Monday, January 3, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-04-11)

MARCOS 6: 34-44

34 Pagbaba ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, "Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain."

37 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, "Bigyan ninyo sila ng makakain."

Sumagot ang mga alagad, "Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?"

38 "Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo," utos niya.

Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, "Lima po, at dalawang isda."

39 Iniutos ni Jesus sa mga alagad na pangkat-pangkat na paupuin ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Ang lahat ay nakakain at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. 44 May limanlibong lalaki ang kumain ng tinapay.



MAGNILAY:

Mahirap maipapahayag ang salita ng Diyos sa mga tiyang walang laman.



Sa unang dinig, para bang sobra naman. Para namang mas mahalaga pa ang makalupang benepisyo kaysa benepisyo ng kaluluwa. Pero hindi siguro yun ang kahulugan ng mga salitang iyon. Ang kahulugan nito ay hindi tayo makapagpapahayag ng mga bagay na makalangit ng hindi natin ito inuugnay sa mga bagay na makalupa. Hindi natin puwedeng pag-usapan ang mga salita ng Diyos sa ibabaw ng ulap. Dapat natin itong ipahayag na nakatungtong sa lupa. Hindi natin puwedeng hindi pansinin ang mga konkjretong isyu sa buhay natin ngayon tulad ng isyu ng kagutuman. Hindi biro ang isyung ito. Ito ang pangunahing alalahanin ng marami nating mga kapatid. Ang tunay na pagpapahayag ng salita ng Diyos ay paghipo sa tunay na kalagayan ng mga pinagpapahayagan natin. At ang tunay na mangangaral ay nakakadama at nakikiisa sa dusa at hirap ng mga tao. Layunin ng pagpapahayag ng salita ng Diyos na ipadama sa lahat na ang Diyos ay nakikiramay at nagdudurusa rin sa pagdurusa ng marami. At tayo ang instrumento ng Diyos para mangyari iyon.



Kung plano nating magpahayag ng salita ng Diyos pero wala tayong intensyong magbahagi ng kung ano meron tayo sa mga gutom at nangangailangan, limutin na natin ang planong ito. Hindi naman sinasabi ng Diyos na siguraduhin natin resolbahin ang lahat ng problema sa mundong ito. Alam natin na nangangailangan din tayo. Gipit din tayo. Hirap din tayo. Pero hindi iyon hadlang para hindi ka magbahagi. Pinakaepektibong pagpapatotoo sa salita ng Diyos ang kongkretong pagtulong sa kanilang mga lehitimong pangangailangan.



Ikaw, gaano ba ang naiiaambag mo mula sa iyong mga pagpapala para pagaanin ang pagdurusa ng iyong kapwa? Ano ang iyong ginagawa para maibsan ang kanilang dalahin sa buhay? Puro ka lang ba salita ng salita tungkol sa Diyos pero wala namang kawanggawa na patunay ng iyong pinapahayag na pag-ibig?



Nagpakain si Hesus kahit konti lang ang meron sila. Eh, ikaw?



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong damhin ang hinaing ng iba bago ko sila pagpahayagan ng iyong salita. Ang gutom nila ay maging gutom ko; ang uhaw nila ay maging uhaw ko. Gawin mo akong iyong kinatawan sa gitna nila upang ipadama na may Diyos na nakikiramay sa kanilang kagutuman sa katawan at kaluluwa.

No comments:

Post a Comment