Wednesday, August 4, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (08-04-10)

MATEO15: 21-28
Ang Pananalig ng Isang Cananea

21 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. 22 Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, "Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito."

23 Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, "Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin." 24 Sumagot si Jesus, "Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo." 25 Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, "Tulungan po ninyo ako, Panginoon."

26 Sumagot si Jesus, "Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso."

27 "Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon," tugon ng babae. 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, "Napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo." At noon di'y gumaling ang kanyang anak.

MAGNILAY:
Ang kabuuan ng kuwento ng Ebanghelyo ay tila tumatalakay sa isyu ng "racismo" o diskriminasyon dahil sa kinabibilangang lahi. Ang tagpong ito ay naglalarawan ng relasyon ng mga Hudyo sa mga hindi Hudyo. Hentil o pagano ang bansag ng mga Hudyo sa mga hindi kabilang sa kanilang lahi. Isang pagtuya ito dahil pinapahiwatig nila na sila ang mas pinagpala at may karapatan sa Diyos dahil sila ang piniling bayan. Ito ang takbo ng isip ng isang Hudyo.

Sa Ebanghelyo, malinaw itong inilarawan sa paghingi ng tulong ng isang babaeng Cananea. Sa Lumang Tipan, ang mga Cananeo ang mahigpit na kalaban ng mga Israelita. Sila ang mga paganong katunggali nila noon pa man sa Lupang Pangako. Kaya ganoon na lamang ang muhi nila sa kanila. Ganoon na lang ang bigat ng loob nila sa kanila. Sa Ebanghelyo, pinagtapat ang Hudyo at ang Cananeo, ang una sa katauhan ni Hesus at ang huli sa katauhan ng babae. Bukod dito, ang isa pang balakid sa pagtatagpong ito ay ang pagiging babae ng Cananeang ito. Mababa ang tingin sa mga babae at hindi dapat sila nakikipag-usap sa mga lalake lalo't sa publiko. Kaya nga, ang mabibigat na sangkap para hindi pansinin ni Hesus ang babae ay naroon sa tagpong iyon. Ang pagkumpara sa babae bilang aso ay siya na yatang pinakamatinding pagdidiin sa distansiya na dapat magkaroon sa pagitan ni Hesus at ng Cananea.

Gayunpaman, nagpamalas ng matinding pananampalataya at pagpapakumbaba ang Cananea. At ito ang nagwasak sa mga pader ng paghihiwalay na itinayo mula pa noong una at patuloy na naglalayo sa mga Hudyo at hindi Hudyo. Tinunaw ng pananampalatayang ito ang mga pusong tumigas na na parang bato dahil sa masalimuot na kuwento ng kanilang kasaysayan.

Pinahiwatig ni Hesus na siya at ang alay niyang kaligtasan ay para sa lahat ng may pananampalataya Hudyo man o hindi. Pinakita ni Hesus na siya ang Tagapagligtas ng lahat ng tao. Walang sinisino ang kanyang pag-ibig at pagmamalasakit. Sa kanya, walang hindi kasali. Sa kanya, magkakasama lahat anumang lahi o estado sa buhay o kasarian o pinag-aralan. Magkakapatid ang lahat sa pananampalataya.

Madaling sabihin pero ang diskriminasyon maging sa mga Kristiyano na ay buhay na buhay pa rin sa maraming paraan. Lantaran ang pagkakahiwalay ng mga may kayang magbigay at mga walang kayang magbigay, ng mga magaling magsalita at ng mga nahihiyang magsalita, ng mga may asal opisina at mga may asal kanto, ng mga amoy pabango at mga amoy pawis, ng mga nag-iingles at mga nag-tatagalog lang, at marami pang iba. Minsan, ang hirap nilang pagsamahin upang magkakilanlan, magrespetuhan at magtulungan sa iisang Kristiyanong komunidad. Meron gustong sila ang nasa itaas at ang iba'y nasa ibaba, sila ang nauuna at ang iba'y nahuhuli.

Minsan din, kung sino pa ang kabilang na sa komunidad ng Panginoon ay nagiging mapagmataas at ganoon na lamang kung manglait ng mga tinuturing na makasalanan ng lipunan. Minsan ang hadlang para makapsok ang mga makasalanan sa Kaharian ng Diyos ay mismong mga nagsasabing tagasunod sila ng Panginoon. Huwag nawang makalimutan na misyon ng bawa't Kristiyano ang akitin ang lahat para sa Panginoon. Nakahiwalay man ang iba pero sila ay mga kapatid na dapat nating gawan ng paraan para mapalapit sa Diyos at hindi husgahan, laitin at apihin. Pagpapakumbaba sa kabila ng biyaya ng Diyos ang palatandaan ng tunay na tagasunod niya.

Sa Diyos, lahat ay magkakapatid hangga't nananampalataya sa pag-ibig ng Panginoon. Ito ang dapat mamayani sa isang tunay na Kristiyanong komunidad.

MANALNGIN:
Panginoong Hesus, buwagin mo ang mga pader na naghihiwalay sa amin upang maging isang pamilya at isang komunidad na sumusunod at naglilingkod sa iyo.

No comments:

Post a Comment