Monday, April 25, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-25-11)

MATEO 28: 8-15

8 At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.

9 Ngunit sinalubong sila ni Jesus at sinabi, "Magalak kayo!" Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Huwag kayong matakot! Magmadali kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon!"

Ang Ulat ng mga Bantay

11 Pagkaalis ng mga babae, pumunta sa lunsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at isinalaysay sa mga punong pari ang buong pangyayari. 12 Nakipagpulong naman ang mga punong pari sa mga pinuno ng bayan at nagkasundo silang suhulan nang malaki ang mga kawal. 13 At ang mga ito ay inutusan nilang ganito ang ipamalita, "Habang natutulog kami kagabi, dumating ang mga alagad ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay."

14 Sinabi pa nila, "Huwag kayong mag-alala kung makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala!"

15 Tinanggap ng mga bantay ang suhol, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Kaya magpahanggang ngayon ito pa rin ang balitang ipinagsasabi sa mga Judio.





MAGNILAY:

Magkahalong galak at takot ang karaniwang nararamdaman natin kapag naranasan natin ang presensya ng Diyos sa buhay natin.





Una ay galak. Hindi masusukat at hindi mapapantayan ang galak na mula sa karanasan ng presensya ng Diyos. Walang makapagbibigay ng tuwa na nagmumula sa pag-ibig ng Diyos sa atin. Isa itong pakiramdam na hindi maipaliwanag ng buo sa salita. Ang presensya niya ay ang kalubusan ng lahat ng ating hinahanap sa buhay. Siya ang kabuuan ng lahat. Kinukumpleto niya ang lahat ng ating hinahangad. Ganitong-ganito ang pakiramdam laolo na ng mga nakasaksi sa Panginoong muling nabuhay. Ang puso nila'y puno ng galak at tuwa.



Gayunpaman, may takot din. Sa kabila ng tuwa ay takot. Ang takot dito ay hindi yung takot ng pag-aalangan o pagdududa. Ang takot dito ay hindi yung takot dahil nasa mali kang landas. Ang takot na bunga ng karanasan ng Diyos ay kumakatawan sa responsibilidad na iniaatang sa atin kapag nakatagpo natin siya. Ang regalo ng kanyang presensya ay nagdadala sa atin upang ibahagi rin ito sa iba. Ang regalo ng kanyang pagmamahal ay hindi lang para sa atin. Bawa't kaloob ng Diyos ay binabahagi. May bago tayong misyon. May bago tayong tungkulin. Kung paanong binago tayo ng Diyos, papanibaguhin din natin ang mundo sa tulopng ng kanyang biyaya. Magiging instrumento tayo ng pagbabago. At alam natin ang hamon na maging alagad ng kabutihan. Malaking hamon ang hinaharap natin. Una, hamon ng pagbabago ng ating sarili at mga kinagawian. Ikalawa, ang hamong baguhin ang mga nasa paligid natin. Gayunpaman, ang takot na ito ay nagpapahiwatig lamang ng kaseryosohan ng pagkatagpo sa Diyos. Ang minahal ng Diyos ay kanyang tinatawag. At ang tinatawag ng Diyos ay isinisugo.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, punuin mo ang aking puso ng iyong mahal na presensya. Ito nawa ay maging hudyat upang baguhin ko ang landas ng aking buhay. Sa aking pagbabago, idamay ko rin ang pagpapanibago ng aking kapaligiran. Gawin mo akong sugo ng pagkabuhay. Maging daan nawa ako upang ang mga patay ang kaluluwa dahil sa kasalanan ay mabuhay muli dahil sa grasya ng iyong pagpapatawad at pagpapanibago.

No comments:

Post a Comment