Saturday, May 28, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (05-04-11)

JUAN 3: 16-21

16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya.



18 Hindi hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawain ay masasama. 20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.



MAGNILAY:

Paano mo malalamang tunay kang nagmamahal?



Una, kabutihan ng iba ang iyong iniisip. Bago mo hangarin ang sariling kabutihan, isinasaalang-alang mo muna ang sa iba. Hindi mo kailanman inasam ang kapahamakan ng iba kahit dapat lang silang magdusa. Abala ang isip mo kung paano sasagipin at ililigtas ang iba. Hindi mo ikaliligaya ang kaparusahan ng iba.



Ikalawa, nauuna ka sa pagpapakita ng pagmamahal. Hindi mo hinihintay ang iba na mauna. Una kang nagmamahal kahit ano pa ang maging sukli nito. Maganda o hindi ang kapalit, hindi na ito importante. Ang mahalaga sa iyo ay nagmahal ka. Kusa mo itong binibigay karapat-dapat man siya o hindi.



Ikatlo, handa kang magsakrispisyo alang-alang sa minamahal. Kahit buong buhay mo kaya mong ilaan para sa minamahal. Nauunawaan mo na ang pag-ibig ay pagbibigay at pag-aalay ng sarili at walang pagbibigay at pag-aalay na hindi masakit. Hindi ka nagrereklamo kapag nadarama mo ang hapdi ng pagsasakrispisyo dahil nangingibabaw ang ligaya na naialay mo ang sarili sa isang minamahal.



Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.



Lahat ng mga palatandaang ito ng pag-ibig ay masasalamin sa pag-ibig ng Diyos sa atin.



MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, ipakita mo sa akin ang daan ng pag-ibig. Tulungan mo akong magmahal na ang iniisip ay ang kabutihan ng iba, nauuna at hindi naghihintay ng kapalit, at handang magsakrispisyo maging ng sariling buhay.

No comments:

Post a Comment