Saturday, August 7, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (08-07-10)

MATEO 17: 14-20
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Demonyo
14 Nang sila'y makabalik, napakaraming tao ang kanilang nadatnan. Lumapit kay Jesus ang isang lalaki at lumuhod ito sa harap niya, at nagsabi, 15 "Ginoo, maawa po kayo sa anak ko! Siya po'y may epilepsya at lubhang nahihirapan kapag sinusumpong. Madalas po siyang mabuwal sa apoy o kaya'y mahulog sa tubig. 16 Dinala ko po siya sa inyong mga alagad ngunit siya'y hindi nila mapagaling."

17 Sumagot si Jesus, "Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!" 18 Inutusan ni Jesus ang demonyo na lumabas sa bata, at ang bata'y gumaling agad.

19 Pagkatapos, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, nang wala na ang ibang nakakarinig, "Bakit po hindi namin mapalayas ang demonyo?" 20-21 Sumagot siya, "Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, 'Lumipat ka roon!' at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa."

MAGNILAY:
Lahat ay nagsisimula sa simpleng paniniwala. Kung ikaw ay naniniwala, magagawa mong posible ang imposible, malapit ang malayo, naaabot ang di naaabot. Sa simpleng paniniwala umuusbong ang kumpiyansa, ang kakayahan at determinasyon na mga sangkap para makamit ang mga minimithi at pinapangarap. Ang simpleng paniniwala ay pinto rin upang matuklasan ang maraming posibilidad sa buhay na madalas hindi natin namamalayan dahil takot tayong magsaliksik at sumubok. Mas malalim pa pala ang pagkatao naytin sa nalalaman lang natin tungkol sa ating sarili. Mas malawak pa pala ang mundo at buhay kumpara sa makitid nating kaalaman dito.

Sa kabilang banda, ang taong walang paniniwala ay hanggang dito na lamang. Takot at duwag ang maaaring sabihin tungkol sa kanya. Walang matutuklasan, hindi uusad, limitado. Ito ang magiging kapalaran ng isang taong walang paniniwala. Darating ang araw na mauubos pati ang dahilan kung bakit pa siya nabubuhay. Kukupas ang kulay ng buhay. Lulubog ang araw ng kanyang buhay. Manlalamig ang dating may konting init na pinanggagalingan ng kaunting lakas. Ang walang paniniwala ay tatamarin kinalaunan, mababagot sa buhay, maaaburido at mawawalan ng panlasa sa buhay.

Sa huli, ang simpleng paniniwala ay magbubukas sa ating mata sa Diyos na kumikilos sa bawa't sandali ng ating buhay. Sa kanya tayo nakikipagtulungan. Sa kanya tayo nakikipag-ugnayan. Sa kanya tayo lahat uuwi balang araw bilang kaganapan ng ating minamahal na buhay.

MANALANGIN:
Panginoong Hesus, ihasik mo sa aking puso ang binhi ng pananampalataya. Gawin mong ang aking puso ay maging handa upang ang binhing ito ay tumubo at yumabong. Palaguin mo ang aking paniniwala at hayaan mong matuklasan ko ang yaman ng buhay na ito na siya mong pinakamalahagang kaloob sa amin.

No comments:

Post a Comment