Sunday, May 1, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (05-01-11)

JUAN 20: 19-31

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad

19 Kinagabihan ng araw ng Linggo, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakasara ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sumainyo ang kapayapaan! sabi niya. 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Nang makita nila ang Panginoon, tuwang-tuwa ang mga alagad. 21 Sinabi na naman ni Jesus, Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo. 22 Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. 23 Ang patatawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.

Ang Pag-aalinlangan ni Tomas

24 Ngunit si Tomas, na tinatawag na Kambal at kabilang sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. 25 Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon!

Sumagot si Tomas, Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita at nahahawakan ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko naisusuot ang aking daliri sa mga sugat na iyon at sa kanyang tagiliran.

26 Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit nakapasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, Sumainyo ang kapayapaan! 27 At sinabi niya kay Tomas, Tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran at huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.

28 Sumagot si Tomas, Panginoon ko at Diyos ko!

29 Sinabi sa kanya ni Jesus, Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.

Ang Layunin ng Aklat na Ito

30 Marami pang himala ang ginawa ni Jesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi nakasulat sa aklat na ito. 31 Ang mga nakatala rito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at upang magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.





MAGNILAY:

Nagdududa ka ba sa puwedeng gawin sa iyo ng Diyos dahil mahal ka niya?





Ang ikalawang Linggo ng asko ng Pagkabuhay ay laging tumatalakay sa paksa tungkol sa pagdududa. Lagi nating pinagninilayan ang pagdududa ni Tomas na ang Panginoon nga ay buhay. Hindi niya mapaniwalaan ang sinasabi ng kanyang mga kasamahan. Gusto niya ay makita pa talaga ang Panginoon at mahipo bago siya maniwala. Pinagbigyan siya ng Panginoon na siya'y makita't mahipo bago maniwala pero sabi nga niya na mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nakakita.





Ang pinatutungkulan ng Ebanghelyong ito ay tayo na naniwala kahit hindi nakakita sa Panginoon. Mapalad tayo na naniwala sa pahayag sa ating ng mga alagad at ng Simbahan na Katawan ng Panginoon. Mapalad tayong naninikwala na siya ay buhay. Matutuklasan natin kung paano nga siya ay buhay sa karanasan natin. Mabubuksan ang ating kamalayan sa kanyang misteryosong presensya sa ating buhay.





Pero madalas ang duda natin sa Panginoon ay hindi yung kung siya nga totoong buhay. Naniniwala tayo doon ng matibay na matibay. Pero minsan ang pagdududa natin ay sa kanyang pagmamahal. Kaya ba niya tayong mahalin tulad ng pag-ibig na ipinapakilala niya sa atin? At kaya rin ba nating magmahal tulad ng pag-ibig niya sa atin?





Una, ang pag-ibig niya sa atin ay buo at lubos. Kung magmahal siya ay todo hindi limitado. Kahit masaktan siya ay binibigay niya ang lahat at buong sarili sa ngalan ng pag-ibig sa atin. Hindi kailangang ipaliwanag ito. Tingnan lang natin ang krus at makikita natin kung ano ang kaya niyan gibigay at ibinigay na nga alamnag-alang sa pagibig sa atin. Minsan kapag nasaktan na tayo, lumiliit ang ating pag-ibig. Nagiging limitado. Simula ngayon ay hindi na ako iibig pa ng todo. konti lang para kung mabigo ay hindi gaanong masakit. Pero hindi. Hindi puwedeng magmahal kung hindi rin lang naman todo. Ang masaktan ang sugal sa pag-ibig. Bahagi ito ng pagmamahal. Kung hindi tayo handang masaktan ng lubos, huwag na lang tayong magmahal. Walang pag-ibig na konti. Ang pag-ibig laging buo at ganap at todo.





Ikalawa, walang kondisyon ang kanyang pagmamahal. Mamahalin kita kapag magagawa mo ang aking kondisyon. Dapat ganito ka, dapat ganyan ka bago kita mahalin. Hindi ganoon ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Minahal niya tayo kahit kulang ang sukli natin sa kanyang pag-ibig. Minahal lang niya tayo kahit sino pa tayo at kahit anoi pa ang nangyari sa atin. At kahit magtaksil tayo sa kanya, hindi-hindi magbabago ang pag-ibig niya sa atin. Martir ang Panginoon. Pero para sa atin, minsan sinasabi natin itong tangang pag-ibig. Kasi praktikal na tayo. Kung ayaw mo, ayaw ko rin. Sa Diyos hindi. Sadyang pag-ibig ang Diyos. Walang oras na hindi siya nagmahal at nag,mahal ng walang kondisyon.





Ikatlo, kusang bigay at walang kapalit ang pag-ibig niya sa atin. Hindi kailangang paghirapan natin para mahalin tayo ng Diyos. Minahal na niya tayo bago pa natin siya nakikilala at seryosohin. Kahit noong makasalanan pa tayo minahal na tayo ng Diyos. Libre itong ibinibigay sa atin. Basta't nagmamahal ang Diyos kahit walang kapalit o gatimpala o sukli. Siya ang gumawa ng unang hakbang para mahalin tayo.





Kaya nga, nakakaduda minsan ang laki ng pag-ibig ng Diyos. Mahal niya ng higit sa pagmamahal natin sa sarili natin. Tayo nga, hindi natin mapatawad minsan ang sarili natin dahil sa mga palpak nating ginagawa. Ito ang hamon sa atin. Mag,ahal din nawa tayo tulad niya. Kahit wala pang ginagawa ang iba sa ating mabuti, simulan na natin silang mahalin. Hindi pa siya humuhing ng tawad pero patawarin na natin siya sa puso natin. Kahit hindi niya masuklian ang pag-ibig ko, mamahalin ko pa roin siya dahil ganito ako minahal ng Diyos.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, tulungan mo ako na kung ako ay magmamahal, magmahal na ako ng tunay at hindi huwad. kung magmamahal ako, mag,mahal ako ng lubos, walang kondisyon at kusang bigay.

No comments:

Post a Comment