Thursday, December 30, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-30-10)

LUKAS 2: 36-40

36 Naroon din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa angkan ni Aser. Siya'y napakatanda na. Pitong taon pa lamang silang nagsasama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo, at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pagaayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit din siya kina Jose at Maria, at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.

Ang Pagbalik sa Nazaret

39 Nang maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa hinihingi ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, matalino, at kalugud-lugod sa Diyos.



MAGNILAY:

Isang katangian na humina kung di man nawala sa ating makabagong tao ay ang pasensya. Napakamainipin na natin. Nawala na sa atin ang halaga ng maghintay. Nasanay na tayo sa madalian, sa mabilis, sa instant. Nasanay na tayo sa mabilisan kahit mabawasan o mawala na ang kalidad ng isang bagay. Naging mas mahalaga sa atin ang bilis kaysa kalidad. Pero napakaraming mga importanteng bagay sa buhay na hindi makukuha sa mabilisan at nangangailangan ng tiyaga at pasensya ng paghihintay.



Ito ang leksyon ng ating Ebanghelyo ngayon. Sa pagpapatuloy na kuwento ng paghahain sa sanggol na si Hesus sa templo, bukod kay Simeon na ang pangako ng Diyos na makikita ang Mesiyas bago niya ipikit ang kanyang mga mata ay natupad, isa na namang katuparan ng pangako ang naganap sa propetang babae na si Ana. Matagal na panahon din ang kanyang ipinaghintay bago masaksihan ang pagtupad ng Diyos ng kanyang pangako na ililigtas ang bayang Israel. Ang katandaan ni Ana ay nagpapahiwatig ng imbitasyong magtiyaga at huwag manghinawa. Maghintay kahit pa abutin ng napakahabang panahon. Tutupad ang Diyos sa kanyang pangako at iyon ay di dapat pag-alinlanganan.



Naiinis na tayo ngayon sa matagal. Pero minsan may magandang bunga ang paghihintay ng matagal. Una, nadadalisay nito ang ating mga intensyon. May mga gusto minsan tayo na bunga ng bugso ng damdamin. Ang mahabang proseso ang lumilinis sa ating mga intensyon at motibasyon. Mas nakikita natin kung ano ba ang talagang kailangan lamang kumpara sa kapritso lamang. Sa mahabang proseso, mas nauunawaan natin ang sitwasyon at kung ano ang pinakamainam na diskarte. Ikalawa nga, natututo tayo ng pasensya. Hindi sa lahat ng bagay masusunod ang sarili nating oras at pamamaraan. Dapat ding makinig sa iba. Dapat isaalang-alang ang ibang opinyon. Sa gayon, mas nakikita natin ang pinakamabuti sa sitwasyon. Ikatlo at higit sa lahat, nakikita natin na ang lahat ay hindi nakasalalay sa kamay natin kundi sa Diyos lamang. Sa huli, ang kanyang kalooban ang masusunod. Siya ang tutupad ng lahat nating adhikain.



Ganito tinutupad ng Diyos ang kanyng pangako. Sa sarili niyang oras at panahon at sa pakikipagtulungan din natin. May partisipasyon din tayo sa katuparan ng pangako ng Diyos. Hindi ito uri ng paghihintay na walang ginagawa. Naghihintay pero kumikilos. Umaasa pero nakikipagtulungan. Natatagalan pero hindi nanghihinawa dahil alam niyang ang kalidad ang kapalit ng tiyaa at pasensya.



MANALANGIN:

Panginoon, huwag nawa akong manghinawa sa kadadasal kahit natatagalan ang katuparan ng mga ito. Turuan mo ako ng tiyga at pasensya dahil alam kong hindi-hindi mo ako bibiguin sa iyong mga pangako. May kailangan lang ihanda sa akin para maging resonsable ako sa anumang biyaya na pinapagkaloob mo sa akin.

No comments:

Post a Comment