Saturday, December 25, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-25-10)

MISA SA HATINGGABI

LUKAS 2:1-14

Ang Pagsilang ni Jesus



1 Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. 2 Ang unang sensus na ito ay ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. 3 Kaya't umuwi ang bawat isa sa sari-sariling bayan upang magpatala.

4 Mula sa Nazaret, isang lunsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. 5 Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay kabuwanan na. 6 Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.

Ang mga Pastol at ang mga Anghel

8 Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. 9 Lumapit at tumayo sa kalagitnaan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang nakakasilaw na kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, "Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban."

13 Bigla nilang nakitang kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,

14 "Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!"





MISA SA ARAW

JUAN 1: 1-18

Ang Salita ng Buhay

1 Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Ang nilikha 4 sa kanya ay may buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. 5 Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman.

6 At naparito si Juan na isinugo ng Diyos 7 upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. 8 Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. 9 Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao.

10 Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. 11 Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. 12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila nga ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao kundi ang pagiging anak nila ay dahil sa kalooban ng Diyos.



Naging Tao ang Salita

14 Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. Isinisigaw niya, Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, Ang darating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.

16 Dahil siya'y puspos ng pag-ibig, naranasan natin ang masaganang kagandahang-loob ng Diyos. 17 Dumating ang Kautusan sa amin sa pamamagitan ni Moises; ngunit sa pamamagitan naman ni Jesu-Cristo ay dumating ang kagandahang-loob at katotohanan. 18 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos na lubos na minamahal ng Ama.



MAGNILAY:

Namamangha ka pa ba? Nakapanghihinayang kung hindi na. Maraming katotohanan na maa-appreciate mo lang sa pamamagitan ng pagkamangha.



Ang Pasko ay araw ng pagkamangha sa ginawa ng Diyos para tayo iligtas. Ang Diyos na sa kanyang kalikasan ay hiwalay sa atin dahil siya ang Makapangyarihan, Dahilan at Pinagmulan ng lahat at ang Pinakadakila ay ipinanganak bilang tao at naging isang sanggol. Ang Diyos na hindi nakikita ay naging nakikita. Nagkatawang-tao siya at naging katulad natin sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan. Pinagsanib niya ang Langit at lupa. Nakibahagi siya sa ating pagkatao upang ibahagi niya sa atin ang kanyang pagka-Diyos. Nagpakababa siya upang itaas tayo. Nagpakadukha siya upang pagyamanin tayo. TUNAY NA KAMANGHA-MANGHA!



May tatlong regalo ang Pasko sa atin. Una, ang regalo ng presensya. Ang Pasko ay walang iba kundi ang masidhing paghahangad ng Diyos na sumaatin. Siya ay Diyos na kapiiling natin. Diyos na sumasaatin ang una niyang katangian. Pangungulila ang pinakamalaking takot natin. Pag-iisa ang mortal nating kaaway. Ang mawalan ng nagmamahal at minamahal ang pinakamasaklap nating kapalaran. Kung anu't-anuman, ang Diyos ay mananatiling kasama natin na nagmamahal sa atin. Gumuho man at mabigo ang pag-ibig natin sa kapwa tao, hinding-hindi ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Ngayong kapaskuhan, mapagmahal na presensya ang iregalo rin natin sa kapwa higit sa mga materyal na regalo.



Ikalawa, regalo ng katahimikan. Naganap ang unang Pasko sa gitna ng gabing tahimik. Sa katahimikan naroon ang Diyos. Isinilang siya sa katahimikan ng ating puso. Maingay na ang tao. Marami ng nag-iistorbo sa atin. Nawalan na tayo ng amor sa katahimikan. Sanay at hinahanap na natin ang ingay. Ito ang nakakalungkot sa makabagong tao. Kapag nawala ang hangad natin sa katahimikan, nawawala rin ang hangad nating makadaung-palad ang Diyos. Nawawala ang kakayanan nating makinig sa bulong ng puso. Ang panalangin ay hindi nagiging pakikinig sa bulong ng Diyos sa puso natin. Puro tayo na lang ang nagsasalita at nagdidikta sa Diyos ng gusto nating gawin niya sa atin. Nawawala na rin ang kakayahan nating mamangha sa hiwaga ng buhay, ng Diyos at ng kung sino tayo. Isang araw makikita na lang natin ang sarili na nabubuhay ng walang kahulugan at saysay. Ang Pasko ay imbitasyon tuklasin ang Diyos muli na nagbibigay sa atin ng kahuklugan sa buhay.



Panghuli, ang regalo ng simplisidad. Isinilang ang Panginoon sa ng simple. Ito'y imbitasyon sa atin sa mamuhay ng simple. Ang simplisidad ay walang iba kundi pagkilala sa talagang importante at kailangan sa buhay. Ito ay imbitasyon na i-prioridad ang buhay. Alisin ang mga hindi kailangan. Panatilihin ang mga importante. Ginawa na natin komplikado ang buhay. Ang dami nating diyus-diyosan na nakikikompetensya sa talagang Diyos. Ginawa natin alipin ang sarili natin ng pera, ambisyon, aliw, at iba pa kung kaya't walang araw na panatag tayo dahil ibinigay natin ang ating pagtitiwala sa mga bagay na pansamantala kaya sobra takot natin na isang araw ay wala na ang pinakapinagkakatiwalaan natin. Ang Diyos na naging sanggol ay hamon na hubarin natin ang mga huwad na seguridad ng mundo at muling ituon ang sarili sa Diyos lamang at ng kanyang tawag na magmahal ng tunay at lubos.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, ngayong panahon ng Pasko bihagin mong muli ang aking puso. Sa iyo at sa iyo ko lamang nawa isuko at ipagkatiwala ang aking sarili at buhay. Ikaw lamang ang tanging tapat. Sa iyo hindi ako mabibigo kailanman.

No comments:

Post a Comment