Friday, November 5, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-06-10)

MAGANDANG BALITA NGAYON - SABADO NG IKA-31 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Nob. 06)
by Rey An Yatco on Saturday, November 6, 2010 at 5:22am

LUKAS 16: 9-15

9 At nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, "Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. 10 Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?

13 "Walang aliping maaaring maglingkod ng sabay sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod ng sabay sa Diyos at sa kayamanan."

Hindi Mawawalan ng Bisa ang Kautusan

14 Nang marinig ito ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus sapagkat sakim sila sa salapi. 15 Kaya't sinabi niya sa kanila, "Nagpapanggap kayong matuwid sa harap ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.



MAGNILAY:

Ang taong matuwid at maka-Diyos ay marunong kumilatis ng totoo at ng huwad.



Hindi puwedeng magtago sa kanilang pagkukunwari ang mga Pariseo. Magpanggap man silang matuwid sa harap ng tao, nababasa ni Hesus ang laman ng kanilang puso dahil siya ang tunay na matuwid at naka-ugat sa kanyang Ama. Sa Diyos hindi tayo puwedeng magkunwari. Sa kanyang harapan hindi tayo maaaring magbalat-kayo bagkus nahuhubaran tayo. Pinalulutang ng Diyos ang totoo sa ating sarili.



Ito ang bunga ng pananalangin. Nagiging totoo tayo sa ating sarili at nagiging totoo rin sa ugnayan natin sa iba. Nakakabasa tayo ng puso ng tao. Nararamdaman natin ang totoo at hindi. Nagkakaroon tayo ng kakayanan na kumilatis nga ng kilos ng tao. Nalalaman natin ang tunay sa huwad.



Ang kakayanang ito ay hindi para husgahan ang ating sarili lalo na ang ating kapwa. Sa kabilang banda, ito'y kakayanan na tutulong sa atin na hamunin ang ating sarili at ang ating kapwa na maging totoo lagi. Mahalaga na kilala natin ang ating sarili para malaman natin ang ating mga kakulangan, maling pagpapahalaga, taliwas na ugali at disposisyon. Bagama't prangka si Hesus sa mga Pariseo sa paglalantad ng kanilang pagpapanggap pero ito ay para hamunin sila sa pagbabago. Hindi layunin ni Hesus na manghusga. Ang nais niya ay magbago ang lahat at maging totoo.



Ang pinakatusong kalaban natin ay ang kasakiman. Hindi nagpapakita ng lantaran ang kasakiman. Magaling siyang magbalat-kayo. Akala mo gumagawa ka ng kabutihan pero may pailalim siyang banat na kung uungkatin mo ang motibasyon ng paggawa ng mabuti ay kasakiman pala. May nakukuha ka kaya ka nagpupursigi. Minsan ang mga serbisyong pangrelihiyon ay nagiging daan para masunod ang tawag ng kasakiman. Madaling magtago sa likod ng anyong kabanalan. Akala mo banal na lingkod yun pala tusong negosyante na ginagamit ang relihiyon para magpayaman.



Gayunpaman, may araw na mananagot tayo sa harap ng Diyos. Ang konsensiya ay laging nariyan para usigin tayo. Kaya ang mga mapagkunwari mahirap makatulog. Kasi sa kanyang pag-iisa, gumagana ang konsensiya at yun ang instrumento ng Diyos para ilantad ang totoo. Ang hamon ni Hesus ngayon ay maging totoo at talikdan ang mga kasalanang pilit nating binabalutan ng maganda at itinatago. Harapin na natin ang totoo tungkol sa ating sarili at ng lumaya na tayo para mamuhay bilang mga anak ng Diyos.



MANALANGIN:

Panginoon, hubaran mo ako ng lahat kong pagkukunwari sa aking sarili, sa kapwa at lalo sa iyo. Tuklungan mo akong palayain ang aking sarili sa pagkaalipin sa kasalanan lalo na ng kasakiman. Hayaan mong ang pag-ibig na itinanim mo sa puso ko ang dumaloy sa bawa't kong kilos at gawain.

No comments:

Post a Comment