Friday, April 22, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-21-11)

JUAN 13: 1-38

Ang Halimbawa ng Paghuhugasan ng Paa

1 Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y iniibig niya hanggang sa wakas.

2 Sa panahon ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkakanulo niya si Jesus sa mga Judio. 3 Nalalaman ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. 4 Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. 5 Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.

6 Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. Sabi niya, Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng aking mga paa?

7 Sumagot si Jesus, Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.

8 Muling nagsalita si Pedro, Hinding-hindi ko pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa! Ngunit sinabi ni Jesus, Malibang hugasan kita, wala kang bahagi sa akin.

9 Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!

10 Sumagot si Jesus, Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat. 11 Dahil kilala ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat.

12 Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa hapag. Siya'y nangusap sa kanila, Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga iyon. 14 Dahil akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin ito sa isa't isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan.





MAGNILAY:

Eeeew...!





Yan ang usong ekspresyon ng marami. Ibig sabihin, nakakadiri dahil marumi, mababang uri, hindi class, pangmahirap, bakya, baduy, at iba pa. Pag nagsasalita ka ng ganito para mo na ring sinasabi na malinis ka, mataas ang uri mo, class ka, sosyal, may taste ... kahit hindi naman talaga. Yung iba, maarte lang talaga, pa-sosyal, social climber. Uso ito, kasi ayaw ng marami ang mababa nga. Gusto natin nasa taas, tinitingala, angat, may sinasabi.





Si Hesus ay naghugas ng paa. Eeew..! Sa lahat naman ng huhugasan bakit paa? Ito ang bahagi ng katawan na talagang direktang nakadikit sa dumi. Marumi ang paa lalo na noon na hindi uso ang sapatos at sementadong daanan. Dahil nga marumi baka may kung anu-anong sakit pa sa paa. Eeeew... talaga. Kaya naman ang paghuhugas ng paa ay trabaho ng alipin na pinakamababang uri ng tao. Pero ito si Hesus, isang Guro at Panginoon pa, naghugas ng paa!





Sinasabi lang niya na huwag kang maarte. Huwag kang magmataas. Huwag mong iangat ang sarili mo sa iba. Huwag kang maghintay na paglingkuran. Maglingkod ka. Pagsilbihan mo ang kapwa mo. Hindi baleng bumaba ang tingin sa iyo. Hindi baleng marumihan ka. Iyan ang pinakamatibay na tanda ng pagmamahal - handang talikuran ang sarili at hubarin maging ang karangalan alang-alang sa iba. Tulad ni Hesus na ibinigay ang lahat sa krus.





Pag nagkokomunyon ka, alalahanin mo, hinugasan ni Hesus ang paa mo. Nagpakababa siya. Binigay ang sarili para maligtas at mabuhay ka. Ang kapirasong tinapay na tinanggap mo ay sagisag ni Krsito na minatamis pang masaktan, hatiin ang sarili para busugin ang lahat ng kanyang pag-ibig. Matuto kang maging Eukaristiya sa iba. Hugasan ang paa ng iba. Maging handa na gawin kahit ang mga bagay na eeeew!





MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong huwag maging mataas ang tingin sa sarili. Magpakababa sana ako dahil ito ang daan para makapagsilbi ako ng tunay sa mga taong nangangailangan ng aking malasakit.

No comments:

Post a Comment