Sunday, January 30, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-30-11)

MATEO 5: 1-12

Ang Sermon sa Bundok

1 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad 2 at sila'y tinuruan niya.

Ang mga Mapapalad

3 "Mapalad ang mga dukha sa espiritu,

sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.

4 "Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.

5 "Mapalad ang mga mapagpakumbaba,

sapagkat mamanahin nila ang daigdig.

6 "Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,

sapagkat sila'y bubusugin.

7 "Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.

8 "Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.

9 "Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,

sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.

10 "Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.

11 "Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan nang dahil sa akin.

12 Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo."



MAGNILAY:

Mapalad ang mga dukha...



Parang nakakaloko ang pahayag na ito dahil kahit pagbali-baliktarin ang mundo hindi maituturing na mapalad ang maging dukha. Walang nangangarap na maging dukha. Lahat gustong umahon sa karukhaan. Paano mong masasabing mapalad ang nagugutom, ang walang tahanan, ang di makakita ng trabaho, ang hindi makapag-aral, ang walang pampaospital, at marami pang malungkot na kalagayan ng isang dukha? Hindi mapalad ang dukha. Kaawa-awa siya!



Maging ang Diyos ay hindi masaya sa kalagayan ng mga dukha. Hindi gusto niya gusto ang maghikahos ang marami at mamuhay sila ng mas mababa kaysa sa nararapat. Alam ng Diyos na ang karukhaan ay anyo ng kasalanan ng lipunan. Kasalanan ang may naaapi, ang may pinagkakaitan, ang may nang-aabuso at inaabuso, ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ng oportunidad, ang may mas lalong yumayaman at may mas lalong naghihirap. Hindi kalooban ng Diyos na may nagdurusa dahil sa kawalan ng hustisya, kapabayaan, paglalamangan at iba pang katiwaliang ugat ng kahirapan. Dapat sugpuin ang kahirapan. Isa itong Kristiyanong obligasyon. Hindi maipapahayag ang Mabuting Balita na hindi hinaharap ang usapin tungkol sa katarungan.



Gayunpaman, maliwanag ang pahayag ni Hesus: Mapalad ang mga dukha. May nakikitang kariktan ang Panginoon sa mga dukha. Tutol man siya sa kalagayan nila bilang api nguni't hindi niya puwedeng hindi purihin ang maganda at banal tungkol sa kanila. Ito ay ang kanilang lubos na pagtitiwala sa kalinga ng Maykapal. Tanging Diyos ang kanilang pinakainaasahan at dahil dito tunay silang mapalad sapagka't kakampi nila ang Diyos na nakikinig sa daing ng mga dukha.



Sa kabila ng kanilang abang kalagayan matatagpuan sa kanila ang kapayakan ng pananalig sa Diyos, malasakit sa pamilya at komunidad sa kabila ng kasalatan, at pagiging totoo at tapat sa pakikipagkapwa-tao kahit maliit lang ang naabot sa pag-aaral. Kaibang-kaiba sa ibang mga nakatanggap ng biyaya sa buhay. Konting perang biyaya ay nagbabago agad ang ugali. Akala mo kung sino na kung manlait ng kapwa. Konting naabot na posisyon ay naghahari-harian kaagad at kapit-tuko sa puwesto. Konting tagumpay sa buhay ay nakalimot na sa Diyos na laging umaasa na magtitiwala pa rin tayo sa kanya kahit umaangat tayo sa buhay. Konting biyaya ay inabandona na ang Diyos at ginawang diyus-diyosan ang kanilang biyaya. Minsan, kung kailan naging mayaman ay mas lalo namang naging kuripot kung di man sakim sa pera. Pati kaibigan ay iniiwan na akala mo laging manghihingi sa kanya. O kaya, kung kailan naluklok sa puwesto at saka nalaho ang ambisyong makapaglingkod ng mas higit. Ginamit ang puwesto para pagsilbihan ang sarili at maghari-harian. Galit ang Diyos sa ganitong uri ng mga tao. Nasusuklam siya sa nag-aastang mayaman. Dahil kahit ano pa ang marating natin sa buhay, dukha tayo sa mata ng Diyos at sa kanya lang tayo dapat umasa dahil sa kanya galing ang lahat. Ang kayamanan, ang kapangyarihan at ang karangalan ng mundong ito ay lilipas. Mawawala ang mga ito sa isang iglap. Hindi sa mga ito natin dapat isuko ang ating kaluluwa.



Mapalad ang mga dukha... Ibig sabihin, mapalad ang nanatiling dukha sa puso't kalooban kahit sa gitna ng tagumpay dahil ang Diyos lang ang talagang tunay na maaasahan. Siya lang ang magtuturo sa atin ng mabuti. Kapag inalis natin ang Diyos sa buhay natin, ang mga biyayang tinanggap natin ang magiging daan ng ating kapahamakan. Kung mapalad ang mga dukha sa espiritu ... MALAS ANG MAG-ASTANG MAYAMAN SA PUSO'T ISIPAN!



MANALANGIN:

Panginoon, laging mong ipakita sa amin ang aming karukhaan upang sa iyo lamang kami tunay na umasa.

No comments:

Post a Comment