Friday, November 19, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-20-10)

LUKAS 20: 27-40

Katanungan Tungkol sa Muling Pagkabuhay

27 Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay. 28 Sabi nila, "Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, 'Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.' 29 Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. 31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. 32 Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae. 33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?"

34 Sumagot si Jesus, "Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. 35 Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang 'Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.' 38 Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sa kanya'y buhay ang lahat."

39 Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, "Guro, maganda ang sagot ninyo!" 40 At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya.



MAGNILAY:

Hindi puwedeng pilitin ang ayaw talaga maniwala. Kahit anong lohikal ang iyong sinasabi at kahit gaano pa kapani-paniwala ang nagsasabi, ang sarado na ang isip ay mahirap makumbinsi.



Ganito natin mailalarawan ang mga Saduseo na ayaw maniwala sa aral ng muling pagkabuhay. Pinili nila na ang dapat lang paniwalaan ay ang mga aral ni Moises. Ayon sa kanilang pananaw, walang sinabi si Moises tungkol sa muling pagkabuhay. Kaya't hindi sila rito naniniwala. Sarado ang kanilang isip tungkol sa bagay na ito. Kahit pa napakalinaw ang paliwanag ni Hesus na hindi talaga walang-walang nabanggit si Moises tungkol sa pagkabuhay na muli. Ang insidente nga sa mababang punung-kahoy kung saan unang nagsalita at nagpakilala ang Diyos kay Moises ay nagpapahiwatig ng buhay sa kabila. Hindi puiwedeng maging Diyos ng mga patay ang Diyos ng Israel. Nang binanggit niya ang mga pangalan nina Abraham, Isaac at Jacob, pinapahiwatig niyang buhay sila sa kabilang buhay. Gayunpaman, pinili pa rin ng mga Saduseo na maging sarado.



Totoong pananampalataya ang kailangan para paniwalaan ang muling pagkabuhay. Pero hindi basta-basta ang nangaral at nagpahayag nito - ang Panginoong Hesukristo. Kahit noon pa man, tanyag na siya sa pagiging guro dahil sa kanyang kredensyal. Una, sinasabuhay niya ang kanyang pinapangaral. Kaya't umani siya ng respeto at pagtitiwala ng mga tao. Ikalawa, pinatutunayan niya ang kanyang mga aral sa pamamagitan ng paggawa niya ng mga himala mula sa Diyos. Kahit kapani-paniwala at dapat pagtiwalaan ang Panginoong Hesus, naging sarado pa rin at hindi nagkaroon ng kahit konting pagbubukas ng isip ang mga Saduseo.



Kapag sarado ang isip, walang pag-asang makatuklas ng buong katotohanan. Kapag salat ang ating kaalaman tungkol sa katotohanan, matamlay ang ating puso. Katotohanan ang nagbibigay lakas at sigla sa kalooban dahil nakasalig dito ang kahulugan ng ating mga ginagawa. Dapat nating palawakin ang kaalaman natin tungkol sa katotohanan. Si Hesus ang karunungan ng Diyos. Sa kanya nagmumula ang lahat ng kaalaman at katotohanang kailangan natin.



Ang pagtanggi sa aral ng pagkabuhay na mag-uli ay pagmamaliit rin sa kung ano puwedeng gawin ng Diyos. Ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat. Kaya niya gawin ang di-malirip ng isip ng tao. Mas lohikal na mamuhay tayo magpakailanman sapagka't hindi tayo nilalang, minahal at iniligtas ng Diyos para maglaho lamang ng kusa. Nakalaan tayo na mamuhay sa piling niya magpakailanman. Ang kamatayan at tuluyang paglaho ang pinaka-ilohikal na hantungan ng lahat. Bakit pa lumalang ang Diyos kung maglalaho rin naman kinalaunan? Pero hindi nga. Nilalang tayo para makabahagi sa buhay ng Diyos sa eternidad. Ang nararapat na pupuntahan ng dakilang pag-ibig ng Diyos ay ang buhay na walang hanggan.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, manalig nawa ako sa iyong salita at gawa. Huwag sanang maging sarado ang aking isip sa kung ano ang puwede mong gawin lalo na sa panahon ng dagok ng buhay. Ikaw ang aming sandigan at katotohanan. ikaw ang aming buhay at muling pagkabuhay.

No comments:

Post a Comment