Tuesday, December 28, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-29-10)

LUKAS 2: 22-35

Dinala si Jesus sa Templo

22 Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon, 23 sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, "Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon." 24 Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.

25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,

29 "Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa

ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.

30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,

31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.

32 Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil

at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel."

33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, "Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso."



MAGNILAY:

Ang Pasko ay hindi lang tungkol sa pagsilang ni Hesus at kung paano siya naging maamong sanggol sa sabsaban na ikinahulog ng ating damdamin. Ang Pasko - at kaya Pasko ang tawag - ay tungkol sa kung ano magiging o kung ano naging ang sanggol na ito na si Hesus. Siya ay naging Manunubos natin sa krus ng kalbaryo. Doon itinawid niya tayo (kahulugan ng salitang Pasko) mula sa kamatayan ng kasalanan hanggang sa bagong buhay ng muling pagkabuhay. Ang sanggol na isinilang noong Pasko ay may malaking misyon na dapat ding akuin ng lahat niyang mga tagasunod. Ang Pasko ay hindi isang sentimental na pagdiriwang lamang. Ito'y muling pagpapatibay sa sinumpaang misyon natin na mag-aalay tayo ng sarili sa ikababago at ikaliligtas ng sanlibutan. Sumusumpa muli tayo na magiging instrumento tayo ng pagpapanibago kahit ibig sabihin ay magpasan ng krus.



Ang Pasko ay hindi pagdiriwang ng mga bata o batang isip para eksakto. Ang Pasko ay para sa lahat na may pagkukusa na ituloy ang misyon ng sanggol na isinilang. Pang-adult ang Pasko. Hindi ito puwede sa mga batang-isip na ang hanap ay pansariling sarap o ginhawa. Para ito sa mga may kakayahang mag-misyon. Ang Pasko ay pagninilay kay Hesus hindi bilang sanggol kundi sanggol na lumaki at umako ng malaking responsibilidad upang tubusin ang sangkatauhan.



Kung pagkatapos ng Pasko ay ikaw pa rin yung walang-pakialam na Kristiyano na walang pananaw sa buhay at walang plano upang makisangkot sa misyong pagpapanibago, hindi ka talaga nag-Pasko. Nag-enjoy ka lang ng bakasyon mo. Congrats. Enjoy ba? Sa susunod, baka naman puwede mong pagnilayan na ang Pasko ay tungkol sa misyon ni Hesus bilang Manunubos? At ikaw ay iniimbitahan makiisa rito.



MANALANGIN:

Panginoon, maipagpatuloy ko nawa ang pagdiriwang ng Pasko sa isang mas makabuluhang paraan. Mangyayari ito kung maipapangako ko ang aking sarili na magiging kaisa mo sa iyong misyon na panibaguhin ang mundo ayon sa iyong plano't kalooban. Tulungan mo akong lumaki at maging resposableng anak ng Diyos.

No comments:

Post a Comment