Monday, July 12, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (07-13-10)

MATEO 11: 20-24
Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi
20 Pagkatapos, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang nakasaksi sa maraming himalang ginawa niya roon sapagkat hindi sila nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya, 21 "Kawawa kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay mas mabigat na parusa ang sasapitin ninyo kaysa sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. 23 At kayong mga taga-Capernaum, maaaring itaas ninyo ang inyong sarili hanggang langit ngunit ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, sana'y nananatili pa ang bayang iyon magpahanggang ngayon. 24 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang daranasin ninyo kaysa sa mga taga-Sodoma."

MAGNILAY:
Minsan, ang mga kamalasan natin ay tayo ang may gawa o tayo ang pumili. Madalas, kapag dumating ang malas, ang Diyos ang sinisisi natin. Pero, sabi nga, hindi nagkukulang ang Diyos ng mga paalala. Kapag inisip nga natin ang Diyos, ang mabuti at tama agad ang sumasagi sa kamalayan natin. Kapag inisip natin ang Diyos, hindi puwedeng hindi tayo hatakin at hamunin na piliin ang mabuti at tama at talikuran ang masama at mali. Ang kaso, umiiwas tayo sa mga malaking pagbabago sa mga pinipili natin. Sanay na tayo sa masama at mali. Kaya, todo iwas tayo sa Diyos para walang istorbo. Hindi na lang natin siya iisipin. Kunwari wala siya. Kunwari hindi siya totoo. Sige na lang tayo sa daloy ng mundo hanggang mauntog at matauhan tayo. Mali pala. Nakinig sana ako. Huli na. Sayang!

MANALANGIN:
Panginoong Hesus, hindi pa huli ang lahat. Makinig na sana ako ... ngayon na!

No comments:

Post a Comment