Sunday, October 17, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-17-10)

LUKAS 18: 1-8

Ang Biyuda at ang Hukom

1 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sinabi niya, "Sa isang lunsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. 3 Sa lunsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, 'Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.' 4 Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, 'Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, 5 ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.'" 6 At nagpatuloy ang Panginoon, "Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. 7 Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa mga minamahal niya na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? 8 Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita pa kaya siyang mga taong sumasampalataya sa kanya?"



MAGNILAY:

Paano ka ba magdasal?



Muling nagtuturo ang Panginoon ngayon kung paano magdasal, kung paano manalangin. Sa kanyang talinhaga ibinigay nilalarawan niya kung anong katangian dapat magkaroon ang ating pananalangin. Kung meron man isang katangian na hindi dapat mawala sa ating pagdarasal, ito ay ang ang pangungulit. Hindi tayo dapat nag-aalangan kapag nananalangin. Hindi tayo dapat nagkakalkula kapag nagdarasal. Hindi tayo dapat nagdududa kapag tumatawag sa kanya. Hindi tayo dapat nagdadalawang-isip ng paglapit sa kanya. Hindi tayo dapat nahihiya sa paghingi sa kanya. Ang turo ni Hesus, ang panalangin ay DAPAT MAKULIT!



Ang makulit na dasal ay nagmumula sa isang pananampalataya at pagtitiwala na ang Diyos ay nakikinig sa ating mga panalangin. Wala ng duda doon. Sigurado sa puso ng isang nagdarasal na walang panalangin ang hindi dinidinig ng Diyos. Kaya nga hindi siya nag-aatubili. Hindi siya nag-aalangan. Hindi siya nagdadalawang-isip. Kinukulit niya ang Diyos dahil alam niya na ibibigay niya sa kanya ang pinakamabuti, ang pinakamagaling, ang pinakamainam.



Bakit ba dapat kulitin ang Diyos gayong nakikinig naman pala siya palagi sa lahat ng dasal? Hindi ba kawalan ng pagtitiwala yung pangungulit? Dapat bang ulit-ulitin ang pagdarasal e alam naman ng Diyos ang kailangan natin? Hindi ba sapat yung isang sabihan lang?



Ang pangungulit ay hindi para sa Diyos. Ito ay para sa atin. Nabubuhayan tayo ng loob at pananampalataya sa ating pangungulit sa Diyos. Lalong lumalalim at nagiging buhay ang ating pananampalataya sa palagian nating pagkulit sa Panginoon. Nangangailangan tayo ng paraan para lumago ang ating pananalig at ang palagiang pagdarasal ay isa rito.



Sa pangungulit sa Diyos, nagkakaroon din tayo ng kapangyarihan na isakatuparan ang ating dinarasal sa tulong ng biyaya ng Diyos. Persistent prayer empowers us to make what we pray for happen with the aid of God's grace. Ang katuparan ng ating dasal ay nasa kamay rin natin at sa ating kolaborasyon sa grasya ng Panginoon. Hindi tayo tinuturuan ng Diyos na maging tamad at maghintay na lamang na walang ginagawa. Hindi rin ayon ang Panginoon sa dole out. Kailangang pagtrabahuan din natin ang ating hinihingi sa kanya.



Mga ilang paalala lang sa pananalangin. Una, hindi tayo puwedeng humingi ng isang bagay na masama o makasasama sa atin. Hindi tayo puwedeng humingi ng hindi makakatulong sa ating buhay pananampalataya. Ang lahat ng ating hinihingi sa kanya ay sa konteksto ng pag-unlad ng ating pagsunod sa kanya. Hindi rin natin puwedeng ipagdasal ang kapahamakan ng iba. Hindi natin puwedeng ipagdasal ang makasasama sa iba. Hindi tayo nagdarasal para isumpa ang iba lalo na ang mga kontrabida sa buhay natin.



Ikalawa, hindi vendo machine ang Diyos. Hindi siya Diyos na pagpinindot mo lalabas ang hinihingi ko. May sariling karunungan ang Diyos na lagpas-lagpas sa karunungan natin. Sa pagdarasal, naroon ang pagpapasakop natin sa kanyang karunungan, sa kanyang kalooban, sa kanyang kagustuhan. Puwedeng humindi ang Diyos sa ating hinihingi at iyon ay tinatanggap natin ng may ibayong pagtitiwala sa kanyang karunungan.



Ikatlo, may sariling oras ang Diyos. May sarili rin siyang paraan. Hindi ito palagi tugma sa ating oras at pamamaraan. Puwede siyang magsabi ng Teka muna, Hindi muna, At saka na, Maghintay ka lang, Wait lang. Kung talaga namang oras na para ibigay, kahit palagay natin hindi pa oras, puwede niyang sabihing Now na! Sa paraan naman ng pagtugon, may sarili ring diskarte ang Diyos na dapat nating pagtiwalaan. Maaaring meron tayong iniisip na paraan, pero puwedeng sabihin ng Diyos Hindi ganyan. Ganito dapat. Minsan gusto nating biglaan, sabi naman ng Diyos Hindi, unti-unti dapat. Minsan, gusto natin mabilis at madali, gusto naman ng Diyos dahan-dahan at masakit para pahalagahan natin ang ating hinihiling. Lahat depende sa kanyang matalinong pamamaraan.



Ang suma total ng lahat ng ito ay magdasal, magdasal at magdasal palagi. At sa pagdarasal, kulitin natin ang Diyos!



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong huwag magsawang magdasal sa iyo. Sa aking pananalangin, matuto nawa akong maging responsable sa aking mga hinihiling. Marapatin mong ikaw at ako ay magtulungan upang matupad ang lalong magaling, mainam at mabuti.

No comments:

Post a Comment