Friday, November 5, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-05-10)

LUKAS 16: 1-8

Ang Talinhaga ng Tusong Katiwala

1 Nagsalita uli si Jesus sa kanyang mga alagad, "May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang ariarian. 2 Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, 'Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ihanda mo ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.' 3 Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, 'Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. 4 Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.' 5 Isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong niya ang una, 'Magkano ang utang mo sa aking amo?' 6 Sumagot ito, 'Isandaang tapayang langis po.' 'Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong limampu,' sabi ng katiwala. 7 At tinanong naman niya ang isa, 'Ikaw, gaano ang utang mo?' Sumagot ito, 'Isandaang kabang trigo po.' 'Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,' sabi niya. 'Isulat mo, walumpu.' 8 Pinuri ng amo ang tusong katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito."



MAGNILAY:

Bakit nga ba pinuri ang isang mandaraya sa ating Ebanghelyo?



Nilalarawan sa talinhaga ni Hesus ang kapalaran ng isang mandarayang katiwala. Uso noong panahong iyon na ipagkatiwala ng lubos ang iyong ari-arian sa isang katiwala. Sa iyong absensya siya ang tumatayo na tagapangasiwa ng iyong ari-arian. Dahil nga katiwala malaki at buo ang tiwala ng may-ari sa kanya. Kaya't nang madiskubre ng may-ari sa ating talinhaga na may pandaraya na nangyayari at mga anomalya sa mga transaksyon na ginanagawa sa kanyang ari-arian sinigurado niya na sisisantihin na niya ang katiwalang ito.



Puwedeng nagpakamatay ang katiwalang ito, o maglasing araw at gabi sa depresyon, o gumawa ng mga bagay na mas makakasira sa kanya para malimutan ang sinapit na kapalaran. Pero mas naging listo siya. Gumana ang kanyang isip. Sa kabila ng sinapit na kapalaran nakakita pa rin siya ng oportunidad para hindi siya sumapit sa nakakaawang sitwasyon pag wala na siyang trabaho. Yun nga, nilapitan ang mga may utang sa kanyang amo, binawas niya ang kanyang komisyon para bumaba ang kanilang utang para ng sa ganoon magkaroon sila ng utang na loob sa kanya. Pag nilapitan niya ang mga ito kapag tuluyan na siyang naalis sa trabaho pihadong tatanaw sila ng utang na loob at tatanggapin siya.



Listo. Mautak. Tuso. Ano pa ang puwedeng ipuri sa katiwalang ito. Oo mandaraya pero nag-iisip, nagpaplano, hindi nawawalan ng loob, dumidiskarte para makalusot sa mga pagsubok sa kanyang buhay. E yung mga tinuturing na mababait at mga alagad ng kaharian ng Diyos? Ayun, papatay-patay, walang inisyatibo, walang plano, tamad dumiskarte, masaya na sa kung anong ginagawa noon siya pa rin gagawin ngayon at ayaw ng pag-aralan kung epektibo pa ito. Mas magaling gumawa ng paraan ang mga lihis ang moral kaysa sa mga moral daw. Nauunahan tuloy sa pagtupad ng mga planong gawain. Ito ang punto ni Hesus kaya niya pinuri ang mandarayang katiwala hindi dahil mandaraya siya kundi listo, mautak, tuso - mga katangian sana ng mga lagad ng kanyang kaharian.



Minsan parang natatalo ang mga mabubuti sa mundong ito ng masasama dahil na rin sa kanila. Mas masigasig kasi ang mga may maitim na balak sa kapwa. Sana mamana ng mga may mabuting kalooban para sa lipunan ang sigasig na ito. Pag nangyari ito, walang binatbat ang mga masasama. Kumikilos ang grasya ng Diyos at nakikipagtulungan naman tayo. Pasiglahin naman natin ang istratehiya natin. Pasukin ang puwedeng pasukin maipahayag lang ang salita ng Diyos. Huwag lang tayong mapako sa iisang istratehiya. Magparami tayo ng paraan luma man o makabago para umabot ang mensahe ng Diyos sa nakakarami. Tulad ng isang mangangalakal, magpuhunan tayo at kahit kulangin ng tulog hindi alintana makasigurado lamang sa kita. Yan ang tunay na lagad ng Panginoon!



MANALANGIN:

Panginoon, buhayin mo ang sigasig sa aking kalooban na ipalaganap ang binhi ng iyong kaharian. Huwag nawa akong papatay-patay at lalampa-lampa. Magagaling ang mga kalaban ng iyong kaharian. Tapatan ko nawa ito ng mas higit na galing at diskarte.

No comments:

Post a Comment