Monday, December 20, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-22-10)

LUKAS 1: 46-56

Ang Awit ng Pagpupuri ni Maria

46 At sinabi ni Maria,
"Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,

47 at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,

48 sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad;

49 dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.

Siya'y banal!

50 Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao
at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.

51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.

52 Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.

53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.

54 Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
at naalala ito upang kanyang kahabagan.

55 Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!"

56 Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi.



MAGNILAY:

Marunong ka bang mag-appreciate?



Ano nga ba yung mag-appreciate? Ito yung kakayanan mong makita ang maganda sa paligid mo, sa kapwa, at sa sarili mo. At hindi lang basta kayang makita, sinasabi mo pa, pinapahayag mo pa, ipinapakita mo pa na nagagandahan ka sa mga nakikita mong mabuti. Ang appreciation hindi kinikimkim, hindi tinatago. Ang appreciation ay ipinaaabot sa kinauukulan.



Madalas ito ang problema sa mundo - hindi tayo marunong mag-appreciate. Hindi tayo kontento sa kung sino tayo, ano meron tayo at kung ano tayo. Sa simula pa lang, hindi na natin nakikita ang maganda at mabuti sa atin kaya paano ka pa makakita nito sa iba? Lagi na lang kinukumpara natin ang sarili sa iba. Lagi natin nakikita yung meron siya at wala ako at pagmumukmukan natin yung wala tayo. Inggit ang almusal natin, tanghalian at hapunan isama pa ang mirienda. Kaya naman. para makapag-cope tayo sa mabigat na pakiramdam ng naiinggit, sirain na lang natin ang reputasyon ng kinaiinggitan natin. Ginagawan natin ng pangit na rason bakit sila maganda at mabuti. Walang araw na hindi tayo nakasimangot, nakakunot ang noo at mahaba ang mukha. Isang malaking problema kapag bulag tayo sa sarili nating kagandahan at kabutihan.



Kung hindi natin ma-appreciate ang sarili natin at ang kapwa, paano pa kaya ang kapaligiran. Laging pangit ang araw natin. Bilang yung masasabi nating maganda ang araw natin. Isipin na lang natin kung anong klaseng trabaho ang nagagawa natin kung ganito ang ating disposisyon. Minsan nga, galit tayo sa mundo. O kaya, galit tayo sa Diyos. Nakakapagdasal ba ang ganitong tao? Di ba ang dasal ay appreciation ng mga magagandang ginagawa ng Diyos? Kaya imposible ang ganitong tao na makapagbigay papuri sa Diyos. Hindi niya alam ang pryaer of praise. Lalo na ang prayer of thanksgiving. Ang alam niya lang ay prayer of complain. Pero may ganung prayer ba?



Bilib tayo sa Magnificat ni Maria - ang awit ng pagpupuri ng Mahal na Ina. Punung-puno ito ng appreciation ng magagandang ginawa sa kanya at sa lahat ng Diyos. Nakuha niyang makapagbigay papuri dahil marunong siyang mag-appreciate. Nakikita niya ang kagandahan sa iba, sa paligid at lalo sa kanyang sarili. At kinikilala niya na ang dahilan ng lahat ng kagandahang ito at kabutihan ay ang Diyos. Nakapagpuri na ba tayo sa Diyos ng tulad ng pagpupuri ni Maria?



Ngayong kapaskuhan, makuha nawa nating kilalanin ang mga blessings natin. Ang kapaskuhan ay panahon ng pagpapasalamat at posible lang ito kung nakikita at kinikilala nga natin ang mga kaloob ng Diyos sa atin. Makita rin nawa natin kung paano siya kumilos ang Diyos sa buhay natin at akayin tayo sa kaligtasan. Kapag na-aappreciate natin ang kagandahan at kabutihan natin, mabubuo ang ating pagpapahalaga at kompiyansa sa sarili na siyang pundasyon natin sa pakikipag-kapwa.



Ngayong kapaskuhan, i-appreciate din natin ang mga tao sa paligid natin. Maraming tao ang mabuti at mabait sa atin. Marami ang nagmamalasakit sa atin. Sana makuha natin silang pasalamatan at kilalanin. Malaking katuwaan ang hatid ng pagkilala sa kanila. Sa mga bata at kabataan, buoin natin ang kompiyansa nila sa sarili sa pamamagitan ng pag-appreciate sa kanila. Minsan, ang anak ay lumalaking walang tiwala sa sarili kasi mismong magulang walang tiwala sa kanila. Kailangan nating lahat ng appreciation kaya't huwag tayo maging kuripot at madamot.



Oo, maraming hamon ang buhay, pagsubok at kamalian. Pero, kung titingnan sa kabuoan, ang buhay pa rin ay maganda at mabuti at papurihan natin ang Diyos dahil diyan.



May isang maya ang nagreklamo sa kanyang fairy, "Palitan mo naman ang mga pakpak ko. Hindi ako masaya sa kanila." Sumunod naman ang fairy at binigyan siya ng mga pakpak ng agila.



Nang subukan niuya ang mag ito, bumalik siya sa fairy at ang sabi, "Palitan mo ito dahil sobrang lakas." Binigyan naman siya ng fairy ng mga pakpak ng lawin. Nang masubukan, bumalik na naman siya at ang sabi, "Bigyan mo ako ng ibang mga pakpak. Masyadong mabilis ito."



Hanggang mabigyan siya ng iba't-ibang uri ng mga pakpak - pero wala rito ang nakapagpasaya sa kanya. Hanggang sa huli, binigyan siya ng isa pang pares ng mga pakpak, at natuwa ang maya. Pakiramdam niya, ito ang bagay na bagay, saktong-sakto, at tamang-tama sa kanya.



Lumapit ang maya sa fairy, "Anong mga pakpak ba ang ibinigay mo sa akin? Dito talaga ako nakalipad ng maayos?"



Ang sabi ng fairy, "Mga pakpak ng maya."



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mong makita ko ang mga mabubuting ipinagkaloob at ginawa mo sa buhay ko. Ipaunawa mo sa akin na wala nilalang ang hindi mo pinagkalooban ng iyong kabutihan. Turuan mo akong makapagbigay papuri sa iyong pangalan. Sapagka't ikaw ay Diyos ng kagandahan at kabutihan, katarungan at katwiran. Kasama ni Maria, mamutawi sa aking mga labi ang mga salitang Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas.

No comments:

Post a Comment