Monday, November 22, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-23-10)

LUKAS 21: 5-11

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo

5 May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, 6 "Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato."

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating

7 Tinanong nila si Jesus, "Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?"

8 Sumagot si Jesus, "Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako ang Cristo,' at, 'Dumating na ang panahon!' Huwag kayong maniniwala sa kanila. 9 Huwag kayong mababagabag kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga rebelyon. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi darating kaagad ang wakas." 10 At sinabi pa niya, "Maglalaban-laban ang mga bansa at magdidigmaan ang mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kamangha-manghang kababalaghan buhat sa langit.



MAGNILAY:

Ngayong huling linggo ng ating taong liturhikal na nagsimula noong Linggo kung saan nagdiwang tayo ng dakilang kapistahan ng pagkahari ng Panginoong Hesukristo, nakasentro ang ating mga pagninilay sa wakas ng panahon, sa muling pagbabalik ng Panginoong Hesukristo at sa pagdating ng Kaharian ng Diyos. Laman ng ng mga pagtuturo ni Hesus ang mga tema at paksang ito. Masasabing ang Panginoon ay kapani-paniwala at may awtoridad ipangaral ang tungkol sa mga bagay na ito. Marami sa kanyang mga sinabi ay naganap noong unang henerasyon ng mga kristiyano tulad ng digmaan, pag-usig sa mga unang kristiyano at ang pagkawasak ng magarang Templo noong taong 70 AD. Lalong tumindi ang paniniwala na darating ngang muli ang Panginoon, wawakasan ang kasalukuyang paghihirap, at sisimulan ang bagong panahon ng kanyang Kaharian.



May dalawang anggulo ang dapat pagnilayan sa pagdating ng Kaharian ng Diyos - una ay ang realidad ng pagwasak at ikalawa, ang realidad ang pagtatag. Una, ang Kaharian ng Diyos ay bunga ng pagwasak ng kasalukuyang kalagayan. Sa ating karanasan, minsan kailangang wasakin ang isang bagay para bigyang-daan ang isang bagong bagay. Halimbawa, minsan kailangang sirain mo ang isang gusali o bahay para makapagtayo ka ng bago. Ang luma ay hindi na bagay sa bagong itatayo. Para mabigyang-daan ang bago kailangang tiisin ang sakit ng pagwasak sa luma na nakasanayan na natin. Ganito puwedeng ilarawan ang Kaharian ng Diyos. Pag dumating siya, aalisin ang luma nating kalagayan ng kasalanan at pagkamakasarili. Dadalisayin ang mga sangkap ng buhay natin na hindi tugma sa Kaharian ng Diyos. Kapag nilalarawan sa Bibliya ang pagdating ng Kaharian nakakatakot minsan. Kasi puro pagwasak. Pero nawawala ang takot natin kapag naiisip natin na kailangan lang ito para mabigyang-daan ang isang bagong kalagayan. Kailangan may iguho. Sa sarili lang natin maraming dapat iguho - kayabangan, katigasan ng puso, pagmamagaling, pagkamakasarili. Hinahayaan ng Diyos ang sakit ng pagwasak para bigyang-daan ang isang bagong bukas. Walang Kahariang darating kung hindi aalisin ang kasalukuyang kalagayang makasalanan. Kung inaasam natin ang Kaharian sa ating buhay, maging handa tayo sa pagguho at pagwasak na gagawin ng Panginoon.



Ikalawa, ang Kaharian ng Diyos ay bunga rin ng matiyaga nating pagtatatag nito araw-araw ng ating buhay. Ang wakas ng panahon ay ang kaganapan ng kung ano ang sinimulan nating itatag. Gagawing kompleto ng Diyos ang ipinundar natin sa buhay-kristiyano. Ito ay araw ng pag-ani sa itinanim natin. Kaya ang Kaharian ng Diyos ay hindi lang pangyayari sa hinaharap na hinihintay natin ng walang ginagawa. Araw-araw, pinagtratrabahuan natin ito at inaasahang makokompleto sa araw ng pagbabalik ng Panginoon. Para tayong nagtatayo ng isang gusali, araw-araw ipinapatong natin ang mga batong kailangan hanggang mabuo ito. Dapat tayong maging masaya sa pagdating ng araw na iyon ng muling pagbabalik ng Panginoon dahil makikita natin ang bunga ng ating pinaghirapan.



Kaya kung susumahin, ang buhay-kristiyano ay dalawang bagay: pagwasak at pagtatag. Habang nasa proseso pa tayo ng pagsasabuhay ng ating pagiging kristiyano, wasakin na natin, iguho at buwagin ang mga gusali ng kasalanan. Matapos iguho, itayo naman natin ang gusali ng kaharian ng pag-ibig. Sa dulo ng ating paglalakbay, makikita natin ang bunga at komplisyon ng ating pinaghirapan.



MANALANGIN:

Panginoon, ipakita mo sa akin ang mga bagay na dapat kong buwagin sa aking sarili. Maraming sangkap sa buhay ko ang nagdudulot sa akin ng kalungkutan at kawalang-saysay dahil mga taliwas ito sa iyong plano at kalooban. Tulungan mo akong dalisayin ang aking buhay. Matapos iguho ang mga ito, bigyan mo ako ng kakayanang magtayo ng isang bagong ako na tutugon sa iyong tawag. Akayin mo ang iyong mga lingkod na makarating sa araw ng pag-ani, sa araw ng kaganapan ng iyong Kaharian.

No comments:

Post a Comment