Saturday, July 10, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (07-10-10)

MATEO10: 24-33
24 "Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. 25 Sapat nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay."

26 "Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 27 Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinubulong sa inyo ay inyong ipagsigawan sa lansangan. 28 Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno. 29 Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. 30 At kayo, maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. 31 Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya."

32 "Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit ang sinumang ikahiya ako sa harap ng mga tao ay ipapahiya ko rin sa harap ng aking Ama na nasa langit."

MAGNILAY:
Kung nakatakda man tayong dumanas ng pagsubok ay dahil ang sinusundan natin ang unang dumanas nito. Ang Panginoong Hesus ang unang ehemplo ng pagiging matatag sa gitna ng hirap. Hindi siya bumitiw kahit kalaban na siya ng mundo. Walang hirap ang nagpasuko sa kanya. Pinatunayan niya ang kanyang katapatan lalo na sa Ama sa pamamagitan ng pagiging handang magdusa. Sobrang laki ang kanyang pagmamahal sa Ama at sa ating lahat kung kaya't nakuha niyang magdusa ng sobra. Kinaya niya ito alang-alang sa pag-ibig. Walang makakahigit sa kanyang ginawa para sa atin.

Kaya naman, matuwa tayo na nakikibahagi tayo sa kanyang sakripisyo. May saysay ang pagdurusang ito. Tanda ito ng pagmamahal. Walang nagmahal at nagmalasakit ang hindi naging handang magdusa para sa minamahal. Si Hesus nga ang ating ehemplo.

Huwag matakot sa dusa. Daan ito ng pagiging perpekto sa pagmamahal. Huwag katakutan ang sakripisyo. Pampatibay ito ng kombiksyon at katapatan. Kapag nalampasan natin ang mga pagsubok, isisilang sa kalooban natin ang isang bagong tayo na naging matatag at tapat.

MANALANGIN:
Panginoong Hesus, walang-wala ang pagdurusa namin kumpara sa mga hirap na dinaanan mo. Maging ehemplo ka namin ng katatagan. Maging inspirasyon ka namin sa gitna ng mga pagsubok. Maging lakas ka namin sa panahong pinanghihinaan kami ng loob.

No comments:

Post a Comment