Monday, April 25, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-26-11)

MAGANDANG BALITA NGAYON - MARTES SA WALONG ARAW NA PAGDIRIWANG O OKTABA SA PASKO NG PAGKABUHAY (Abr. 26)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Tuesday, April 26, 2011 at 6:11am

JUAN 20: 11-18

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena

11 Si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Nang yumuko siya at sumilip sa loob, 12 may nakita siyang dalawang anghel na nakadamit ng puti at nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, ang isa'y sa gawing ulunan at ang isa nama'y sa paanan. 13 Tinanong nila si Maria, Babae, bakit ka umiiyak?

Sumagot siya, May kumuha po sa aking Panginoon at hindi ko alam kung saan siya dinala.

14 Pagkasabi nito'y napalingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.

15 Tinanong siya ni Jesus, Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?

Akala ni Maria, ang kausap niya'y ang hardinero kaya't sinabi niya, Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, pakituro nga po ninyo sa akin kung saan ninyo siya dinala at kukunin ko.

16 Maria! sabi ni Jesus.

Humarap siya at kanyang sinabi sa wikang Hebreo, Raboni! na ang ibig sabihi'y Guro.

17 Sabi ni Jesus, Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama. Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.

18 Kaya't si Maria Magdalena ay pumunta sa mga alagad at sinabi sa kanila, Nakita ko ang Panginoon! At sinabi rin niya sa kanila ang bilin ni Jesus.





MAGNILAY:

Ang pinakamatamis na salita sa buong mundo ay ang ating pangalan!





Tigib ng pighati si Maria Magdalena ng malamang nawawala ang bangkay ng Panginoong Hesus. Noong siya'y mamatay, halos mamatay din ang kanyang pag-asa. Si Hesus ang nagpanibago ng kanyang buhay. Siya ang nagpakita sa kanya muli ng landas ng buhay. Kaya't nang mamatay ang Panginoon, halos gumuho ang kanyang pag-asa. Nadoble ang kanyang kapighatian at pangungulila ng malamang nawawala nga ang bangkay ni Hesus. Ito na nga lang ang natitirang alaala ng taong nagbago ng kanyang buhay. Kahit marahil ay patay na siya pero buhay pa rin ang kanyang alaala at aral at ang kanyang mga labi ang magiging daan ng kanyang presensya kahit siya'y patay na. Nguni't napawi ang lahat niyang pangungulila at pighati ng marinig niya ang kanyang pangalan na sinambit ni Hesus na Panginoong muling nabuhay. Wala ng ibang tatamis pang salita kaysa sa sariling pangalan. Ang marinig mo ang iyong pangalan mula sa isang minamahal ay tunay ngang nakakapawi ng kalungkutan, kawalan ng pag-asa, kadiliman at kapighatian.





Kapag malungkot ka rin, ibukas mo ang pandinig ng iyong puso dahil tumatawag ang Panginoon ng ating pangalan. Minsan lang, nalulunod tayo sa sarili nating kalungkutan at humihina ang pandinig ng ating puso. Natatabunan ng lungkot at pighati ang kakayanan nating pakinggan ang pagtawag ng Diyos sa ating pangalan. Pero sa panahong malungkot tayo makasisiguro tayo na doon mas lalong nilalakasan ng Panginoon ang pagtwag niya sa ating pangalan ng may buong giliw at pagmamahal. Kaya't maging gising at piliting makinig kahit inaagaw ng lungkot ang atensyon natin. Mas lalo tayong magbabad sa pananalangin dahil ang pananalangin ay pakikinig sa tawag ng Panginoon.





Ang pagtwag sa ating pangalan ay tanda ng pagsinta sa ating ng Panginoon. Tinig ng pag-ibig ang tinig na naglalahad ng ating pangalan. Ganoon ang Diyos. Hindi tayo tinuturing na alipin. Tinuturing niya tayong kaibigan o sinisinta. Ang pinakamagandang regalo niya sa atin ay yaong tawagin niya tayo sa ating pangalan.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, tulungan mong makarinig muli ang puso kong nabingi dahil sa lungkot o pagod o pagkaabala at iba pang dahilan. Marapatin mong marinig kong muli ang pangalan kong namumutawi sa iyong mga labi. Anong tamis marinig ang pagtawag mo sa aking pangalan. Papawiin nito ang lahat kong pangamba at pangungulila. Ikaw lang ang siyang saysay ng lahat sa buhay ko.

No comments:

Post a Comment