Monday, December 20, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-21-10)

LUKAS 1: 39-45

Ang Pagdalaw ni Maria kay Elisabet

39-40 Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet. 41 Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42 Napasigaw siya sa galak, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!"



MAGNILAY:

Bakit nga ba tayo nalulungkot? Ang madalas na biro natin ay kasi walang pera. Dahil ito ay importanteng pangangailangan natin ngayon kaya lahat inuugnay natin dito. Pero ano nga ba ang ugat ng ating kalungkutan? Kung susundan natin ang mga dahilan mauuwi ito sa pagkakait ng isang mapagmahal na presensya. Malungkot tayo kasi nag-iisa tayo at wala tayong kaagapay. Malungkot tayo kasi walang nagmamahal sa atin at wala rin tayong minamahal. Malungkot tayo kasi nangungulila tayo sa kasama, kaisa at karamay. Kakulangan sa presensya ang puno't dulo ng ating kalungkutan.



Madalas sabihin na tayo ay henerasyong napapagkaitan ng presenya o generation of absence. Ang absence ay tila karaniwan o normal na nating karanasan. Ilan ang kailangang magtrabaho sa labas ng bansa at natitiis na iwan ang mahal sa buhay? Ilang kabataan ang lumaking hindi kasama ang ama o ina? Hindi matutumbasan ng pera ang presensya. Kaya nga kailangang maghabol o humanap ng ibang paraan para kahit papaano mapunan ang lungkot ng iniwanan. Kung hindi malaking negatibong epekto ito lalo na sa mga kabataan. Minsan naman, narito ka nga, kumpleto ang pamilya pero absent naman sa isa't-isa. Hindi maramdaman ang presensya ng bawa't-isa. Walang kalidad ang presensya sa isa't-isa. Mababaw ang ugnayan sa isa't-isa. Abala sa maraming bagay at napapabayaan ang pagkakaroon ng kalidad na oras kapiling ang mga mahal sa buhay. Sino ang nagtitiyagang magtanong at makinig sa kalagayan ng bawa't-isa? Nakukumusta ba natin ang mga kapamilya natin? Napakarami pang okasyon at kalagayan sa lipunan kung saan napagkakaitan ng presensya ang marami lalo ang mga maysakit at kapansanan. Sa madali't sabi, marami sa atin ang malungkot dahil salat tayo sa pagmamahal. Ang kakulangan natin sa isa't-isa na magkaloob ng mapagmahal na presensya ang nagbibigay-daan din para hindi natin maramdaman ang presensya ng Diyos.



Ang ating Ebanghelyo ay kuwento ng kagalakan dahil dama ng lahat ang presensya ng Diyos sa isa't-isa. Si Maria ay kaagad-agad bumisita kay Elisabet ng matanggap niya ang mabuting balita ng pagkilos ng Diyos. Naging instrumento si Maria na mahatid ang presensya ng Diyos sa sambahayan nina Elisabet. Simple lang ang kalagayan nina Maria at Elisabet sa buhay pero hindi sila salat sa presensya ng Diyos. Marunong silang magbahagi ng galak at presensyang kanilang nararanasan mula sa Diyos. Marunong silang sadyain ang bawa't-isa upang maipadama lamang ang kalinga sa isa't-isa.



Ang presensya ang pangunahing katangian ng Diyos. Hindi lang siya Makapangyarihan kundi siya ay Diyos na sumaatin para makapiling natin. Anong dsaysay ng kapangyarihan ng Diyos kung hindi naman natin siya kapiling. Ang Diyos ay Diyos natin dahil sumaatin siya. Ang presensya niya ay dama natin.



Ngayong kapaskuhan ang pinaka-importanteng regalo natin sa isa't-isa ay presensya. Malimutan na natin ang mga regalong materyal subali't huwag ang maging kapiling ng mga mahal natin sa buhay. Huwag ipalit ang materyal na regalo sa tunay na presensya. Kung magbibigay man tayo ng materyal na regalo, siguruhing ekpresyon ito ng ating mapagmahal na presensya. Ang Pasko ay pagdiriwang ng presensya ng Diyos sa piling natin. Maging panata natin ang pagkakaloob ng kalidad na presensya hindi lang tuwing Pasko kundi sa buong taon. Matuto tayong mag-prioridad. Huwag isaalang-alang ang presensya natin sa iba.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong huwag maging sanhi ng pangungulila ng iba dahil ako ay manhid at walang pakialam. Turuan mo akong magpadama ng iyong presesya sa iba sa pamamagitan ng aking malasakit, pagdamay at pagkalinga sa iba. Maibsan ko nawa ang kalungkutan na dinadala ng aking kapwa. Maging sagisag nawa ako ng iyong mapagmahal at mapangligtas na presensya.

No comments:

Post a Comment