Sunday, May 1, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-29-11)

JUAN 21: 1-14

Ang Ikatlong Pagpapakita ni Jesus

1 Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: 2 magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael na taga-Cana sa Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. 3 Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, Mangingisda ako.

Sasama kami, sabi nila.

Umalis nga sila at sumakay sa isang bangka. Magdamag silang nangisda, subalit wala silang nahuli. 4 Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa pampang ngunit siya'y hindi nila nakilala. 5 Sinabi niya, Mga anak, mayroon ba kayong huli?

Wala po, sagot nila.

6 Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo, sabi ni Jesus.

Inihulog nga nila ang lambat at nang hilahin nila ito ay hindi nila makaya sa dami ng huli. 7 Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, Ang Panginoon iyon!

Nang marinig ito ni Simon Pedro, nagsuot siya ng damit dahil nakahubad siya noon at saka lumusong sa tubig. 8 Dumaong sa pampang ang kasama niyang mga alagad, sakay ng bangka na hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong malayo sa pampang, mga siyamnapung metro lamang. 9 Pagkaahon nila sa pampang, nakakita sila roon ng isdang iniihaw sa baga, at ilang tinapay. 10 Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo, sabi ni Jesus. 11 Kaya't sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda; 153 ang lahat ng nahuli nila. Hindi nasira ang lambat, kahit ganoon karami ang mga isda. 12 Halikayo at mag-almusal tayo, sabi ni Jesus. Isa man sa mga alagad ay hindi nangahas magtanong sa kanya kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang kanyang ginawa sa isda.

14 Ito ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay.





MAGNILAY:

Bakit nga ba 153 na isda? Ang numerong ito talaga ay may kinalaman sa ancient zoolgy. Noong unang panahon may 153 pa lamang na uri ng isda ang nakikilala. Ang paggamit nito sa Ebanghelyo ay simboliko. Kumakatawan ito sa lahat ng bansa na kailangang pagpahayagan ng Mabuting Balita at nawa maisama sa Kaharian ng Diyos. Maaalala nating ang mga apostoles ni Hesus ay mga mangingisda pero tinawag sila hindi na para mangisda sa laot kundi mga tao na ang kanilang huhulihin para sa Panginoon. Ang lambat ay kumakatawan naman sa Simbahan at Kaharian ng Diyos. Kahit gaanong karami ay hindi ito nasisira o napupunit. Ibig sabihin, ang Kaharian ng Diyos ay kayang tanggapin lahat. Ang lahat ay may lugar sa kahariang ito. May pangangailangan na ipahayag lamang sa lahat ang Mabuting Balita.





Kaya ang Pagkabuhay ng Panginoon ay may hamong dala sa bawa't isa. May misyon itong iniiwan. Hindi lang sapat na biyayaan tayong mapagpahayagan ng mabuting balitang ito. Dapat din natin itong ipamalita sa iba at sa lahat. Magiging makulay ang pagdiriwang ng Pagkabuhay kapag mabubuhay nito ang dedikasyon natuing magpatotoo sa mensahe ng Diyos at abutin ang kahit sino. Mangingisda rin tayo ng lahat ng tao tulad ng mga apotoles.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, huwag sana akong mapakali hangga't hindi ko nasasabi, naisisigaw, naipamamalita, at naipapahayag sa lahat na ikaw ay buhay. Ang salita ko, at kilos at pamumuhay ang maging patunay nawa ng Mabuting Balitang ito.

No comments:

Post a Comment