Saturday, May 28, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (05-29-11)

MAGANDANG BALITA NGAYON - IKAANIM NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY (Mayo 29)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Sunday, May 29, 2011 at 4:59am

JUAN 14: 15-21

Ang Pangako Tungkol sa Espiritu Santo

15 Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo. 16 Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. 17 Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili sa inyo.

18 Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng mundong ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo.

21 Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.





MAGNILAY:

Minsan may isang lalaking nakakita ng anghel na naglalakad sa kalye na may dala-dalang sulo sa isang kamay at timba ng tubig sa kabila. Tinanong niya ito, "Saan mo gagamitin iyang sulo at timba ng tubig na dala-dala mo?" Agad tumigil ang anghel at sumagot, "Ang sulo ay gagamitin ko para sunugin ang mga mansyon sa langit. Ang tubig naman ay gagamitin ko para apulahin ang apoy sa impiyerno. Dito malalaman natin kung sino talaga ang nagmamahal sa Diyos"



Ang punto ng anghel ay maraming tumutupad sa turo ng Panginoon dahil sa takot na maparusahan sa impiyerno o dahil sa gatimpalang tatamuhin sa langit. Malayo ito sa sinasabi ni Hesus: Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo. Pag-ibig, wala ng iba, ang siyang sanang maging motibasyon natin sa pagsunod sa Panginoon.





May tatlong pananaw sa pagtupad sa mga aral at utos ng Panginoon:





Una, puwede natin itong tingnan bilang pagbabawal at dahil dito paglimita ng ating kalayaan. Minsan, ayaw nating gawin pero kailangan. Bakit ko ba siya patatawarin, e, siya ang naunang nanakit? Bakit ba hindi puwedeng makipagrelasyon sa iba kahit nmay asawa na? Bakit hindi puwedeng mangupit, e, ginagawa naman ng lahat? Kung puwede lang lusutan ang mga aral na ito, e, lulusutan para magawa kung ano ang gusto.





Ikalawa, puwedeng tingnan ang mga aral ng Panginoon bilang gabay sa paglago sa sarili. Ang pagpapatawad ay nagdudulot ng ibayong kalusugan sa emosyonal na bahagi ng sarili na dumadaloy sa pisikal. Sabi nga, maraming karamdaman ngayon ay sanhi ng maraming kinikimkim na poot at galit. Kapag tumupad tayo sa aral ng Panginoon, nabubuksan ang maraming posibilidad sa atin. May kakayahan pala tayong gumawa ng mabuti, at hindi lang mabuti, kundi mas higit na kabutihan kung magsisimula lang tayo.





Ikatlo, puwede nating tingnan ang mga aral at utos ni Hesus bilang imbitasyon na magmahal. Ang mga aral ng Panginoon ay mga oportunidad para magmahal sa kanya at sa ating kapwa kahit nasaktan tayo. Wala ng hihigit pa na motibasyon sa pag-ibig. At walang talagang makapagdudulot ng kaligayahan sa puso liban sa pagmamahal na natutunan nating ipagkaloob kahit sa mga hindi karapat-dapat dito. Nagiging buo lamang tayo sa sarili kapag natutuo na tayong magmahal ng wagas at hindi makasarili. Sa pag-ibig, nagkakaroon ng katuparan ang lahat nating mithiin.

Ano ba ang motibasyon natin sa pagsunod sa Panginoon? Dahil ito'y bawal? Dahil ito'y makakabuti sa atin? O dahil pagkakataon itong matutuo tayong magmahal?





MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo ang puso kong mag,mahal sa iyo at sa aking kapwa. Ang puso ay nakalaan sa pag-ibig lamang at wala ng iba. Anumang hindi pag-ibig kailanman ay hindi tutugma sa tibok ng puso.

Like · · Share

Write a comment...

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (05-04-11)

JUAN 3: 16-21

16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya.



18 Hindi hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawain ay masasama. 20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.



MAGNILAY:

Paano mo malalamang tunay kang nagmamahal?



Una, kabutihan ng iba ang iyong iniisip. Bago mo hangarin ang sariling kabutihan, isinasaalang-alang mo muna ang sa iba. Hindi mo kailanman inasam ang kapahamakan ng iba kahit dapat lang silang magdusa. Abala ang isip mo kung paano sasagipin at ililigtas ang iba. Hindi mo ikaliligaya ang kaparusahan ng iba.



Ikalawa, nauuna ka sa pagpapakita ng pagmamahal. Hindi mo hinihintay ang iba na mauna. Una kang nagmamahal kahit ano pa ang maging sukli nito. Maganda o hindi ang kapalit, hindi na ito importante. Ang mahalaga sa iyo ay nagmahal ka. Kusa mo itong binibigay karapat-dapat man siya o hindi.



Ikatlo, handa kang magsakrispisyo alang-alang sa minamahal. Kahit buong buhay mo kaya mong ilaan para sa minamahal. Nauunawaan mo na ang pag-ibig ay pagbibigay at pag-aalay ng sarili at walang pagbibigay at pag-aalay na hindi masakit. Hindi ka nagrereklamo kapag nadarama mo ang hapdi ng pagsasakrispisyo dahil nangingibabaw ang ligaya na naialay mo ang sarili sa isang minamahal.



Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.



Lahat ng mga palatandaang ito ng pag-ibig ay masasalamin sa pag-ibig ng Diyos sa atin.



MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, ipakita mo sa akin ang daan ng pag-ibig. Tulungan mo akong magmahal na ang iniisip ay ang kabutihan ng iba, nauuna at hindi naghihintay ng kapalit, at handang magsakrispisyo maging ng sariling buhay.

Tuesday, May 3, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (05-03-11)

JUAN 14: 6-14

6 Sumagot si Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung ako'y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.

8 Sinabi sa kanya ni Felipe, Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.

9 Sumagot si Jesus, Felipe, kaytagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing Ipakita mo sa amin ang Ama? 10 Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nasa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. 12 Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. 13 At anumang hilingin ninyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14 Kung hihiling kayo ng anuman sa aking pangalan, ito ay aking gagawin.





MAGNILAY:

Kamukha mo ba ang Diyos? Kung hindi, patay kang bata ka! Para sa ano na naging Kristiyano ka? Taglay mo pa naman ang pangalan niya e hindi mo naman pala siya kamukha! At mas patay kang bata ka dahil dalawa lang ang pagpipilian - kung hindi ka kamukha ng Diyos, ang kamukha mo ay ang kabaligtaran ng Diyos. Kung hindi ka kamukha ng Diyos, ang kamukha mo ay si ...!





Si Hesus ang mukha ng Diyos na di nakikita. Kay Hesus ay makikilala natin ang Ama. Ang makakilala kay Hesus ay makakakilala sa Ama dahil si Hesus ay Anak ng Ama at si Hesus ay katulad ng Ama sa lahat bagay lalo na sa kalikasan bilang Diyos. Kay Hesus nakita natin ang Diyos na di nakikita. Kay Hesus nahipo natin ang Diyos na pagkalayo-layo sa atin. Kay Hesus nakasama natin ang Diyos sa mga pakikibaka natin bilang tao. Kay Hesus bumaba ang Diyos mula sa kaitaasan. Kay Hesus nakiramay ang Diyos sa ating mga pagdurusa. Kay Hesus naghirap din ang Diyos alang-alang sa pag-ibig sa atin. Si Hesus ang pinaka-rebelasyon ng kung sino ang Diyos. Ang hindi makakilala kay Hesus ay hindi makakakilala sa Diyos. Ang hindi makakilala kay Hesus ay mananatiling ligaw, mangmang at patay. Si Hesus ang daan, ang katotohanan at buhay!





Sa ngayon, ang mga tagasunod ni Hesus ang nagsisilbing rebelasyon niya sa mundo. Ang bawa't kristiyano ay ginawang kamukha ni Hesus upang ipahayag siya sa lahat ng panahon. Ngayon, nababanaagan ang mukha ni Hesus sa bawa't Kristiyano at sa Simbahan builang Katawan niya. Tayo ang rebelasyon ng Panginoon ngayon. Sana, bawa't makakita sa atin ay makita si Hesus. Sa bawa't makakilala sa atin ay makilala ang pag-ibig at awa ni Hesus. Makita sana sa mukha natin ang mukha ng Panginoon. Siya'y nasa sa atin at magningning nawa ang kanyang mukha sa mukha natin. Magningning nawa ang pag-ibig niya sa bawa't salita at kilos natin.





Muli, kung hindi ka kamukha ng Diyos, kung di ka kamuha ni Hesus, sino ang kamukha mo?





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, magningning nawa ang pag-ibig mo sa buo kong katauhan, sa lahat ng aking sinasabi at sa lahat ng aking ginagawa. Gawin mo akong laging kamukha mo.

Sunday, May 1, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (05-02-11)

JUAN 3: 1-8

Si Jesus at si Nicodemo

1 May isang iginagalang na pinuno ng mga Judio. Siya ay si Nicodemo. Kabilang din siya sa grupo ng mga Pariseo. 2 Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, Guro, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos.

3 Sumagot si Jesus, Pakatandaan mo: malibang ipanganak na muli ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.

4 Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling isilang? tanong ni Nicodemo.

5 Sagot naman ni Jesus, Pakatandaan mo: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi ito makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Ang taong ipinanganak ayon sa laman ay laman, at ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay espiritu. 7 Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli. 8 Umiihip ang hangin kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak ayon sa Espiritu.





MAGNILAY:

Marami sa atin mahilig kumabit. Kinakabit natin ang sarli natin para ipamukha sa iba ang importansya natin. Anak ko ni ganito. Ganito ang tatay ko. Ganito ang apelyido ko. Taga ganito ako. Kinakabit natin ang sarili natin sa mga kilalang tao, maimpluwesyang pamilya, may posisyon sa gobyerno at lipunan, mayayamang lugar, at iba pa para lang masabi na angat tayo sa iba.





Ganito rin ang pinapahiwatig ni Nicodemo kay Hesus. Naniniwala siya sa karapatan na dulot ng lahi o dugo na sinilangan. Pinanganak siyang Isralita kaya't nabibilang siya sa Bayan ng Diyos, sa Kaharian ng Diyos. Bukod sa pagiging Israelita, may posisyon pa si Nicodemo sa hukuman. Kung tutuusin doble ang importansya niya - Isarelita na, may posisyon pa bilang guro at hukom.





Pero nilinaw ni Hesus na ang maging kabilang sa Kaharian ng Diyos ay wala sa lahi o dugo o posisyon. Ito ay nasa relasyon sa Diyos kahit ano pa ang iyong lahi. dugo o posisyon. Hangga't hindi ka pinapanganak sa itaas hindi ka mapapabilang sa Kaharian mng Diyos. Kung wala kang kaugnayan sa Diyos bilang Ama, hindi ka nabibilang sa kanyang kaharian.





Sa buhay Kristiyano, sikapin nating lumago sa tunay na kaugnayan sa Diyos. Huwag tayong matukso na ikabit ang importansya natin sa uniporme, certificate, memebership at iba pang panlabas na mga bagay. Anumang mga panlabas na ekspresyon ay dapat nagmumula sa panloob na relasyon o ugnayan sa Panginoon. Kung wala ang panloob na kaugnayan na ito, walang saysay ang anumang panlabas na ekspresyon.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, lagi ko nawang diligin araw-araw ang ugnayan ko sa iyo sa pamamagitan ng panalangin at pagninilay, paggawa ng mabuti sa kapwa at pakikiisa sa pagpapanibago ng sanlibutan. Huwag lang sanang maging panlabas lamang ang aking pagiging kristiyano. Matuklasan ko nawa lagi ang panloob na mundo ng isang tunay na nakikipag-ugnayan sa iyo.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (05-01-11)

JUAN 20: 19-31

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad

19 Kinagabihan ng araw ng Linggo, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakasara ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sumainyo ang kapayapaan! sabi niya. 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Nang makita nila ang Panginoon, tuwang-tuwa ang mga alagad. 21 Sinabi na naman ni Jesus, Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo. 22 Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. 23 Ang patatawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.

Ang Pag-aalinlangan ni Tomas

24 Ngunit si Tomas, na tinatawag na Kambal at kabilang sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. 25 Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon!

Sumagot si Tomas, Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita at nahahawakan ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko naisusuot ang aking daliri sa mga sugat na iyon at sa kanyang tagiliran.

26 Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit nakapasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, Sumainyo ang kapayapaan! 27 At sinabi niya kay Tomas, Tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran at huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.

28 Sumagot si Tomas, Panginoon ko at Diyos ko!

29 Sinabi sa kanya ni Jesus, Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.

Ang Layunin ng Aklat na Ito

30 Marami pang himala ang ginawa ni Jesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi nakasulat sa aklat na ito. 31 Ang mga nakatala rito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at upang magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.





MAGNILAY:

Nagdududa ka ba sa puwedeng gawin sa iyo ng Diyos dahil mahal ka niya?





Ang ikalawang Linggo ng asko ng Pagkabuhay ay laging tumatalakay sa paksa tungkol sa pagdududa. Lagi nating pinagninilayan ang pagdududa ni Tomas na ang Panginoon nga ay buhay. Hindi niya mapaniwalaan ang sinasabi ng kanyang mga kasamahan. Gusto niya ay makita pa talaga ang Panginoon at mahipo bago siya maniwala. Pinagbigyan siya ng Panginoon na siya'y makita't mahipo bago maniwala pero sabi nga niya na mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nakakita.





Ang pinatutungkulan ng Ebanghelyong ito ay tayo na naniwala kahit hindi nakakita sa Panginoon. Mapalad tayo na naniwala sa pahayag sa ating ng mga alagad at ng Simbahan na Katawan ng Panginoon. Mapalad tayong naninikwala na siya ay buhay. Matutuklasan natin kung paano nga siya ay buhay sa karanasan natin. Mabubuksan ang ating kamalayan sa kanyang misteryosong presensya sa ating buhay.





Pero madalas ang duda natin sa Panginoon ay hindi yung kung siya nga totoong buhay. Naniniwala tayo doon ng matibay na matibay. Pero minsan ang pagdududa natin ay sa kanyang pagmamahal. Kaya ba niya tayong mahalin tulad ng pag-ibig na ipinapakilala niya sa atin? At kaya rin ba nating magmahal tulad ng pag-ibig niya sa atin?





Una, ang pag-ibig niya sa atin ay buo at lubos. Kung magmahal siya ay todo hindi limitado. Kahit masaktan siya ay binibigay niya ang lahat at buong sarili sa ngalan ng pag-ibig sa atin. Hindi kailangang ipaliwanag ito. Tingnan lang natin ang krus at makikita natin kung ano ang kaya niyan gibigay at ibinigay na nga alamnag-alang sa pagibig sa atin. Minsan kapag nasaktan na tayo, lumiliit ang ating pag-ibig. Nagiging limitado. Simula ngayon ay hindi na ako iibig pa ng todo. konti lang para kung mabigo ay hindi gaanong masakit. Pero hindi. Hindi puwedeng magmahal kung hindi rin lang naman todo. Ang masaktan ang sugal sa pag-ibig. Bahagi ito ng pagmamahal. Kung hindi tayo handang masaktan ng lubos, huwag na lang tayong magmahal. Walang pag-ibig na konti. Ang pag-ibig laging buo at ganap at todo.





Ikalawa, walang kondisyon ang kanyang pagmamahal. Mamahalin kita kapag magagawa mo ang aking kondisyon. Dapat ganito ka, dapat ganyan ka bago kita mahalin. Hindi ganoon ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Minahal niya tayo kahit kulang ang sukli natin sa kanyang pag-ibig. Minahal lang niya tayo kahit sino pa tayo at kahit anoi pa ang nangyari sa atin. At kahit magtaksil tayo sa kanya, hindi-hindi magbabago ang pag-ibig niya sa atin. Martir ang Panginoon. Pero para sa atin, minsan sinasabi natin itong tangang pag-ibig. Kasi praktikal na tayo. Kung ayaw mo, ayaw ko rin. Sa Diyos hindi. Sadyang pag-ibig ang Diyos. Walang oras na hindi siya nagmahal at nag,mahal ng walang kondisyon.





Ikatlo, kusang bigay at walang kapalit ang pag-ibig niya sa atin. Hindi kailangang paghirapan natin para mahalin tayo ng Diyos. Minahal na niya tayo bago pa natin siya nakikilala at seryosohin. Kahit noong makasalanan pa tayo minahal na tayo ng Diyos. Libre itong ibinibigay sa atin. Basta't nagmamahal ang Diyos kahit walang kapalit o gatimpala o sukli. Siya ang gumawa ng unang hakbang para mahalin tayo.





Kaya nga, nakakaduda minsan ang laki ng pag-ibig ng Diyos. Mahal niya ng higit sa pagmamahal natin sa sarili natin. Tayo nga, hindi natin mapatawad minsan ang sarili natin dahil sa mga palpak nating ginagawa. Ito ang hamon sa atin. Mag,ahal din nawa tayo tulad niya. Kahit wala pang ginagawa ang iba sa ating mabuti, simulan na natin silang mahalin. Hindi pa siya humuhing ng tawad pero patawarin na natin siya sa puso natin. Kahit hindi niya masuklian ang pag-ibig ko, mamahalin ko pa roin siya dahil ganito ako minahal ng Diyos.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, tulungan mo ako na kung ako ay magmamahal, magmahal na ako ng tunay at hindi huwad. kung magmamahal ako, mag,mahal ako ng lubos, walang kondisyon at kusang bigay.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-30-11)

MARCOS 16:9-15

9 Maagang-maaga ng unang araw ng linggo, matapos na siya'y muling mabuhay, si Jesus ay unang nagpakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Jesus mula sa babaing ito. 10 Nagpunta si Maria Magdalena sa mga tagasunod ni Jesus upang ibalita sa mga ito ang kanyang nakita. Sila noon ay kasalukuyang nagluluksa at nalulungkot. 11 Ngunit ayaw nilang maniwala nang sabihin ni Maria na si Jesus ay buhay at nagpakita sa kanya.

Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad

12 Pagkatapos, nagpakita rin si Jesus sa dalawang alagad na naglalakad papuntang bukid, subalit iba ang kanyang anyo noon. 13 Bumalik agad sila at ibinalita sa kanilang mga kasamahan ang nangyari, ngunit ayaw din silang paniwalaan ng mga ito.

Pinagalitan ni Jesus ang Labing-isa

14 Pagkatapos, nagpakita si Jesus sa labing-isang alagad habang kumakain ang mga ito. Sila ay pinagalitan niya dahil sa hindi nila pananalig sa kanya at dahil sa katigasan ng kanilang ulo, dahil ayaw nilang maniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay.

15 At sinabi ni Jesus sa kanila, "Habang kayo'y humahayo sa buong mundo, ay ipangaral ninyo sa lahat ng tao ang Magandang Balita.





MAGNILAY:

Minsan ayaw nating maniwala kasi takot tayo sa bagong sugal na susuungin natin kapag naniwala na naman tayo. Takot din tayong humarap sa bagong responsibilidad. Minsan, mas masarap na lang magmukmok at kaawaan ang sarili at kaawaan ng iba. Mas masarap yung binibigyan ka ng atensyon ng iba. Kaya lang, hanggang kailan?





Ang mga alagad ay aywa maniwala sa balitang buhay ang Panginoon. Takot na silang sumugal uli kay Hesus lalo't ang laki ng kanilang pagkabigo nang siya ay mamatay. Magandang balita sana na siya ay nabuhay uli pero sa kabuilang banda panibagong responsibilidad na naman. Mabuti pang magmukmok na lang sila at tahimik pa ang kanilang buhay. Hayaan mo na kung nabuhay siya.





Kaya lang, hindi puwedeng mamukmok na lamang. Mukhang mas madali pero mas lalong pinabibigat natin ang buhay kapag hindi natin ahahrapin ang bagong hamon at responsibilidad pagkatapos nating mabigo. Matutuklasan lamang nating totoo ngang buhay ang Diyos kapag muli tayong sumugal sa kanya at ipagpatuloy ang buhay.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, bumangon na nawa ako at itigil na ang pagsesentimyento sa aking kabiguan. Ipakita mo sa akin na mas malawak pa ang kinabukasan kaysa sa inaasahan ko. Huwag nawa akong matakot sa bagong simula ng buhay.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-29-11)

JUAN 21: 1-14

Ang Ikatlong Pagpapakita ni Jesus

1 Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: 2 magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael na taga-Cana sa Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. 3 Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, Mangingisda ako.

Sasama kami, sabi nila.

Umalis nga sila at sumakay sa isang bangka. Magdamag silang nangisda, subalit wala silang nahuli. 4 Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa pampang ngunit siya'y hindi nila nakilala. 5 Sinabi niya, Mga anak, mayroon ba kayong huli?

Wala po, sagot nila.

6 Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo, sabi ni Jesus.

Inihulog nga nila ang lambat at nang hilahin nila ito ay hindi nila makaya sa dami ng huli. 7 Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, Ang Panginoon iyon!

Nang marinig ito ni Simon Pedro, nagsuot siya ng damit dahil nakahubad siya noon at saka lumusong sa tubig. 8 Dumaong sa pampang ang kasama niyang mga alagad, sakay ng bangka na hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong malayo sa pampang, mga siyamnapung metro lamang. 9 Pagkaahon nila sa pampang, nakakita sila roon ng isdang iniihaw sa baga, at ilang tinapay. 10 Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo, sabi ni Jesus. 11 Kaya't sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda; 153 ang lahat ng nahuli nila. Hindi nasira ang lambat, kahit ganoon karami ang mga isda. 12 Halikayo at mag-almusal tayo, sabi ni Jesus. Isa man sa mga alagad ay hindi nangahas magtanong sa kanya kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang kanyang ginawa sa isda.

14 Ito ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay.





MAGNILAY:

Bakit nga ba 153 na isda? Ang numerong ito talaga ay may kinalaman sa ancient zoolgy. Noong unang panahon may 153 pa lamang na uri ng isda ang nakikilala. Ang paggamit nito sa Ebanghelyo ay simboliko. Kumakatawan ito sa lahat ng bansa na kailangang pagpahayagan ng Mabuting Balita at nawa maisama sa Kaharian ng Diyos. Maaalala nating ang mga apostoles ni Hesus ay mga mangingisda pero tinawag sila hindi na para mangisda sa laot kundi mga tao na ang kanilang huhulihin para sa Panginoon. Ang lambat ay kumakatawan naman sa Simbahan at Kaharian ng Diyos. Kahit gaanong karami ay hindi ito nasisira o napupunit. Ibig sabihin, ang Kaharian ng Diyos ay kayang tanggapin lahat. Ang lahat ay may lugar sa kahariang ito. May pangangailangan na ipahayag lamang sa lahat ang Mabuting Balita.





Kaya ang Pagkabuhay ng Panginoon ay may hamong dala sa bawa't isa. May misyon itong iniiwan. Hindi lang sapat na biyayaan tayong mapagpahayagan ng mabuting balitang ito. Dapat din natin itong ipamalita sa iba at sa lahat. Magiging makulay ang pagdiriwang ng Pagkabuhay kapag mabubuhay nito ang dedikasyon natuing magpatotoo sa mensahe ng Diyos at abutin ang kahit sino. Mangingisda rin tayo ng lahat ng tao tulad ng mga apotoles.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, huwag sana akong mapakali hangga't hindi ko nasasabi, naisisigaw, naipamamalita, at naipapahayag sa lahat na ikaw ay buhay. Ang salita ko, at kilos at pamumuhay ang maging patunay nawa ng Mabuting Balitang ito.