Thursday, November 4, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-03-10)

LUKAS 14: 25-33

Ang Pagiging Alagad

25 Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, 26 "Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. 27 Ang ayaw magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.

28 "Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? 29 Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. 30 Sasabihin nila, 'Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.'

31 "O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung ang sampung libong kawal niya ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal? 32 At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. 33 Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay.



MAGNILAY:

Krus ang kakambal ng pagsunod sa Panginoon. Hindi maiaalis sa buhay-pananampalataya ang magpasan ng sari-sariling krus. Ang krus ay kumakatawan sa lahat ng mga dapat mamatay sa ating sarili, ng mga dapat iwaksi sa ating pagkatao, ng mga dapat talikuran sa ating buhay upang malayang tumugon sa tawag ng Panginoon. Minsan, kailangang mamili sa pagitan ng mga mahal natin sa buhay, ng mga mahahalagang naipundar natin sa ating buhay, ng mga pinakaiingatan natin sa ating sarili at ng Panginoon. Hindi biro ang magseryoso sa pagiging isang Kristiyano at disipulo ng Panginoon. Babaguhin mo ang iyong pananaw at opinyon, aayusin mong muli ang iyong mga prioridad at iaayon sa Panginoon, isusunod mo lahat-lahat sa dikta ng pnanampalataya sa Diyos. Kaya't sa ating Ebanghelyo, nagbigay halimbawa ang Panginoon ng mga ehemplo ng pagplaplano. Hindi puwedeng hindi pagplanuhan ang pagsunod kay Hesus. Hindi puwedeng hindi upuan at pag-aralan. Malaki ang gugugulin sa pagsunod. Sa Panginoon, dapat lahat-lahat ay para sa kanya. Kung hindi ay huwag na lang! Kalimutan mo ang sumunod sa kanya kung hindi mo maibibigay ang lahat para sa kanya.



Sabi nga, kakambal ng pagsunod sa Panginoon ang krus. kaya kung ayaw mong magpasan ng krus, huwag kang sumunod sa kanya. Pero sa totoo lang, krus din ang hindi sumunod sa kanya. Mas mabigat na krus ang hindi tumugon sa kanya. Krus ito ng kawalang-kahulugan ng buhay. Kapag malayo tayo sa Diyos, walang saysay ang lahat. Ang kaligayahan ay napakabawbaw. Maaari mong makamit ang lahat sa mundo nguni't meron pa rin malaki at napakalaking kakulangan. Parang nasa iyo ang lahat maliban sa pinakaimportante at pinakakailangan. Yun ang mas malaki at mas mabigat na krus na papasanin ng tatanggi sa kanyang tawag.



MANALANGIN:

Panginoon, huwag nawa akong matakot sa krus ng pagsunod sa iyo. Mas pangambahan ko ang krus ng hindi pagsunod sa iyo. Akayin mo ako sa tunay na buhay kahit ang ibig sabihin nito ay isuko ko ang lahat sa iyo. Ikaw lang ang tanging hangad ng puso ko.

No comments:

Post a Comment