Tuesday, April 5, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-05-11)

JUAN 5: 1-16

Ang Pagpapagaling sa Bethzata

1 Pagkaraan nito'y pumunta si Jesus sa Jerusalem upang dumalo sa isang pista ng mga Judio. 2 Sa lunsod na ito na malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking deposito ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata. 3-4 Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko.

5 May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. 6 Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, Gusto mo bang gumaling?

7 Sumagot ang maysakit, Ginoo, wala pong maglusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.

8 Sinabi sa kanya ni Jesus, Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka. 9 Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad.

Noo'y Araw ng Pamamahinga 10 kaya't sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa lalaking pinagaling, Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.

11 Ngunit sumagot siya, Ang nagpagaling po sa akin ang nagsabing buhatin ko ang aking higaan at lumakad ako.

12 At siya'y tinanong nila, Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka? 13 Ngunit hindi alam ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat nawala na si Jesus sa karamihan ng tao.

14 Pagkatapos nito, nakita ni Jesus sa loob ng Templo ang lalaki at sinabihan itong, Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.

15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio, sapagkat nagpagaling siya sa Araw ng Pamamahinga.





MAGNILAY:

Maraming paraan ng pagtulong. Ang madalas ay ang paglilimos. Meron ako, wala ka, kailangan mo, kaya magbibigay ako. Maganda naman ang layunin - ang makapagbahagi. Kaya lang madalas sa pagbibigay natin nananatili pa ring nakadepende sa iba ang ating tinutulungan. Hindi pa rin niya kayang tumayo sa sarili niyang paa. Sa susunod mangangailangan pa rin siya ng limos. Ang pinakamaganda at pinakamabisang paraan ng pagtulong ay ang bigyang kapanyarihan ang ating tinutulungan na makatayo sa sarili niyang mga paa. Kapag napabatid natin sa kanya na may kakayanan siya na kaya niyang tulungan ang kanyang sarili, iyon na marahil ang pinakamalaking puwede nating maibahagi.



Natagpuan ni Hesus ang isang lumpo sa tabi ng deposito ng tubig. Wala siyang kakayanang lumusong agad sa tubig na pinanggagalingan ng kagalingan sa isang maysakit. Napakamakahukugan ang sinabi ni Hesus: Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka. Hindi binuhat niya binuhat ang lumpo at inilusong sa tubig. Pinalakad niya ito upang makatayo siyang mag-isa upang simula noon kaya na niyang tumayo sa sariling mga paa.



Kung tutulong ka, huwag ka lang maglimos. Kung tutulong ka, tumulong ka para makalaya ang tinutulungan mo sa pagiging nakadepende lagi sa iba. Tulungan mo siyang madiskubre ang kanyang kakayanan habang patuloy ka paring umaalalay.







MANALANGIN:

Panginoon, panahon ngayon ng pagtulong habang dumadaan kami sa panahon ng Kuwaresma. Tulungan mo kaming magkawanggawa sa mas makahulugan na paraan. Huwag lang nawa kaming magbahagi ng tulong na panandalian lamang ang ginhawang dulot. Makapag-isip nawa kami ng tulong na magiging pangmatagalan ang pakinabang sa mga kapatid naming nangangailangan ng alalay. Maibsan nawa namin ang dalahin ng aming kapwa sa mas permanenteng paraan.

No comments:

Post a Comment