Sunday, April 24, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-24-11)

JUAN 20: 1-9

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus

1 Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa pinto ng libingan. 2 Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya dinala!

3-4 Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan noong isa. 5 Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga mamahaling tela. 6 Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, 7 at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga mamahaling tela, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. 8 Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala. 9 Hindi pa nila nauunawaan noon na si Jesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan.





MAGNILAY:

Sa araw na ito ay namatayan tayo. Pero di tulad ng karaniwang karanasan natin ng namamatayan kung saan nalulungkot tayo at nagluluksa dahil sa nawalay nating mahal sa buhay, sa araw na ito namatayan tayo pero nagbubunyi tayo dahil dito. Nagsasaya tayo at nagdiriwang. Sa araw na ito namatay ang kamatayan sa atin. Sa araw na ito namatay ang kasalanan sa atin.





Ano ba ang kahulugan ng pagkamatay ng kamatayan? Ibig sabihin, sa Pagkabuhay ni Hesus, nawalan na ng kapangyarihan ang kamatayan sa atin. Ang kamatayan ay bunga ng kasalanan. Mula ngayon, ang kamatayan ay hindi na ang hantungan nating lahat. Hindi nito tinutuldukan ang buhay natin. Ngayon, kahit tayo ay mamatay, tayo ang mabubuhay magpakailanman sa piling ng Diyos. Hindi na tayo hawak ng kamatayan. Diyos na ang may hawak sa atin. Ang kamatayan at kasalanan ay kaya na nating lupigin sa grasya ng Panginoong muling nabuhay.





Sa Pagkabuhay ng Panginoon, nagwakas ang pananaw ng kamatayan. Hindi na natin tinitingnan ang realidad bilang magwawakas sa takdang panahon. Ngayon, buong pag-asa at kagalakan nating tinatanaw ang realidad sa perspektibo ng walang hanggan. Magpapatuloy ang buhay lagpas sa kamatayan. Walang wakas. Walang katapusan. Sa Diyos, lagi tayong buhay. Sa kanya, mananatili tayo.





Ang Pagkabuhay ng Panginoon ay tagumpay ng pag-ibig. Ang bunga ng pag-ibig ay ang kawalang hanggan. Hindi puwedeng ang pag-ibig ay magwawakas lang sa kamatayan. Ang tunay na pag-ibig ay susi sa buhay na walang hanggan. Mula ngayon, ang pag-ibig ang namamayani. Sa pag-ibig, natitikman natin ang buhay na walang hanggan. Kaya naman handang magparaya ang pag-ibig. Hindi nito alintana ang limutin ang sarili alang-alang sa minamahal. Kahit mamatay pa sa sarili ay haharapin para sa minamahal sapagka't ang pag-ibig ang maghahatid sa atin sa walang hanggan. Ang Pagkabuhay ay para sa mga tunay na nagmamahal.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, tuluyan na nga nawang mamatay ang kamatayan at kasalanan sa puso namin. Isilang nawa sa aming kalooban ang bagong buhay mula sa iyo. Sa liwanag ng iyong Pagkabuhay, panghawakan nawa namin ang pag-ibig at pag-ibig lamang. Sa pagmamahal namin ng tunay sa isa't-isa, maihahatid kami sa tunay na karanasan ng Muling Pagkabuhay.

No comments:

Post a Comment