Tuesday, July 6, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco

MATEO10: 1-7
1 Tinipon ni Jesus ang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. 2 Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: si Simon na tinatawag ding Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; 3 si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo, 4 si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na nagkanulo kay Jesus.

5 Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, "Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. 7 Humayo kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit.

MAGNILAY:
Ang apostol ay isang tagasunod ni Kristo na matapos mag-aral sa Panginoon ay ngayo'y isinusugo upang maging kinatawan niya sa harap ng mga tao. Sa pagsusugo sa kanya, siya'y binibigyan ng kapangyarihan na gawin ang ginagawa ng Panginoon. Magpapahayag siya. Magiging tagahilom siya. Dadalhin niya ang presensya ng Panginoon sa mga taong pinagkaitan ng pagmamahal at pag-asa sa buhay.

Bawa't tagasunod ni Kristo ay nagiging apostol hindi lang pari, madre, misyonera at relihiyoso. Bawa't isang nagtataglay ng pangalang Kristiyano, nagtataglay ng pangalan ni Kristo, ay apostol saanman siya naroon, anuman ang kanyang gawain, sinuman ang kanyang nakakasalamuha. Ang bawa't tagasunod ni Kristo sa lahat ng sulok ng daigdig, sa lahat ng sektor ng lipunan, ay kinatawan niya. Tinawag niya tayo upang isugo. Hinubog niya tayo upang maging kinatawan niya sa lahat.

MANALANGIN:
Panginoong Hesus, pangalagaan ko nawa ang pangalang Kristiyano na taglay ko dahil, sabi ko, magiging tagasunod mo ako. Lagi ko nawang maisip na habang taglay ko ang pangalang iyan, ako ay kinatawan mo saanman ako naroon. Mahiya nawa ako sa sarili ko kapag kumikilos ako ng taliwas sa pangalang iyan. Makonsensiya nawa ako kapag nadudungisan ko ang pangalang iyan. Ako ay apostol mo, isinugo mo. Nawa'y maghing larawan ako sa iba ng iyong pagmamahal at presensiya.

No comments:

Post a Comment