Wednesday, January 12, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-12-11)

M

ARCOS 1: 29-39

Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao

29 Mula sa sinagoga, si Jesus, kasama sina Santiago at Juan, ay nagtuloy agad sa bahay nina Simon at Andres. 30 Noon ay nakahigang nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. 31 Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.

32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. 33 Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.

Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea

35 Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar kung saan maaari siyang manalanging mag-isa. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at 37 nang matagpuan siya ay sinabi nila, "Hinahanap po kayo ng mga tao."

38 Ngunit sinabi niya sa kanila, "Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko."

39 Nilibot nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.



MAGNILAY:

Ang kabayaran sa progreso ng makabagong buhay ay ang pagkitil sa kakayanan nating magnilay.



Mabilis ang buhay ngayon. Lahat naghahabol. Lahat nagmamadali. Lahat takot maiwan. Ang daming dapat asikasuhin. Dumami ng dumami na ang naiimbentong pangangailangan. Lahat nakikipagkompitensya sa pansin natin. Nangungulit. Nang-eengganyo. Nagbabanta. Nananakot. Kulang na ang oras sa isang araw. Dapat magbawas ng schedule. Sa kasamaaang-palad ang unang binabawas sa schedule natin ay ang oras para magnilay.



Ang isang katangian ng makabagong buhay ay pagkaabala. Pag hindi ka abala, wala kang kuwenta. Pag hindi ka abala, wala kang kikitain. Maging ang oras ng pamamahinga natin ay puno ng gawain. Ang daming opsyon ng paglilibang ngayon. Sine, TV, malls, games, at sangkaterba pang iba. Kasalanan ang ma-bore ngayon. Kaya naman kung mayroong isang gawain ang hindi na nakasanayan at hindi na attractive sa marami ay ang magnilay! Sayang lang ang oras. Sayang na wala kang gagawin kundi manahimik sa isang sulok.



Si Hesus sa gitna ng marami niyang gawain ay nakuhang tumigil, lumayo, magnilay at manalangin. Kahit ga-bundok ang dapat niyang asikasuhin hindi nawawala sa kanya ang oras ng pag-iisa. Dito niya natutuhog ang lahat ng nangyayari sa kanya at makita ang mga iyon ng isang kabuoan. Sa pagninilay niya natatagpuan ang misteryo ng presensiya ng kanyang Ama na pinagmulan ng kanyang misyon. Dito niya nalalasap ang kahulugan ng kanyang mga ginagawa.



Ang unang problema ng makabagong tao ay ang kawalan ng kahulugan sa buhay. Oo, abala siya. Maraming ginagawa araw-araw pero walang kahulugan. Mababaw ang tingin sa buhay. Para siyang latang walang laman. Maingay lang pero walang laman. Kalungkutan na bunga ng kawalan ng kahulugan ng buhay ang mortal nating kaaway. Ito ay dahil sa nawalan na tayo ng kakayanang magnilay at lumalim. Habang hindi natin pinag-uukulan ng panahon ang pagninilay lalong nawawala ang kakayanan nating gawin ito. Kapag hindi na tayo marunong magnilay, napuputol ang tulay na nag-uugnay sa atin sa Diyos. At kapag nawalay tayo sa Diyos, masahol pa sa tigang na lupa ang kauuwian natin. Walang makakalunas sa uhaw na mararamdaman maliban sa muli nagting matutunan ang magnilay. Walang makabagong teknolohiya ang puwedeng pumatid sa uhaw natin sa kahulugan ng buhay. Tanging ang relasyon sa Diyos ang magkakaloob nito sa atin.



May oras ka pa ba sa mga bagay na malalim o hanggang sa mababaw ka na lang?



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo ang aking puso na umabot sa iyo sa pagninilay at pananalangin. Huwag mong hayaang mauhaw ito haggang ito'y tuluyang malayo sa iyo. Lagi mo akong akitin na makipagniig sa iyo sa pag-iisa, pagninilay at pananalangin.

No comments:

Post a Comment