Friday, March 4, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (03-04-11)

MARCOS 11: 11-26

11 Pumunta si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Pagkatapos niyang makita ang lahat ng bagay doon, lumabas siya at nagbalik sa Bethania na kasama ang Labindalawa, sapagkat gumagabi na noon.

Sinumpa ang Puno ng Igos

12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom. 13 Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang. 14 Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, "Wala nang makakakain pa ng iyong bunga." Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad.

Pinalayas ang mga Nangangalakal sa Templo

15 Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 16 Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda 17 at tinuruan niya ang mga tao nang ganito, "Hindi ba't nasusulat, 'Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?' Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!"

18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang maipapatay si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo.

19 Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lunsod.

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos

20 Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. 21 Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, "Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo."

22 Sumagot si Jesus, "Manalig kayo sa Diyos. 23 Tandaan ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, 'Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,' at ito nga ay mangyayari. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon. 25-26 Kapag kayo'y tumayo upang manalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ang inyong mga kasalanan ay patawarin din ng inyong Ama na nasa langit."



MAGNILAY:

May sama ka ba ng loob? Matindi ba? Ang hirap 'no? Hindi ka makatulog. Hindi ka makapagtrabaho ng maayos. Parang lagi kang may bitbit sa kalooban mo. Paralisado lahat ng gawain mo. Pati nga pagdadasal mo apektado.



Mahirap ngang magdasal kapag may kinikimkim kang galit at lalo na kung ito ay pagkamuhi. Habang nasa puso ang galit na ito mahirap makapasok sa isang tunay na pakikipagtagpo sa Diyos. Hangga't hindi nagdedesisyon ang puso na magpatawad ay halos imposible makipag-niig sa Panginoon dahil ang Panginoon ay pagpapatawad.



Nakakatakot minsang magpatawad kasi parang lugi ka. Madalas inuugnay natin ang katarungan sa paghihiganti. Kung ano ang inutang ay siyang kabayaran. Totoo na kailangang tamuhin ang katarungan. Lahat ng kasalanan ay dapat pagbayaran. Pero magkaiba ang pagbabayad-puri sa paghihiganti. Ang paghihiganti ay pagsukli ng masama sa masamang ginawa sa iyo. Hindi ito katarungan. At ang katarungan pagkatapos itong matamo ay kapatawaran ang dapat sanang maging kasunod. Sa pagpapatawad ang unang makikinabang ay ang nasaktan. Kung hindi ito mauuwi sa pagpapatawad ang nasaktan ay kailanman hindi makakausad. Sa pagpapatawad magkakaroon siya ng bagong simula na malaya ang kalooban. Sa pagpapatawad mawawala ang hinanakit na nagpaparalisa sa ating isip at kaluluwa. Sa pagpapatawad nagiging insgtrumento tayo na sana ang nakasakit sa atin ay magbagong-buhay din at magsimula ng panibago. Hindi ba't ito ang ginagawa ng Panginoon sa atin. Siya ang nasaktan pero siya pa rin ang nagpapatawad. Siya ang naagrabiyado natin pero siya pa ang hindi tumitigil na mahalin tayo. Ang Panginoon talaga ay pagpapatawad. At ang pusong walang instensyong magpatawad ay kailanman hindi makakaranas ng tunay na pakikiisa sa kanya sa panalangin.



MANALANGIN:

Pangionoon, akayin mo ang aking puso tungo sa pagpapatawad. Maunawaan ko nawa na kahit mahirap magpatawad ito ay posible kapag dinesisyonan ng aking puso. Sa tulong ng iyong biyaya maging matagumpay nawa ako.

No comments:

Post a Comment