Thursday, January 13, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-14-11)

MARCOS 2: 1-12

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko

1 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balitang siya'y nasa bahay. 2 Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan. Habang nangangaral si Jesus, 3 may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. 4 Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinaba ang paralitikong nakaratay sa higaan. 5 Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, "Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo."

6 May nakaupo roong ilang tagapagturo ng Kautusan na nag-isip nang ganito: 7 "Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?"

8 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, "Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, 'Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,' o ang sabihing, 'Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka'? 10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa..." sinabi niya sa paralitiko, 11 "Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!"

12 Tumayo nga ang paralitiko. Kaagad nitong binuhat ang kanyang higaan at umalis habang ang lahat naman ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, "Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!"



MAGNILAY:

Ang pagtatamo ng kaligtasan ay hindi ekslusibong personal na pakay lamang. Ito ay laging sama-samang kolaborasyon ng lahat. Ito ay bunga ng pagtutulungan ng lahat sa Simbahan – ang Katawan ni Kristo.



Mas nauuso ngayon ang istilo ng buhay na kanya-kanya. Maraming tinatayong mga residential buildings ngayon na ganito ang set up. Kanya-kanya. Hindi mo kilala ang kapit-bahay mo. Hindi alam ang nangyayari sa isa’t-isa. Ganito rin minsan sa mga malalaking subdibisyon. Ang tataas ng pader. Walang pakialaman. Ang ganitong ugali ay nadadala rin natin sa Simbahan. Kapag nagmimisa, hindi mo man lang malingon ang katabi. Sa pagbubuo ng kapitbahayan para sa Simbahan, madalas ay pahirapan. Mukhang mas komportable ang huwag makialam!



Sa ating Ebanghelyo, ang paralitiko ay naligtas dahil sa tulong ng mga kaibigan. Larawan ito ng kung ano tayo dapat maging bilang magkakapatid sa Panginoon. Nagtutulungan. Umaalalay sa isa’t-isa. Nagdadamayan. Ang pagkakanya-kanya, ang pagsasarili at ang pag-sosolo ang pinaka hindi makakristiyanong paraan ng pamumuhay. Ang kaligtasan ay sama-sama nating pagtrabahuan at tamuhin. Ganito tayo dinisensyo ng Diyos.



MANALANGIN:

Panginoon, ipaunawa mo sa amin ang kahulugan ng pagiging iyong Katawan. Iba-iba man kami pero dapat ay nagkakaisa at nagtutulungan. Turuan mo kaming iwaksi ang ugaling pagkakanya-kanya.

No comments:

Post a Comment