Friday, April 29, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-27-11)

LUKAS 24: 13-35

Sa Daang Papunta sa Emaus

13 Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. 15 Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, 16 ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. 17 Tinanong sila ni Jesus, "Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?"

Tumigil silang nalulumbay, at 18 sinabi ni Cleopas, "Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon."

19 "Anong pangyayari?" tanong niya.

Sumagot sila, "Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. 20 Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. 21 Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. 22 Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan 23 at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buhay. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus."

25 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Hindi ba kayo makaunawa? Bakit hindi kayo makapaniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta? 26 Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago niya makamtan ang kanyang marangal na katayuan?" 27 At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.

28 Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, 29 ngunit siya'y pinigil nila. "Tumuloy ka muna rito sa amin. Malapit na ang gabi, dumidilim na," sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. 30 Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. 31 Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. 32 Nasabi nila sa isa't isa, "Kaya pala nag-uumapaw ang ating pakiramdam habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag ang mga Kasulatan!"

33 Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. 34 Sinabi ng mga ito sa dalawa, "Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!" 35 At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.





MAGNILAY:

Nakilala ng mga alagad si Hesus sa paghahati-hatoi ng tinapay. Doon marahil mas naunawaan nila ang kahulugan ng Huling Hapunan bilang salu-salo na sasagisag sa kanyang patuloy na presensya sa Sambayanan kahit wala na siya. Noong iniutos niya na gawin ang Hapunang iyon bilang pag-alaala sa kanya, iyon ang magiging pinakamatibay na paraan ng kanyang patuloy na pakikisama sa komunidad.





Ang Eukarisrtiya ay sakramento ng Pagkabuhay ng Panginoon. Dito nakakapiling at natatanggap natin ang Panginoong muling nabuhay. Ito ang tandang kanyang iniwan para ipadama niya sa atin na siya'y kasama natin at siya'y buhay. Kaya't tuwing may nagkakatipon sa Hapag ng Panginoon, nakakasiguro tayong naroon siya sa gitna nila. Magbigay-pugay tayo.





Pero ang Eukaristiya ay hindi seremonyas lamang ng Misa. Ang Eukaristya ay nagpapatuloy pag-uwi natin. Doon itinutuloy natin ang Misa sa araw-araw nating ginagawa. Mas lalong nadarama natin ang Panginoon buhay sa pagmamahalan natin. Ang isang komunidad na nagmamalasakit sa isa-t-isa ay tunay na maka-Eukaristiya. Hindi sukatan ang laging nagsisimba lang. Dapat ang pagsisimba ay nasasalin sa gawaing pagmamalasakit at pagmamahalan. Doon tayo nagiging tunay na eukaristiko at nagiging banal na tanda na ang Panginoon ay kapiling natin. Nasa iyo at nasa akin at nasa atin ang Panginoong buhay kapag nagmamahalan tayo.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, patuloy ka nawang maramdaman ng lahat sa pamamagitan ng iyong mga tagasunod na nagbibigay saksi sa pagmamahalan at pagmamalasakitan. Ang iyong Simbahan nawa ay maging buhay na sakramento ng iyong mapagmahal at mapangligtas na presensya.

No comments:

Post a Comment