Tuesday, October 26, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-27-10)

LUKAS 13: 22-30

Ang Makipot na Pintuan

22 Nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakbay, at siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan papuntang Jerusalem. 23 Minsan may nagtanong sa kanya, "Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?"

Sinabi niya sa kanila, 24 "Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag ang pinto ay isinara na ng pinuno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, 'Panginoon, papasukin po ninyo kami.' Ngunit sasabihin niya sa inyo, 'Hindi ko kayo kilala!' 26 Sasabihin naman ninyo, 'Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.' 27 Sasagot naman siya, 'Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!' 28 Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama'y ipinagtatabuyan! 29 Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli."



MAGNILAY:

Anong tatlong dahilan para hindi ka makapasok sa makipot na pintuan o lagusan?



Una, masyado kang mataba. Siguro, sobra kang matakaw. Ang katakawan ay kakambal ng pagiging makasarili. Laging sarili ang iniisip. Sarap, ginhawa at kabusugan para sa sarili ang umookupa ng iyong oras, plano at layunin sa buhay. Sa madali't sabi, nagpapalaki ka lang ng tiyan. Ang labis na pagkamakasarili ay hadlang sa pagpasok natin sa pinto ng tunay na kahulugan ng mabuhay. Ang buhay ay pinagkaloob sa atin para ibigay rin sa iba. Sa pagbibigay ng sarili ang puso natin ang tumataba. Ibang uri ng ligaya kapag tumataba ang puso hindi ang tiyan. Ang lumimot sa sarili para sa kapakanan ng iba ay susi sa pinto na sa loob nito ay naroon ang Diyos.



Ikalawa, masyadong marami ang iyong dala. Mahirap makapasok pag sobra ang iyong bitbit. Minsan, sobrang hulog ang puso natin sa mga bagay ng mundo. Nagiging alipin tayo ng mga alalahanin ng mundo. Tagabitbit tayo ng maraming bagay na nagkukunwaring pangangailangan e hindi naman talaga. Tuwang-tuwang ang mga bagay na ito kapag bitbit natin. Aliw na aliw sila kapag naaalipin nila tayo. Hinahanap-hanap natin ang mga bagay na ito parang mga asong tumutulo ang laway. Hahamakin ang lahat pati magandang prinsipyo sa buhay makuha lamang natin ang gusto natin. Pati Diyos ay limot na dahil nabingwit na ng mundo ang puso't isipan natin. Ang hirap o imposibleng makapasok ang maraming dala. Kailangan isa-isa natin itong bitiwan, iwanan at talikdan hanggang matutunan natin na simple lang naman talaga ang kailangan natin. Ang nagpapalungkot sa atin ay ang maling akala na marami ang kailangan natin o lahat dapat mapasaatin hanggang ibuhos natin ang lahat nating lakas. Pero nagigising tayo sa katotohanan na hindi sapat ang lakas natin para maangkin ang lahat. Na hindi naman talaga natin kailangan ang lahat. Simple lang ang kailangan. Kapag nasa sa atin na ang pinakamahalaga - ang Diyos - wala ng higit na dapat nating hanapin pa.



Ikatlo, nag-uunahan tayo. Minsan kahit sa larangan ng pananampalataya nakikipag-unahan tayo upang iwanan ang iba. At minsan hindi lang unahan at iwan, hihilahin pa palabas para ikaw ang makapasok. Kapag wala kang pakialam sa iba, malamang-lamang ganoon ang magiging resulta - uunahan mo siya, hihilahin mo siya at iiwan. Kaso ganoon din ang iniisip ng iba - uunahan ka, hihilahin at iiwan. Nagsisiksikan tayo sa lagusan para mauna, manghila at mang-iwan. Sa pintong makipot, mahalaga ang tulungan. Importante ang kolaborasyon. Hindi dapat mawala ang pag-alalay sa isa't-isa. Kailangan natin ang iba para makapsok tayo. Kailangan tayo ng iba para makapasok din sila. Isa-isa, tulung-tulong, sama-sama sa parehong layunin.



Halinang pumasok sa makipot na pinto ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagwaksi sa pagkamakasarili, pagbitaw sa mga hindi naman talaga kailangan at pakikipagtulungan sa isa't-isa.



MANALANGIN:

Panginoon, akayin mo kaming lahat na makapasok sa makipot na pinto papasok sa iyong kaharian.

No comments:

Post a Comment