Sunday, November 14, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-14-10)

MAGANDANG BALITA NGAYON - IKA-33 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Nob. 14)
by Rey An Yatco on Sunday, November 14, 2010 at 6:34am

LUKAS 21: 5-19

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo

5 May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, 6 "Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato."

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating

7 Tinanong nila si Jesus, "Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?"

8 Sumagot si Jesus, "Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako ang Cristo,' at, 'Dumating na ang panahon!' Huwag kayong maniniwala sa kanila. 9 Huwag kayong mababagabag kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga rebelyon. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi darating kaagad ang wakas." 10 At sinabi pa niya, "Maglalaban-laban ang mga bansa at magdidigmaan ang mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kamangha-manghang kababalaghan buhat sa langit.

12 "Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13 Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. 14 Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15 sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 16 Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, 18 ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. 19 Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay."



MAGNILAY:

Kumukupas ang ganda. Nauubos ang pera. Nawawala ang kapangyarihan. Lilipas ang kasikatan. May wakas ang buhay. May hangganan ang lahat sa daigdig.



Ito ang kinakatawan ng magarang templo na hinahangaan ng mga tao sa kagandahan at katayugan pero ang sinabi lang ni Hesus na darating ang araw na mawawasak ito at magtatapos ang kanyang kagandahan at katayugan. Hindi permanente ang kasalukuyan niyang katangian. At totoo nga dahil sa kasaysayan noong 70 AD winasak ang templong ito at hindi na muling naitayo. Gumuho ang katayugan nito. Ang hula niya tungkol sa templo ay naging okasyon para ituro rin niya ang tungkol sa wakas ng panahon. May wakas, huwag nating kalimutan. Paghandaan natin ito. Ingatan natin na huwag tayong mailigaw at maligaw ng landas. Haharapin nating lahat ang wakas. Mapalad ka kung pinaghandaan mo ito.



May kasabihan nga na kung hindi mo alam ang iyong patutunguhan, hindi mo rin alam kung ano ang iyong gagawin. Minsan nakakalimot tayo na nakadestino tayo para sa buhay na walang hanggan kaya naman nababawasan ang pagpapahalaga natin sa mga bagay na pangmatagalan at naaakit sa mga pansamantalang konsolasyon. Minsan, todo ang gastos natin sa panlabas na pagpapaganda at nalilimot natin na ang tunay na kagandahan ay nasa kalooban. Uso nga ngayon ang retoke ng kung anu-ano. Todo ang promosyon nito. Napapaniwala naman tayo na ang natural sa atin ay pangit kaya dapat iretoke. Pero hindi natin maikakaila na ang lahat ng ito ay balatkayo lamang. Kahit nagastusan ng malaki ang mukha at katawan ng isang tao hindi ibig sabihin maganda na siya. Dahil nasa ganda ng kalooban at kaayusan ng buhay ang tunay na kagandahan. Ang kabaligtaran nga, ang mga promotor ng retokeng kagandahan ang mga nasasangkot sa mga iskandalong nagpapapangit ng kanilang anyo kahit anong tapal at hiwa at saksak ang ginawa nila dito. Ang nakakaawa ay yung mga taong tuloy na binibili ang kanilang pilosopiya na gaganda ka pag niretoke ka kahit pa masangkot ka sa iskandalo, ilegal na relasyon, at iba pang imoralidad. Mas gaganda tayo kapag pinaganda natin ang ating kalooban at inayos ang buhay natin. Kahit anong kulubot ng mukha mo, kapag namuhay ka sa kagandahang-loob, walang magsasabing pangit ka. May narinig na ba tayong nagkomento na ang pangit ni Mother Teresa kasi ang tanda-tanda na at kulu-kulubot ang mukha? Wala! Kahit sa katandaan ang nakikita sa kanya ay ang kagandahan ng kanyang kalooban na nagbigay sa kanya ng gandang pangmatagalan.



Ang totoo sa isyu ng pansamantalang kagandahan ay totoo rin sa kapangyarihan, kasikatan, at kayamanan. Natutukso rin tayong magkapit-tuko sa kapangyarihan na akala natin ay permanente ito. Masyado nating ikinakabit ang halaga ng sarili natin sa posisyon kaya't kapag nawala ang posisyon bagsak din ang halaga ng ating sarli. Ang halaga ng ating sarili ay nakasalalay sa laki ng paglilingkod na ibinigay natin sa kapwa. Kahit wala ka na sa posisyon, mananatili ito sa puso ng lahat. Hindi ang katanyagan na nakakabit sa posisyon at kapangyarihan ang nagbibigay sa atin ng kahulugan kundi kung paano natin ginamit ang posisyon para makapaglingkod tayo sa iba.



Masyado rin nating inuugnay ang kaligayahan sa pera. Kung may marami kang pera liligaya ka. Kung wala kang pera imposible kang lumigaya. Kailangan natin ng pera, oo, pero hindi ito ang huling sukatan ng kaligayahan. Hindi porke't marami kang pera maligaya ka na. Kung ganun, maligaya sana lahat ang nakatira sa magagarang subdibisyon sa bansa. Pero hindi. Madalas nakikita natin ang mukha ng kaligayahan sa mga simpleng tao na ang mas pinahahalagahan ay ang relasyon ng pamilya kaysa pagpaparami ng sobrang pera. Muli, ang laki ng ibinigay mo para maibsan ang hirap ng kapwa ang magbibigay sa iyo ng tunay na kaligayahan hindi ang makasariling pagkakamal ng pera.



Sa madali't-sabi, ibukas natin ang ating mga mata at kilatisin natin kung ano talaga ang magdadala sa atin sa mga bagay na pangmatalagan. Sa lahat ng ito, ang pagiging naka-ugat natin sa Diyos ang poinakamalahaga. Kung alam nating nakadestino tayo para mamuhay kasama ang Diyos habang buhay, malalaman natin ang daan at paraan para makarating doon. Muli, mas malahaga ang mga bagay na pangmatagalan kaysa mga pansamantala kahit ang huli ay nagbibigay sa atin ng agad-agad na ligaya at konsolasyon.



MANALANGIN:

Panginoon, huwag ko nawang isakrispisyo ang ligayang dulot mo kapalit ang ligayang dulot ng kamunduhan. Bagama't butas ng karayom ang papasukin upang matamo ang tunay na kaligayahan sa iyo, matutunan ko nawa itong pagtiyagaan. Huwag sana akong maakit ng mga panandaliang aliw at ligaya. Mag-impok nawa ako ng tunay kayamanan at kagandahan na aakay sa akin sa buhay na walang hanggan.

No comments:

Post a Comment