katauhan ni Hesus. Kay Hesus nananahan ang Ama. Sa pamamagitan niya, nakita natin ang Ama, nakasalamuha, at nakausap. Maaalala natin na sinabi ni Hesus sa mga Hudyo na iguho nila ang Templo at sa ikatlong araw ay muli niyang iatatayo (Jn. 2:19-21). Akala ng mga Hudyo ay ang gusaling Templo ang tinutukoy ni Hesus. Hindi pala sapagka't ang Templong kanyang tinutukloy ay ang kanyang katawan na muling mabubuhay sa ikatlong araw matapos siyang mamatay sa krus.



Ang Templo ay hindi lang si Hesus mismo kundi ang kanyang katawang mistiko - ang Simbahan. Bawa't-isa sa atin ay templo ng Espiritu Santo. Sa Bagong Tipan, ang Templo ay ang mga nanampalataya na bumubuo ng isang komunidad. Buhay ang Templo, hindi mga walang-buhay na bato lamang.



Kung pagninilayan natin ng mas malalim ang paglapastangan sa Templo, hindi na lang ito ang gusaling simbahan na minsan ay hindi natin narerespeto dahil sa mga ilang hindi karapat-dapat na gawain. Ang paglapastangan sa Templo ay nangyayari sa mismong paglapastangan sa mga tao na pinili ng Panginoon na kanyang maging tahanan. Ilang mga tao ang inalisan ng dangal dahil mistula silang mga paninda kung ibenta para bigyang-aliw ang mga mapagsamantala? Ang pagbebenta sa mga babae, mga lalake at mga mga bata para sa prostitusyon ay malaking kalapastanganan sa Templo ng Diyos. Ang pang-aalipin sa pamamagitan ng korupsyon, panloloko at pagnanakaw ay isa ring malaking paglapastangan sa Templo ng Diyos lalo na ang mga mahihirap at mahihina sa lipunan. Mismong tayo ay lumalapastangan sa Templo ng Diyos ng sarili nating katawan. Bisyo, pag-abuso sa katawan at sarili, mahahalay na gawain, at iba pa ay uri ng kawalang-respeto sa tahanan ng Diyos na tayo.



Pagrespeto sa Templo ng Diyos. Isa lang ang kahulugan nito - irespeto mo ang iyong sarili at ang iyong kapwa. nakatira sa iyo ang Diyos. Nakatira rin siya sa kapwa mo.



MANALANGIN:

Panginoon, makita nawa kita sa aking kapwa. Mahalin nawa kita na nananahan sa kanila. Paglingkuran nawa kita sa aking kapwang naghihirap, nangungulila, naghahanap ng kalinga't pagmamahal. Sa ganitong paraan ay napapapurihan kita sa iyong banal na Templo.

Wednesday, November 17, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-18-10)

LUKAS 19: 41-44

Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem

41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lunsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, "Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng taong nasasakupan mo. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos."



MAGNILAY:

Walang hindi madudurog ang puso kapag nakakita tayo ng isang magulang, nanay man o tatay, na umiiyak o tumatangis dahil sa malaking kabiguan sa anak. Walang kasing-lalim ang sugat at hinagpis ng isang magulang na nabigo sa kanyang anak. Alam nating gagawin ng magulang ang lahat maging ang paglimot sa sarili para lang maitaguyod ang anak. Gagawin ang lahat at hahamakin ang lahat magtagumpay lang ang anak. Ibibigay niya ang lahat ng oportunidad na makakaya niya para ito ay magkaroon ng magandang buhay. Kaya't kung anak mismo ang nagpabaya, nagsayang at hindi nagpahalaga sa mga oportunidad na ito ang magulang ang unang nawawasak ang puso. Kung ang anak mismo ang nagbalewala sa sakrispisyo ng magulang siya mismo ang dudurog sa puso ng kanyang magulang. Hindi mapapantayan o masusukat ang sakit ng kalooban ng magulang sa anak na walang pakundangan.



Ganito natin mailalarawan ang pagtangis ni Hesus para sa lunsod ng Jerusalem. Ang luha ni Hesus ay luha ng isang magulang sa kanyang nabigong anak. Ibinigay ng Diyos ang lahat ng oportunidad para ang Jerusalem ay maging tanyag, magtamo ng kapayapaan at kaligtasan pero sinayang nito ang lahat ng iyon. Tumangis si Hesus dahil nakikita niya ang kabiguang naghihintay sa Jerusalem. At totoo nga. Winasak ang Jerusalem noong taong 70 AD. At isang masaklap na pagkawasak!



Anong klaseng anak tayo, una sa mga magulang natin dito sa lupa? Maipagmamalaki ba nila tayo? Isa ba tayong kasiyahan para sa kanila? Napahalagahan ba natin ang jkanilang sakrispiyo para sa atin? Ikalawa, sa Diyos. Siya'y Ama natin. Alam natin kung paano ang Diyos ay hindi nagsasawa sa pagpapatawad sa atin pero paaano natin ito pinahahalagahan? Umiiyak din kaya ang Diyos dahil sa mga nagyayari sa buhay natin ngayon?



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong maging responsableng anak sa iyo. Makita ko nawa ang iyong mga ginagawa para ako ay magtagumpay. Patawad sa aking mga pagkukulang. Sikapin ko nawang pagbutihin lalo ang aking buhay. Mabigyan nawa kita ng kaligayahan ng isang magulang na ang anak ay nagtagumpay sa gitna ng maraming pagsubok. Tulungan mo rin akong mabigyan ng kaligayahan ang aking mga magulang narito man sila sa mundong ito o pumanaw na sa iyong piling.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-17-10)

LUKAS 19: 11-28

Ang Talinhaga ng Salaping Ginto

11 Habang ang mga tao ay nakikinig, isinalaysay din ni Jesus sa kanila ang isa pang talinhaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na magsisimula na ang paghahari ng Diyos. 12 Kaya't sinabi niya, "May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang ito'y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. 13 Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi. Sinabi niya sa kanila, 'Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.' 14 Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya't nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, 'Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.' 15 Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari.

"Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, 'Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.' 17 'Magaling,' sagot niya. 'Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lunsod.' 18 Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, 'Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.' 19 At sinabi niya sa alipin, 'Mamamahala ka sa limang lunsod.' 20 Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, 'Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. 21 Natatakot po ako sa inyo dahil kayo'y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.' 22 Sinagot siya ng hari, 'Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako'y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lamang idiniposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.' 24 At sinabi niya sa mga naroon, 'Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.' 25 'Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,' sabi nila. 26 'Sinasabi ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!'"

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem

28 Pagkasabi nito, nagpatuloy si Jesus papuntang Jerusalem.



MAGNILAY:

Maraming Kristiyano noon ang naghihintay na lang ng pagdating ng Kaharian ng Diyos sa muling pagbabalik ng Panginoong Hesukristo. Dahil dito, hindi na sila aktibong nakikibahagi sa malawakang pagpapalaganap ng Salita ng Diyos at pagtatatag ng kaharian sa piling natin. Hindi na nila nagagamit ang kanilang mga potensyal at kakayahan para magbuo ng kaharian ng Diyos dito sa lupa.



Ito ang binibigyan-pansin ng ating Ebanghelyo ngayon lalo na sa talinhaga. Nilarawan sa kuwentong ito kung paanong tayo ay pinagkatiwalaan ng Panginoon ng mga kakayahan. At inaasahan niya na gagamitin natin an mga ito para ipalaganap ang kanyang kaharian. Kailangang gamitin ang mga ito dahil kung hindi ang mga ito ay kusang maglalaho o kukupas. Ginamit sa talinhaga ang konsepto ng pamumuhunan at pagtataya sa isang kalakal. Ang pera para lumago kailangang ipasok at itaya sa kalakal. Ipuhunan ito para kumita. Hindi puwede sa isang mangangalakal o negosyante ang patulugin lang ang pera. Hindi siya mapapakali hangga't hindi niya ito naipapasok sa kalakal para lumago. Gayundin naman, ang mga kakayahan natin at mga potensyal ay ipinagkatiwala sa atin para palaguin sa pamamagitan ng paggamit nito. Oo, may sugal. Tulad ng negosyo, maaaring kumita, maaari ring malugi. Pero walang kita kung hindi ka susugal. Pag pinatulog ang pera, may panganib ding ito ay maubos dahil sa pangangailangan. Sa huli, ikaw ang talo. Ang aktibong pakikiisa sa pagpapanibago ng mundo ay puno rin ng panganib. Puwedeng magtagumpay, puwede ring mabigo. Pero mas mabuting sumugal. Mabigo man, puwede pa ring magsimula uli at matuto sa kabiguan o pagkakamali. Ang taong hindi takot magkamali o mabigo ang siyang talagang natututo at lumalago sa sarili kasya isang taong hindi nakikialam at walang ginagawa dahil takot magkamali. Hanggang doon na lang siya. Frozen delight.



Ang buhay Kristiyano ay hindi lang pag-iwas na makagawa ng mali kung kaya't huwag ka na lang makisangkot. Maling-maling konsepto ito. Ang buhay Kristiyano ay aktibong pakikibahagi sa pagpapanibago ng mundo. Isa itong pakikisangkot. Nakikiisa tayo sa pagbubuo ng kaharian ng Diyos sa piling natin. Unti-unti nating binubuo ang pundasyon at istruktura ng kaharian na ito sa tulong at gabay ng Panginoon mismo. Ang isang Kristiyanong hindi aktibo at todo iwas lang magkamali ay kinalaunan mangunguluntoy na parang dahong o halamang natuyo. Hindi niya malalasap ang saya ng nakikisangkot. Makukulong siya sa kalungkutan ng isang tao walang ginawa at nagawa sa buhay.



MANALANGIN:

Panginoon, bigyan mo ako ng tapang at lakas ng loob na tulad ng isang taong namumuhunan. Matutunan ko nawang ibahagi ang aking nalalaman at kayang gawin para sa ikauunlad ng kapaligiran. Huwag nawa akong matakot magkamali o mabigo. Maunawaan ko nawa na sa pagkabigo, o pagkakamali, o pagkalugi ko malalaman ang aking limitasyon na dapat kong pagsumikapang palawakin. Turuan mo akong mamuhunan ng aking mga talento.

Monday, November 15, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-16-10)

LUKAS 19: 1-10

Nakilala ni Zaqueo si Jesus

1 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. 2 May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at napakayaman. 3 Sinisikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil sa siya'y pandak. 4 Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. 5 Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, "Zaqueo, bumaba ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay."

6 Nagmamadaling bumaba si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. 7 Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. "Nakikituloy siya sa isang makasalanan," sabi nila.

8 Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, "Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses."

9 At sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw."



MAGNILAY:

Hindi tayo mawawalan ng pintas kay Zaqueo. Una, taga-singil siya ng buwis. At kilala ang may ganyang trabaho sa pandaraya, pangunguipit at pagnanakaw. Kung sasabihin nating hindi naman lahat, oo, hindi lahat at meron din namang tapat at malinis pero hindi si Zacheo yun. Ikalawa, pandak siya. He he. Pati pisikal na kapintasan hindi pinalagpas basta't masabi lang na meron siyang ilang kapintasan. Dahil kilala siyang mandaraya, sa inis, lahat ng kapintasan isasama para bigyang-diin lang na masama siya.



Pero kung may maganda siyang katangian na dapat tularan at gamitin sa mabuti, ito ay ang kakayanan niyang umiisip ng paraan at isipin ang lahat ng paraan para makuha ang ninanais. Makasalanan siya. Nagpapapasasa siya sa pinaghirapan ng iba. Pero siguradong hindi siya maligaya. Walang magnanakaw ang kontento sa sarili at sa buhay. Walang mandaraya ang panatag ang puso't kalooban. Tiyak, may bumabagabag sa kanya mula sa kanyang konsensiya. Alam niya mali pero hindi siya makawala sa pagkaalipin dito. Nang mabalitaan niya ang pagdaan ni Hesus - kilala sa paggawa ng mga himala, pagpapagaling sa mga may karamdaman, pagpapatawad sa mga makasalanan - naramdaman marahil niya ang pag-asang kaniyang minimithi. Siya kaya ang puwedeng magbigay sa kanya ng kakayanang ayusin ang mali sa buhay niya. Oo, kailangang makita niya si Hesus. Dehado siya kumpara sa iba. Una, pandak siya. Halos matabunan siguro siya ng mga tao. Ikalawa, kilala siyang makasalanan. Hindi siya karapat-dapat makihalubilo sa mga mababait at tagasunod ng Panginoon. Nakakahiya ang kanyang estado. Pero sa kabila ng lahat ng ito, walang makakapigil sa kanya. May paraan. Kung gusto, may paraan; kung ayaw, may dahilan, wika nga ng ating kasabihan. Pandak siya, e di umakyat ng puno. Wala siyang paki kung anumang sabihin ng iba. Kahit isang mayaman, aakyat ng puno na parang bata o usisero para lang makita ang nararamdaman niyang pag-asa niya. Bagay na hindi siya nabigo. Sa kanyang pagpupursigi, tumigil mismo si Hesus sa tapat niya para sabihing kinikilala niya ang kanyang pagtitiyaga, pagpupursigi, pagsisikap kahit suungin ang mahirap na paraan para makita siya.



Gaano kasidhi ang paghahangad nating makilala ang Panginoon? Marami minsan tayong dahilan para hindi magdasal, hindi magsimba, hindi magbasa ng Bibliya, hindi mag-aral ng pananampalataya, hindi makiisa sa mga gawaing pagtulong, at marami pang ibang gawaing maglalapit sana sa atin sa Panginoon. Umuulan e kaya hindi na ako magsisimba. Busy ako e kaya wala akong oras magbasa ng Bibliya. Alam ko na yan bakit pa ako mag-aattend. Pamilya ko lang ang dami ng kailangan tutulong pa ako. Kanya-kanya tayong dahilan at palusot.



Hanapin din natin ang Panginoon. Pagsikapan din natin siyang makilala. Umakyat din tayo ng puno para makita ang kanyang pagdaan. Kapag nagtiyaga tayo, magugulat tayong matuklasan na siya pala ang unang naghanap sa atin. Aanyayahan niya tayo sa hapag ng kanyang presensiya at anong saya na magbagong-buhay tungo sa tunay na malayang kalooban na handang magmahal dahil natagpuan natin ang pinagmulan ng pagmamahal.



MANALANGIN:

Panginoon, huwag sana akong magdahilan na hindi kita natagpuan dahil kung gugustuhin ko, ikaw na mismo ang gagawa ng paraan para magkatagpo tayo. Akayin mo ako sa tunay na pagbabago. Iwan ko nawa ang lumang buhay na umaalipin sa akin. Maglakas-loob akong talikdan ang lahat makamit ka lamang.

Sunday, November 14, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-15-10)

LUKAS 18:35-46

Pinagaling ang Lalaking Bulag

35 Nang malapit na si Jesus sa Jerico; may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang maraming tao, itinanong niya kung ano ang nangyayari.

37 "Nagdaraan si Jesus na taga-Nazaret," sabi nila sa kanya.

38 At siya'y sumigaw, "Jesus, Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!" 39 Pinapatigil siya ng mga taong nasa unahan, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, "Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"

40 Tumigil si Jesus at ipinatawag ang bulag. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41 "Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?" "Panginoon, gusto ko po sanang makakitang muli," sagot niya.

42 At sinabi ni Jesus, "Mangyayari ang nais mo! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya."

43 Noon di'y nakakita ang bulag at sumunod kay Jesus na nagpuri sa Diyos. Nang makita ito ng mga tao, silang lahat ay nagpuri sa Diyos.



MAGNILAY:

Isipin mong nasa loob ka ng isang silid-dasalan at nag-iisa. Biglang nagpakita sa iyo ang Panginoon at nagtanong: "Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?" Ano kaya ang isasagot mo sa kanya?



Parang pang-recollection sa high school ang pagtatanong na ito. Pero hindi. Kung susuriing mabuti, ang sagot natin sa tanong na ito ay magpapakilala kung ano at sino tayo bilang mga Kristiyano. Magbubunyag ito ng antas at maturidad ng ating pananampalataya at panalangin. Ano nga kaya sa seryosong pagninilay ang sasabihin ko sa Panginoon? Ano ang hihilingin kong gagawin niya sa akin?



Sa laki ng tatamaan sa lotto ngayon, hindi ako magtataka kung may sasagot ng "Panginoon, patamain mo ako sa lotto!" Pero sa seryosong pagninilay, ganoon kahalaga ang tanong na ito. Alam ba talaga natin kung ano ang pangangailangan natin bilang mga tagasunod ng Panginoon? Gaano kalawak ang kaalaman natin tungkol sa kung ano ang makakabuti sa atin? Kinikilatis at pinag-aaralan ba natin kung ano ang hihingin sa Panginoon?



Panginoon, gusto ko po sanang makakitang muli! Ito ang sagot ng bulag na tinanong ni Hesus. Makakitang muli! Sa unang pandinig parang pisikal lang na kagalingan ang hiling ng bulag. Ito ang pinaka-natural at lohikal na sagot. Bulag siya kaya naturalmente ang makakita ang hihilingin niya. Magugulat tayo kapag humiling siya ng iba kaysa dito. Pero kahit papaano masasabi nating alam niya talaga ang kailangan niya. Walang kaabog-abog ang sagot niya. Tiyak at walang alinlangan ang tugon niya. Gayunapaman, ang hiling niyang makakita muli ay higit sa pisikal na pangangailangan. Ang kuwentong ito ay kuwento ng pananampalataya. Ang pagkabulag dito ay tumutukoy sa espiritwal na pagkabulag. Ang binabanggit dito ay ang kawalan ng kakayanang makita ang liwanag na pinapahayag ng Diyos. Bulag ka kapag wala kang makitang mabuti sa kapwa at kapaligiran mo. Bulag ka kapag pangit at negatibo lagi ang tingin mo sa mga nangyayari sa buhay mo. Bulag ka kung hindi ka makadama ni katiting na pag-asa sa buhay dahil sa tindi ng mga pagsubok. Bulag ka kung akala mo pinabayaan ka na ng Diyos at walang nagmamahal sa iyo. Ito marahil ang karanasan ng bulag. Kaya't ang hiling niya sa pagdaan ni Hesus ay makakita siyang muli. Siguro dati ay nakakakita siya pero binulag siya ng mga sirkumstansya ng buhay niya. Kay Hesus na liwanag ng sanlibutan, inaasahan niyang makakikitang muli. Kung susuriing mabuti, bago pa man niya maipahayag kay Hesus ang kanyang hiling na makakita, nakakita na talaga siya. Sa mismong pagkakilala niya sa tunay niyang pangangailangan, ibig sabihin, nagsimula ng makita niya ang daan tungo sa pagsunod sa Panginoon. Ganoon kalahaga ang alam natin kung ano ang hihingin natin. Nakasalalay dito kung talagang nakakakita tayo. Ang dulo ng kuwento ng bulag ay sumunod siya kay Hesus. Nakita niya ang landas muli para makabalik sa Diyos.



Ano ang hihingin natin kay Hesus? Ito ba ay may kinalaman sa pagsunod natin sa kanya? Makakatulong ba ang hinihingi natin para mas maging mabuti tayong Kristiyano? Magbibigay-daan ba ang hinihingi natin para makakita tayong muli?



Isang seryosong tanong uli: ANO BA TALAGA ANG HNIHINGI MO SA PANGINOON?



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong makita kung ano ang dapat kong hilingin sa iyo. Gabayan mo ako sa aking panalangin. Dalisayin mo ang mga gusto ng puso ko. Nawa makita ko na ang tunay kong kailangan ay yaong makakatulong upang lalo akong manatili sa landas na itinakda mo upang ako'y makarating sa aking kaligtasan.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-14-10)

MAGANDANG BALITA NGAYON - IKA-33 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Nob. 14)
by Rey An Yatco on Sunday, November 14, 2010 at 6:34am

LUKAS 21: 5-19

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo

5 May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, 6 "Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato."

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating

7 Tinanong nila si Jesus, "Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?"

8 Sumagot si Jesus, "Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako ang Cristo,' at, 'Dumating na ang panahon!' Huwag kayong maniniwala sa kanila. 9 Huwag kayong mababagabag kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga rebelyon. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi darating kaagad ang wakas." 10 At sinabi pa niya, "Maglalaban-laban ang mga bansa at magdidigmaan ang mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kamangha-manghang kababalaghan buhat sa langit.

12 "Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13 Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. 14 Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15 sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 16 Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, 18 ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. 19 Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay."



MAGNILAY:

Kumukupas ang ganda. Nauubos ang pera. Nawawala ang kapangyarihan. Lilipas ang kasikatan. May wakas ang buhay. May hangganan ang lahat sa daigdig.



Ito ang kinakatawan ng magarang templo na hinahangaan ng mga tao sa kagandahan at katayugan pero ang sinabi lang ni Hesus na darating ang araw na mawawasak ito at magtatapos ang kanyang kagandahan at katayugan. Hindi permanente ang kasalukuyan niyang katangian. At totoo nga dahil sa kasaysayan noong 70 AD winasak ang templong ito at hindi na muling naitayo. Gumuho ang katayugan nito. Ang hula niya tungkol sa templo ay naging okasyon para ituro rin niya ang tungkol sa wakas ng panahon. May wakas, huwag nating kalimutan. Paghandaan natin ito. Ingatan natin na huwag tayong mailigaw at maligaw ng landas. Haharapin nating lahat ang wakas. Mapalad ka kung pinaghandaan mo ito.



May kasabihan nga na kung hindi mo alam ang iyong patutunguhan, hindi mo rin alam kung ano ang iyong gagawin. Minsan nakakalimot tayo na nakadestino tayo para sa buhay na walang hanggan kaya naman nababawasan ang pagpapahalaga natin sa mga bagay na pangmatagalan at naaakit sa mga pansamantalang konsolasyon. Minsan, todo ang gastos natin sa panlabas na pagpapaganda at nalilimot natin na ang tunay na kagandahan ay nasa kalooban. Uso nga ngayon ang retoke ng kung anu-ano. Todo ang promosyon nito. Napapaniwala naman tayo na ang natural sa atin ay pangit kaya dapat iretoke. Pero hindi natin maikakaila na ang lahat ng ito ay balatkayo lamang. Kahit nagastusan ng malaki ang mukha at katawan ng isang tao hindi ibig sabihin maganda na siya. Dahil nasa ganda ng kalooban at kaayusan ng buhay ang tunay na kagandahan. Ang kabaligtaran nga, ang mga promotor ng retokeng kagandahan ang mga nasasangkot sa mga iskandalong nagpapapangit ng kanilang anyo kahit anong tapal at hiwa at saksak ang ginawa nila dito. Ang nakakaawa ay yung mga taong tuloy na binibili ang kanilang pilosopiya na gaganda ka pag niretoke ka kahit pa masangkot ka sa iskandalo, ilegal na relasyon, at iba pang imoralidad. Mas gaganda tayo kapag pinaganda natin ang ating kalooban at inayos ang buhay natin. Kahit anong kulubot ng mukha mo, kapag namuhay ka sa kagandahang-loob, walang magsasabing pangit ka. May narinig na ba tayong nagkomento na ang pangit ni Mother Teresa kasi ang tanda-tanda na at kulu-kulubot ang mukha? Wala! Kahit sa katandaan ang nakikita sa kanya ay ang kagandahan ng kanyang kalooban na nagbigay sa kanya ng gandang pangmatagalan.



Ang totoo sa isyu ng pansamantalang kagandahan ay totoo rin sa kapangyarihan, kasikatan, at kayamanan. Natutukso rin tayong magkapit-tuko sa kapangyarihan na akala natin ay permanente ito. Masyado nating ikinakabit ang halaga ng sarili natin sa posisyon kaya't kapag nawala ang posisyon bagsak din ang halaga ng ating sarli. Ang halaga ng ating sarili ay nakasalalay sa laki ng paglilingkod na ibinigay natin sa kapwa. Kahit wala ka na sa posisyon, mananatili ito sa puso ng lahat. Hindi ang katanyagan na nakakabit sa posisyon at kapangyarihan ang nagbibigay sa atin ng kahulugan kundi kung paano natin ginamit ang posisyon para makapaglingkod tayo sa iba.



Masyado rin nating inuugnay ang kaligayahan sa pera. Kung may marami kang pera liligaya ka. Kung wala kang pera imposible kang lumigaya. Kailangan natin ng pera, oo, pero hindi ito ang huling sukatan ng kaligayahan. Hindi porke't marami kang pera maligaya ka na. Kung ganun, maligaya sana lahat ang nakatira sa magagarang subdibisyon sa bansa. Pero hindi. Madalas nakikita natin ang mukha ng kaligayahan sa mga simpleng tao na ang mas pinahahalagahan ay ang relasyon ng pamilya kaysa pagpaparami ng sobrang pera. Muli, ang laki ng ibinigay mo para maibsan ang hirap ng kapwa ang magbibigay sa iyo ng tunay na kaligayahan hindi ang makasariling pagkakamal ng pera.



Sa madali't-sabi, ibukas natin ang ating mga mata at kilatisin natin kung ano talaga ang magdadala sa atin sa mga bagay na pangmatalagan. Sa lahat ng ito, ang pagiging naka-ugat natin sa Diyos ang poinakamalahaga. Kung alam nating nakadestino tayo para mamuhay kasama ang Diyos habang buhay, malalaman natin ang daan at paraan para makarating doon. Muli, mas malahaga ang mga bagay na pangmatagalan kaysa mga pansamantala kahit ang huli ay nagbibigay sa atin ng agad-agad na ligaya at konsolasyon.



MANALANGIN:

Panginoon, huwag ko nawang isakrispisyo ang ligayang dulot mo kapalit ang ligayang dulot ng kamunduhan. Bagama't butas ng karayom ang papasukin upang matamo ang tunay na kaligayahan sa iyo, matutunan ko nawa itong pagtiyagaan. Huwag sana akong maakit ng mga panandaliang aliw at ligaya. Mag-impok nawa ako ng tunay kayamanan at kagandahan na aakay sa akin sa buhay na walang hanggan.

Friday, November 12, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-13-10)

LUKAS 18: 1-8

Ang Biyuda at ang Hukom

1 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sinabi niya, "Sa isang lunsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. 3 Sa lunsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, 'Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.' 4 Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, 'Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, 5 ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.'" 6 At nagpatuloy ang Panginoon, "Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. 7 Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa mga minamahal niya na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? 8 Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita pa kaya siyang mga taong sumasampalataya sa kanya?"



MAGNILAY:

Huwag pagdudahan ang pakikinig ng Diyos sa ating mga panalangin. Huwag manghinawa sa pagdarasal.



Ang pagdarasal ay hindi lang paghingi na kapag hindi natin natanggap ang hinihingi natin ay titigil na tayo sa pagdarasal at sasabihing hindi naman nakikinig ang Diyos sa ating mga panalangin. Bagama't nakapaloob sa ating panalangin ang paghiling pero ang unang layunin ng pagdarasal ay pakikipag-ugnayan o pakikipagrelasyon sa Diyos. Ang pagdarasal ay pakikipagkita o pakikipagtagpo sa isang minamahal. At kung paglalim ng relasyon ang layunin ng panalangin dapat ito'y tuluy-tuloy, palagian, hangga't maaari hindi napuputol. alam natin ang implikasyon ng madalang magkita sa isang relasyon. Nagkakaroon ng puwang na nagbibigay daan sa mababaw na pagkilala sa isa't-isa hanggang mawala na ang pag-ibig na pundasyon ng anumang ugnayan.



Hindi tayo dapat tumigil sa dasal bagama't nagtatagal ang pagkakalob ng Diyos ng ating mga kahilingan dahil minsan kailangang dalisayin ang ating intensyon at mismong hinihingi. May pagkakataon na humihingi tayo pero hindi sapat ang pagninilay natin. Akala natin ito ang pinaka-kailangan natin ytun pala hindi. O akala natin ito ang makakabuti sa atin yun pala hindi. Minsan pagiging makasarili ang nasa likod ng ating mga hiling. Dinadalisay ito ng Diyos. Ang tagal ng pagkakaloob ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong suriin, subukin at siguraduhin kung ito nga ang nararapat para sa atin. Tandaan natin na anumang ibinibigay ng Diyos ay dapat magpalalim ng ating pagsunod sa kanya. Walang ibinibigay ang Diyos na hindi nagpapatingkad at nagpapatibay ng ating pagiging disipulo o tagasunod niya.



Kaya nga sa dasal kailangan ang disposisyion ng pagsuko sa matalinong kalooban ng Diyos. Pag nagdasal tayo, bagama't sinasabi natin sa kanya ang tingin natin ay mabuti para sa atin, pero sa dulo ng dasal natin ay isinusuko natin sa kanya ang sagot sa ating dasal. Ang kalooban niya, hinid atin, ang magaganap. Oo, minsan Hindi ang sagot ng Diyos. Minsan ay Teka Muna. Minsan ay Baka Mas Mabuti Ito. Anu't-anuman ang tugon ng Diyos, Amen ang sagot natin. Maganap nawa ang kanyang kalooban.



Magdasal tayo. Hindi lang paminsan-minsan o tuwing may kailangan. Magdasal tayo palagian. Araw-araw. Huwag lang maikling oras. Yung pinakamahabang oras na puwede. Huwag tipoirin ang oras sa dasal. Habang tinitipid mo natitipid din ang bunag ng dasal sa atin. Kung mahal mo ang Diyos hindi ba dapat lagi kang nananabik na makatagpo siya lalo na sa pananalangin?



MANALANGIN:

Panginoon, huwag nawa akong manghinawang magdasal. Panabikan ko nawa ito araw-araw. Magaan man o mabigat ang buhay, laging ikaw nawa ang pangunahing kasama ko sa mga pangyayari ng aking buhay. Huwag nawa akong manghinayang sa oras na iginugugol ko para sa iyo sa pananalangin.

Thursday, November 11, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-12-10)

LUKAS 17: 26-37

26 Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa nangyari noong kapanahunan ni Noe. 27 Ang mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. 28 Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. 29 Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.

31 "Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa. 32 Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. 33 Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35-36 May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa."

37 "Saan po, Panginoon?" tanong ng kanyang mga alagad.

Sumagot siya, "Kung saan may bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre."



MAGNILAY:

Madalas tayong masorpresa ng mga bagay-bagay sa buhay natin. Hindi kasi natin inaasahan ang mga pangyayari. Hindi natin inaasahan ang mga ito. Kahapon lang masaya tayo, ngayon ay may problema na. Noong isang araw kasa-kasama lang natin, ngayon ay isang malamig na bangkay na. Kelan lang maliliit pa ang mga bata at konti pa ang gastusin, nagyon ay malalaki na at mas malaki na rin ang mga pangangailangan. Dati-rati ang lakas-lakas pa ng katawan natin, bigla-bigla nagigising na lang tayo na matanda na pala tayo at mahina-hina na. At marami pang mga pagbabago, di-inaasahan at mga sorpresa ng buhay. Kapag hindi mo pinaghandaan ang mga ito, patay kang bata ka!


Ganito darating ang kaharian ng Diyos. Isang sorpresa para sa mga hindi handa. Bigla-bigla para sa mga nagpabaya at nagpakasaya sa mundo. Kagulat-gulat para sa mga nagpabandying-bandying sa buhay. Darating ang kaharian ng Diyos ng walang babala. Maghahabol ang mga naiiwanan. Magmamadali ang mga babagal-bagal. Matataranta ang mga hindi ito inasahan. Pag dumating ang kaharian ng Diyos, sigurado ito. Ibababa agad ang hatol ng Diyos. At mabilis, simbilis ng pagdating ng mga buwitre sa paligid ng bangkay. Walang makakatakas sa hatol ng Diyos.



Araw-araw maghanda tayo para hindi tayo masorpresa. Araw-araw ay gawin nating pinakamagaling na araw natin kung saan sinisikap nating gawin ang pinakamabuting magagawa natin. Kung may dapat tayong gawin, huwag ng ipagpaliban kung magagawa naman ngayon. Sikapin natin na nasa Panginoon lagi tayo. Kung may kasamaan ng loob, gumawa agad ng paraan para magkasundo. Maikli ang buhay. Wala tayong mahihita sa pagkimkim ng sama ng loob. Baka mas lalo pa nitong paikliin ang maikli na ngang buhay. Tapos puro pa sama ng loob. Pag may pagkakataong dumarating sunggaban agad. Bukas baka wala na siya. Alagaan ang katawan. Huwag magpakasasa sa bisyo at maruming buhay. Hindi ka lagi malakas. Pag umatake ang sakit, kawawa naman ang mga mahal mo sa buhay. Manatiling malusog para sa kanila. Mamuhay lang ng sapat, simple at masaya. Aaanuhin mo ang sobrang malaking kabuhayan kung mapapabayaan mo naman ang mga relasyon mo at espiritwalidad. Huwag magpakalunod sa pera. Nakakaadik yan. At pagnaadik ka na, lahat na lang puro pera. Hindi ka liligaya. Paghandaan ang pagdating ng krisis. Minsan dapat siyang dumating para may matutunan tayo. Pero iba kapag handa ka. Mas maliit ang probabilidad na matutumba ka. Mag-ipon ng lakas at kabutiohang-loob para pag dumating ang tagtuyot ng kaluluwa o bagyo sa buhay may reserba tayong lakas na tutulong sa ating tumawid ng ligtas.



Magdasal palagi. Ito ang pinakamainam na paghahanda. Kapag nalalayo sa Diyos, makipagkasundo agad sa kanya. Huwag patagalin ang pagiging malayo sa Diyos. Lumapit ka sa kanya dahil hindi ka naman niya nilayuan. Ikaw ang lumayo sa kanya. Kapag nasa Diyos tayo magiging panatag tayo kahit hindi natin masagot ang maraming misteryo ng buhay. Sagot niya ang mga pag-aalinlangan natin. Laging maging kasundo ang Diyos.



Maging handa sa pagdating ng kaharian ng Diyos. Kung handa tayo, matutuwa tayo na dumating siya. Hindi siya yung kakatakutan natin. Siya yung inaasahan talaga natin!



MANALANGIN:

Panginoon, ipaunawa mo sa akin ang kaiklian ng buhay upang maging matalino ako sa mga desisyon ko sa buhay. Tulungan mo akong maging handa palagi lalo sa pagdating ng iyong paghuhukom at paghahari.

Wednesday, November 10, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-11-10)

MAGANDANG BALITA NGAYON - HUWEBES NG IKA-32 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Nob. 11)
by Rey An Yatco on Thursday, November 11, 2010 at 4:55am

LUKAS 17: 20-25

Ang Pagdating ng Kaharian ng Diyos

20 Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan magsisimula ang paghahari ng Diyos. Sumagot siya, "Walang makikitang palatandaan ng pagsisimula ng paghahari ng Diyos, 21 at wala ring magsasabing nagsimula na ito dito o doon. Sapagkat ang totoo'y naghahari na ang Diyos sa inyo."

22 At sinabi niya sa mga alagad, "Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 May magsasabi sa inyo, 'Naroon siya!' o, 'Narito siya!' Huwag kayong pumunta at huwag kayong maniniwala sa kanila. 24 Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan sa isang iglap. 25 Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng mga tao sa panahong ito.



MAGNILAY:

Malaki ang kaugnayan ng pagkilala sa sarili sa pagkilala sa presensya ng mapagmahal na Diyos. Ang pagkadiskubre sa presensya ng Diyos sa buhay natin ay kaalinsabay ng pagkilala, pagtanggap at pagmamahal natin sa kung sino tayo. Natutuklasan natin ang Diyos una sa lahat sa kalooban natin. Una niyang minahal sa kung sino tayo bnago tayo sa sarili natin. Ang maganda at ang pangit sa atin ay walang kondisyong tinanggap at minahal ng Diyos at dahil dito natututunan din nating tanggapin at mahalin ang sarili natin. Sino nagsisimula ang ating buhay sa kaharian ng Diyos.



Madalas nating iwasan ang sarili natin. Ito ang unang hindi natin pinapansin. Marami ang subsob sa trabaho, maraming gawain, abala sa ganito at ganiyan, aktibo dito at doon, pero yun pala taktika lang para iwasan komprontahin. Takot tayong harapin lalo na ang ayaw natin sa sarili natin, ang hindi natin tanggap sa sarili natin, ang mahina at maysakit sa sarili natin. Akala natin nagsisilbi tayo sa Diyos, mapagmahal tayo sa komunidad, magaling tayong mamamayan sa pagkakawang-gawa. Pero sa totooo lang, tumatakas lang tayo. Umiiskapo lang tayo sa sarili natin na habol ng habol para pansinin at harapin natin.



Hindi natin lubusang mamamahal ang Diyos kapag hindi rin natin mamahalin ang sarili natin. Hindi natin kayang mahalin ang kapwa kapag hindi natin mahal ang sarili natin. Ang pag-ibig para sa Diyos at kapwa ay bumubukal sa pag-ibig natin sa sarili natin. Doon nakapunla ang binhi ng kaharian ng Diyos!



Kaya't mahalaga ang palagiang pananahimik, pagninilay at pagdarasal ng tahimik. Dito tayo nagkakaroon ng pagkakataon makapuinta sa kaloob-looban natin. Dito tayo nakakapaglakbay papunta sa kalooban natin kung saan naroon ang sangtwaryo ng Diyos. Masama ang laging abala, trabaho ng trabaho, gawa ng gawa ng hindi nagpapahinga at nagninilay. Masama ang laging maingay panlabas at lalo panloob. Sa mga kabataan pati na rin sa matatanda, masama ang 24-oras nakapasak ang earphone sa tenga para malibang sa maiingay na musika na nagdidistorbo sa atin para kausapin ang sarili natin. Kailangang hanapin natin ang desyerto natin para makapag-isa at kausapion ang sarili at ang Diyos.



Muli, imposibleng magmahal kung una sa lahat hindi mo mahal ang iyong sarili!



MANALANGIN:

Panginoon, naroon ka sa aking puso at kaluluwa. Akayin mo ako papunta sa aking sarili. Matuklasan ko nawa ang pag-ibig mo na nagmahal sa kung sino ako. Huwag nawa akong matakot lakbayin ang daan papunta sa sarili ko. Ito ang daan para makapasok ako sa iyong Kaharian.

Tuesday, November 9, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-10-10)

MAGANDANG BALITA NGAYON - MIYERKULES NG IKA-32 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Nob. 10)
by Rey An Yatco on Wednesday, November 10, 2010 at 5:15am

LUKAS 17: 11-19

Pinagaling ang Sampung Ketongin

11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, "Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!"

14 Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, "Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari."

Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.

17 "Hindi ba't sampu ang aking pinagaling at nilinis?" tanong ni Jesus. "Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?" 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, "Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya."



MAGNILAY:

Masakit siyempre na matapos mong pagmalasakitan at pagkalooban ng iyong panahon at pagtulong hindi ka man lamang naalala at pasalamatan.



Hindi miminsan na kahit tayo ay napipilitang lumapit kung kani-kanino sa oras ng matinding pangangailangan. Nariyang mangutang tayo. Halos magpalimos tayo. Kung anu-anong pakiusap ang ating ginagawa. Pakapalan na ng mukha para makuha natin ang ating talagang kailangan. Meron talagang walang pakialam sa pakiusap natin. Meron di pumapansin. Merong nagtatago at ayaw mahingan ng tulong. Merong atubili sa pagtulong. Pero meron din naman talagang may mabuting kalooban na kahit gipit ay tutulong kahit kaunti, kahit hindi buo. Kaya lang minsan, magaling tayong manghingi pero kapag nakahingi na, nakakalimot na. Hindi na nakapagpasalamat ng mabuti, hindi pa marunong umako ng responsibilidad para masuklian ang kabutihang natanggap mula sa iba. Minsan, pag nakautang tayo, tayo naman ang nagtatago kasi ayaw naman nating magbayad. Wala na tayong pakialam sa pangako nating magbayad. Napakaraming pagkakataon na ang hangad lang natin ay makakuha. Pag nakuha na, diyan ka na! Isang tanda na minsan kung di mana palagi ay sarili lang ang iniisip natin. Pagiging makasarili ang ugat ng kawalang utang na loob, kawalan ng kakayahang magpasalamat.



Sa sampung ketongin na pinagaling ni Hesus, hinangad niya na sana lahat ay natutong magpasalamat sa Diyos. Hangad niya na sana nakita nilang lahat ang pagmamalasakit ng Diyos sa kanila. Hangad niya na sana mauwi sa magandang relasyon sa Diyos ang pagpapagaling sa kanila. Pero sarili lang ang iniisip ng nakakarami. Ang layunin nila ay makakuha lamang. Pag nakuha na, diyan ka na! Iisa, banyaga pa, ang nakaunawa ng rebelasyon ng Diyos. Iisa ang nilimot ang sarili para balikan ang sanhi ng kagalingan at pasalamatan. Iisa ang nakakita sa malasakit ng Diyos.



Gayunpaman, hindi titigil si Hesus sa kanyang malasakit sa iba. Marunong o di marunong magpasalamat, gagawin pa rin ni Hesus sa atin ang mabuti para sa atin. Walang makakpigil sa kanya sa paggawa ng tama at mabuti. Ito rin ang hamon ni Hesus sa atin. Merong mga taong walang utang na loob pero huwag sana silang maging dahilan upamng huwag nating gawin ang tama at mabuti. Tumulong sa iba dahil ito ang kalooban ng Diyos. Kung di man tayo mapasalamatan ngayon, baka bukas, baka sa susunod na panahon, baka kung kailanaman. Masaya na tayong nakatulong kahit hindi masuklian ng pasasalamat.



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong tumanaw ng utang na loob at magpasalamat sa lahat ng iyong kabutihang ipinapamalas sa akin. Huwag sana akong malunod sa aking sarili lamang. Matuto rin akong kilalanin ang kabutihan ng aking kapwa. Gayundin, huwag sana akong tumigil sa pagtulong sa iba kahit hindi ako napapasalamatan. Walang dapat maging dahilan para hindi ko gawin ang iyong kalooban na kami ay magmahal ng kapwa. Masaya na na ako'y nagmahal kahit walang kapalit.

Sunday, November 7, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-08-10)

LUKAS 17:1-6

Mga Sanhi ng Pagkakasala

1 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Siguradong darating ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan niyon! 2 Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. 3 Kaya't mag ingat kayo!

"Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya'y magsisi, patawarin mo. 4 Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, 'Nagsisisi ako,' kailangang patawarin mo siya."

Pananampalataya sa Diyos

5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, 'Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!'

6 Tumugon ang Panginoon, "Kung ang inyong pananampalataya ay maging sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, 'Mabunot ka at matanim sa dagat!' at susundin kayo nito."



MAGNILAY:

Ang iskandalo ay may ganitong depenisyon: isang paraan para iligaw o ilihis ng landas ang iba papunta sa masama. Ito ang sinasabi ni Hesus na kakila-kilabot kung tayo ang magiging instrumento. Matindi ang magiging pananagutan natin kapag tayo ang naging sanhi para magkasala ang iba. Mabuti pa ngang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat. Mabigat at matinding mga saloita ito ng Panginoon. Mas masaklap kapag ang iniligaw natin ng landas ay mga bata, mga kabataan, mga walang-muwang sa buhay, mga inosente. Higit pa sa kakila-kilabot na kapalaran ang sasapitin natin.



Pero gaano nga ba tayo ka-conscious sa maaaring impluwesya natin sa iba lalo sa kabataan. May mga magulang na bawal ng bawal sa mga anak na magbisyo pero numero uno silang umiinom, naninigarilyo, nagsusugal at masaklap pumapasok sa mga bawal na relasyon sa iba. Di ba may balita nga na tatanggalan ng lisensiya ang mga doktor na hindi mapigilang manigarilyo? Ang Simbahan din ngayon ay sugatan dahil sa maling kagagawan at iskandalo ng mga pari. Lugmok din ang bayan dahil naging kultura ang pagnanakaw dahil ginagaya lang naman kung ano ang ginagawa at patakaran ng mga nasa posisyon. Mahirap ipagkatiwala ang isang responsibilidad o posisyon o pamumuno sa hindi kayang magbigay ng magandang halimbawa. Hindi sapat ang galing at talino. Mahalaga ang kakayahang magoing isang halimbawa. Hindi puwedeng ibalewala ang kakayahang isabuhay ang sinasabi at pinapangaral.



Sa harap ng Diyos mananagot tayo. Ilang kaluluwa ang naligaw ng landas dahil sa kagagawan natin? Pagnilayan. Suriing mabuti. Bago gumawa ng anuman, isipin ang epekto nito sa iba. Pananagutan natin ang kaligtasan ng iba.



MANALANGIN:

Panginoon, tulugan mo kaming pakitidin ang agwat na naglalayo sa mga sinasabi namin at sa ginagawa namin. Maging halimbawa nawa kami sa salita lalo na sa gawa.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-07-10)

LUKAS 20: 27-38

Katanungan Tungkol sa Muling Pagkabuhay

27 Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay. 28 Sabi nila, "Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, 'Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.' 29 Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. 31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. 32 Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae. 33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?"

34 Sumagot si Jesus, "Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. 35 Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang 'Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.' 38 Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sa kanya'y buhay ang lahat."



MAGNILAY:

Ang takbo ng buhay natin sa kasalukuyan ay nakasalalay sa iniisip nating bukas. Ang bukas ang target natin. Lagi nating pinaghahandaan ang bukas malayo man ito o malapit. Dinidiktahan ng bukas ang ating kasalukuyan.



Ito ang kahalagahan ng ating Kristiyanong paniniwala sa muling pagkabuhay. Itinuturing natin itong ang pinaka-bukas natin. Ito ang destinasyon nating lahat. ito ang pinahayag ni Hesus. Ito rin ang kanyang pinatunayan sa kanyang muling pagkabuhay. Nakalaan tayo na mabuhay magpakailanman.



Bagama't kailangan ng ibayong pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos para paniwalaan ang muling pagkabuhay dahil nga sa tumutukoy ito sa kinabukasan na hindi pa nangyayari, pero kung tutuusin natin, ito ang pinaka-lohikal at rasonableng aral kung maniniwala tayo sa Diyos. Walang saysay ang anumang paniniwala sa Diyos kung wala naman palang buhay na walang hanggan. Magkakambal ang paniniwala sa Diyos sa paniniwala sa buhay na walang hanggan. Ang buhay na walang hanggan ang pinakatumpak na hantungan ng pagmamahal. Ang pag-ibig ang nagsasabi sa atin na may buhay na walang hanggan sapagaka't ang pag-ibig, na siyang pinakakahulugan ng buhay kristiyano, ay nagbibigay sa atin ng patikim ng buhay na walang hanggan. Ang taong nagmamahal ay nakakadama ng kawalang katapusan. Alam ng taong nagmamahal na ang makalupang kamatayan ay hindi kayang wakasan ang wagas na pag-ibig. Ito ang misteryo ng karanasan ng pag-ibig. Kaya't ang unang utos ng Diyos ay magmahal. At ang Diyos sa kanyang sarili ay PAG-IBIG!



Maraming kumokontra sa konsepto ng buhay na walang hanggan. Gusto kasi ng marami na kontrolado nila lahat - isip, imahinasyon pati ang bukas. Hindi nila kayang arukin at unawain ang buhay na walang hanggan. Ayaw nilang bigyang pagkakataon ang misteryo at pananampalataya para unawain ang kabuuan ng buhay. Gusto lang nila ay yung kaya nilang ipaliwanag ng husto. Ganito ang mga Saduseo sa ating Ebanghelyo. Hindi nila maisip ang realidad ng muling pagkabuhay. Akala nila pareho pa rin sa buhay ngayon. Pero hindi nga. Sinabi ni Hesus na iba. Matutulad tayo sa mga anghel sa pag-iral. Ang mundo rin ngayon ay nagsisikap na iguho ang paniniwala sa buhay na walang hanggan. Walang langit. Walang kaluluwa. Materyal na mundo lang talaga. Kaya magpakasarap na tayo ngayon. Sundin kung ano gusto mo. Huwag magpadikta sa kaninuman lalo na ang relihiyon. Magpakasaya tayo sa yamang materyal ng mundo, sa tawag ng laman, at iba pa dahil nga ang buhay ay dito lamang. Magaling mangumbinsi ang mundo pero sa totoo lang, mapagpanggap siya. Iniiwasan talaga niya ang isyu ng kamatayan. Hindi niya kayang harapin ang usapin ng wakas. Ayaw niya itong pag-usapan. Gusto niya itong takasan. Pero sino ang makakaiwas sa katotohanang ito?



Haharap tayong lahat sa isyu ng kamatayan. Sa gusto man natin o hindi haharapin natin ang isyu ng buhay na walang hanggan. Malalaman ng puso natin kung may naghihintay nga sa ating buhay na walang hanggan. Sa mga namuhay ng makamundo at makasarili, siguradong takot at pag-aalala ang naghihintay dahil alam niya hindi niya napaghandaan ang buhay na walang hanggan. Sa mga namuhay sa wagas na pag-ibig, ang kamatayan ay hindi isang banta. Sa puso niya alam niya na may susunod na baitang ng pag-iral at maghihintay siya hangga't ang mga mahal niya sa buhay ay makapiling niyang muli kasama ang Maykapal.



MANALANGIN:

Panginoon, ipabatid mo palagi sa akin na hindi ang mundong ito ang hantungan ng buhay. Maiwasan ko nawa ang magpasasa at magpakalunod sa buhay makamundo. Bagkus, maging tulay nawa ang buhay ko dito sa mundo para makatawid sa buhay na walang hanggan. Mapuno nawa lagi ng pag-ibig ang puso. Huwag kong hayaan na magkaroon ng sandali na ang puso ko ay salat o kaya'y naubusan ng wagas na pag-ibig.