Sunday, July 18, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (07-18-10)

LUKAS 10: 38-42
Dumalaw si Jesus kina Marta at Maria
38 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan nina Marta 39 at ng kapatid niyang si Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. 40 Si Marta naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at dumaing, "Panginoon, bale-wala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nagiisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako."

41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, "Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya."

MAGNILAY:
Ang mahalaga kapag may dumadalaw na kaibigan ay yung makapag-usap. Yung pagkain, pag-aayos at pag-aasikaso ay pangalawa lamang. Kahit isang platitong mani lang o biskit at softdrink, okey na. Basta't nagkakumustahan, nagkabahaginan at nakapag-ugnayan ng puso sa puso, hindi na mahalaga ang mga materyal na preparasyon.

Ito rin yung punto ni Hesus kay Marta na naging abala sa ibang bagay pero nakaligtaan ang totoong mahalaga. Habang siya'y gawa ng gawa, nalimutan niyang ang makinig kay Hesus, na siyang piniling gawin ng kapatid nitong si Maria, ay ang lalong mas mahalaga. Hindi naman sinasabi ni Hesus na walang saysay ang pagiging abala ni Marta. Siguradong nagpapasalamat din si Hesus sa asikaso na binibigay niya. Kaya lang, kailangan niyang sabihin ito dahil sa maling pagtingin nito kay Maria na siya naman talagang gumawa ng mas lalong mabuti - ang makinig sa kanya. Yun ang pinakalayunin ng kanyang pagdalaw.

Ang pangyayaring ito kina Hesus, Marta at Maria ay sumasalamin din sa mas malawak nating buhay. Marami tayong mga proyekto sa buhay. Ang dami nating plano. Kulang ang oras para matapos ang lahat. Totoong minsan, abalang-abala tayo. Pero, kahit abala, parang walang kahulugan at saysay. Para sa ano nga ba ang lahat? Bakit kahit naaabot mo ang mga pangarap mo pero hindi ka pa rin masaya? Wala kasing saysay kung hindi rin lang sa Diyos nag-ugat at sa Diyos nakadireksyon. Ang relasyon natin sa kanya ang nagbibigay saysay sa lahat.

Ang panalangin ay dapat maging ugat din ng lahat ng gawain natin. Dito bumubukal ang presensya ng Diyos. May saysay lang ang mga gawain pag alam nating nandoon din ang Diyos. Ang gawa ay nagiging panalangin kapag napapamayanihan ng kanyang presensya. Ang sarap gumawa kapag alam mong naroon ang kanyang presensya. Nagdadasal ka na rin kahit sa gitna ng isang malaking proyekto.

Mahalaga din naman ang gawa. Hindi naman sinabi ni Hesus na huwag na tayong gumawa. Sa totoo nga, ang kabaligtaran ay kung dasal tayo ng dasal wala namang ginagawa. Yun yung kabilang dulo. Ginagawang dahilan ang dasal para hindi makagawa. Kasalanang malaki ang walang ginagawa. Ang katamaran at pagiging batugan ang ilan sa kakambal nitong kasalanan.

Ang isang buong Kristiyanong pamumuhay ay paggawa na ang ugat ay ang mapagmahal na ugnayan sa Diyos!

MANALANGIN:
Panginoong Hesus, sa lahat ng aking ginagawa ikaw nawa ang mamayani. At ang buhay panalangin ko nawa ay masalin sa mabubuyting gawang labis mong kinalulugdan.

No comments:

Post a Comment