Tuesday, March 15, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (03-06-11)

MATEO 7: 21-27

Hindi Ko Kayo Nakikilala

21 "Hindi lahat ng tumatawag sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. 22 Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, 'Panginoon, hindi po ba kami ay nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa iyong pangalan?' 23 Ngunit sasabihin ko sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.'"

Sa Bato o sa Buhanginan?

24 "Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. 25 Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. 26 Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga aral na ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa may buhanginan. 27 Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak."



MAGNILAY:

Marunong ka ba talagang makinig? O kaya mo ba talagang makinig? Hindi lahat ng may naririnig ay talagang nakikinig. Kasabihan na nga natin na pasok sa isang tainga labas sa kabila. Paano nga ba talaga ang makinig?



Ang salitang Ingles na listen (makinig) ay nanggaling pala sa lumang salita na ang ibig sabihin ay maghintay ng may pananabik." Ang pakikinig pala ay maghihintay ka ng may pananabik. Kaya naman kapag ikaw ay nakikinig, nakaalerto ka, ang buo mong pagkatao, at nakatuon ng may matinding pananabik sa kanya na nagsasalita sa iyo. Ang makinig ay iyong may kagustuhang palawakin ang kanyang pananaw at pang-unawa. Ang makinig ay pinapaabot ang naririnig papuntang isip at puso. Ang kanyang kamalayan ay natatakam sa kanyang matutuklasan.



Pero bago ang kakayanang makinig ay dapat munang magkaroon ng kakayanang magnilay. Ang magnilay ay tingnan ng mas malalim ang katotohanan at hindi sa panlabas lamang nitong anyo. Sinusuri niya ang mas malalim na kahulugan ng mga bagay-bagay. Tumatagos ang kanyang paningin. Lumalampas ang kanyang pandinig. Mas lalo niyang gustong makita ang hindi nakikita sa labas at pakinggan ang hindi naririnig. Minsan nakakatakot ang magnilay. Humaharap ka sa talagang totoo at minsan hahamunin nito ang kasalukuyan mong paniniwala, pananaw at pang-unawa na matagal mo nang pinanghahawakan at komportable ka na. Magkakambal ang makinig at magnilay. Ang pakikinig ay pagtuklas sa mas malalim na katotohanan at yakapin ito.



May tatlong hakbang ang pakikinig. Una, ang pagbibigay ng atensyon. Ikalawa, ang pagsunod. Ikatlo, ang pagtugon.



Una, ang pakikinig ay pagbibigay ng atensyon sa sarili at sa iba na tumanggap ng mensahe. Ito ay pakikiramdam ng sarili kung ano ang epekto ng mensahe sa akin. Natuwa ba ako, nagalit, nabulabog, o wala lang? Bakit? Pagkatapos ng sarili, pinakikiramdaman din natin ang iba. Ano ang reaksyon ng iba sa mensaheng ito? Natuwa rin ba sila, o nagalit, o nabulabog, o wala rin? Bakit? Dito natin natutuklasan ang bigat o gaan ng mensahe, ang importansya o kawalan ng importansya nito, ang kahalagahan niya sa kasalukyang sitwasyon hindi lang ng sarili mo kundi ng iba. Kaya sa una pa lang sinabi na natin na mahalaga ang pagninilay sa pakikinig. Hindi lang basta narinig. Kailangang namnamin ang narinig para lalo nating mapakinggan ang narinig.



Ganito makinig sa salita ng Diyos. Binibigyan natin ng ibayong atensyon. Tinututukan natin ang epekto at dating nito sa ating sarili at sa iba. Pinagninilayan natin ng mabuti at sinusuri ang kahalagahan nito. Bakit ba ganito ang nadarama ko? Bakit ganito ang reaksyon ng iba? Kailangan natin ng mahabang atensyon sa salita ng Diyos kung ibig natin itong marinig talaga.



Ikalawa, ang pakikinig ay pagsunod. Ang ibig sabihin ng pagsunod ay pagsama sa o samahan pa ang pinanggalingan ng mensahe. Bakit samahan? Para mas makilala natin siya. Ang ibig sabihin lang ay ang pakikinig ay nangangahulugan na kilalanin ang pinanggagalingan ng mensahe, ang nagsabi. Dito natin mauunawaan pa ang perspektibo niya at ang kanyang pananaw. Ano ba ang background niya? Bakit niya ito nasabi? Ang mensahe para maunawaan ay kikilalanin talaga ang nagsasabi. Susundan mo siya. Babarkadahin mo siya. Sasamahan mo siya kung saan siya nakatira. Aalamin mo ang kanyang mundo. Marami ang nami-misinterpret ngayon kasi hindi kilala at hindi alam ng nakakarinig kung ano ang background ng nagsasabi. Madalas, iginigiit natin ang sarili nating pakahuluugan para husgahan ang nagsabi at hindi alamin kung ano ba talaga ang kanyang sinabi. Mas magiging buo ang mensahe kapag nalaman natin ang background niya. Kaya dapat siyang samahan at sundan.



Ganito rin sa pakikinig sa salita ng Diyos. Kikilalanin natin si Hesus na nagpapahayag nito. Di ba't sinamahan din siya ng mga alagad. Sumunod ka sa akin. Yun ang palagi niyang sinasabi sa mga tinatawag niya. Ibig sabihin, samahan mo ako, tingnan mo kung saan ako nakatira, ano ang ginagawa ko, para makilala mo talaga ako at ng maunawaan mo ang aking sinasabi. Kailangan dito ang tiyaga. Kaya lang, sino pa ang may tiyaga ngayon? Mainipin na tayo. Wala akong oras na samahan ka pa. Kaya nga, akala natin kilala na natin ang mga tao sa paligid natin pero hindi pala. Asawa mo na, anak mo na, kapamilya mo na, di mo pa kilala. Diyos pa kaya. Paano natin siya maririnig kung wala tayong tiyaga na samahan si Hesus?



Ang huling hakbang ay pagtugon. Saka na lamang tayo makakatugon sa mensahe at sa nagsabi nito kapag naunawaan na natin ito. Magiging mas tumpak ang pagtugon kapag tumpak ang pag-unawa natin sa mensahe. At ang mensahe ay dapat tugunin. Mahirap yatang magsalita ng magsalita na wala namang tugon ang kausap mo. Baka maramdaman mo pang parang binabastos ka kapag hindi tumutugon ang kausap mo. Tanggap o hindi tanggap, kailangan may tugon. Sa pagtugon, nakokompleto ang pakikinig. Nabubuo ang pagtitiwala sa isa't-isa kapag sinuklian ng pagtugon ang iyong sinabi anuman ito. Sa pagtugon, nagkakaroon ng katuparan ang mensaheng narinig.



Ganito rin tayo sa salita ng Diyos. Matapos maunawaan, tutugon tayo. At ang pagbabago ay magaganap sa buhay natin. Kahit mahirap iwan ang nakasanayan nating ugali, pananaw at pamumuhay pero mararanasan natin ang pagpapalaya sa atin ng salita ng Diyos kapag nagkalakas-loob tayong tumugon dito. Pananampalataya na nakikita sa pagsang-ayon ng isip, pagtitiwala ng puso at paggawa ang itutugon natin sa salita ng Diyos. Tulad ng sinabi ni Hesus, matibay na pundasyon ang nabubuo natin kapag nakinig tayo sa kanyang salita at nagsagawa nito.



Marunong ka ba talagang makinig? Talaga?



MANALANGIN:

Panginoon, buksan mo ang aking tainga, ang aking isip, ang aking puso at ang buo kong pagkatao upang makinig sa iyong salita. At sa pakikinig ko sa iyo, matuto rin nawa akong talagang pakinggan ang mga tao sa paligid ko na matagal ng sumisigaw para lamang mapakinggan.

No comments:

Post a Comment