Friday, July 9, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco(07-09-10)

MATEO10: 16-23
16 "Tingnan ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati. 17-18 Mga alagad ko, mag-ingat kayo sapagkat kayo'y darakpin at isasakdal sa mga Sanedrin, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga, at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Sa pagkakataong iyon, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magpapatotoo sapagkat ito'y kusang ipagkakaloob sa inyo. 20 Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

21 "Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 22 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 23 Kapag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Tandaan ninyo: bago ninyo mapuntahan ang lahat ng bayan ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.

MAGNILAY:
Hindi laging madali ang maging mabait. Minsan nga, baligtad ang nangyayari. Habang mas mabait ka, mas lalo ang hirap. Kapag mabait ka, iniiwasan ka. Itinataboy ka. Kinaiinisan ka. Sinisiraan ka. Pinagduduhan ka. E paano nga, hindi nila magawa ang maling gusto nilang gawin. Nahahadlangan ang maiitim nilang balak. Natatakot sila na may kokontra sa kanila. Mas nababahala sila na pananagutin sila sa masamang ginagawa nila. Mabubulilyaso ang raket nila. Pera na baka maging bato pa!

Pero hindi dapat mabahala ang mabait. Oo may ganitong pagsubok. Pero hindi kailanman maitutumba ang isang mabuting tao. Sa huli, ang mabuti ang siya pa ring wagi. Ang masama hindi puwedeng hindi magbago sa harap ng isang tapat at handang magdusa na mabuting tao. Walang matigas na puso ang hindi napalambot ng isang mabuting tao. Diyos ang kakampi ng isang mabuti. May kapangyarihan mula sa Diyos ang isang nagsisikap na manatiling mabuti. At ito ay nararamdaman ng lahat ng nakakasalamuha sa kanya. Minsan may sakripisyo. Pero walang makakapantay na kaligayahan ang maging daan para magbago ang mga dating nasa ligaw na landas.

No comments:

Post a Comment