Sunday, November 28, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-29-10)

MATEO 8:5-11

Ang Pagpapagaling sa Katulong ng Kapitang Romano

5 Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang opisyal ng hukbong Romano at nakiusap, 6 "Ginoo, ang katulong ko po ay naparalisado. Siya po'y nakaratay sa bahay at lubhang nahihirapan." 7 Sinabi ni Jesus, "Pupuntahan ko siya at pagagalingin." 8 Ngunit sumagot sa kanya ang opisyal, "Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong. 9 Ako'y nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno at may nasasakupan ding mga kawal. Kapag inutusan ko ang isa, 'Pumunta ka roon!' siya'y pumupunta; at ang isa naman, 'Halika!' siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko sa aking alipin, 'Gawin mo ito!' ginagawa nga niya iyon." 10 Namangha si Jesus nang marinig ito at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, "Tandaan ninyo: hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya sa buong Israel. 11 Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit.



MAGNILAY:

Ang kaharian ng Diyos sa isip ng mga Hudyo noon ay isang malaking piging, kainan, salu-salo. Pero hinding-hindi inisip ng mga Hudyo na makakasama pala nila doon ang mga Hentil, ang mga banyaga, ang mga pagano. Imbitado rin pala sila. Kasama pala sila sa hapag ng Panginoon.



Ito ang pinakikita sa Ebanghelyo natin ngayon. Ang Hentil na Romanong opisyal ay naging kalugud-lugod sa Panginoon at nakinabang ng kanyang biyaya at pabor. Nilinaw ni Hesus na ang maging kasapi ng kaharian ng Diyos ay hindi pribilehiyo ng kakaunti. Hindi ito reserbado sa iilan. Ito ay para sa lahat, kahit ang mga itinakwil at mga Hentil. Imbitado ang lahat sa piging ng Panginoon. Ang mahalaga ay meron kang pananampalataya. Ito ang kailangan at hindi iyong dapat Hudyo o kung ano pa mang lahi o grupo. Kung may pananampalataya tayo na tulad ng sa opisyal na Romano mapapabilang tayo sa kaharian ng Diyos.



Ang pagliligtas ng Diyos sa lahat ang siyang diwa ng Adbiyento. Ang paghihintay natin sa kanya ay pananabik sa kanyang pagliligtas na tutuparin niya sa lahat ng may pananampalataya. Kaya't magbago rin tayo ng pananaw. Sa paghahangad ng kaligtasan, hindi sana tayo nakasentro lang sa sarili o maliit nating grupo. Pag naghangad tayo ng kaligtasan dapat panglahatan. Kaya't buwagin natin ang mga pader na itinayo natin para magkahiwa-hiwalay tayo. Gibain natin ang mga istruktura ng pagkakanya-kanya, diskriminasyon, pag-iitsapuwera, at lahat ng uri pagtataboy sa kapwa. Ang Adbiyento ay pakikipagkasundo, paghilom ng sugat ng paghihiwalay, pagtatayo ng tulay para maabot ang iba, pag-alay ng kamay sa mga taong hindi mo pa nadadamayan kailanman. Ang Adbiyento ay panahon ng pag-iipon, hindi pagkalat, para magkasama-sama lahat sa piging ng ating Panginoon.



MANALANGIN:

Panginoon, ngayong Adbiyento tulungan mo akong makipagkasundo ang aking mga kaaway, kagalit at kasamaan ng loob. Tulungan mo rin akong umabot sa mga nilalait ko, minamata, tinataboy kasi pakiramdam ko mas espesyal ako. Turuan mo akong mag-isip na pangkalahatan dahil sa totoo lang kaming lahat ay iisang pamilya mo.

No comments:

Post a Comment