Friday, April 29, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-28-11)

LUKAS 24: 35-48

35 At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad

36 Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila na nagsasabi, "Sumainyo ang kapayapaan!" 37 Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y multo ang kaharap nila. 38 Kaya't sinabi ni Jesus, "Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo."

40 Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. 41 Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, "May pagkain ba kayo riyan?" 42 Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. 43 Kinuha niya ito at kinain sa harap nila.

44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, "Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako; dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises at sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit."

45 Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, "Ganito ang nasusulat: kinakailangang maghirap at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito.





MAGNILAY:

Sumainyo ang Kapayapaan!





Wala na marahil ang makapagpapanatag pa ng kalooban sa pagbati na ito mula sa Panginoong muling nabuhay. Tigib ang mga alagad ng takot, pangamba, pag-aalinlangan at kalungkutan. Gumuho ang mundo nila, ang kanilang pag-asa at pangarap. Namatay ang Panginoon. Wala na ang pinanggagalingan ng kanilang lakas at pag-asa. Kaya't ang makita siyang muli at marinig ang pagbating ito, napawi lahat-lahat ang nagpapabigat, gumugulo at nagpapabagsak ng kanilang kalooban. Buhay ang Panginoon at dulot niya'y galak at kapayapaan.





Minsan, ang inaakala nating masaklap na katapusan dahil sa mga di inaasahang pangyayari sa buhay ay simula pala ng isang magandang bukas. Hindi natin puwedeng husgahan agad ang mga tinuturing nating pangit na karanasan na pangit nga. Ang pangit ay minsan nagiging daan para matuklasan natin ang maganda. Kapag nagpadala agad tayo sa kalungkutan, kabiguan, kawalan ng pag-asa at hapdi sa kalooban maaari mawala ang oportunidad ng isang bagong bukas kapag nagbukas na ang pinto nito. Kaya't sa oras ng kabiguan, tumigil sandali, magnilay-nilay at manalangin upang maging malakas na dalhin ang bigat ng karanasan ng pagsubok. At ang lakas nawang ito ang umakay sa atin tungo sa isang bagong magandang simula.





Minsan din, ang tila napakabigat na krus ng buhay ay isang biyaya palang hindi matatawaran o maikukumpara. Ang mga krus ay puwedeng maging pagmulan ng maraming positibong bagay sa buhay. Isa na rito ang lakas na nababatak kapag dumadaan tayo sa pagsubok. Walang taong matatag ngayon ang hindi nilinang ng pagsubok sa buhay. Habang may pagsubok ay lalo tayong nagiging malakas at matibay. Muli, isa itong halimbawa na akala nati'y malagim na wakas pero isa palang simula ng magandang bukas.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, punuin mo ang puso ko ng iyong kapayapaan. Kapag magulo ang buhay, sa iyo nawa kami tumakbo. Kapag napapagod kami, sa iyo kami lumapit. Habang pinaghahandaan namin ang pagharap sa mga hamon ng buhay, ikaw nawa ang pagmulan ng aming lakas, inspirasyon at pananampalataya.

No comments:

Post a Comment