Monday, October 4, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-05-10)

LUKAS 10: 38-42

Dumalaw si Jesus kina Marta at Maria

38 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan nina Marta 39 at ng kapatid niyang si Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. 40 Si Marta naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at dumaing, "Panginoon, bale-wala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nagiisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako."

41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, "Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya."



MAGNILAY:

Sa bilis ng takbo ng buhay ngayon, hindi tayo magkanda-ugaga para magawa ang mga dapat nating gawin. Sobrang abala natin. Palipat-lipat at papalit-palit ng pinagkakaabalahan. Minsan, kulang ang maghapon para matapos ang lahat ng dapat gawin. Tulog ka na sa gabi pero tumatakbo pa rin ang isip para sa susunod na araw. Kaya lang, sa gitna ng pagkaabala, naaalimpungatan na lamang tayo na parang may malaking kulang sa kalooban natin. Hindi porke abala ka at nagagawa mo ang obligasyon mo ay okey na. Minsan, nakikita na lang natin ang sarili nating nalulunod sa mga ginagawa natin. Ang dami-dami minsan pero may kawalan. Hindi kaya dahil sa hindi natin natutumbok ang talagang mahalaga?



Totoo nga, masyado ang trabaho natin at madalas naisasaalang-alang ang talagang mahalaga. Una. ang pangangalaga sa sarili hindi lang katawan pero lalo't higit ang kalooban, ang kaluluwa, ang espiritwal na paglago. Napapakain pa ba natin ang ating isip? Nagkakaroon pa ba siya ng laman? May mga bago ba tayong natututunan? Nahahamon pa ba ang ating pananaw sa mga bagay-bagay, ang ating opinyon, ang ating talino?



Ikalawa, ang puso, ang kaluluwa. Napapatibok pa ba ng pag-ibig ang ating puso? Alam pa ba natin ang init ng nagmamahal? May nagmamahal pa ba sa atin? Kumusta ang relasyon sa pamilya? Puro lang ba tayo materyal na pangangailangan? May panahon pa ba tayong makinig at makipag-usap sa isa't-isa? Sa Diyos, may panahon ba tayo? Sa panalangin? Sa pakikinig at pakikipag-usap sa kanya?



Pangatlo, relasyon sa mundo. Ang pinagkakaabalahan ba natin ay uri ng serbisyo sa sangkatauhan? Hangga't hindi natin natutuklasan kung paano tayo makakaambag sa ikabubuti ng mundo, hindi natin mararanasan ang kaganapan sa buhay. Kung nagtratrabaho lang tayo para kumita at hindi dahil ito ang akmang paraan sa atin para magbigay serbisyo sa mundo, hindi tayo magiging maligaya sa ginagawa natin. Hindi lang suweldo ang usapan sa trabaho kundi kaligayahan na nanggagaling sa katotohanang dahil sa trabahong ito ay nakakapag-ambag ako sa kabutihan ng mundo. Ito ang aking munting kontribusyon sa mundo.



Totoo nga ang mensahe ng Ebanghelyo: "Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya." Maraming ginagawa pero ano ba talaga ang kailangan lamang? Maraming pinagkakaabalahan pero ano nga ba ang tunay na mahalaga lamang? Ilan ang Marta sa atin; ilan din ang Maria?



MANALANGIN:

Panginoon, gawin mo akong masaya sa aking ginagawa. Maging daan nawa ito para matuklasan ko ang lalong mahalaga. Tulungan mo akong talikdan ang mga hindi naman talaga kailangan.

No comments:

Post a Comment