Thursday, March 31, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-01-11)

MARCOS 12: 28-34

Ang Dalawang Pinakamahalagang Utos

28 Ang kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, "Alin po ba ang pinakamahalagang utos?"

29 Sumagot si Jesus, "Ito ang pinakamahalagang utos: 'Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon nating Diyos ang tanging Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas.' 31 Ito naman ang pangalawa, 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.' Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito."

32 Wika ng tagapagturo ng Kautusan, "Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. 33 At higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay."

34 Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya't sinabi niya, "Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos." At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.

MAGNILAY:

Kung hindi mo kayang mahalin ang katabi mo, ang kasama mo, ang kasalubong mo, ang kapitbahay mo, huwag ka nang mag-asam na mahalin ang Diyos. Maaari lamang mahalin ang Diyos sa iyong kapwa.

Ang tinatanong lang kay Hesus ay kung ano ang pinakamahalagang utos. Ang tinatanong lang sa kanya ay kung ano ang una. Pero sa sagot niya, agad niyang idinugtong ang ikalawa. Ang mahalin ang Diyos - ang unang utos - ay hindi maisasakatuparan kung hindi tuutparin ang ikalawang utos - ang mahalin ang iyong kapwa. Ganito kakonektado ang isa't-isa. Hindi kompleto ang isa kung wala ang isa. Magiging ipokrito ang una kung hindi magagawa ang ikalawa. Magkabiyak-na-bunga ang pagi-big sa Diyos at pag-ibig sa kapwa.

Ang pag-ibig sa kapwa ay hindi mas mababang uri ng pag-ibig. Hindi puwedeng magmahal sa kapwa na namimili. Hindi mo lang mamahalin ang nagmamahal sa iyo. Hindi mo lang mamahalin ang kaibig-ibig. Hindi mo lang mamahalin ang karapat-dapat. Ang pag-ibig sa kapwa ay lubos at ganap. Mamahalin pati ang hindi nagmamahal sa iyo. Mamahalin pati ang hindi kaibig-ibig. Mamahalin pati ang hindi karapat-dapat. Sa ganito lang magiging pag-ibig sa Diyos ang pag-ibig sa kapwa. Minahal tayo ng Diyos ng walang kondisyon. Minahal niya tayo kahit noong pangit at makasalanan pa tayo. Walang hiningi ang Diyos noong mahalin niya tayo. Basta minahal lang niya tayo kahit walang kapalit. Ganitong uri ng pag-ibig ang inaasahan niyang ibibigay natin sa kapwa.

MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong mahalin ka sa aking kapwa. Mahirap mahalin lalo na ang mga nakasakit sa akin. Mahirap mahalin ang mga walang pakialam sa akin. Mahirap mahalin ang mga walang kinalaman sa akin. Pero sa ganito lamang kita puwedeng mahalin. Lumago nawa ako araw-araw sa iyong pag-ibig. Maging larawan nawa ako ng iyong pag-ibig na dakila at wagas.

Tuesday, March 15, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (03-16-11)

LUKAS 11: 29-32

Si Jesus ang Palatandaang Mula sa Langit

29 Nang dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, "Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. 30 Kung paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito. 31 Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. 32 Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon."



MAGNILAY:

Hindi palatandaan ang problema. Ang problema ay tiwala. Walang tiwala ang maraming tao sa mga palatandaang iniwan ni Hesus. Ano pa bang palatandaan ang hahanapin pa sa ipinakita ni Hesus? Makapangyarihan ang kanyang mga salita. Kapag mangaral siya ay may awtoridad dahil nakikita rin sa kanyang kilos at gawa ang kanyang pinangangaral. Tumatagos sa puso ang kanyang mga aral. Binubulabog nito ang kanilang konsiyensya. A, baka yun ang dahilan kaya marami silang hinahanap. Gusto nilang iwasan ang totoo. Natarget sila ng kanyang mga salita. Kitang-kita na na dapat silang magbago sa isang radikal na paraan. Pero takot at ayaw nila nito. Malaki ang kanilang iiwan. Malaki ang kanilang isusuko. Kaya, magbingi-bingihan na lang. Magbulag-bulagan na lang. Kunwari, naghahanap pa sila ng mga palatandaan pang iba. Pero ang totoo, sapat na kundi man sobra-sobra na ang palatandaan. Pagtugon na sana ang kasunod pero mas minarapat nilang maing sarado.



Hindi naman mangmang si Hesus. Alam niyang kahit anong palatandaan ang ipakita niya hindi siya paniniwalaan. Kung sa marami niyang kababalaghang ginawa ay hindi sila naniwala, ano pang kababalaghan ang puwedeng magkumbinsi sa kanila? Nakita ang mga bulag, nakarinig ang mga bingi, nakalakad ang mga pilay, gumaling ang mga maysakit, nabuhay ang mga patay. At higit sa lahat, nagbagong buhay ang mga makasalanan, naglingkod sa Diyos ng buong buhay ang maraming alagad, binago ng kanyang salita ang takbo ng buhay ng marami. Hindi pa ba sapat ang mga palatandaang ito? Kaya magagalit ang Reyna ng Seba sa lahing iyon dahil sinuong niya ang karagatan upang maglakbay marinig lang ang karunungan ni Solomon pero mas higit pa kay Solomon ang Panginoon. Magagalit ang mga taga-Nineve dahil nakinig sila ang Jonas at naloigtas sila pero mas higit pa kay Jonas ang Panginoon.



Tiwala. Ito ang problema. Wala silang tiwala. Tayo rin. Ang hamon sa atin ay magtiwala ng buo sa aral. Yan ang tanging iniwang palatandaan ng Panginoon. Marami na ang ginawa ng Panginoon sa atin pero tuwing magkakaproblema tayo bumabalik na naman ang pagdududa natin sa kanya. Madali tayong makalimot. Nagsasarili na naman tayo. Nagrerebelde na naman tayo. Oo, mahirap magtiwala. May elemento ito ng sugal. Isusugal natin ang kombiksyon natin. Pero ito ang ibig sabihin ng manampalataya. Magtiwala. Kahit lumalaki ang mga pagsubok huwag nating kalimutan na kailan man hindi tayo iniwan ng Panginoon. Ang totoo, araw0araw ay palatandaan ng Panginoon ng kanyang pagmamahal. Yun lang, madalas hindi natin ito pansin.



MANALANGIN:

Panginoon, dagdagan mo ang tiwala ko sa iyo laolo na sa panahon ng pagsubok. Huwag ko sanang malimutan agad-agad ang maraming magagandang bagay na ginawa mo sa akin. At higit sa lahat, magtiwala ako sa iyong salita at sa iyong aral. Ito ang liwanag na tumatanglaw sa bawa't hakbang na aking tinatahak sa buhay na ito. Turuan mo akong makinig lagi ng may pagtitiwala at paniniwala.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (03-15-11)

MATEO 6: 7-15

7 "Sa pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. 8 Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. 9 Ganito kayo mananalangin,

'Ama naming nasa langit,

sambahin nawa ang iyong pangalan.

10 Nawa'y maghari ka sa amin.

Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.

11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw;

12 at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,

tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.

13 At huwag mo kaming hayaang matukso,

kundi iligtas mo kami sa Masama!'

14 "Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang iba, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan."



MAGNILAY:

Ang tunay na panalangin ay simple. Hindi nakukuha sa pahabaan, pagandahan at palaliman ng salita ang panalangin. Hindi nito kailangan ang mga pambobola, sopistikasyon at pasiklab. Simple ang tunay na panalangin. Sinsero ito. Tapat at sapat sa sinasabi. Diretso at walang patumpik-tumpik. Kung ano lang ang kailangan at kung ano lang ang makakabuti ay siya lang sasabihin. Alam ng Diyos ang ating mga kailangan. Batid niya ang mabuti sa atin.



Ang tunay na panalangin ay matalik. Ito'y usapang puso sa puso. Bukasan ito ang kalooban. Ito'y ugnayang matalik ng dalawang nagmamahalan. Hindi ito relasyong trabaho lang o negosyo lang. Hindi ito paimbabaw o panlabas lamang. Ang panalangin ay pagsasanib natin at ng Diyos na napamahal sa isa't-isa.



Ang tunay na panalangin ay sigurado. Hindi ito yung may pagdududa. Hindi ito yung may alinlangan. Hindi ito yung nagbabaka-sakali. Ang panalangin ay may kumpiyansa at tiwala na nakikinig siya na ating minamahal at nagmamahal sa atin. Sigurado tayo sa kanyang pagtugon. Sigurado tayo sa kanyang paggabay. Sigurado tayo sa kanyang pagmamahal.



Ang tunay na panalangin ay dasal ng isang anak. Ang panalangin ay kung saan ipinagkakatiwala ng isang anak ang sarili sa kanyang Ama. Ito'y pagpapasa-kamay ng anak ng sarili sa kanyang Ama. Ito'y pagsumamo ng anak sa kanyang Amang tnay na nagmamahal sa kanya. Dahil dasal ng isang anak, ang panalangin ay pakikinig din ng isang anak sa kanyang Ama. Ang panalangin ay pagtuklas sa kalooban ng Ama na siya nating dapat sundin.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong umiwas sa mga panalanging mabulaklak pero puro pambobola. Turuan mo akong manalangin ng simple at may sinseridad. Matuto nawa akong makinig at sumunod sa bulong mong tanging panalangin ang daluyan.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (03-14-11)

MAGANDANG BALITA NGAYON - LUNES NG UNANG LINGGO NG KUWARESMA (Mar. 14)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Monday, March 14, 2011 at 10:50pm

MATEO 25: 31-46

Ang Paghuhukom

31 "Pagdating ng Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Titipunin naman sa harapan niya ang lahat ng tao at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Inilalagay nito sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.'

37 "Sasagot ang mga matuwid, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y walang maisuot at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?'

40 "Sasabihin ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan.'

41 "Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, 'Lumayo kayo sa harapan ko! Isinumpa kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y walang maisuot. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.'

44 "At sasagot din sila, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, walang maisuot, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?'

45 "At sasabihin sa kanila ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.' 46 Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan."



MAGNILAY:

Kailan tayo sinungaling sa harap ng Diyos? Kapag sinasabi nating mahal natin siya pero hindi man lamang natin maigalaw ang isang daliri natin para pagaanin ang dinadalang hirap ng iba. Kapag nakikiisa tayo sa hirap ni Kristo sa krus pero manhid tayo sa pagdurusa ng kapwa natin.



Kailan tayo mapagkunwari sa harap ng Diyos? Kapag todo papuri tayo sa kanya at lahat na yata ng salita ng parangal sa kanyang pangalan ay nasambit na natin para sa kanya pero ang sama naman ng tabas ng dila natin para sa kapwa natin. Kung makapagmura tayo sa kapwa natin ay gayon na lamang. Kung manlait tayo ng mga maliliit ay daig pa natin ang talagang may sinasabi sa lipunan. Kung mamintas tayo ay akala mo wala tayo ni katiting na kapintasan sa sarili.



Kailan tayo kaawa-awa sa harap ng Diyos? Kapag dumating na ang oras ng pagharap sa kanya at nagmamalaki pa tayong ipaglandakan na kaalyado niya tayo, kasapi niya tayo, mga alipores niya tayo dahil tayo ang nangunguna sa mga gawaing at proyekto na akala natin ay nagbibigay parangal sa kanya pero mga gawain pala na pasikat ang nakatagong layunin at sarili hindi ang kapwa ang napagsisilbihan. Mga proyekto na walang kinalaman para damayan ang talagang nangangailangan. Isa lang ang sasabihin niya: Lumayo kayo sa harapan ko! Isinumpa kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y walang maisuot. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.



MANALANGIN:

Panginoon, makita nawa namin ang mukha mong nagdurusa sa mga kapatid naming hikahos at kapus-palad at sa kanila'y mahalin ka't pagsilbihan.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (03-13-11)

MATEO 4: 1-11

Ang Pagtukso kay Jesus

1 Pagkatapos, si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. 3 Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito." 4 Ngunit sumagot si Jesus, "Nasusulat,

'Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay,

kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.' "

5 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lunsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. 6 Sinabi nito sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,

'Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,

at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,

nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.' "

7 Ngunit sumagot si Jesus, "Nasusulat din naman, 'Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.' "

8 Pagkatapos, dinala naman siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang kapangyarihan ng mga ito. 9 Sinabi ng diyablo sa kanya, "Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin."

10 Kaya't sumagot si Jesus, "Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat,

'Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sasambahin.

At siya lamang ang dapat mong paglilingkuran.'"

11 Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila.



MAGNILAY:

Saan nga ba tayo tinutukso ng diyablo? Tinutukso tayo ng diyablo para pagdudahan ang Diyos. Ito ang pinakamalaki niyang tukso sa atin. At kapag nagsimula tayong magduda sa Diyos malapit na siyang magtagumpay sa buhay natin.



Una, tinutukso tayo ng diyablo na pagdudahan ang Diyos dahil karibal natin siya sa kalayaan natin. Marami siyang bawal. Huwag natin itong gawin. Huwag natin iyang gawin. Sinasabi niya na makakasama ito sa atin. Pero ang totoo, hindi. Nagsisinungaling ang Diyos. Gusto lang niya manipulahin ang buhay natin. Gusto niyang supilin ang kalayaan natin. Gusto niya siya ang magmane-obra ng kalayaan natin. Karibal natin siya. Huwag tayong maniwala. Sundin natin kung ano ang gusto natin. Tayo ang hari ng kalayaan natin. Tayo ang mas nakakaalam ng mabuti o masama para sa atin.



Ikalawa, tinutukso tayo ng diyablo na pagdudahan kung ang Diyos nga ay sapat na sa atin para lumigaya. Sinasabi niya na hindi sapat na sumunod lang tayo sa kanya. Marami pa tayong dapat matikman sa buhay na ito. Mga bagay na ipinagkakait sa atin dahil gusto nga natin na sumunod lang sa kanya sa paniniwalang siya ang magbibigay ng lubos na kaligayahan. Maraming nawawala sa atin. Maraming nasasayang na bagay-bagay at pagkakataon. May mas higit na kaligayahan ang maibibigay ng mundo. Mas masarap. Mas maginhawa. Mas exciting. Hindi sapat ang Diyos. Hindi sapat na sumunod lang sa kanya. Baka nga mas ma-agrabyado pa tayo sa kasusunod natin sa kanya.



Panghuli, tinutukso tayo ng diyablo na pagdudahan ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Talaga bang mahal tayo ng Diyos? Bakit tayo nagugutom? Bakit tayo nauuhaw? Bakit tayo naghihirap? Bakit tayo nagdurusa? Bakit tayo nabibiktima? Bakit himndi tayo makahanap ng solusyon sa marami nating problema? Bakit maraming namamatay ng walang kalaban-laban? Mahal nga ba tayo ng Diyos?



Sa tuwing sumasagi sa isip natin ang pagdududa sa Diyos, nangingisi lang ang demonyo.



MANALANGIN:

Panginoon, patatagin mo ang pagtitiwala namin sa iyo lalo na sa panahon ng kagipitan.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (03-09-11)

MATEO 6: 1-18

Katuruan Tungkol sa Paglilimos

1 "Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.

2 "Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari. Naglilimos sila sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y mapuri ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Sa halip, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito sa pinakamatalik mong kaibigan. 4 Gawin mong lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo."

Katuruan Tungkol sa Pananalangin

5 "Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 6 Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.

7 "Sa pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. 8 Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. 9 Ganito kayo mananalangin,

'Ama naming nasa langit,

sambahin nawa ang iyong pangalan.

10 Nawa'y maghari ka sa amin.

Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.

11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw;

12 at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,

tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.

13 At huwag mo kaming hayaang matukso,

kundi iligtas mo kami sa Masama!'

14 "Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang iba, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan."

Katuruan Tungkol sa Pag-aayuno

16 "Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag- aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok 18 upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo."



MAGNILAY:

Dungisan mo na ang lahat ng bahagi ng katawan huwag lang ang mukha. Ito ang bahagi ng katawan na pinakanaglalarawan at nagpapahayag sa kung sino tayo. Ang mukha ang inihaharap natin sa iba bilang kinatawan ng kung sino tayo. Kaya't pinananatili natin itong walang dungis. At kapag ito ay dinungisan ng iba malaking sampal ito sa ating dangal. Ang madungis na mukha ay kumakatawan ng kababaan at dangal na nayurakan.



Pero ngayong Miyekules ng Abo kusa nating pinadudungisan ang ating mukha. Sa noo, pinalalagyan natin ito ng dumi - ang abo. Ang araw na ito ay kusang pagyakap sa kababaang-loob. Ginagawa natin ito sa harap ng Diyos na sinaktan natin dahil sa ating mga pagkukulang at pagkakamali. Ngayong nagbabalik-loob tayo sa kanya, nagpapakababa tayo dahil wala tayong mukhang ihaharap sa kanya dahil sa mga kataksilan natin sa kanya. Ang mukhang nadungisan ang siya nating ihaharap sa kanya para sa kanyang pagpapatawad. Ito ay araw ng pagsisisi at pag-amin ng ating karumihan.



Ang dungis sa ating mukha ay tanda rin ng desisyon nating kalimutan at talikuran ang ating ssarili alang-alang sa kapakanan ng iba. Isang tanda ito ng paglisan sa pagkamakasarili at patuon ng atensyon sa iba. Yung para sa akin ay hahayaan ko na lang iba ang makinabang para maiahon lang sila sa pagdurusa. Naglalarawan ito ng ganap na pag-ibig na walang iba kundi pagtalikod sa sarili para mahalin ang iba. Ang iba ang mas naging prioridad kaysa sarili. Masaktan ka na huwag lang ang iba. Magdusa ka na huwag lang ang iba. Mamatay ka na huwag lang ang iba. Hindi ba't ito'y halimbawa ng pag-ibig ni Hesus sa atin?



Nagsimula na tayo ngayon ng panahon ng kuwaresma. Panahon muli upang pagnilayan at yakapin ang pagdurusa ni Hesus hanggang pagkabuhay. Tumingala nawa tayo sa krus na pinakamakapangyarihang larawan at simbolo ng tunay na paglimot sa sarili alang-alang sa kaligtasan ng iba.



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong magmahal tulad ng pagmamahal mo. Matutunan ko nawa ang lumimot sa sarili para sa iba. Matamisin ko nawang madungisan huwag lang ang iba.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (03-06-11)

MATEO 7: 21-27

Hindi Ko Kayo Nakikilala

21 "Hindi lahat ng tumatawag sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. 22 Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, 'Panginoon, hindi po ba kami ay nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa iyong pangalan?' 23 Ngunit sasabihin ko sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.'"

Sa Bato o sa Buhanginan?

24 "Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. 25 Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. 26 Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga aral na ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa may buhanginan. 27 Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak."



MAGNILAY:

Marunong ka ba talagang makinig? O kaya mo ba talagang makinig? Hindi lahat ng may naririnig ay talagang nakikinig. Kasabihan na nga natin na pasok sa isang tainga labas sa kabila. Paano nga ba talaga ang makinig?



Ang salitang Ingles na listen (makinig) ay nanggaling pala sa lumang salita na ang ibig sabihin ay maghintay ng may pananabik." Ang pakikinig pala ay maghihintay ka ng may pananabik. Kaya naman kapag ikaw ay nakikinig, nakaalerto ka, ang buo mong pagkatao, at nakatuon ng may matinding pananabik sa kanya na nagsasalita sa iyo. Ang makinig ay iyong may kagustuhang palawakin ang kanyang pananaw at pang-unawa. Ang makinig ay pinapaabot ang naririnig papuntang isip at puso. Ang kanyang kamalayan ay natatakam sa kanyang matutuklasan.



Pero bago ang kakayanang makinig ay dapat munang magkaroon ng kakayanang magnilay. Ang magnilay ay tingnan ng mas malalim ang katotohanan at hindi sa panlabas lamang nitong anyo. Sinusuri niya ang mas malalim na kahulugan ng mga bagay-bagay. Tumatagos ang kanyang paningin. Lumalampas ang kanyang pandinig. Mas lalo niyang gustong makita ang hindi nakikita sa labas at pakinggan ang hindi naririnig. Minsan nakakatakot ang magnilay. Humaharap ka sa talagang totoo at minsan hahamunin nito ang kasalukuyan mong paniniwala, pananaw at pang-unawa na matagal mo nang pinanghahawakan at komportable ka na. Magkakambal ang makinig at magnilay. Ang pakikinig ay pagtuklas sa mas malalim na katotohanan at yakapin ito.



May tatlong hakbang ang pakikinig. Una, ang pagbibigay ng atensyon. Ikalawa, ang pagsunod. Ikatlo, ang pagtugon.



Una, ang pakikinig ay pagbibigay ng atensyon sa sarili at sa iba na tumanggap ng mensahe. Ito ay pakikiramdam ng sarili kung ano ang epekto ng mensahe sa akin. Natuwa ba ako, nagalit, nabulabog, o wala lang? Bakit? Pagkatapos ng sarili, pinakikiramdaman din natin ang iba. Ano ang reaksyon ng iba sa mensaheng ito? Natuwa rin ba sila, o nagalit, o nabulabog, o wala rin? Bakit? Dito natin natutuklasan ang bigat o gaan ng mensahe, ang importansya o kawalan ng importansya nito, ang kahalagahan niya sa kasalukyang sitwasyon hindi lang ng sarili mo kundi ng iba. Kaya sa una pa lang sinabi na natin na mahalaga ang pagninilay sa pakikinig. Hindi lang basta narinig. Kailangang namnamin ang narinig para lalo nating mapakinggan ang narinig.



Ganito makinig sa salita ng Diyos. Binibigyan natin ng ibayong atensyon. Tinututukan natin ang epekto at dating nito sa ating sarili at sa iba. Pinagninilayan natin ng mabuti at sinusuri ang kahalagahan nito. Bakit ba ganito ang nadarama ko? Bakit ganito ang reaksyon ng iba? Kailangan natin ng mahabang atensyon sa salita ng Diyos kung ibig natin itong marinig talaga.



Ikalawa, ang pakikinig ay pagsunod. Ang ibig sabihin ng pagsunod ay pagsama sa o samahan pa ang pinanggalingan ng mensahe. Bakit samahan? Para mas makilala natin siya. Ang ibig sabihin lang ay ang pakikinig ay nangangahulugan na kilalanin ang pinanggagalingan ng mensahe, ang nagsabi. Dito natin mauunawaan pa ang perspektibo niya at ang kanyang pananaw. Ano ba ang background niya? Bakit niya ito nasabi? Ang mensahe para maunawaan ay kikilalanin talaga ang nagsasabi. Susundan mo siya. Babarkadahin mo siya. Sasamahan mo siya kung saan siya nakatira. Aalamin mo ang kanyang mundo. Marami ang nami-misinterpret ngayon kasi hindi kilala at hindi alam ng nakakarinig kung ano ang background ng nagsasabi. Madalas, iginigiit natin ang sarili nating pakahuluugan para husgahan ang nagsabi at hindi alamin kung ano ba talaga ang kanyang sinabi. Mas magiging buo ang mensahe kapag nalaman natin ang background niya. Kaya dapat siyang samahan at sundan.



Ganito rin sa pakikinig sa salita ng Diyos. Kikilalanin natin si Hesus na nagpapahayag nito. Di ba't sinamahan din siya ng mga alagad. Sumunod ka sa akin. Yun ang palagi niyang sinasabi sa mga tinatawag niya. Ibig sabihin, samahan mo ako, tingnan mo kung saan ako nakatira, ano ang ginagawa ko, para makilala mo talaga ako at ng maunawaan mo ang aking sinasabi. Kailangan dito ang tiyaga. Kaya lang, sino pa ang may tiyaga ngayon? Mainipin na tayo. Wala akong oras na samahan ka pa. Kaya nga, akala natin kilala na natin ang mga tao sa paligid natin pero hindi pala. Asawa mo na, anak mo na, kapamilya mo na, di mo pa kilala. Diyos pa kaya. Paano natin siya maririnig kung wala tayong tiyaga na samahan si Hesus?



Ang huling hakbang ay pagtugon. Saka na lamang tayo makakatugon sa mensahe at sa nagsabi nito kapag naunawaan na natin ito. Magiging mas tumpak ang pagtugon kapag tumpak ang pag-unawa natin sa mensahe. At ang mensahe ay dapat tugunin. Mahirap yatang magsalita ng magsalita na wala namang tugon ang kausap mo. Baka maramdaman mo pang parang binabastos ka kapag hindi tumutugon ang kausap mo. Tanggap o hindi tanggap, kailangan may tugon. Sa pagtugon, nakokompleto ang pakikinig. Nabubuo ang pagtitiwala sa isa't-isa kapag sinuklian ng pagtugon ang iyong sinabi anuman ito. Sa pagtugon, nagkakaroon ng katuparan ang mensaheng narinig.



Ganito rin tayo sa salita ng Diyos. Matapos maunawaan, tutugon tayo. At ang pagbabago ay magaganap sa buhay natin. Kahit mahirap iwan ang nakasanayan nating ugali, pananaw at pamumuhay pero mararanasan natin ang pagpapalaya sa atin ng salita ng Diyos kapag nagkalakas-loob tayong tumugon dito. Pananampalataya na nakikita sa pagsang-ayon ng isip, pagtitiwala ng puso at paggawa ang itutugon natin sa salita ng Diyos. Tulad ng sinabi ni Hesus, matibay na pundasyon ang nabubuo natin kapag nakinig tayo sa kanyang salita at nagsagawa nito.



Marunong ka ba talagang makinig? Talaga?



MANALANGIN:

Panginoon, buksan mo ang aking tainga, ang aking isip, ang aking puso at ang buo kong pagkatao upang makinig sa iyong salita. At sa pakikinig ko sa iyo, matuto rin nawa akong talagang pakinggan ang mga tao sa paligid ko na matagal ng sumisigaw para lamang mapakinggan.

Friday, March 4, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (03-05-11)

MAGANDANG BALITA NGAYON - SABADO NG IKAWALONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Mar. 05)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Friday, March 4, 2011 at 8:36pm

MARCOS 11: 27-33

Pag-aalinlangan Tungkol sa Karapatan ni Jesus

27 Muli silang pumasok sa Jerusalem. Habang si Jesus ay naglalakad sa patyo ng Templo, nilapitan siya ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng bayan. 28 Siya'y tinanong nila, "Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?"

29 Sumagot si Jesus, "Tatanungin ko kayo. Sagutin ninyo ito at sasabihin ko sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 30 Sabihin ninyo sa akin; kanino nagmula ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa mga tao?"

31 At sila'y nag-usap-usap, "Kung sasabihin nating mula sa Diyos, itatanong naman niya sa atin kung bakit hindi natin pinaniwalaan si Juan. 32 Ngunit kung sasabihin naman nating mula sa tao, baka kung ano naman ang gawin sa atin ng mga tao." Nangangamba sila sapagkat naniniwala ang marami na si Juan ay isang tunay na propeta. 33 Kaya't ganito ang kanilang isinagot: "Hindi namin alam!"

Sinabi naman ni Jesus sa kanila, "Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gawin ang mga ito."



MAGNILAY:

Sobrang ingat? Sobrang sigurista? Sobrang play safe?



Magaling lumusot ang mga kumukwestyon sa awtoridad at karapatan ni Hesus na mangaral. Ang lakas ng loob nilang magtanong. Pero, noong ma-corner sila ni Hesus hindi naman pala nila kayang panindigan ang kanilang prinsipyo. Hindi naman pala nila kayang panindigan ang tama at totoo. Hindi nila kayang panagutan ang kilos nila. Takot silang sumbatan at takot silang maglaho ang katiting na respeto at paniniwala sa kanila ng mga tao. Kaya, ang galing ng sagot nila - "Hindi namin alam." Sagot ng mga duwag. Sagot ng mga walang paninindigan.



Hindi rin naman nalalayo ang mga kalaban ni Hesus sa marami sa atin ngayon. Madalas kung di man lagi ay natatakot tayong panindigan ang prinsipyo natin kung meron nga. Nagpapadala tayo sa agos ng kung ano ang tanggap ng nakakarami kahit taliwas na sa nararapat. Doon tayo sa safe. Doon tayo sa ligtas. Doon tayo sa sigurado. Kaya prinsipyo natin kinakain natin 'wag lang tayong punahin, laitin at sibakin. Dikit tayo sa malakas. Sama tayo kung sino nasa itaas kahit mali na. Nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan tayo. Hindi na natin kayang tawaging tama ang tama at mali ang mali. Sa gitna lang tayo. At kung tatanungin tayo isa lang ang sagot - "Ewan. Hindi namin alam!"



Kelan kaya magkakaroon ng mga susugal para sa tama at totoo kahit ang laki ng dapat isapalaran? Magkakaroon pa kaya ng mga matatapang ipagtanggol ang tamang prinsipyo? Kelan kaya muling mauuso ang paninindigan hanggang sa huling bugso ng hininga?



MANALANGIN:

Panginoon, malalim ang problema ng maraming komunidad at lipunan ngayon hindi lang dahil sa may krisis sa marami naming pangangailangan kundi may krisis ng mga taong kayang manindigan sa para sa tama at totoo. Turuan mo kaming bigyan ng pag-asa ang aming bayan at mundo. Tulungan mo kaming magsimulang manindigan kahit anupaman ang maging kapalit nito.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (03-04-11)

MARCOS 11: 11-26

11 Pumunta si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Pagkatapos niyang makita ang lahat ng bagay doon, lumabas siya at nagbalik sa Bethania na kasama ang Labindalawa, sapagkat gumagabi na noon.

Sinumpa ang Puno ng Igos

12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom. 13 Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang. 14 Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, "Wala nang makakakain pa ng iyong bunga." Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad.

Pinalayas ang mga Nangangalakal sa Templo

15 Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 16 Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda 17 at tinuruan niya ang mga tao nang ganito, "Hindi ba't nasusulat, 'Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?' Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!"

18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang maipapatay si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo.

19 Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lunsod.

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos

20 Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. 21 Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, "Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo."

22 Sumagot si Jesus, "Manalig kayo sa Diyos. 23 Tandaan ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, 'Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,' at ito nga ay mangyayari. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon. 25-26 Kapag kayo'y tumayo upang manalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ang inyong mga kasalanan ay patawarin din ng inyong Ama na nasa langit."



MAGNILAY:

May sama ka ba ng loob? Matindi ba? Ang hirap 'no? Hindi ka makatulog. Hindi ka makapagtrabaho ng maayos. Parang lagi kang may bitbit sa kalooban mo. Paralisado lahat ng gawain mo. Pati nga pagdadasal mo apektado.



Mahirap ngang magdasal kapag may kinikimkim kang galit at lalo na kung ito ay pagkamuhi. Habang nasa puso ang galit na ito mahirap makapasok sa isang tunay na pakikipagtagpo sa Diyos. Hangga't hindi nagdedesisyon ang puso na magpatawad ay halos imposible makipag-niig sa Panginoon dahil ang Panginoon ay pagpapatawad.



Nakakatakot minsang magpatawad kasi parang lugi ka. Madalas inuugnay natin ang katarungan sa paghihiganti. Kung ano ang inutang ay siyang kabayaran. Totoo na kailangang tamuhin ang katarungan. Lahat ng kasalanan ay dapat pagbayaran. Pero magkaiba ang pagbabayad-puri sa paghihiganti. Ang paghihiganti ay pagsukli ng masama sa masamang ginawa sa iyo. Hindi ito katarungan. At ang katarungan pagkatapos itong matamo ay kapatawaran ang dapat sanang maging kasunod. Sa pagpapatawad ang unang makikinabang ay ang nasaktan. Kung hindi ito mauuwi sa pagpapatawad ang nasaktan ay kailanman hindi makakausad. Sa pagpapatawad magkakaroon siya ng bagong simula na malaya ang kalooban. Sa pagpapatawad mawawala ang hinanakit na nagpaparalisa sa ating isip at kaluluwa. Sa pagpapatawad nagiging insgtrumento tayo na sana ang nakasakit sa atin ay magbagong-buhay din at magsimula ng panibago. Hindi ba't ito ang ginagawa ng Panginoon sa atin. Siya ang nasaktan pero siya pa rin ang nagpapatawad. Siya ang naagrabiyado natin pero siya pa ang hindi tumitigil na mahalin tayo. Ang Panginoon talaga ay pagpapatawad. At ang pusong walang instensyong magpatawad ay kailanman hindi makakaranas ng tunay na pakikiisa sa kanya sa panalangin.



MANALANGIN:

Pangionoon, akayin mo ang aking puso tungo sa pagpapatawad. Maunawaan ko nawa na kahit mahirap magpatawad ito ay posible kapag dinesisyonan ng aking puso. Sa tulong ng iyong biyaya maging matagumpay nawa ako.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (03-03-11)

MARCOS 10: 46-52

Pinagaling si Bartimeo



46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya sa Jerico kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya'y si Bartimeo na anak ni Timeo. 47 Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, "Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"

48 Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, "Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"

49 Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, "Dalhin ninyo siya rito."

At tinawag nga nila ang bulag. "Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus," sabi nila.

50 Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus.

51 "Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?" tanong sa kanya ni Jesus.

Sumagot ang bulag, "Guro, gusto ko pong makakitang muli."

52 Sinabi ni Jesus, "Kung gayon, magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya."

Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus.



MAGNILAY:

Kalahati ng iyong problema ay nasolusyunan na kapag nakilala mo kung ano ba talaga ang iyong pangangailangan. Mahirap maghanap ng solusyon sa isang problema na hindi mo naman alam kung ano. Akala mo ito ang problema e yun naman pala ay iba. Minsan talagang nangangapa tayo kung ano ba talaga ang problema. Talagang wala tayong kaalam-alam. Kaya nga, minsang malaman natin kung ano ba talaga ang tunay nating problema kalahati nito ay nasolusyunan na!



Maganda ang tanungan na naganap kay Hesus at kay Batimeo. Nang magtanong si Hesus sa bulag kung ano ang gusto nitong gawin niya para sa kanya, para bang hindi pa alam ni Hesus kung ano. Sa ganitong sitwasyon dapat pa bang itanong? Si Bartimeo ay bulag. May iba pa ba siyang hihilingin kundi ang makakita? Pero nagtanong pa rin si Hesus. Siguro, para makasiguro siya na alam nga ni Bartimeo kung ano ang pangangailangan niya. Alam niya kung ano ang hihingin sa Panginoon. Responsable siya sa pabor na hihilingin niya kay Hesus. Hindi adelantado ang Panginoon. Hindi niya pinangungunahan ang mga tinutulungan niya. Sinisiguro niya na magiging responsable ito sa biyayang ibibigay niya at malalaman nito na ito ay tulong para mabigyang solusyon ang kanilang suliranin.



Mahalaga ang pagtatanong ni Hesus dahil pagsisiguro rin ito na bago siya tumulong ang tutulungan niya ay marunong tumulong sa kanyang sarili. Dapat may sarili muna tayong inisyatibo na tulungan ang ating sarili. Kalahati nga ng solusyon sa ating problema ay nasa ating mga kamay. Ito ay nagsisimula sa pagtulong natin sa ating sarili. Bakit gugustuhin ng iba na tulungan tayo kung tayo mismo ayaw nating tulungan ang sarili natin? Tulungan muna natin ang sarili at pagkatapos humingi tayo ng suporta sa Diyos at sa ating kapwa.



Kilalanin ang sarili. Ito ang pinaka-pundasyon ng lahat. Matuto tayong mag-usisa ng sarili. Pag alam natin ang ating kailangan, mas madali na ang maghanap ng tamang solusyon.



MANALANGIN:

Panginoon, isa lang ang aking pnalangin - tulungan mo akong tulungan ang aking sarili.