Sunday, October 24, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-24-10)

LUKAS 18: 9-14

Ang Talinhaga ng Pariseo at ng Maniningil ng Buwis

9 Sinabi rin niya ang talinhagang ito sa mga taong mababa ang tingin sa iba at nag-aakalang sila'y matuwid. 10 "May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito tungkol sa kanyang sarili: 'O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.' 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, 'O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!' 14 Sinasabi ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang una ay hindi. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakumbaba ay itataas."



MAGNILAY:

Isang palatandaan na malayung-malayo ka pa sa tunay na kabanalan ay kapag naramdaman mong mas banal ka sa iba.



Dalawang mukha ng nagpapakabanal ang pinapakita sa atin ng talinhaga sa ating Ebanghelyo ngayon. Ang una ay mula sa isang Pariseo at ang ikalawa sa publikano o maniningil ng buwis. Malayo ang agwat ng dalawa kung pagpapakabanal ang pag-uusapan. Ang Pariseo ay kilala sa kanilang masusing pagsunod sa mga letra ng batas. Di-hamak na siguradong mas banal siya sa mata ng mga tao kung di man pinakabanal. Di nga ba't kilala ang mga Pariseo sa paghiwalay nila sa nakakarami na ang batayan ay ang kanilang matapat na pagsunod sa batas? Sila ang masunurin at ang lahat ay hindi. Sila ang tapat at ang lahat ay hindi. Sila ang banal at ang lahat ay hindi. Kaya tama yung dasal niya. Tumpak yung iniulat niya sa Diyos na kanyang ginagawa at nagawa. Walang kasinungalingan at walang eksaherasyon ang kanyang sinabi tungkol sa kanyang sarili. Nguni't sa kabila ng lahat ng ito, siya ang hindi kinalugdan. Pagmamataas, kayabangan at pagmamalaki ang ikinatisod ng Pariseong ito. Umakyat sa kanyang ulo ang kahambugan na siya ang dahilan ng kanyang kabanalan. Sa sariling kakayahan at sikap kaya naabot niya ang kanyang kinatatayuan - at anong galing niya! Sobrang galing nga niya kaya't naatim niya na isumpa't laiitin ang iba lalo na ang publikanong kasabay niyang nananalangin. Kulang na lang na pandirihan at itaboy ang isang makasalanang nagsisisi. Ere ang ikinabagsak ng Pariseong ito. Wala ng lugar ang Diyos sa puso niya dahil kaya naman niya. Sapat na ang sarili niyang kakayahan.



Sa kabiklang banda, narito ang publikano, ang ikalawang mukha ng pagpapakabanal. Sobra niyang alam ang kanyang kasalanan kaya't ganoon na lamang ang kanyang hiya sa Diyos hindi man lang siya makatingin sa dambana ng Panginoon. Nakayuko niyang dinadagukan ang dibdib sa malabis na pagsisisi. Todo ang kanyang paumanhin sa Diyos. Sa kanyang kapakumbabaan, ibinukas niya ang kanyang puso para lagyan ng Diyos ng kanyang awa at patawad. Sa mga sandaling iyon, Diyos ang kanyang kailangan. Siya ang kanyang hanap. Siya ang kanyang hangad. Bagama't makasalanan siya ang kinasihan at kinalugdan ng Diyos. Sa kanyang puso, may lugar siya. Siya ang tunay na banal. Ang tunay na banal ang pakiramdam sa sarili ay siya ang pinaka hindi karapat-dapat. Alam niya ang kanyang kakulangan. At dahil dito hindi niya makuhang lumait ng kapwa makasalanan. Dahil nauunawaan niya ang kalagayan ng isang makasalanan, habag at hindi panghuhusga ang kanyang nararamdaman sa harap ng kapwang nakikipagbuno sa tukso't kasalanan.



Pariseo o publikano? Ano ang mukha ng iyong pagpapakabanal? Mapalad ang mga nagpapakumbaba na walang inaasahan kundi ang kagandahang-loob ng Diyos. Malalasap niya ang tamis ng tunay na kabanalan.



MANALANGIN:

Panginoon, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanang minsan ay natutukso na magbalatkayong banal at manglait ng kapwa ko makasalanan.

No comments:

Post a Comment