Sunday, October 31, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-01-10)

MATEO 5:1-12

Ang Sermon sa Bundok

1 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad 2 at sila'y tinuruan niya.

Ang mga Mapapalad(Lucas 6:20-23)

3 "Mapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.

4 "Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.

5 "Mapalad ang mga mapagpakumbaba,sapagkat mamanahin nila ang daigdig.

6 "Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,sapagkat sila'y bubusugin.

7 "Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.

8 "Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.

9 "Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.

10 "Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.

11 "Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan a nang dahil sa akin.

12 Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit.



MAGNILAY:

Araw ngayon ng mga bayani! Ipinagdiriwang natin ngayon ang kabayanihan ng lahat ng mga Kristiyano na nagpamalas ng katapangan sa pagbibigay patotoo sa pananampalataya. Pinararangalan natin ang lahat ng mga Kristiyano na sumaksi sa buhay at aral ng Panginoong Hesus. Sila angh mga Banal sa kalangitan. Sila ang mga Bayani ng Simbahan. Hindi lang sila yaong opisyal na kinilala ng Simbahan sa pamamagitan ng kanonisasyon. Ang kinikilala natin ngayon ay lahat-lahat ng mga Kristiyanong nasa piling ngayon ng Diyos sa kanyang kaharian. Binibigyang-pugay natin lalo ang mga Kristiyanong tahimik na nagsabuhay ng pananampalataya. Maaaring sila'y mga kapamilya natin, kamag-anak, kaibigan, kasamahan, kababayan, kalahi, kakontemporaryo, at marami pang iba. Sinasaluduhan natin ang mga bayani ng ating pananampalataya. Nawa mabigyang-inspirasyon tayo na magpakabayani rin sa ating buhay-pananampalataya. Tulad ng nasasaad sa ating Ebanghelyo: Mapalad ang mga walang inaasahan kundi ang Diyos (o mga dukha sa espiritu), sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit. Ang pundasyon ng kabayanihan sa pananampalataya ay ang pagtanggap ng ating karukhaan sa harap ng Diyos. Siya at siya lamang ang kahulugan at kabuluhan ng ating buhay. Siya lamang ang ating tanging kailangan. Kung wala siya, walang saysay ang lahat. Siya ang ating tanging yaman!



Araw din ngayon ng Kasamahan ng mga Banal (o Communion of Saints). Ang Simbahan ay binubuo ng tatlong grupo: ang Simbahang Matagumpay, ang Simbahang Nagdurusa, at ang Simbahang Nakikibaka.



Ang Simbahang Matagumpay ay mga kapatid natin sa pananamplataya na nasa langit na. Sila ang mga santo sa langit, ang mga Banal, ang mga Bayani. Nakikipag-ugnayan tayo sa kanila sa pamamagitan ng panalanging ukol sa mga santo. Humihingi tayo sa kanila ng tulong na panalangin sa ating mga pangangailangan. Dahil isa tayong pamilya, nagtutulungan tayo ng pagdasal sa Diyos. Bukod sa modelo natin sila, sila ay tagapagdasal din natin.



Ang Simbahang Nagdurusa ay mga kapatid sa pananampalataya na nasa purgatoryo. Naniniwala tayo na bawa't pagkakasala natin ay may katapat na pagbabayad-puri. Ito ay hustisya ng Diyos. At may mga Kristiyano na karapat-dapat sa langit nguni't may kailangan pang ipagbayad-puri na kasalanan kaya't ito'y kanila pang pinag-dadaanan. Hindi naman sila yung ubod sama na tumalikod ng lubos sa Diyos kung kaya't nakalaan sila sa impiyerno. Sila'y mga Kristiyano na tulad natin na may mga kahinaan at nakakagawa ng mga kasalanan sa kabila ng ating pagmamahal sa Diyos. Ang puragatoryo ay pansamanatalang kalagayan upang malinis o madalisay pa ang mga kasalanang dapat ipagbayad-puri. Pero ang langit ay sigurado na para sa kanila. Nakikipag-ugnayan tayo sa kanila sa pamamagitan din ng panalangin. Ipinagdarasal natin sila. Kaya nga't nakagawian na rin nating dalawin ang mga libingan ngayon para ipagdasal ang mga yumao na maaaring nasa kalagayan pa ng purgatoryo. Ang ating panalangin ay nakakatulong sa pasra sa kanila. Sila rin ay pinanniniwalaan nating nagdarasal para sa atin dahil sila'y mga kapatid natin.



Ang Simbahang Nakikibaka ay walang iba kundi tayo na narito pa sa lupa. Nasa proseso pa tayo ng pagiging santo o banal. Naglalakbay pa tayo sa lupa tungo sa Kaharian ng Diyos. Araw-araw nagsisikap tayo na manatiling tapat sa pananampalataya natin. Araw-araw ay ginagawa nating tulay upang makarating sa Tahanan ng Diyos. Dapat nating tandaan na ating destinasyon ay Langit, ang Kaharaian ng Diyos, ang maging Santo o Banal o Bayani ng Diyos.



Kaya't ang araw na ito ay espesyal na reunion ng lahat ng kaanib ng Simbahan - Matagumpay, Nagdurusa at Nakikibaka. Sa panalangin at mabuting gawa tayo ay nagkakaisa, nagsasamahan, nagkaka-ugnayan. Maligayang Reunion at Pagsasama-sama sa araw na ito ng kabayanihan sa pananamplataya!



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, tipunin mo kaming lahat sa iyong Kaharian!

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-31-10)

MAGANDANG BALITA NGAYON - IKA-31 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Okt. 31)
by Rey An Yatco on Sunday, October 31, 2010 at 6:42am

LUKAS 19: 1-10

Nakilala ni Zaqueo si Jesus

1 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. 2 May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at napakayaman. 3 Sinisikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil sa siya'y pandak. 4 Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. 5 Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, "Zaqueo, bumaba ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay."

6 Nagmamadaling bumaba si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. 7 Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. "Nakikituloy siya sa isang makasalanan," sabi nila.

8 Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, "Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses."

9 At sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw."



MAGNILAY:

Ang kuwento ni Zaqueo ay isa na namang okasyon kung paano sinosorpresa tayo ng biyaya ng Diyos. Sinong mag-aakala na ang magbebenepisyo sa biyaya ni Hesus ay ang publikano ito? Wala sigurong nag-isip na siya ang tatamaan ng mga aral ng Panginoon, o siya talaga ang puntirya ng Panginoon. Si Hesus ang mismong lumapit at tumingala sa kanya noong siya ay nasa itaas ng puno. Siya talaga ang target ng Panginoon.



Hindi naman nagkamali ang Panginoon. Tumugon si Zaqueo sa kanyang paanyaya. Kahit iniintriga siya ng mga tao hindi niya ito ininda. Ang mahalaga, tumimo sa puso niya ang mensahe ng Panginoon at kailangan niya itong tugunin. Pinatunayan niya ang sinseridad ng kanyang kagustuhang magbago. Hindi nabigo sa kanya si Hesus.



Ano nga ba ang mga palatandaan ng isang tunay na pagsisisi na maaaring makita natin kay Zaqueo?



Una, ang pagkilala sa katotohanan ng kasalanan. Totoo ang kasalanan. Realidad ito. Sa panahon natin, marami na ang hindi kumikilala sa realidad ng kasalanan. Hindi naman ako nagnakaw e, kinuha ko lang. Hindi naman ako nagsinungaling, nagkamali lang ako ng interpretasyon. Hindi naman ako nangalunya, naglibang lang sandali. Hindi naman ako pumatay ng sanggol sa sinapupunan, hindi ko lang tinuloy ang aking pagbubuntis. Lahat ng ito, at marami pang iba, ay tusong pagtatakip sa realidad ng kasalanan. Walang tunay na pagsisisi sa naglilikot sa kahulugan ng kasalanan. Ang kasalanan ay kasalanan! Halimabawa si Zaqueo sa pagbigay-pangalan sa kanyang nagawang kasalanan - ang pandaraya. Bilang maniningil ng buwis, karaniwan itong kasalanan na kaniyang nagagawa. Malinaw niyang dineklara kung ano ang kanyang kasalanan.



Ikalawa, ang pag-amin sa pagiging makasalanan o sa kasalanang nagawa. Isang lalaki ang lumapit sa pari at nagtanong: Pader, ano po ba ang unang dapat gawin ng mga makasalanang tulad ko upang maligtas? Sagot ni Pader: Nagawa mo na ang unang hakbang - ang aminin na ikaw ay makasalanan at nagkasala. Hangga't hindi umaamin at umaako sa kasalanang nagawa ay hindi magsisimula ang tunay na pagsisisi. Magaling tayo sa paglusot sa kasalanan. Kayang-kaya natin imanipula ang sitwasyon. Nababaligtad natin ito. Sa huli, bida ka pa. Marami tayong rason para mapawalang-sala. Minsan, ibang tao pa na walang kasalanan ang nadidiin. Lakas-loob ang pag-amin ni Zaqueo ng kanyang kasalanan. Yung pag-akyat lang niya sa puno para makita si Hesus ay pag-amin na siya'y uhaw sa katwiran at naroon ang hangad na magbago. Kahit may sinasabi siya sa buhay, hindi niya inalintana ang umakyat ng puno para masilayan ang Panginoon ng pagpapatawad.



Ikatlo, ang resolusyon na magbago. Ang pagsisisi ay hindi lamang paghingi ng patawad sa kasalanan at tapos na. Bahagi ng pagsisisi ang pagbabagong-buhay. Kailangang talikuran ang lumang buhay at tumahak sa isang panibagong buhay. Hindi puwedeng sorry lang. May desisyon dapat na magbago ng landas. Ang kumpisal ay hindi lang paghuhugas ng kasalanan para makagawa uli. Hindi ito pagbabawas ng kasalanan para makapagdagdag. Si Zaqueo ay hindi lang nagsisi. Pinakita niya ito sa konkretong paraan. Naroon ang resolusyon niyang magkawang-gawa simula noon. Ang dating mandaraya ay ngayon magiging intrumento ng pagtulong sa mahihirap.



Ang huli, reparasyon o pagsasaayos muli ng sira na naidulot ng kasalanan. Dapat ayusin ang nasira sa relasyon, sa sitwasyon, sa reputasyon, at iba pa. Dapat isoli ang kinuha ng hindi makatarungan. Ang nagnakaw ay dapat isoli ang ninakaw kung hindi man sa direkta o saktong paraan, sa indirekta o ibang paraan. Pero dapat may pagsasaayos ng nasira o pagpapanauli ng nawala. Mahirap kapag ang nawala o nasira ay ang karangalan. Matagal itong naisasauli. Ang sugat na dulot ng kasalanan ay minsan mahirap ding gamutin. Nagtatagal ito. Kaya nga, bago gumawa ng kasalanan, mag-isip-isip. Sabi nga, nasa huli ang pagsisisi. Hindi lahat ng nasira ay naaayos. Hindi lahat ng nawala ay naisasauli. Handa si Zaqueo na ibalik kung ano ang kanyang kinupit niya sa mga tao. Tanda ito ng kanyang sinseridad. Ibabalik niya ang ninakaw niya sa mga tao.



MANALANGIN:

Panginoon, akayin mo ako sa tunay na pagsisisi. Huwag lang sana ito maging isang sentimental na proseso. Nawa maging simula ito ng paghilom sa mga sugat na naidulot ng aking kasalanan. Maging karanasan nawa ito ng pagsasauli sa mga nasira at nawala dahil sa aking pagkakasala. Maging daan nawa ito ng isang pagbabagong-buhay na pangmatagalan.

Tuesday, October 26, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-27-10)

LUKAS 13: 22-30

Ang Makipot na Pintuan

22 Nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakbay, at siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan papuntang Jerusalem. 23 Minsan may nagtanong sa kanya, "Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?"

Sinabi niya sa kanila, 24 "Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag ang pinto ay isinara na ng pinuno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, 'Panginoon, papasukin po ninyo kami.' Ngunit sasabihin niya sa inyo, 'Hindi ko kayo kilala!' 26 Sasabihin naman ninyo, 'Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.' 27 Sasagot naman siya, 'Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!' 28 Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama'y ipinagtatabuyan! 29 Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli."



MAGNILAY:

Anong tatlong dahilan para hindi ka makapasok sa makipot na pintuan o lagusan?



Una, masyado kang mataba. Siguro, sobra kang matakaw. Ang katakawan ay kakambal ng pagiging makasarili. Laging sarili ang iniisip. Sarap, ginhawa at kabusugan para sa sarili ang umookupa ng iyong oras, plano at layunin sa buhay. Sa madali't sabi, nagpapalaki ka lang ng tiyan. Ang labis na pagkamakasarili ay hadlang sa pagpasok natin sa pinto ng tunay na kahulugan ng mabuhay. Ang buhay ay pinagkaloob sa atin para ibigay rin sa iba. Sa pagbibigay ng sarili ang puso natin ang tumataba. Ibang uri ng ligaya kapag tumataba ang puso hindi ang tiyan. Ang lumimot sa sarili para sa kapakanan ng iba ay susi sa pinto na sa loob nito ay naroon ang Diyos.



Ikalawa, masyadong marami ang iyong dala. Mahirap makapasok pag sobra ang iyong bitbit. Minsan, sobrang hulog ang puso natin sa mga bagay ng mundo. Nagiging alipin tayo ng mga alalahanin ng mundo. Tagabitbit tayo ng maraming bagay na nagkukunwaring pangangailangan e hindi naman talaga. Tuwang-tuwang ang mga bagay na ito kapag bitbit natin. Aliw na aliw sila kapag naaalipin nila tayo. Hinahanap-hanap natin ang mga bagay na ito parang mga asong tumutulo ang laway. Hahamakin ang lahat pati magandang prinsipyo sa buhay makuha lamang natin ang gusto natin. Pati Diyos ay limot na dahil nabingwit na ng mundo ang puso't isipan natin. Ang hirap o imposibleng makapasok ang maraming dala. Kailangan isa-isa natin itong bitiwan, iwanan at talikdan hanggang matutunan natin na simple lang naman talaga ang kailangan natin. Ang nagpapalungkot sa atin ay ang maling akala na marami ang kailangan natin o lahat dapat mapasaatin hanggang ibuhos natin ang lahat nating lakas. Pero nagigising tayo sa katotohanan na hindi sapat ang lakas natin para maangkin ang lahat. Na hindi naman talaga natin kailangan ang lahat. Simple lang ang kailangan. Kapag nasa sa atin na ang pinakamahalaga - ang Diyos - wala ng higit na dapat nating hanapin pa.



Ikatlo, nag-uunahan tayo. Minsan kahit sa larangan ng pananampalataya nakikipag-unahan tayo upang iwanan ang iba. At minsan hindi lang unahan at iwan, hihilahin pa palabas para ikaw ang makapasok. Kapag wala kang pakialam sa iba, malamang-lamang ganoon ang magiging resulta - uunahan mo siya, hihilahin mo siya at iiwan. Kaso ganoon din ang iniisip ng iba - uunahan ka, hihilahin at iiwan. Nagsisiksikan tayo sa lagusan para mauna, manghila at mang-iwan. Sa pintong makipot, mahalaga ang tulungan. Importante ang kolaborasyon. Hindi dapat mawala ang pag-alalay sa isa't-isa. Kailangan natin ang iba para makapsok tayo. Kailangan tayo ng iba para makapasok din sila. Isa-isa, tulung-tulong, sama-sama sa parehong layunin.



Halinang pumasok sa makipot na pinto ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagwaksi sa pagkamakasarili, pagbitaw sa mga hindi naman talaga kailangan at pakikipagtulungan sa isa't-isa.



MANALANGIN:

Panginoon, akayin mo kaming lahat na makapasok sa makipot na pinto papasok sa iyong kaharian.

Monday, October 25, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-26-10)

UKAS 13: 18-21

Ang Talinhaga ng Buto ng Mustasa

18 Sinabi ni Jesus, "Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing? 19 Ang katulad nito'y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito'y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpupugad sa mga sanga nito."

Ang Talinhaga ng Pampaalsa

20 Sinabi pa ni Jesus, "Saan ko ihahambing ang paghahari ng Diyos? 21 Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong bakol na harina, kaya't umaalsa ang buong masa."



MAGNILAY:

Mas madali tayong maakit sa mga diskarteng malakihan, biglaan, isang bagsakan, at madalian. Siyempre, nakikita agad ang resulta. Bonggang-bongga ang dating. Walang kahirap-hirap. Hindi na kailangang maghintay ng kay tagal-tagal. Wala tayong pasensya para maghintay.



Pero hindi ito nag diskarte ng Diyos. Sa kanya nagsisimula ang lahat sa maliit hanggang sa lumaki, unti-unti hanggang maabot ang target, paulit-ulit hanggang maperpekto mo ang paraan at dahan-dahan pero sigurado. Tiyaga ang puhunan para sa kanya. Pasensiya at sipag. Paghihirapan mo talaga dahil kung hindi baka himndi mo ito pahalagahan. Maghihintay ka dahil sa paghihintay naaalis ang mga maling intensyon at akala. Matututo ka sa kasusubok at pagkakamali. Sa ganitong diskarte naniniwala ang Diyos na mas matibay ang magiging pundasyon nito dahil may paghubog na nagaganap sa sarili. Mas malalim ang pinaghuhugutan ng motibasyon sa gawa dahil paniniwala, kombiksyon at pananampalataya ang pinanggagalingan nito.



Sa pananampalataya mahalaga sa Diyos ang consistency. Mahaba at matagal na proseso pero walang paraan para mabuo at sukatin ang consistency kundi sa ganitong paraan. Mahalaga sa kanya ang hindi pabago-bago. Anuman ang maging sitwasyon pareho pa rin ang paniniwala at kombiksyon. Hindi interesado ang Diyos sa mga biglaan at bongga pero mababaw at malabnaw, mga madaliang swerte na hindi pinaghirapan kaya hindi rin pinapahalagahan. At dahil hindi dumaan sa ganitong proseso mas madali rin mawala at iwanan. Ang katapatan sa isang bagay ay nabubuo sa hirap at tiyaga at tagal ng panahon. Kaya nga hindi tumataya ng lotto ang Panginoon para makuha tayo. Pinagtitiyagaan tayo niya tayo. Pinagpapasensiyahang turuan at hubugin.



Buto ng mustasa at pampaalsa sa harina. Ito ay mga larawang nagpapaalala sa atin ng tiyaga, hirap, pasensiya kahit unti at maliit para makamit ang Kaharian ng Diyos. Pag dumating naman ang kanyang Kaharian, sobrang laki, lagpas sa ating inaasahan!



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo ako ng tiyaga at pasensiya. Tulungan mo akong pahalagahan ang paghubog kaysa mga biglaang pagkakamit ng mga bagay na ninanais ko. Maunawaan ko rin nawa ang importansiya ng mga maliliit pero consistent na mga ginagawa ko para matamo ang iyong Kaharian. Sa ganitong paraan ko makakamit ang tunay mong paghahari.

Sunday, October 24, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-25-10)

LUKAS 13: 10-17

Pinagaling ni Jesus ang Babaing Kuba

10 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga. 11 May isang babae roon na labing-walong taon nang may karamdamang sanhi ng isang masamang espiritu. Siya'y nakukuba at hindi na makaunat. 12 Nang siya'y makita ni Jesus, tinawag siya at sinabi, "Magaling ka na sa iyong karamdaman." 13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di'y naibalik ang dati niyang postura at nagsimula siyang magpuri sa Diyos.

14 Ngunit nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya't sinabi nito sa mga tao, "May anim na araw na inilaan upang kayo'y magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling ng mga sakit at huwag sa Araw ng Pamamahinga."

15 Sinagot siya ng Panginoon, "Mga mapagkunwari! Hindi ba't kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit sa Araw ng Pamamahinga? 16 Ang anak na ito ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labing-walong taon. Hindi ba dapat siyang kalagan kahit na sa Araw ng Pamamahinga?" 17 Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Jesus dahil sa isinagot niya. Natuwa naman ang mga tao dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.



MAGNILAY:

Kung ang sigla at gana mong magdasal at magsagawa ng mga relihiyosong ritwal at mga gawain ay hindi pareho sa sigla at gana mong tumulong sa kapwa lalo na sa tunay na nangangailangan may napakalaking problema ang iyong espiritwalidad at buhay pananamp lataya. Kung may inisyatibo ka na dumalo sa mga litruhikal na pagdiriwang at mga seremonyas pansimbahan pero wala kang inisyatibo na kusang makisali sa mga kawanggawa may malalang depekto ang buhay pagsunod mo sa Pangionoon. Kung mabilis pa sa alas kuwatro kung puntahan mo ang mga prayer meetings, bible sharing at fellowship pero kailangang hilahin ang paa mo sa mga proyektong panlipunan may hindi balanse sa buhay espiritwal mo. Kung wala kang amor sa kapwang may pangangailangan malayo ka sa totoong relihiyong Kristiyano.



Nakakakamot ng ulo ang reaksyon ng tagapamahala ng sinagoga sa pagpapagaling ni Hesus sa Araw ng Pamamahinga o sabat. Nagalit at pinagalitan pa ang mga tao. Sa kabila ng magandang nangyari na ang isang nahihirapan sa sakit ay mapagaling nasermonan pa. Kitang-kita ang malaking distorsyon sa tunay na diwa ng pananampalataya. Halatang-halata ang kontradiksyon sa pananaw ng pagpapakabanal. Kelan pa naging masama ang tumulong sa kapwa? Kelan pa naging bawal ang pagaanin ang hirap ng kapwa? Kelan pa naging salungat sa Diyos ang kawanggawa? Ang pagtulong sa kapwang nangangailangan ang pinakamagaling na pagpapahayag ng pananampalataya. Ang pagkakawanggawa ang pinakapalatandaan ng isang tunay na nananampalataya. Ang may malasakit sa kapwa ang patotoo ng pag-ibig sa Diyos na buhay. Mas prioridad ang pagaanin ang hirap ng kapwa kaysa mga ritwal at seremonyas. Hindi sinasabing huwag ng magdasal o magsagawa ng mga relihiyosong ritwal. Pero kelan man hindi puwedeng ipagpaliban ang malasakit sa kapwa lalo na't nariyan na ang pangangailangan. Lalong napapapurihan ang Diyos kapag may nagagawa tayong mabuti sa ating kapwa.



May oras ka ba sa kawanggawa? May nabibigay ba sa kawanggawa sa perang kinikita mo? Madasalin ka lang ba pero walang amor sa pagkakawanggawa? Baka may kulang sa iyong pagiging Kristiyano. Mas lalong malalasap mo ang tamis ng presensya ng Diyos sa altar ng panalangin kapag kinatagpo mo rin siya sa kapwa mong nangangailangan. Huwag kang magulat na ang Diyos na kinakatagpo mo sa lugar dalanginan ay naroon pala sa mga lansangan, lugar ng mag dukha, ospital, kulungan, palengke, iskwater, at kung saan-saan pang hindi mo madalas puntahan. Hinihintay ka niya doon.



MANALANGIN:

Panginoon, makita ko nawa ang iyong mukha sa mukha ng mga nahihirapan sa buhay. Mahalin nawa kita't sambahin sa pamamagitan ng pakikisangkot ko sa mga gawaing magpapagaan sa dinadala ng mga nabibigatan sa buhay. May gawin nawa akong konkreto para sa kanila.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-24-10)

LUKAS 18: 9-14

Ang Talinhaga ng Pariseo at ng Maniningil ng Buwis

9 Sinabi rin niya ang talinhagang ito sa mga taong mababa ang tingin sa iba at nag-aakalang sila'y matuwid. 10 "May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito tungkol sa kanyang sarili: 'O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.' 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, 'O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!' 14 Sinasabi ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang una ay hindi. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakumbaba ay itataas."



MAGNILAY:

Isang palatandaan na malayung-malayo ka pa sa tunay na kabanalan ay kapag naramdaman mong mas banal ka sa iba.



Dalawang mukha ng nagpapakabanal ang pinapakita sa atin ng talinhaga sa ating Ebanghelyo ngayon. Ang una ay mula sa isang Pariseo at ang ikalawa sa publikano o maniningil ng buwis. Malayo ang agwat ng dalawa kung pagpapakabanal ang pag-uusapan. Ang Pariseo ay kilala sa kanilang masusing pagsunod sa mga letra ng batas. Di-hamak na siguradong mas banal siya sa mata ng mga tao kung di man pinakabanal. Di nga ba't kilala ang mga Pariseo sa paghiwalay nila sa nakakarami na ang batayan ay ang kanilang matapat na pagsunod sa batas? Sila ang masunurin at ang lahat ay hindi. Sila ang tapat at ang lahat ay hindi. Sila ang banal at ang lahat ay hindi. Kaya tama yung dasal niya. Tumpak yung iniulat niya sa Diyos na kanyang ginagawa at nagawa. Walang kasinungalingan at walang eksaherasyon ang kanyang sinabi tungkol sa kanyang sarili. Nguni't sa kabila ng lahat ng ito, siya ang hindi kinalugdan. Pagmamataas, kayabangan at pagmamalaki ang ikinatisod ng Pariseong ito. Umakyat sa kanyang ulo ang kahambugan na siya ang dahilan ng kanyang kabanalan. Sa sariling kakayahan at sikap kaya naabot niya ang kanyang kinatatayuan - at anong galing niya! Sobrang galing nga niya kaya't naatim niya na isumpa't laiitin ang iba lalo na ang publikanong kasabay niyang nananalangin. Kulang na lang na pandirihan at itaboy ang isang makasalanang nagsisisi. Ere ang ikinabagsak ng Pariseong ito. Wala ng lugar ang Diyos sa puso niya dahil kaya naman niya. Sapat na ang sarili niyang kakayahan.



Sa kabiklang banda, narito ang publikano, ang ikalawang mukha ng pagpapakabanal. Sobra niyang alam ang kanyang kasalanan kaya't ganoon na lamang ang kanyang hiya sa Diyos hindi man lang siya makatingin sa dambana ng Panginoon. Nakayuko niyang dinadagukan ang dibdib sa malabis na pagsisisi. Todo ang kanyang paumanhin sa Diyos. Sa kanyang kapakumbabaan, ibinukas niya ang kanyang puso para lagyan ng Diyos ng kanyang awa at patawad. Sa mga sandaling iyon, Diyos ang kanyang kailangan. Siya ang kanyang hanap. Siya ang kanyang hangad. Bagama't makasalanan siya ang kinasihan at kinalugdan ng Diyos. Sa kanyang puso, may lugar siya. Siya ang tunay na banal. Ang tunay na banal ang pakiramdam sa sarili ay siya ang pinaka hindi karapat-dapat. Alam niya ang kanyang kakulangan. At dahil dito hindi niya makuhang lumait ng kapwa makasalanan. Dahil nauunawaan niya ang kalagayan ng isang makasalanan, habag at hindi panghuhusga ang kanyang nararamdaman sa harap ng kapwang nakikipagbuno sa tukso't kasalanan.



Pariseo o publikano? Ano ang mukha ng iyong pagpapakabanal? Mapalad ang mga nagpapakumbaba na walang inaasahan kundi ang kagandahang-loob ng Diyos. Malalasap niya ang tamis ng tunay na kabanalan.



MANALANGIN:

Panginoon, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanang minsan ay natutukso na magbalatkayong banal at manglait ng kapwa ko makasalanan.

Friday, October 22, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-23-10)

LUKAS 13: 1-9

Magsisi Upang Hindi Mapahamak

1 Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. 2 Sinabi niya sa kanila, "Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? 3 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. 4 At ang labing-walong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? 5 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila."

Ang Talinhaga ng Puno ng Igos

6 Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito. "May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. 7 Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, 'Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!' 8 Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, 'Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, 9 baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.' "



MAGNILAY:

Hindi naiiba ang reaksyon ng mga tao noon tungkol sa mga sakuna sa reaksyon natin ngayon. Inuugnay din natin ang sakuna sa kasalanan. Kaya pag may nangyaring sakuna, naiisip agad natin na parusa ito ng Diyos sa mga tao sa lugar na pinangyarihan nito. Kapag lumindol doon, agad nating sinasabi na siguro makasalanan na sila. Kapag binaha ang isang lugar ang reaksyon natin ay pinaparusahan na sila ng Diyos sa kanilang kasalanan. Pag nagkasakit tayo, ang sinasabi natin sa Diyos kung ano ano ba ang kasalanan natin bakit nangyari ito?



Ganito rin ang pananaw ng mga tao noong panahon ni Hesus. May nabalitaan silang sakuna na ipinapatay ni Pilato ang ilang taga-Galilea habang naghahandog at ang naisip nila agad ay malas. Siguro may kasalanan silang dapat pagbayaran. Naging pagkakataon ito para ipahayag ni Hesus na hindi dahil ganoon ang nangyari sa kanila ay mas higit silang makasalanan kaysa sa kanila. Ang mga sakuna at malalagim na pangyayari ay hindi maiuugnay sa kasalanan at parusa mula sa Diyos. Hindi dahil nabiktima tayo ng kasalanan ng iba ay pinarusahan na tayo ng Diyos. Sadyang bilang tao, kahit mabuti ka o masama, maaari kang maging biktima ng mga sakuna, gawa man ito ng kalikasan o bunga ng kasalanan ng tao. Bahagi ito ng ating limitasyon bilang nilalang at tao. Bahagi rin ito ng ating pagiging kabilang sa sangkatauhan na may kalayaang pumili kung ano ang gusto niyang gawin, mabuti o masama. Ito ang hiwaga ng ating pagiging nilalang.

Kung bakit nangyayari ito ay isang hiwaga na Diyos lang ang nakakaalam bakit pinayagan niya na mangyari ang mga iyon. May dahilan at ito ang dapat pagsikapan nating isaliksik sa pamamagitan ng panalangin at pagninilay sa mga bagay-bagay sa ating buhay. Minsan may leksyon ang Diyos na pinaparating sa atin sa masakit na paraan. Pero isang katotohanan ang dapat nating isaisip - hindi galing sa Diyos ang masama. Nguni't minsan pinapahintulutan niyang may mangyaring masama dahil sa malalim na kadahilanan. At ang madalas na mensahe ng Diyos ay magbago tayo dahil hindi natin hawak ang buhay natin. Marupok ito. Sa isang iglap ay puwede itong bawiin sa atin ng ganoon na lamang.



Seryoso ang Panginoon sa pangangaral ng pagsisisi. Binabalaan niya talaga ang mga ayaw magsisi. Mas masaklap ang kapalaran ng mga ayaw magsisi kaysa mga biktima ng sakuna at trahedya. Mas malala ang mangyayari sa kanila. Gayunpaman, maawain ang Diyos bagama't sigurado siya sa masaklap na kapalaran ng mga makasalanang ayaw magbago. Ang talinhaga ng punong igos ay nagpapakita ng kung paano ang Diyos ibibigay ang lahat at sagad na pagkakataon para magbago tayo. Kahit oras na sana para putulin ang hindi namumungang puno, binigyan pa ng isang taon para bigyan ng pagkakataon. Ganoon ang Diyos sa mga makasalanan. Sasagarin niya ang lahat ng paraan para imbitahin siyang magbago. Kaya nga, kung parusahan man ang mga makasalanang hindi nagsisi, ito ay sarili nilang kagustuhan at hindi kalooban ng Diyos. Sa Diyos, gusto niyang iligtas lahat.



MANALANGIN:

Panginoon, makita ko nawa ang mga pagkakataong binibigay mo sa akin para magbago. Huwag ko sanang balewalain ang mga ito. Pahalagahan ko nawa ang pagtitiyaga mo sa akin. Kahit unti-unti, pagsikapan ko nawang tumugon sa tawag mong magbago. Mamunga nawa ako ayon sa iyong inaasahan sa akin.

Thursday, October 21, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-21-10)

LUKAS 12: 49-53

Pagkabaha-bahagi ng Sambahayan

49 "Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito! 50 May isang bautismo na dapat kong danasin, at ako'y nababagabag hangga't hindi ito nagaganap. 51 Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi. 52 Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.

53 Ang ama laban sa anak na lalaki,at ang anak na lalaki laban sa ama;ang ina laban sa anak na babae,at ang anak na babae laban sa ina;ang biyenang babae laban sa manugang na babae,at ang manugang na babae laban sa biyenang babae."



MAGNILAY:

Magandang balita nga ba ang salita ng Diyos para sa atin? Depende ito sa nakikinig. Maganda para sa mga naghahanap ng katotohanan, hindi para sa mga may hinahanap pa liban sa katotohanan. Maganda para sa mga naghahangad ng pagbabago, hindi para sa mga gustong manatili sa kasalukuyang kalakaran ng kanlang buhay. Maganda para sa mga may pangarap ng mas mabuting buhay, hindi para sa mga ayaw ng mangarap. Depende talaga sa nakikinig. Para itong hagdanan. Kung ito ay paakyat o pababa, depende sa gumagamit nito. Pero dalawa lang ang pagpipilian: maganda o hindi, paakyat o pababa, tanggap o hindi tanggap. Walang gitna. Walang neutral. Walang sala sa lamig, sala sa init. Isa lang. At dahil dito, ang salita ng Diyos ay nagdadala ng pagkakabaha-bahagi. Hahatiin niya tayo sa dalawa: ang mga naniniwala at hindi, ang mga nagtitiwala at hindi, ang mga susunod at hindi. Minsan, kahit kadugo mo o pinakamalapit sa iyo ay hindi nangangahulugan ng pagkakapareho ng desisyon. Kaya kahit sa mag-anak, mahahati depende sa kung ano ang kanilang desisyon sa tawag ng Panginoon. Minsan, kailangang iwan ang mahal sa buhay alang-alang sa pagtugon sa salita ng Diyos.



Ang katangian ng salita ng Diyos ay hindi ito puwedeng balewalain. Minsang marinig mo ito, mamimili ka. Magdedesisyon ka. Hindi puwedeng dedma! Hindi puwedeng no pansin! Tatanggapin mo ito o hindi. Yayakapin mo ito o hindi. Magbabago ka o hindi. Kapag binalewala mo ito, hahabulin ka nito saan ka man pumunta o anuman ang pagkaabalahan mong iba sa buhay. Kapag tinakasan mo siya, susundan ka niya saang lupalop ng mundo ka man pumunta. Matatagpuan mo siya sa kung anong paraan at saan ka man tatakas. Hindi ka nito tatantanan hangga't makagawa ka ng desisyon. Oo o hindi.



Ang isa pang katangian ng salita ng Diyos ay gagambalain ka nito hangga't hindi mo siya sinasagot ng oo. Ganoon ka kompiyansa ang salita ng Diyos. Alam niyang totoo siya. Alam niyang pinakamabuting opsyon siya. Alam niyang siya lang ang makakapagbigay sa iyo ng tunay na kaligayahan at kapayapaan. Alam niya na kung iba ang pinili mo, ang pinili mong iyon ay hindi ang pinakamagaling, hindi ang pinakamainam. Alam niyang siya ang mas magaling at mainam na pagpipilian. Kaya ipipilit niya ang kanyang sarili. Sasagi siya sa iyong kamalayan ng hindi mo inaasahan. Kakabog siya sa puso mo ng hindi mo namamalayan. Masasalubong mo siya ng biglaan. Makakabangga mo siya sa isang sorpresang pagkakataon. Kokomprontahin ka niya at magtatanong: Ano na? Ano na ang iyong desisyon? Hanggang kelan ka iiwas? Kelan mo ako sasagutin?



Maingay ang salita ng Diyos. Laging umaalingawngaw. Laging nagpaparamdam. Laging nagpapansin. Kelan mo siya lilingunin? Kelan mo siya sasagutin?



MANALANGIN:

Panginoon, huwag mo akong tatantanan hanggang ang matigas kong puso ay lumambot at maging handa na tugunin ka.

Tuesday, October 19, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-20-10)

LUKAS 12: 39-48

39 Sinasabi ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito. 40 Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman."

Ang Tapat at Di Tapat na Alipin

41 Nagtanong si Pedro, "Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinhagang ito para sa amin o para sa lahat?"

42 Sumagot ang Panginoon, "Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras? 43 Mapalad ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng kanyang panginoon. 44 Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 45 Ngunit kung sasabihin ng aliping iyon sa kanyang sarili, 'Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking panginoon,' at dahil dito'y pagmamalupitan niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae, at siya'y kakain, iinom at maglalasing. 46 Darating ang kanyang panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong lupit siyang paparusahan ng kanyang panginoon, at isasama sa mga suwail.

47 "Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat. 48 Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong maraming bagay."



MAGNILAY:

Madaling hulaan ang haba ng buhay ng mga bagay-bagay. Ang isang karaniwang kotse ay nasa pinakamahusay niyang kondisyon sa loob lamang ng limang taon. Paglagpas ng limang taon asahan mo na ang maraming sakit nito. Ang isang computer ay matagal na ang tatlong taon at pagkatapos nito siguradong obsolete na ito. Ang isang cellphone, isang taon lang pakiramdam mo, lumang-luma na.



Mas madaling hulaan ang itatagal ng mga bagay-bagay pero ang buhay ng tao, mas mahirap hulaan. Bagama't masasabi natin na ang normal na haba ng buhay tao ay pitumpung taon at walampu para sa mga malakas, pero hindi pa rin natin masabi. Sabi nga, sa istilo ng buhay ng tao ngayon, paikli na ng paikli ang buhay ng tao. Minsan, kuwarenta pa lang, may malala ng sakit at nagbibilang na ng araw. Siyempre, minsan, mas mababa pa sa edad na ito ay may mga kaso ng matinding karamdaman. Hindi rin natin maiaalis ang mga di-inaasahang pangyayari tulad ng aksidente, sakuna at krimen. Maikli talaga ang buhay ng tao. Bukod dito, marupok pa!



Ito ang pinapaalala sa atin ng ating Ebanghelyo ngayon. Dahil hindi natin alam ang puwedeng mangyari, gawin na natin ngayon ang pinakamainam na maaari nating gawin. Walang lugar ang pagpapabaya sa ating mga tungkulin. Mas lalong walang lugar ang pag-aabuso sa mga tungkuling ibinigay sa atin. Bawa't araw, nagagampanan sana natin ang dapat na ginagampanan natin. Bilang ang mga araw kaya huwag tayong paprente-prente lang. Limitado ang mga pagkakataon kaya pagbutihin natin kung ano ang ibinigay sa atin ngayon. May hangganan ang lakas kaya gamitin na natin ito ngayon sa mabuting layunin. May wakas ang magandang kalusugan kaya iukol na natin ito sa tamang mga hakbangin.



May konswelo ang buhay kahit maikli at marupok. Habang ginugugol mo ang maikling buhay sa wastong layunin, tila humahaba ito at naliligtas tayo sa matinding pag-aalala na maikli nga ito. At habang nilalaan natin ang buhay sa maka-Diyos na paraan at mga gawain, kahit mahina na tayo, ang pakiramdaman natin ay mas lumakalakas pa tayo!



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong pahalagahan ang buhay, ang oras at pagkakataon. Hindi ito laging naririto kaya't gamitin ko nawa ito sa ikaluluwalhati mo at ikagaganda ng buhay ng tao.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-19-10)

MAGANDANG BALITA NGAYON - MARTES NG IKA-29 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Okt. 19)
by Rey An Yatco on Tuesday, October 19, 2010 at 6:45pm

LUKAS 12: 35-38

Mga Aliping Laging Handa

35 "Maging handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto. 37 Mapalad ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan. 38 Mapalad sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man.



MAGNILAY:

Ang pinakamapanganib na araw sa buhay ng isang tao ay yung araw na natutunan niya ang salitang bukas. Dahil noong araw na iyon, natutunan rin niya ang magpabukas!



Ang Ebanghelyo natin ngayon ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pagiging handa. Kinumpara ng Hesus ang paghahanda natin sa pagdating ng Panginoon sa mga aliping naghihintay sa kanilang mga panginoon buhat sa kasalan. Madalas gabihin ang kanilang pagdating. Minsan, madaling-araw. Wala talagang oras kung sila'y darating. Kaya ang matalinong alipin ay naghahanda palagi. Kung maaari ngayon na kasi baka ngayon na rin dumating ang panginoon. Hindi siya nagpapaliban. Hindi siya nagsasabi ng Mamaya na o Teka muna. Nakaayos na siya agad. Hawak na niya ang ilawan. Nakabigkis na ang damit pantrabaho na siya para tuluy-tuloy agad ang pag-aasikaso sa panginoon kapag ito ay dumating.



Mahalaga ang may kamalayang Ngayon. Kung magagawa mo ngayon para handa ka na, gawin mo na ngayon at huwag mamaya o bukas. Paghandaan natin ang maraming bagay na dumarating sa buhay. Maraming pagkakataon ang dumarating at nasasayang hindi dahil hindi tayo karapat-dapat o hindi ito para sa atin o malas lang talaga o hindi talaga tinakda ng panahon o hindi talaga ito para sa atin. Nasasayang ang pagkakataon dahil sa simpleng dahilan na hindi tayo handa. Patumpik-tumpik tayo. Laging Saka na lang. Laging Pag dumating na lang. Laging Bukas na lang. Minsan masasabi natin Bakit kasi may bukas pa. Kung wala sanang bukas, magagawa ko ito ngayon!



Ang pagdating ng Panginoong Diyos sa buhay natin ay walang ring oras. Walang schedule. Dumarating siya sa mga panahong hindi inaasahan. Kumakatok na siya sa puso natin pero abala tayo. Tumatawag siya pero Sorry, the line is busy. Kapag dumating siya sa dulo ng ating buhay - at hindi tayo handa - kaawa-awa tayo. Nagising tayo isang araw may malalang sakit na pala tayo o matanda na pala ako o mahina na pala ako. Bigla nahaharap tayo sa limitasyon ng ating buhay. Bilang na pala ang oras natin sa mundo. Konti na lang ang natitira. At saka natin maiisip ang marami nating pagpapabaya. Kung maibbalik lang sana ang kamay ng orasan...



Maging handa. Huwag magpabukas. Ang puwedeng tugon ngayon sa imbitasyon ng Diyos ay tugunin na. Ngayon, hindi bukas!



MANALANGIN:

Panginoon, ipakita mop sa akin ang kahalagahan ng pagtugon ngayon upang huwag ko itong ipagpabukas.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-18-10)

LUKAS 10: 1-9

Isinugo ni Jesus ang Pitumpu't Dalawa

1 Pagkatapos nito, pumili ang Panginoon ng pitumpu't dalawa. a Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. 2 Sinabi niya sa kanila, "Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. 3 Sige pumunta na kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat. 4 Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, bag, o sandalyas. Huwag na kayong makikipagbatian kaninuman sa daan. 5 Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, 'Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!' 6 Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong kapayapaan. 7 Makituloy kayo sa bahay na iyan at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sweldo. 8 Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. 9 Pagalingin ninyo ang mga maysakit at sabihin sa mga tagaroon, 'Malapit na kayong pagharian ng Diyos.'



MAGNILAY:

Ang misyong ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo ay sobrang nakadikit sa ating pagkakilala o identity bilang mga Kristiyano. Hindi natin maaangkin ang pangalang Kristiyano hangga't hindi nagpapahayag ng Mabuting Balita ni Kristo ang ating buhay. Nakikilala kung sino tayo sa ating buhay, sa ating ginagawa, sa ating sinasabi. Sa salita't gawa nakikita kung Kristiyano tayo.



Ang Mabuting Balita ni Krsito ay hindi lang isang kaalaman o karunungang nasa isip lamang. Hindi lang ito isang konsepto na dapat arukin ng isip. Ang Mabting Balita ay Diyos na naging tao, si Kristo, na dapat masalamin sa atin. Ang makakita kay Kristo sa atin ay tanda na nagtagumpay tayo sa pagpapahayag ng kanyang Mabuting Balita. Sa ating Ebanghelyo, isinugo ang pitumpu't dalawa upang mauna sa pupuntahan ni Hesus. Sila ay kakatawan sa Panginoon. Sila ay ekstensyon niya sa mga bayang kanyang dadalawin. Sila ang kanyang magiging bibig na magpapahayag ng kanyang salita; sila ang kanyang magiging tainga na makikinig sa mga hinaing ng mga tao; sila ang kanyang magiging kamay at paa upang puntahan sila at iabot ang bukas-palad ng malasakit. Sa madali't sabi, ang magpahayag ng Mabuting Balita ay maging Kristo para sa iba. Hindi lang ito basta magturo. Ito ay gawing buhay si Kristo sa pagkatao natin upang hipuin ang mga taong uhaw sa pagmamahal ng Diyos.



Muli, nakadikit sa ating pagkakilala bilang mga Kristiyano ang pagpapahayag ng Mabuting Balita. Dalhin mo si Kristo saanman ka man naroon, saanman ka man nagtratrabaho, saanaman ka man pinadpad ng iyong tadhana. Maging Kristo ka sa mga nakakasalamuha mo araw-araw - mga kasama sa bahay, kapitbahay, katrabaho, kliyente, at mga hindi kilala. Maramdaman nila na iba ka. May kakaiba sa iyo. May natatangi sa iyo. May mabait at banal sa iyo. May malasakit sa iyo. May pag-unawa at pakikiramay sa iyo. Na totoo ka. Hindi ka sinungaling. Hindi manggagamit. Hindi ka tiwali. Kapag kasama ka, hulog ang puso ng iba.



MANALANGIN:

Panginoon, hayaan mong mabasa sa aking buhay ang Mabuting Balita ng iyong pagmamahal. Bawa't araw na aking buhay ay maging mga pahina nawa ng iyong Ebanghelyo. Bawa't yugto ng aking buhay ay mga kabanata ng Mabuting Balita. Sa huli, maialay ko nawa sa iyo ang isang aklat ng Mabuting Balita ng aking buhay Kristiyano.

Sunday, October 17, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-17-10)

LUKAS 18: 1-8

Ang Biyuda at ang Hukom

1 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sinabi niya, "Sa isang lunsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. 3 Sa lunsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, 'Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.' 4 Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, 'Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, 5 ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.'" 6 At nagpatuloy ang Panginoon, "Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. 7 Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa mga minamahal niya na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? 8 Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita pa kaya siyang mga taong sumasampalataya sa kanya?"



MAGNILAY:

Paano ka ba magdasal?



Muling nagtuturo ang Panginoon ngayon kung paano magdasal, kung paano manalangin. Sa kanyang talinhaga ibinigay nilalarawan niya kung anong katangian dapat magkaroon ang ating pananalangin. Kung meron man isang katangian na hindi dapat mawala sa ating pagdarasal, ito ay ang ang pangungulit. Hindi tayo dapat nag-aalangan kapag nananalangin. Hindi tayo dapat nagkakalkula kapag nagdarasal. Hindi tayo dapat nagdududa kapag tumatawag sa kanya. Hindi tayo dapat nagdadalawang-isip ng paglapit sa kanya. Hindi tayo dapat nahihiya sa paghingi sa kanya. Ang turo ni Hesus, ang panalangin ay DAPAT MAKULIT!



Ang makulit na dasal ay nagmumula sa isang pananampalataya at pagtitiwala na ang Diyos ay nakikinig sa ating mga panalangin. Wala ng duda doon. Sigurado sa puso ng isang nagdarasal na walang panalangin ang hindi dinidinig ng Diyos. Kaya nga hindi siya nag-aatubili. Hindi siya nag-aalangan. Hindi siya nagdadalawang-isip. Kinukulit niya ang Diyos dahil alam niya na ibibigay niya sa kanya ang pinakamabuti, ang pinakamagaling, ang pinakamainam.



Bakit ba dapat kulitin ang Diyos gayong nakikinig naman pala siya palagi sa lahat ng dasal? Hindi ba kawalan ng pagtitiwala yung pangungulit? Dapat bang ulit-ulitin ang pagdarasal e alam naman ng Diyos ang kailangan natin? Hindi ba sapat yung isang sabihan lang?



Ang pangungulit ay hindi para sa Diyos. Ito ay para sa atin. Nabubuhayan tayo ng loob at pananampalataya sa ating pangungulit sa Diyos. Lalong lumalalim at nagiging buhay ang ating pananampalataya sa palagian nating pagkulit sa Panginoon. Nangangailangan tayo ng paraan para lumago ang ating pananalig at ang palagiang pagdarasal ay isa rito.



Sa pangungulit sa Diyos, nagkakaroon din tayo ng kapangyarihan na isakatuparan ang ating dinarasal sa tulong ng biyaya ng Diyos. Persistent prayer empowers us to make what we pray for happen with the aid of God's grace. Ang katuparan ng ating dasal ay nasa kamay rin natin at sa ating kolaborasyon sa grasya ng Panginoon. Hindi tayo tinuturuan ng Diyos na maging tamad at maghintay na lamang na walang ginagawa. Hindi rin ayon ang Panginoon sa dole out. Kailangang pagtrabahuan din natin ang ating hinihingi sa kanya.



Mga ilang paalala lang sa pananalangin. Una, hindi tayo puwedeng humingi ng isang bagay na masama o makasasama sa atin. Hindi tayo puwedeng humingi ng hindi makakatulong sa ating buhay pananampalataya. Ang lahat ng ating hinihingi sa kanya ay sa konteksto ng pag-unlad ng ating pagsunod sa kanya. Hindi rin natin puwedeng ipagdasal ang kapahamakan ng iba. Hindi natin puwedeng ipagdasal ang makasasama sa iba. Hindi tayo nagdarasal para isumpa ang iba lalo na ang mga kontrabida sa buhay natin.



Ikalawa, hindi vendo machine ang Diyos. Hindi siya Diyos na pagpinindot mo lalabas ang hinihingi ko. May sariling karunungan ang Diyos na lagpas-lagpas sa karunungan natin. Sa pagdarasal, naroon ang pagpapasakop natin sa kanyang karunungan, sa kanyang kalooban, sa kanyang kagustuhan. Puwedeng humindi ang Diyos sa ating hinihingi at iyon ay tinatanggap natin ng may ibayong pagtitiwala sa kanyang karunungan.



Ikatlo, may sariling oras ang Diyos. May sarili rin siyang paraan. Hindi ito palagi tugma sa ating oras at pamamaraan. Puwede siyang magsabi ng Teka muna, Hindi muna, At saka na, Maghintay ka lang, Wait lang. Kung talaga namang oras na para ibigay, kahit palagay natin hindi pa oras, puwede niyang sabihing Now na! Sa paraan naman ng pagtugon, may sarili ring diskarte ang Diyos na dapat nating pagtiwalaan. Maaaring meron tayong iniisip na paraan, pero puwedeng sabihin ng Diyos Hindi ganyan. Ganito dapat. Minsan gusto nating biglaan, sabi naman ng Diyos Hindi, unti-unti dapat. Minsan, gusto natin mabilis at madali, gusto naman ng Diyos dahan-dahan at masakit para pahalagahan natin ang ating hinihiling. Lahat depende sa kanyang matalinong pamamaraan.



Ang suma total ng lahat ng ito ay magdasal, magdasal at magdasal palagi. At sa pagdarasal, kulitin natin ang Diyos!



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong huwag magsawang magdasal sa iyo. Sa aking pananalangin, matuto nawa akong maging responsable sa aking mga hinihiling. Marapatin mong ikaw at ako ay magtulungan upang matupad ang lalong magaling, mainam at mabuti.

Friday, October 15, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-16-10)

LUKAS 12: 8-12

Pagkilala kay Cristo

8 "Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. 9 Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos.

10 "Ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.

11 "Kapag kayo'y dinala nila sa sinagoga, o sa harap ng mga tagapamahala at ng mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili o kung ano ang inyong sasabihin 12 sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin."



MAGNILAY

May kasalanan palang hindi napapatawad?



Binanggit ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon na ang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin. Siguro puwede nating maikomento na may limitasyon pala ang pagpapatawad ng Diyos. Hindi pala lahat ay puwede niyang patawarin. May hangganan pala ang pagpapatawad niya. Mukhang taliwas ito sa kinagisnan nating konsepto na walang hanggan ang awa't pagpapatawad ng Diyos.



Totoong walang hanggan pa rin ang pagpapatawad ng Diyos. Ito ay aral at paniniwala na hindi magbabago kailanman. Ito ay regalo niya sa atin. Pero dapat nating maintindihan na ang regalo ay hindi magiging regalo kung hindi ito tatanggapin ng pinagkakalooban o pinagbibigyan. Nananatili kailanman ang alok ng Diyos na buhay sa piling niya pero kung ayaw naman nating tanggapin, mananatili lang itong isang alok. Kalayaang pumili ang isa sa importanteng ibinigay sa atin ng Diyos para dumanas ng tunay na kaligayahan. At nirerespeto ng Diyos ang ating pagpili. Kung tanggihan natin siya, kahit masakit ito sa Diyos ay rerespetuhin niya. Pero makakatiyak tayo na gagawin niya ang lahat para makuha niya tayo na hindi lalabag sa ating kalayaang pumili.



Ang kasalanang hindi patatawarin na sinasabi sa Ebanghelyo ay kasalanan laban sa Espiritu Santo. Hindi lang ito simpleng pagtanggi sa alok ng Diyos. Ang kasalanan laban sa Espiritu Santo ay paglalahad na ang mismong gawain niya na tayo'y patawarin at iligtas ay galing sa demonyo. Ito ang kasalanan ng mga Pariseo na nagbintang kay Hesus na siya ay nagpapagaling sa kapangyarihan ng demonyo. Si Hesus ay nagpapagaling sa bunsod ng Espiritu Santo. Ang ituring ito na gawa ng demonyo ay isang tahasang paglapastangan at pagtanggi sa pinagmumulan ng kapatawaran at kaligtasan. Isang uri ito ng pagtanggi na may paglalapastangan. Muli, hindi maipipilit ng Panginoon ang alok niya. Ang resulta ay kawalan ng kapatawaran. Pag sinabing walang kapatawaran ang ibig sabihin nito ay hiwalay sa Diyos na hindi Diyos ang may gawa kundi bunga ng ating pagtanggi ng tahasan sa kanya.



Ang hamon ng Ebanghelyo sa atin ay matuto tayong gamitin ang kakayanan nating pumili at nawa ang piliin natin ay ang alok ng Diyos sa atin. Minsan, sasabihin natin, siyempre hindi natin tatanggihan ang Panginoon. Kaya lang minsan, kundi man madalas, sa mga maliliit na pinipili natin araw-araw, masasalamin ang pagtanggi natin sa kaniyang panukala't alok. Yung mga kasalanan na ginagawa natin araw-araw, minsan ay tinuturing nating maliit lang naman. Baka puwede na. Pero kung malimit ang pagpili natin kahit sa mga akala nati'y maliliit na pagakakasala ay nagreresulta sa malawak na pagtanggi natin sa Diyos kahit hindi man natin aminin. Ang mga maliliit na kasalanan na ginagawa natin araw-araw ay nagpapahina sa kakayanan nating piliin ang Diyos ng malawakan.



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong gamitin ang aking kakayanang pumili sa tamang paraan. Maunawaan ko nawa na hindi mo ito ibinigay para piliin ang masama. Ibinigay mo ito para piliin ang mabuti at maangkin namin ang pagpiling ito. Kahit sa araw-araw naming buhay, matuto nawa kaming piliin ang iyong panukal't alok sa mga ordinaryong sitwasyon ng buhay. Sa ganitong paraan, tumatag nawa ang pinaka-desisyon naming sundin ka.

Thursday, October 14, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-15-10)

HUWEBES NG IKA-28 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON



LUKAS 11: 47-54

47 Kahabag-habag kayo! Ipinagpapatayo pa ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito. 49 Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, 'Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.' 50 Sa gayon, pananagutan ninyong mga nabubuhay sa panahong ito ang pagpatay sa lahat ng mga propetang pinatay mula nang likhain ang daigdig, 51 magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Templo. Oo, sinasabi ko sa inyo, kayong mga nabubuhay sa panahong ito, mananagot kayo sa kanilang pagkamatay.

52 "Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok."

53 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, nagsimula na siyang tuligsain ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo. Malimit nilang tanungin siya tungkol sa maraming bagay 54 upang masilo siya sa pamamagitan ng kanyang pananalita.



MAGNILAY:

Maraming mga ‘Kahabag-habag’ ang sinabi ni Hesus sa ating Ebanghelyo. Kung meron mang pinaka-kahabag-habag sa mga ‘Kahabag-habag’ na ito ay yaong patungkol sa mga dalubhasa sa kautusan na nagkait ng susi ng kaalaman sa mga tao para hadlangan ang pagpasok nila sa kaharian ng Diyos.



Ang tumangging pumasok sa kaharian ng Diyos ay isang bagay. Ang maging hadlang para ang iba ay makapasok ay iba rin. Ang huli ay posibleng maging pinakamalaking kasalanan na puwede nating magawa!



Puwede na ayaw natin pumasok sa pagbabagong pinapanukala ng Diyos sa atin. Maraming dahilan. Hindi tayo handa. Ayaw nating iwan ang mga bagay-bagay na mahalaga na sa atin. Ayaw nating daanan ang sakripisyong hinihingi ng pagbabago. At kung anu-ano pa. Minsan, alam natin na tama ang panukala ng Diyos. Alam natin na totoo ang kanyang sinasabi. Yun nga lang ay kung bakit duwag ako. At dahil ditto, sikreto tayong galit sa ating sarili. Bakit ayaw ko?! Bakit ko tinatanggihan?! Alam ko namang ito ang dapat! Ito ang susi ng kaligayahan. Tapos, dahil hindi natin makuhang tanggapin, maghihiganti tayo at sa iba natin napapasa. Kung hindi ako makapasok, hindi rin makakapasok ang iba. Ang masaklap, tayo ang nagiging dahilan bakit hindi lumigaya ang iba sa buhay. Hadlang tayo sa tagumpay at kaligayahan ng iba.



Ang bunga ng pagtanggap sa salita ng Diyos ay nagiging dan din tayo para ang iba ay tanggapin ito. Kapag pumasok tayo sa hamong magbago, magiging instrumento rin tayo ng pagbabago ng iba. Kung meron tayong dapat pagsumikatan, ito ay maging matapang harapin ang hamon ng Diyos, ang hamon ng kanyang kaharian, ang hamoin ng kanyang salita.



MANALANGIN:

Panginoon, alisin mo ang karuwagan na nasa puso ko. Magtiwala nawa ako na tutulungan mo ako na magbago basta’t gustuhin ko lang at tanggapin ko ang pagpasok sa iyong kaharian.



BIYERNES NG IKA-28 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON



LUKAS 12: 1-7

Babala Laban sa Pagkukunwari

1 Samantala, dumaragsa ang libu libong tao, at sa sobrang dami ay nagkakatapakan na sila. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo; sila ay mga mapagkunwari. 2 Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 3 Ang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa loob ng silid ay ipagsisigawan sa lansangan.

Ang Dapat Katakutan

4 "Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin maliban dito. 5 Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan!

6 "Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi pinababayaan ng Diyos. 7 Maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya't huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa mga maya."



MAGNILAY:

Hindi natin puwedeng takasan ang katotohanan. Haharap at haharap tayo sa kanya. Anumang tago natin o pagsisikreto, mananagot tayo sa katotohanan. Walang ginawa ng tago ang hindi pananagutan. Sa harapan ng Diyos at ating budhi, hindi natin maiiwasan ang responsibilidad sa bawa’t ginawa natin. May oras ng paglilitis.



Malinaw ang aral ng Panginoon. Ang kabanalan ay hindi lang hanggang nakikita ng iba. Hindi dapat matapos ang pagpapakabanal sa panlabas lamang. Ang tunay na kabanalan, at madalas ito talaga ang sukatan, ay saklaw pati ang mga ginagawsa natin ng hindi nakikita ng iba. Ito yung tinatawag na integridad. Ang oisang taong may integridad ay nag-iisip at gumagawa ng mabuti nakikita man o hindi ng iba. Kahit sa pribadong buhay niya, tapat siya sa sarili at sa Diyos lalo na. Walang pagkukunwari. Walang hipokrisiya.



Ito nga ang binababala ng Panginoon. Mag-ingat sa lebadura o pampaalsa ng pagkukuwari. Ginamit ni Hesus ang larawan ng tinapay. Kaya nabubulok ang tinapay ay dahil sa lebadura o pampaalsa na hinahalo sa harina. Gayundin naman, ang pagkukunwari ang magpapabulok sa kaluluwa, sa ating pagkatao, sa ating integridad.



Maging totoo at tapat lagi sa lahat ng oras, sa lahat ng pagkakataon, at sa lahat ng sitwasyon!



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong mapanatili ang aking integridad. Pagsikapan ko nawa na maging matuwid nakikita man ako o hindi ng iba. Lagi ko nawang maalala na walang lihim para sa iyo. Nakikita mo ang bawa’t galaw ko. Nababasa mo ang bawa’t naiisip ko.

Wednesday, October 13, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-13-10)

LUKAS 11: 42-46

42 "Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Tamang gawin ninyo ang una, ngunit hindi ninyo dapat kaligtaan ang ikalawa.

43 "Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke. 44 Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't tinutuntungan ng mga tao nang hindi nila namamalayan."

45 Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa kautusang Judio, "Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami'y kinukutya ninyo."

46 Sinagot naman siya ni Jesus, "Kahabaghabag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila.



MAGNILAY:

Minsan, sobra tayong natutuon sa mga detalye at maliliit na bagay ng pagpapabanal at nakakaligtaan natin yung talagang mahalaga.



Ang mga Pariseo at mga dalubhasa sa Batas ng Diyos noong panahon ni Hesus ay ganito ang naging problema. Sobra silang nasubsob sa pagtupad ng Batas kaya't kahit kaliliit-liitang detalye ay napapraning silang tuparin dahil kung hindi sobrang binabagabag sila ng kanilang konsensiya. Tulad halimbawa ng ating Ebanghelyo ngayon. Talagang tapat nilang tinutupad ang batas ng ikapu na ibig sabihin yuing ikasampung bahagi ng iyong kita o ani ay dapat ialay sa Diyos. At talaga namang kahit yung ikapu ng mga maliliit na gulay at mga panimpla sa pagkain masusi nilang tinutupad. Wala namang masama. Ang batas ng ikapu ay nagtuturo na ang lahat ng bagay galing sa Diyos na dapat ibalik sa kanya. Daan din dapat ito para matutong magbahagi ng mga niyayang tinatanggap mo sa buhay. Hindi lahat para sa iyo lang. Maganda ang diwa ng ikapu. Kaya lang ang mga Pariseo at ibang lider ay tinutupad ang letra ng batas pero kinakaligtaan ang diwa nito. Metikuloso sila sa mga detalye ng ikapu - mga sukat, at iba pa - pero mga mandaraya naman sa tunay na buhay at walang malasakit sa mahihirap. Yun ang sinisentimyento ni Hesus. Tapat sa mga maliliit na bagay pero yuing lalong magaling at mabuti ay pinababayaan. Ang resulta ay mga ipokritong pagpapabanal, mga banal na gawain na hindi nakaugat sa tunay na batas ng Diyos na magmahal, relihiyon na ang motibasyon ay pansarili hindi pag-ibig. Dahil dito, ang pagbabanal na ito ay walang saysay, walang kuwenta.



Minsan nahuhulog din tayo sa ganitong bitag. Ma-detalye tayo sa bagay-bagay na pagpapabanal at nakakaligtaan natin ang talagang importante. Halimbawa, naku kulang isang oras bago ako mangomunyon nakakain ako. Hindi ako naka-one hour fasting. Hindi ko nabigyang galang ang Banal na Eukaristiya. Tama naman pero meron pang mas higit na pagbibigay galang kay Hesus sa Eukaristya. Nakita mo ba siya sa mga mahihirap at nangangailangan? Nagmalasakit ka ba sa kanila? Nagbigay ka ba ng tulong kahit sa maliit na paraan? Kung mangongomunyon ka at wala ka man lang malasakit sa kanila at baka dinaya at inapi mo pa sila, malaking kawalang-galang ito sa Banal na Eukaristiya na iyong tinatanggap.



Hindi sinasabi ni Hesus na ibalewala na ang mga detalye. Nakakatulong din ang mga ito. Ang sinasabi lang niya, huwag isakripisyo ang talagang mahalaga. Ang buhay Kristiyano ay pagmamahalan na nagmumula sa pag-ibig sa Diyos. Kung lahat nating gagawin ay may ganitong motibasyon, wala tayong problema. Kahit sa maliliit na detalye, nagkakamit tayo ng kabanalan.



MANALANGIN:

Panginoon, lagi mong ipaunawa sa akin na ang pinakaimportanteng daan tungo sa kabanalan ay pag-ibig. Kung may pag-ibig ako sa iyo at ito ay napapahayag sa malasakit sa kapwa, nakakatiyak ako na ako ay nasa wastong landas ng pagpapakabanal.

Monday, October 11, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-12-10)

LUKAS 11: 37-41

Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo

37 Pagkatapos magsalita, si Jesus ay inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain sa bahay niya. Nagpaunlak si Jesus at dumulog sa hapag. 38 Nagulat ang Pariseo nang makita niyang si Jesus ay hindi muna naghugas ng kamay. 39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, "Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo'y punung-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga hangal! Hindi ba't ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob? 41 Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.



MAGNILAY:

Malayu-layo na rin ang narating ng Cosmetic Industry sa buong mundo. Paunlad ng paunlad ang teknolohiya ng pagpapaganda. Hindi biro ang ginugugol ng mga umaasa sa cosmetics para gumanda. Bukod sa mga mamahaling mga produkto ng pagpapaganda, nariyan na rin ang mga talagang sobrang mahal na mga operasyon para lang gumanda. At ang nakaakgulat, sa kabila ng kamahalan, kinakagat pa rin ng marami. Talagang pinag-iipunan para lang may maigugol. Pero sa lahat ng ito, hindi pa rin maitatatwa na ang gandang dulot ng cosmetics ay panlabas lamang, pansamantala lamang, maskara lamang. Tinatakpan lang nito ang pangit na nasa ilalim. Hindi talaga nawala ang pangit. Tinakpan lang. Tinago lang. Yung ibang cosmetics pag naligo ka, balik ka sa kapangitan. Malaking pera ang ginagastos natin para magtago!



Minsan, ginagawa rin natin ito sa larangan ng kabanalan. Mahilig tayo sa cosmetic holiness. Gumagawa tayo ng mga ritwal para masabing banal tayo. O kung ginagawa man natin ito, hindi para mabago ang kalooban natin. Ayaw nating iwan at baguhin ang nasa loob natin - paghahangad, pagkamakasarili, pag-iimbot, mapagmataas, at iba pa. Puhunan natin iyon sa pagbusog ng ating sarili ng karangyaan, kasarapan, kaaaliwan. Pero alam natin may mali doon. Pangit iyon. Kaya takpan natin. Itago natin. Puwede namang lagyan ng make up. Puwedeng ihokus-pokus. Magdebosyon tayo. Magritwal tayo. Mag-ala banal tayo.



Marami noong panahon ni Hesus ang cosmetic ang kabanalan. Una na ang mga Pariseo. Nagagalit sila na hindi naghugas ng kamay si Hesus. Karumihan ito hindi lang ng katawan kundi ng kaluluwa. Relihiyosong ritwal ang paghuhugas ng kamay bago kumain. Kaya pinuna nila si Hesus. Bumwelta ang Panginoon. Nakita niya ang karumihan ng kanilang budhi na lumalabas sa masasama nilang gawa. Tinatago nila ito sa pagiging tagapagtanggol kunwari ng mga ritwal na akala nila magpapalinis sa kanilang puso. Hindi! Ang pagpapakabanal, ang pagiging malinis ng budhi ay isang desisyon. Ito'y mula sa puso na dumadaloy sa paggawa ng mabuti sa kapwa.



Kailangan ang kabanalan ay galing sa kalooban natin. Kailangan ng pagbabago ng isip at puso. Kombersyon ng kalooban ang pundasyon ng kalinisan at kabanalan. Hinding-hindi cosmetic ang solusyon sa karumihan ng budhi!



MANALANGIN:

Panginoon, gawin mo akong banal sa puso at kalooban, sa isip at gawa. Ang pagpapakabanal nawa ay aking laging maging desisyon.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-11-10)

LUKAS 11:29-32

Si Jesus ang Palatandaang Mula sa Langit(Mateo 12:38-42)

29 Nang dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, "Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. 30 Kung paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito. 31 Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. 32 Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon."



MAGNILAY:

Tanda ba o aliw ang hinahanap natin? Mensahe ba o palabas ang gusto natin?



Ito yung laman ng mensahe ni Hesus sa kanyang mga kababayan sa Ebanghelyo natin. Naghahanap sila ng palatandaan. May duda na sila kay Hesus at ngayon hinahanapan siya ng tanda o milagro para raw maniwala sila. Kung tanda ang pag-uusapan, wala na talagang kulang. Sa tindi ng mga aral at karunungan ni Hesus at kung paano ito tumitimo sa puso at isip, higit pa sa sapat ang palatandaan na siya nga ay nagsasabi ng mensahe ng Diyos. Kaya nga naikumpara pa niya ang sarili kay Solomon na kilala sa karunungan na dinalaw pa ng Reyna ng Sheba. Kung Solomon ay hinangaan at pinaniwalaan, di hamak na mas magaling at malalim ang mga karunungang ipinakita ni Hesus. Bakit hindi nila siya pinaniwalaan?



Hindi tanda ang hanap ng mga Hudyo noon. Hindi mensahe ang kinasasabikan nila. Kung ang mga ito ang hanap at kinasasabikan nila, matagalk na silang naniwala kay Hesus. Pero wala talaga silang planong maniwala. Sarado ang isip at puso nila kay Hesus. At paghingi nila ng palatandaan ay para mabusog lamang ang kanilang paghahangad ng aliw, ng palabas, ng 'entertainment.' Balita si Hesus sa paggawa ng milagro at gusto nila itong masaksihan.



Maganda ring tanungin natin ang ating sarili. Minsan naghahanap din tayo ng mas higit pang tanda mula sa Diyos, yung extraordinaryo, yung mapapabilib tayo, yung mapapamangha tayo. Gusto natin mga tanda na lilihis sa normal na takbo ng mga bagay-bagay sa pang-araw-araw nating buhay. Pero hindi. Ang mundo natin araw-araw ay punung-puno ng tanda ng mensahe ng Diyos. Ang mga nangyayari sa paligid at sa sarili nating buhay ay mga naglalaman ng mensahe na kailangan nating tuklasin sa pamamagitan ng pagdarasal na may pagninilay. Samahan pa natin ng Banal na Aklat, ang Bibliya, na kapag binasa't pinagnilayan ay tiyak na paraan para mangusap ang Diyos sa puso natin. Ang mga tao na nakakasalamuha natin, ang mga sinasabi sa atin ng iba, minsan sila ang paraan ng Diyos para magsalita sa atin. Ang mga gawain ng Simbahan bilang komunidad ng Diyos - mula sa mga pagsamba, pagdiriwang at liturhiya nito - mga daan sila para madama natin ang mensahe niya. Lalo na ang apostolado, ang pagbaba sa mga tao at damayan sila. Naroon ang Diyos sa mga naghihirap, naghihikahos, may mga problema, mga nangangailangan. Kung gusto mong makatagpo ang Diyos, iwan mo muna ang masarap mong buhay, ang komportable mong buhay, ang marangya mong buhay. Wala diyan ang Diyos. Puntahan mo siya sa kapwa mong nangangailangan sa iyo. Kausapin mo sila. Alamin mo ang kanilang kuwento. Damahin mo ang kanilang hinaing. Ewan lang kung hindi mo madama ang Diyos sa puso.



Ang Diyos ay nagpapakilala madalas sa mga ordinaryong paraan ng araw-araw na buhay hindi sa mga extraordinaryo. Mensahe ang dala niya hindi lang aliw. Nagpapakilala siya hindi lang nagpapalabas o nagpapatawa o nang-aaliw. Buksan mo ang mata mo. Buksan mo ang tainga mo. Ang tagal ng nagsasalita ang Diyos sa iyo. Sumisigaw na nga. Kaso nagbubulag-bulagan ka. Nagbibingi-bingihan. E kasi, naghahanap ka ng palabas!



MANALANGIN:

Panginoon, buksan mo ang aking kamalayan sa iyong salita na laganap sa aking paligid. Pagkalooban mo ako ng masidhing paghahangad na marinig ka. Huwag sana akong matukso na maghanap lang ng aliw o palabas. Makita nawa kita lalo na sa kapwa kong nangangailangan.

Sunday, October 10, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-10-10)

LUKAS 17: 11-19

Pinagaling ang Sampung Ketongin

11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, "Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!"

14 Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, "Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari."

Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.

17 "Hindi ba't sampu ang aking pinagaling at nilinis?" tanong ni Jesus. "Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?" 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, "Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya."



MAGNILAY:

"Hindi ba't sampu ang aking pinagaling at nilinis? Nasaan ang siyam? ..."



Maraming pasakit ang dinaanan si Hesus. Noong oras ng kanyang pagpapakasakit, naroong hagupitin siya, putungan ng koronang tinik, kutyain at lurhan, papasanin ng krus at ipako dito, pero sa lahat ng ito, hindi umalma ang Panginoon. Tahimik niya itong tinanggap. Pero ngayon, umalma ang Panginoon. Nasaktan siya. Naapektuhan siya. Hindi nakuha man lamang magpasalamat ng siyam na Hudyo at ang nagpasalamat pa ay isang dayuhang Samaritano na kaaway ng mga Hudyo. Siya ang nagpuri sa Diyos sa tinanggap niyang kagalingan.



Malaking bagay kay Hesus ang marunong tumanaw ng utang na loob, ang magpasalamat. Ang pagpapasalamat ay katumbas ng pagkilala at pagpapahalaga sa iba. Kung may importansya sa iyo ang iba - ang kanilang kaligayahan, ang kanilang kapakanan - hindi puwedeng hindi mo kilalanin ang kanilang kabutihan lalo't ito'y ipinakita at ipinadama sa iyo. Ang pasasalamat ay pagpapahayag ng kagandahan ng iba na naipagkaloob sa iyo. Kung hindi ka marunong magpasalamat, masakit iyon para sa iba. Kay Hesus, masakit ang hindi kilalanin ang kanyang kabutihan.



Oo, hindi dapat ipinipilit ang pagpapasalamat. Dapat itong kusang binibigay. Pero huwag nating sabihin, "E hindi naman dapat ipilit pala e. Malaya akong gawin ito o hindi!" Dapat nating malaman na mahalagang sangkap ng buhay ang relasyon natin sa kapwa. Kung meron tayong dapat alagaan at palalimin, ito ay ang relasyon natin sa kanila. Kung gusto nating sirain at wasakin ang relasyong ito, maging inggrato o inggrata tayo. Makikita natin kung paano tayo lalayuan ng lahat isa-isa.



Oo, hindi rin natin dapat ipilit na kilalanin ang ating kabutihang ginawa. Hindi natin dapat hingin ito bilang kabayaran sa mga magandang ginagawa natin. Gayunpaman, alam din nating pangunahing pangangailangan natin ang kilalanin sa ating kagandahan. Lahat tayo kailangan ng "affirmation." Sana, huwag natin itong ipagmadamot sa pamamagitan ng pagiging inggrato at inggrata. Kahit ano pa ang sabihin natin, nasusugatan tayo kapag nakakatagpo tayo ng mga taong hindi marunong tumanaw ng utang na loob at hindi marunong magpasalamat.



Sa Diyos, hindi tayo magkakaroon ng talagang relasyon sa kanya kung hindi natin kikilalanin ang kaniyang kabutihan. Ito ang pundasyon ng kahit anong espiritwalidad. Ang pagsamba ay katumabas ng pagpapasalamat. Siya ang pinanggalingan ng lahat. Kung wala siya wala tayo. Ang pinakamabuting pagsamba ay magpasalamat. Kaya nga ang tawag din sa Misa ay Eukaristiya na ang kahulugan ay "magpasalamat."



Matutunan nawa ang pagpapasalamat hindi bilang isang gawi o "empty habit." Gawin natin itong ugali o 'attitude.' Magikng sinsero rin ang pagpapasalamat natin. Sa ganito matatagpuan natin ang yaman ng relasyon sa kapwa at sa Diyos. Ang ugaling ito ay susi sa tunay na kaligahayan.



MANALANGIN:

Panginoon, salamat po sa lahat-lahat!

Friday, October 8, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-09-10)

LUKAS 11: 27-28

Ang Tunay na Mapalad

27 Habang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, "Mapalad ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo."

28 Ngunit sumagot siya, "Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!"



MAGNILAY:

Sa mentalidad ng mga Hudyo, napakamahalaga ang pagbubuntis. Ang isang sinapupunan na mabunga ay itinuturing na pagpapala. Sagisag ng pagpapala ng Diyos ay ang pagkakaroon ng mga anak. Ito ang pangarap ng bawa't babaeng Hudyo. Samantala, ang hindi pagdadalantao ay itinuturing na sumpa. Ang sinapupuinang hindi namumunga ay itinuturing na kawawa, kabag-habag, itinakwil. Talagang aba ang kalagayan ng mga babaeng hindi magkaanak. Mababa ang tingin sa kanila. Makasalanan ang turing sa kanila dahil nga pinarusahan sila ng Diyos.



Sa ating Ebanghelyo, isang babaeng nasa karamihan ang nagparangal sa ina ni Hesus. Una, kinikilala niya ang pagiging pinagpala ng ina ng Panginoon dahil sa pagsisilang sa kanya. Ikalawa, mas higit ang pagpapala niya dahil nga magaling at kilalang tagapagturo si Hesus. Itinuturing pa siyang propeta. Doble ang pagpapala ng ina kung ang anak ay lumaking mabuti, magaling at tanyag.



Gayunapaman, ang bwelta ni Hesus ay meron pang mas higit na pinagpala sa mata ng Diyos kaysa relasyon sa kanya sa dugo at laman. Ito ay ang pakikinig sa kanyang salita at pagtupad nito. Bagama't isang pagpapala ang magdalan-tao, at dobleng pagpapala ang lumaki ang anak na magaling, at lalong pagpapala kung ang anak na ito ay si Hesus na Guro at Propeta, pero sa lahat ng ito, pinakapinagpala ang nakikinig at tumutupad ng kanyang salita.



Ang tugon ni Hesus ay hindi man pagtatwa ng karangalan ng kanyang ina na si Maria. Hindi niya sinasabi na hindi siya pinagpala talaga kahit ba nanay niya ito dahuil nga ang talagang pinagpala ay yaong nakikinig sa kanyang salita. Hindi niya sinasabing hindi nakikinig sa salita ng Diyos ang kanyang ina. Kung tutuusin nga, modelo ng pakikinig sa salita ng Diyos ang kanyang ina. Ang sinasabi niya, ang pagpapala ni Maria ay hindi dahil nanay niya ito o naging karelasyon sa dugo at laman. Si Maria, bagama't pagpapala ang maging ina sa laman, siya ay mas pinagpala dahil nakinig siya at tumupad sa salita ng Diyos na ipinahayag sa kanya.



Ang pagpapala ay nararamdaman sa puso. Ang pagpapala ay nararanasan sa isip at kalooban na dumadaloy sa kilos at gawa. Ito ang nangyayari kapag regular tayo sa pakikinig, pagninilay at pagtupad ng kanyang salita. Sana, bitbit natin ang ating Bibliya araw-araw at nagbubuklat nito para magnilay ng salita ng Diyos. Sana, pumuopunta rin tayo sa kung saan pinapahayag at pinapaliwanag ang salita ng Diyos - sa Misa, seminar, Bible study and sharing. Sana nakikinig din tayo sa salita ng Diyos kapag nagdadasal tayo ng tahimik at mahaba. Nababasa rin natin ang salita ng Diyos sa mga nangyayari sa buhay natin. Kapag dinala natin ang ating mga karanasan sa panalangin at pinagnilayan ito, maririnig natin ang gusto ng Diyops sa atin.



Gawin natin gawi o 'habit' ang pakikinig sa kanyang salita. Mababago ang buhay natin, sigurado yun!



MANALANGIN:

Panginoon, gawin maging laging bukas ang aking isip at puso sa pakikinig ng iyong salita. Bigyan mo rin ako ng kakayahang tuparan ang mga ito sa aking araw-araw na buhay.

Thursday, October 7, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-08-10)

LUKAS 11: 15-26

15 Subalit sinabi naman ng ilan sa mga naroon, "Nakapagpalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo."

16 May ilan namang, sa pagnanais na siya'y subukin, patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himalang mula sa langit. 17 At dahil alam ni Jesus ang kanilang iniisip, sinabi niya sa kanila, "Ang kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat ay babagsak at ang sambahayang nag-aaway-away ay mawawasak. 18 Kung may mga pangkat sa kaharian ni Satanas na naglalaban-laban, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. 19 Kung sa kapangyarihan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. 20 Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.

21 "Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.

23 "Ang hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat."

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu

24 "Kapag umalis sa tao ang isang masamang espiritu, nagpapagala-gala ito sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala siyang makita, sasabihin niya sa sarili, 'Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.' 25 Sa pagbabalik niya ay matatagpuan niyang malinis at maayos ang bahay. 26 Kaya't, lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung mas masasama kaysa kanya. Papasok sila at maninirahan doon, kaya't mas masama pa kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon."



MAGNILAY:

Sinasaad ng ating Ebanghelyo ngayon ang posibilidad ng pagbabalik ng masamang espiritu sa atin kapag ito ay umalis na. At sa kanyang pagbabalik, magiging mas malala ang magiging kalagayan natin. Paano natin ito uunawain?



Kung uunawain natin ito ngayon, ito ay tumutukoy sa ating pakikibaka laban sa masama at laban sa kasalanan. Alam natin na ang ating pinakamahigpit na kaaway ay kasalanan. Kaya araw-araw ay inuusisa natin ang ating konsensiya. Araw-araw nagdadasal tayo ng pagsisisi. Araw-araw pinapanibago natin ang pagtakwil sa masama. At sa mga pagkakataong malaki ang ating nagagawang kasalanan, dumudulog agad tayo sa Sakramento ng Kumpisal upang tumanggap ng pagpapatawad at pakikipagkasundo. Ang pagsisisi ay pangunahing sangkap ng Kristiyanong espiritwalidad.



Pero hindi sapat ang magsisi lang. Hindi sapat na ibsan lang natin ang ating konsensiya ng kasalanan. Hindi lang sapat na maglinis tayo ng ating budhi at tapos na. Ang pag-alis ng masama sa ating kalooban ay dapat palitan natin ng aktibong pagkilos ng mabuti. Hindi sapat ang mapatawad lamang. Hindi sapat na itigil lamang ang dating masamang hilig at gawain. Dapat itong palitan ng bagong gawa, ng bagong hilig na mabuti, ng bagong istilo ng buhay na nakatuon sa paggawa ng mabuti. Kung hindi, malamang-lamang, babalik tayo sa dating kasalanan at mas malala pa.



Kailangan gumawa tayo ng mabuti sapagka't sa pamamagitan nito, nakakabuo tayo ng bagong ugali, bagong kinahihiligan at kinagagawian na nakatuon sa mabuti. Ang kasalanan ay may kinalaman sa kinagawian o 'habit.' Minsan alipin tayo ng kasalanan kasi nakagawian na natin. Ayaw man natin pero nasanay na tayo at ang hirap kumawala sa nakasanayan na. Kailangan itong putulin at bumuo ng bago na hahatak sa atin sa kung ano ang mabuti. Sa ganitong paraan, maghihirapang bumalik uli ang masamang espiritu ng pagkakasala. Kung hindi tayo makakabuo nito, mas madalaling bumalik ang espiritung ito. At tayo ay babalik at babalik sa dati nating kasalanan kahit napakaraming beses na natin itong naikumpisal.



Maitutulad natin sa baso ang ating sarili. Kapag inalisan natin ito ng laman, dapat punuin naman ng bagong laman. Kung inalis natin sa atin ang masama, dapat palitan ng mabuti. Kung may lamang mabuti, walang nang mapaglalagyan pang muli ang masama. Pero kung walang laman, libreng-libre itong malalagyan muli ng pagkakasala na mas malala pa.



MANALANGIN:

Panginoon, huwag lang sana akong magsisi sa aking mga kasalanan. Tulungan mo akong magsimula ng bagong paraan ng pamumuhay na mag-aakay pa lalo sa akin sa kabutihan. Punuin mo ang aking puso ng iyong grasya upang walang mapaglagyan ang espiritu ng kasamaan.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-07-10)

LUKAS 1: 26-38

Ipinahayag ang Pagsilang ni Jesus

26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, "Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!"

29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan."

34 "Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?" tanong ni Maria.

35 Sumagot ang anghel, "Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos."

38 Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." Pagkatapos, umalis na ang anghel.



MAGNILAY:

Ang Sto. Rosario ay isang panalangin kung saan pinagninilayan natin kung paano tinupad ng Diyos ang kanyang pangakong pagliligtas sa pagdating ng ating Panginoong Hesukristo. Sa pagninilay natin ng mga misteryo ng buhay ni Hesus, sinasariwa natin kung paano noon pa man ang Diyos ay pumasok sa kasaysayan ng tao upang magpakilala at ipaalam ang kanyang planong pagliligtas. Lahat ng pangako ng Lumang Tipan ay tinupad sa pagsusugo niya sa kanyang Anak na si Hesus. Sa pagninilay natin ng kasaysayan ng kaligtasan, nakikita rin natin kung paano ang Diyos patuloy na kumikilos sa ating personal na kasaysayan at kasaysayan ng mundo ngayon. Ang Diyos ay nangungusap sa atin sa pamamagitan ng mga pangyayari sa araw-araw nating buhay. Ang isang nananampalataya ay nagninilay at binabasa ang pangungusap ng Diyos sa nangyayari sa kanyang buhay at sa buong mundo. Kaya nga, ang Rosaryo ay nagtuturo sa atin magnilay ng mga pangyayari. Ito ang paraan ng pagpapakilala ng Diyos ng kaniyang sarili at ng kanyang plano. Habang binabalikan natin ang aklat ng nakaraan, binubuksan naman natin ang aklata ng kasalukuyan. Sa gayong paraan, naliliwanagan tayo sa kilos ng Diyos ngayon.



Ang Sto. Rosario ay panalanging pagpaparangal din sa Ina ng Panginoon, ang Mahal na Birheng Maria, na sa buhay niya nagningning ang grasya ng Diyos. Napupuno siya ng grasya ng Panginoon. Siya ay larawan ng nilalang na lubos na kinalugdan ng Diyos. Sa kanya, nagkatawang-tao ang Anak ng Diyos. Ang pagpaparangal kay Maria ay pagpaparangal sa Diyos na nagbigay-dangal sa kanya. Siya'y inspirasyon natin sa pagtahak sa landas ng kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos. Sa mga misteryo man ng tuwa o hapis, ng liwanag at luwalhati, ang Diyos ay naroon upang maging kaagapay natin.



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo kaming pahalagahan ang mga pagpapakilala mo sa amin sa kasaysayan ng aming buhay. Tulungan mo kaming mabasa ang iyong salita sa mga nangyayari sa aming buhay upang lubos kaming makatugon sa banal mong pagtawag.



Mahal na Birhen ng Sto. Rosario, ipanalangin mo kami.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-06-10)

LUKAS 11: 1-4

1 Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, "Panginoon, turuan nga po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad." 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo,

'Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.Nawa'y maghari ka sa amin.

3 Bigyan mo kami ng aming kakainin sa araw-araw.

4 At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.At huwag mo kaming hayaang matukso.'"



MAGNILAY:

Ang ituro na tawaging 'Ama' o 'Tatay' ang Diyos sa panalangin ay isang radikal at robolusyunaryong aral ni Hesus. Sino ang tatawag na 'Tatay' sa Diyos na Makapangyarihan? Sino ang tatawag sa kanya ng gaya ng pagtawag natin sa sarili nating mga ama? Sa mata ng mga eksperto sa kabanalan, isa itong kalapastanganan. Hindi mo dapat ibaba sa lebel ng tao ang Diyos na Lumikha at May-akda ng lahat sapagka't siya ay Walang Hanggan, ang Di-Maarok, ang Dakilang Mahiwaga, ang Pinaka!



Pero hindi ito ang isip ni Hesus. Sa pagtuturo niya ng panalangin, sinabi lang niya na tawagin ang Diyos na 'Tatay.' Oo, Makapangyarihan siya. Oo, siya ang Dakilang Maylikha. Oo, siya ang Walang Hanggan. Pero sa ang Diyos na Ubod Taas na ang tanging hangad maging malapit sa atin lalo na sa panalangin. Kapag nakikipag-usap tayo sa kanya, ang gusto niya relasyong tatay-anak, hindi amo-alipin bagama't alipin talaga tayo sa harap ng dakilang Diyos!



Kaya't kung may katangian ang Kristiyanong panalangin, ito ay pagiging malapit (intimate) at simple. Hindi kailangan ng Diyos ng mga mabulaklak at sopistikadong mga salita para kausapin siya. Ang hinahanap lang niya ay sinseridad ng isang anak na nakikipag-usap sa kanyang Tatay.



Ang dasal na 'Ama, Namin' ay dasal din ng isang anak na naghahangad na lumago at maging isang ganap at responsableng tao at anak. Ang dasal na ito ay para sa mga anak na malaki na (adult) at gustong lumaki at mag-mature. Hindi ito para sa mga anak na suwail, walang intensyong lumago sa sarili, tatamad-tamad sa buhay, walang gana sa panalangin at buhay. Ang palatandaan ng pagiging ganap na tao o adulthood sa mga Hudyo ay yung nakikinig at sumusunod sa karunungan ng kanilang ama. Malayo sa konsepto natin ngayon. Parta sa ating makabagong tao, ang pagiging ganap na tao o adulthood ay yung malaya ka na sa impluwensiya ng magulang. Habang napuputol ang relasyon mo sa magulang mas lalo kang nagiging ganap. Sa Diyos, hindi. Habang natututo tayong isabuhay ang salita ng ating Amang nasa langit ay lalong napapatunayan natin ang ating paka-responsableng anak. Kapag dinadasal natin ang Ama Namin, ito ay sa espiritu ng pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Ama. Si Hesus ay lalong naging Anak noong nasa hardin ng Getsemani kung saan sa kabila ng hirap na haharapin ay nasabi niyang 'Ama, maganap nawa ang iyong kalooban, hindi ang akin.'



Sa susunod na dadasalin mo ang Ama Namin, magawa mo nawa ang dasal na ito na may pagiging malapit sa kanyang kalooban at simplisidad; may sinseridad at intensyon na maging responsableng anak ng Kagalang-galang nating Ama sa langit.



MANALANGIN:

'Tay, sundin ang loob mo dito sa lupa para ng sa langit.

Monday, October 4, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-05-10)

LUKAS 10: 38-42

Dumalaw si Jesus kina Marta at Maria

38 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan nina Marta 39 at ng kapatid niyang si Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. 40 Si Marta naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at dumaing, "Panginoon, bale-wala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nagiisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako."

41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, "Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya."



MAGNILAY:

Sa bilis ng takbo ng buhay ngayon, hindi tayo magkanda-ugaga para magawa ang mga dapat nating gawin. Sobrang abala natin. Palipat-lipat at papalit-palit ng pinagkakaabalahan. Minsan, kulang ang maghapon para matapos ang lahat ng dapat gawin. Tulog ka na sa gabi pero tumatakbo pa rin ang isip para sa susunod na araw. Kaya lang, sa gitna ng pagkaabala, naaalimpungatan na lamang tayo na parang may malaking kulang sa kalooban natin. Hindi porke abala ka at nagagawa mo ang obligasyon mo ay okey na. Minsan, nakikita na lang natin ang sarili nating nalulunod sa mga ginagawa natin. Ang dami-dami minsan pero may kawalan. Hindi kaya dahil sa hindi natin natutumbok ang talagang mahalaga?



Totoo nga, masyado ang trabaho natin at madalas naisasaalang-alang ang talagang mahalaga. Una. ang pangangalaga sa sarili hindi lang katawan pero lalo't higit ang kalooban, ang kaluluwa, ang espiritwal na paglago. Napapakain pa ba natin ang ating isip? Nagkakaroon pa ba siya ng laman? May mga bago ba tayong natututunan? Nahahamon pa ba ang ating pananaw sa mga bagay-bagay, ang ating opinyon, ang ating talino?



Ikalawa, ang puso, ang kaluluwa. Napapatibok pa ba ng pag-ibig ang ating puso? Alam pa ba natin ang init ng nagmamahal? May nagmamahal pa ba sa atin? Kumusta ang relasyon sa pamilya? Puro lang ba tayo materyal na pangangailangan? May panahon pa ba tayong makinig at makipag-usap sa isa't-isa? Sa Diyos, may panahon ba tayo? Sa panalangin? Sa pakikinig at pakikipag-usap sa kanya?



Pangatlo, relasyon sa mundo. Ang pinagkakaabalahan ba natin ay uri ng serbisyo sa sangkatauhan? Hangga't hindi natin natutuklasan kung paano tayo makakaambag sa ikabubuti ng mundo, hindi natin mararanasan ang kaganapan sa buhay. Kung nagtratrabaho lang tayo para kumita at hindi dahil ito ang akmang paraan sa atin para magbigay serbisyo sa mundo, hindi tayo magiging maligaya sa ginagawa natin. Hindi lang suweldo ang usapan sa trabaho kundi kaligayahan na nanggagaling sa katotohanang dahil sa trabahong ito ay nakakapag-ambag ako sa kabutihan ng mundo. Ito ang aking munting kontribusyon sa mundo.



Totoo nga ang mensahe ng Ebanghelyo: "Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya." Maraming ginagawa pero ano ba talaga ang kailangan lamang? Maraming pinagkakaabalahan pero ano nga ba ang tunay na mahalaga lamang? Ilan ang Marta sa atin; ilan din ang Maria?



MANALANGIN:

Panginoon, gawin mo akong masaya sa aking ginagawa. Maging daan nawa ito para matuklasan ko ang lalong mahalaga. Tulungan mo akong talikdan ang mga hindi naman talaga kailangan.

Sunday, October 3, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-04-10)

LUKAS 10:25-37

Ang Mabuting Samaritano

25 Isang dalubhasa sa kautusang Judio ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. "Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?" tanong niya.

26 Sumagot si Jesus, "Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?"

27 Sumagot ang lalaki, "'Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip;' at 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.'"

28 Sabi ni Jesus, "Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan."

29 Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, "Sino naman ang aking kapwa?"

30 Sumagot si Jesus, "May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati ang damit sa kanyang katawan, binugbog, at iniwang halos patay na. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 32 Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 33 Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya'y naawa. 34 Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi, 'Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.'"

36 At nagtanong si Jesus, "Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?"

37 "Ang taong tumulong sa kanya," tugon ng abogado. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, "Sige ganoon din ang iyong gawin."



MAGNILAY:

Minsan nasusukat ang iyong pagmamahal hindi sa kung paano ka magmahal ng isang kaibigan kundi kung paano ka magmahal ng kapitbahay. Yung kaibigan, napipili siyempre yan. Ang kaibigan umuusbong kapag may parehong interes o nagkakapalagayan ng loob o nagkokomplemento ng personalidad. Dahil dito may mutual na atraksyon na nagiging madali para mahalin ang isa't-isa.



Pero ang kapitbahay hindi! Masuwerte ka kung mabait ang iyong kapitbahay. Masuwerte ka kung hindi sakit ng ulo ang kapitbahay. Sabi nga, mas mabuting magkaroon ng mabuting kapitbahay kaysa malayong kaibigan. Hindi mo pinipili ang iyong kapitbahay. Kung sino ang dumating at kung sino ang nariyan. Kapitbahay mo yan. Dapat mong pakisamahan. Dapat mong pakitunguhan. Dapat mong pakitaan ng pakikipag-kapwa-tao. Ang mas masaklap pa, permanente mo siyang kasama malibang lumipat ka o siya ng bahay. Araw-araw mo rin siyang nakikita. Magkapitbahay kayo araw at gabi, pitong araw sa sanglinggo. At kapag natutunan mo siyang mahalin at ituring na kapwa at kaibigan, isang malaking tagumpay.



Siguro kaya 'neighbor' ang ginamit na salita sa utos ni Hesus na magmahal. Hindi lang ito patungkol sa kapwa na pangkalahatan. Marahil, literal na kapitbahay ang ibig sabihin nito. Bakit nga hindi? Nasusukat nga ang laki ng ating pagmamahal sa kapitbahay.



Sa Talinhaga ng Mabuting Samaritano, ang kapwa ay hindi lamang yung kaibigan o kakampi o kalahi. Ang kapwa ay kahit sino na nangangailangan. Walang sinisino. Lahat dapat ituring bilang kapwa. Walang pinipili. Para talagang kapitbahay na hindi mo kontrol kung sino. Basta kapitbahay ay kapitbahay na dapat pagmalasakitan.



Mahalin natin ang ating kapwa lalo kung sino ang nangangailangan. Pero magsimula sa mga kapitbahay natin. Baka minamahal at tinutulungan mo ang iba pero kapitbahay mo hindi. Ni hindi mo pinapansin. Ni hindi mo binabati. Ni hindi mo kinakausap. A, kasi talagang masama ugali ng kapitbahay mo. Pag gumawa ka ng mabuti, ni hindi man lang magpasalamat kahit konti. Yung iba masarap tulungan kasi may pasalamat na, napapansin pa ng iba. May bonus na papuri. Pero sa kapitbahay mo, naku....! Pero, uulitin natin, ang tunay na pag-ibig sa kapwa nasusukat kung paano mo ito natutupad sa talagang kapoitbahay mo! Love your NEIGHBOR ... as yourself!



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong magmahal ng kapwa kahit sino pa man sila basta't nangangailangan. Pero turuan mo akong magsimula sa aking kapitbahay. Nawa maging mabuting kapitbahay ako sa kaninuman magkalayo man ng bahay o yung mismong katabing bahay ko. Maramdaman nawa nila na may kapitbahay silang may malasakit na tulad mo.