Tuesday, April 5, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-02-11)

LUKAS 18: 9-14

Ang Talinhaga ng Pariseo at ng Maniningil ng Buwis

9 Sinabi rin niya ang talinhagang ito sa mga taong mababa ang tingin sa iba at nag-aakalang sila'y matuwid. 10 "May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito tungkol sa kanyang sarili: 'O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.' 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, 'O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!' 14 Sinasabi ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang una ay hindi. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakumbaba ay itataas."



MAGNILAY:

Isang indikasyon na malayo ka pa sa tunay na kabanalan ay kapag naramdaman mong mas banal ka sa iba!

Dalawang uri ng panalangin ang inilarawan ni Hesus sa talinhaga ng Ebanghelyo ngayon. Ang isa ay panalangin ng pagyayabang at pag-aangat ng sarili. Ito ang dasal ng Pariseo na sobrang napabilib ng sarili niyang mga nagawa. Wala namang masama na kilalanin ang mga nagagawa mong mabuti. Kaya lang pag umabot na ito sa punto na akala mo kumpleto ka na at hindi mo na kailangan ang Diyos, simula ito ng iyong lagapak. Hindi puwedeng pagtiwalaan ang tagumpay na natatamo natin sa lupa. Tanging sa Diyos tayo nagtitiwala. Ang mga ibinigay sa atin puwedeng kunin uli sa oras na hindi natin inaasahan. Ang mga natamo nating tagumpay ay puwedeng bawiin ng wala tayong kalaban-laban. Huwag nating akalaing ang galing-galing natin at pati ang Diyos gusto nating papaniwalain at kumbinsihin at pabilibin.

Ang ikalawa ay panalangin ng pagpapakumbaba at pagtanggap na kailanman hindi tayo maaaring maging kompleto kung wala ang Panginoon. Ang dasal na ito ng publikano ay panalangin ng pagtitiwala lalo na sa oras ng kabiguan at pagkadapa. Hindi man makatingin sa Panginoon dahil sa matinding kahihiyan ay nagtitiwala naman na mapagpatawad ang Diyos at nagbibigay ng panibagong pagkakataon. Ang panalanging ito ay bukas sa tuluy-tuloy na paglago sa sarili. Hindi ito nagkukunwari na kaya na niyang mag-isa. Hindi ito mapagmataas at mapanghusga ng kapwa dahil alam niya at nauunawaan niya na siya man ay marami pa ring kakulangan. Ang dasal na ito ay pagpapahayag na kailangan niya ang Diyos una sa lahat.

Dininig ng Diyos ang dasal ng publikano dahil hiniling niya ang pagpapatawad ng Diyos. Hindi dininig ang dasal ng Pariseo dahil sa una pa man hindi niya ito hiniling dahil sa kayabangan.

MANALANGIN:

Panginoon, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!

No comments:

Post a Comment