Monday, December 6, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-07-10)

MATEO 18: 12-14

12 "Ano sa akala ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa bundok upang hanapin ang naligaw? 13 Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikinagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, ayaw ng inyong Ama na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito."



MAGNILAY:

Ang tupa kaya lalong naliligaw ay dahil sa hindi alam na naliligaw na siya. Nag-eenjoy siya sa mga nakikita niya at nabubusog ng kung anu-ano sa daan kaya sige lang ang lakad. Hindi niya namamalayan na naligaw na pala siya. Hihinto siya at iiyak kapag nalaman niyan naligaw siya. At ito ang unang hakbang para siya matagpuang muli. Sisikapin niyang bumalik hanggang matagpuan din siya ng kanyang panginoong naghahanap sa kanya.



Ganitong-ganito rin tayo. Sabi nga, hangga't hindi tayo nauuntog, hindi rin natin malalaman na nasa maling landas tayo. Kasi nga, masarap ding maligaw. Nakaka-enjoy ang maraming bagay na hindi natin nasubukan dati. Hindi natin namamalayan na mali na pala ang daan. Nakatuon tayo sa sarap na nararanasan natin. Bulag ang isipan natin. Hindi natin alintana kung tama o mali. Magigising na lang tayo sa katotohanang naliligaw na pala tayo. At saka lang tayo hihinto.



Totoo hinahanap tayo ng Panginoon pabalik sa kanya pero importante din na dinadala rin natin ang ating sarili para mahanap niya. Unang hakbang para mahanap tayo ay ang aminin na naliligaw nga tayo ng landas. Marami ang hindi matanggap na naliligaw sila ng landas. Kaya't kahit anong paalala mo walang epekto. Ang kamalayan ay mahalaga. Ito sana ang huwag mawala sa bawa't pagtahak natin sa landas ng buhay. Lagi nating suriing mabuti ang tinatahak nating landas at ang bawa't hakbang natin. Lalo tayong maliligaw kapag wala tayo sa matinong kamalayan. At minsang namalayan nating naliligaw pala tayo, huminto tayo at sikaping makabalik.



Matuto rin tayong umiyak tulad ng tupa. Madalas hindi natin kayang mag-isa. Ipaalam natin sa iba na naliligaw tayo at humingi ng tulong. Huwag na tayong magyabang na kaya natin o hindi natin kailangan ang iba. Lunukin na rin natin ang yabang na nakakahiya na malaman ng iba na nagkamali tayo. Importante na may inisyatibo tayo para sa sarili natin para mahanap tayo ng Panginoon. Kung hindi tayo kusang magpapahanap ay hindi nga tayo mahahanap. Sa Diyos mahalaga ang kolaborasyon natin. Hindi madaling makabalik. Kuing gaano kalayo ang kinaligaw natin ay ganoon ding haba ang ating babalikan.



MANALANGIN:

Panginoon, kapag ako ay naligaw kaagad mong gisingin ang aking kamalayan. Huwag sanang umabot na ako'y mapalayo ng husto na halos imposible nang makabalik.

No comments:

Post a Comment