Saturday, May 28, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (05-29-11)

MAGANDANG BALITA NGAYON - IKAANIM NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY (Mayo 29)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Sunday, May 29, 2011 at 4:59am

JUAN 14: 15-21

Ang Pangako Tungkol sa Espiritu Santo

15 Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo. 16 Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. 17 Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili sa inyo.

18 Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng mundong ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo.

21 Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.





MAGNILAY:

Minsan may isang lalaking nakakita ng anghel na naglalakad sa kalye na may dala-dalang sulo sa isang kamay at timba ng tubig sa kabila. Tinanong niya ito, "Saan mo gagamitin iyang sulo at timba ng tubig na dala-dala mo?" Agad tumigil ang anghel at sumagot, "Ang sulo ay gagamitin ko para sunugin ang mga mansyon sa langit. Ang tubig naman ay gagamitin ko para apulahin ang apoy sa impiyerno. Dito malalaman natin kung sino talaga ang nagmamahal sa Diyos"



Ang punto ng anghel ay maraming tumutupad sa turo ng Panginoon dahil sa takot na maparusahan sa impiyerno o dahil sa gatimpalang tatamuhin sa langit. Malayo ito sa sinasabi ni Hesus: Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo. Pag-ibig, wala ng iba, ang siyang sanang maging motibasyon natin sa pagsunod sa Panginoon.





May tatlong pananaw sa pagtupad sa mga aral at utos ng Panginoon:





Una, puwede natin itong tingnan bilang pagbabawal at dahil dito paglimita ng ating kalayaan. Minsan, ayaw nating gawin pero kailangan. Bakit ko ba siya patatawarin, e, siya ang naunang nanakit? Bakit ba hindi puwedeng makipagrelasyon sa iba kahit nmay asawa na? Bakit hindi puwedeng mangupit, e, ginagawa naman ng lahat? Kung puwede lang lusutan ang mga aral na ito, e, lulusutan para magawa kung ano ang gusto.





Ikalawa, puwedeng tingnan ang mga aral ng Panginoon bilang gabay sa paglago sa sarili. Ang pagpapatawad ay nagdudulot ng ibayong kalusugan sa emosyonal na bahagi ng sarili na dumadaloy sa pisikal. Sabi nga, maraming karamdaman ngayon ay sanhi ng maraming kinikimkim na poot at galit. Kapag tumupad tayo sa aral ng Panginoon, nabubuksan ang maraming posibilidad sa atin. May kakayahan pala tayong gumawa ng mabuti, at hindi lang mabuti, kundi mas higit na kabutihan kung magsisimula lang tayo.





Ikatlo, puwede nating tingnan ang mga aral at utos ni Hesus bilang imbitasyon na magmahal. Ang mga aral ng Panginoon ay mga oportunidad para magmahal sa kanya at sa ating kapwa kahit nasaktan tayo. Wala ng hihigit pa na motibasyon sa pag-ibig. At walang talagang makapagdudulot ng kaligayahan sa puso liban sa pagmamahal na natutunan nating ipagkaloob kahit sa mga hindi karapat-dapat dito. Nagiging buo lamang tayo sa sarili kapag natutuo na tayong magmahal ng wagas at hindi makasarili. Sa pag-ibig, nagkakaroon ng katuparan ang lahat nating mithiin.

Ano ba ang motibasyon natin sa pagsunod sa Panginoon? Dahil ito'y bawal? Dahil ito'y makakabuti sa atin? O dahil pagkakataon itong matutuo tayong magmahal?





MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo ang puso kong mag,mahal sa iyo at sa aking kapwa. Ang puso ay nakalaan sa pag-ibig lamang at wala ng iba. Anumang hindi pag-ibig kailanman ay hindi tutugma sa tibok ng puso.

Like · · Share

Write a comment...

No comments:

Post a Comment