Sunday, February 20, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (02-21-11)

MARCOS 9: 14-29

Pinagaling ang Batang Sinasapian ng Masamang Espiritu

14 Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila. 15 Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong upang batiin si Jesus. 16 Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, "Ano ang inyong pinagtatalunan?"

17 Sumagot ang isa mula sa karamihan, "Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya'y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita. 18 Tuwing siya'y sinasapian nito, siya'y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya'y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas."

19 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!"

20 Dinala nga nila ang bata sa kanya. Nang si Jesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata. Ang bata'y natumba sa lupa at gumulung-gulong na bumubula ang bibig. 21 "Kailan pa siya nagkaganyan?" tanong ni Jesus sa ama.

"Simula pa po noong bata siya!" tugon niya. 22 "Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo."

23 "Kung may magagawa ako?" tanong ni Jesus. "Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya."

24 Agad namang sumagot ang ama ng bata, "Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya."

25 Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, "Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!"

26 Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya't sinabi ng marami, "Patay na siya!" 27 Ngunit ang bata'y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito'y tumayo.

28 Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, "Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?"

29 Sumagot si Jesus, "Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin."



MAGNILAY:

Ang pananampalataya at gawa ay dalawang magkakabit o magkakambal na dimensyon ng relasyon natin sa Diyos. Magkakaroon ng malaking problema kapag inihiwalay ang isa sa isa o pinabayaan ang isa para paboran ang isa. Hindi puwedeng paghiwalayin ang pananampalataya at gawa.



Una, ang pananampalatayang walang gawa ay patay. Walang katuturan ang pagsampalataya na hindi nauuwi sa gawa. Nagiging isang uri ito ng pagtakas sa mga alalahanin at realidad ng buhay. Pinapasa-Diyos ang lahat at maghihintay na lang ng himala. Ang dasal sa ganitong pananaw ay nagiging parang droga na gagamitin mo para makalimot, makatakas, at makalipad sa mundo ng ilusyon. Sa totoo lang, hindi ito pananampalataya dahil ang tunay pananampalataya ay pagsasagawa. Walang pananampalataya kung walang pagsasagawa. Oo, ang pananampalataya ay paniniwala at pagtitiwala sa Diyos pero dapat dumaloy ang paniniwala at pagtitiwalang ito sa pagsasagawa at pakikiisa sa gawaing pagliligtas at pagpapanibago ng Diyos.



Ikalawa, ang gawa naman na walang pananampalataya ay inutil. Ang gawa na walang kombiksyon ay walang saysay. Wala itong lakas at kapangyarihang magpanibago. Isa itong pag-aaksaya ng lakas, talino at kakayanan. Abala ka pero hindi mo alam kung bakit at para saan. May mga proyekto ka sa buhay pero walang direksyon at patutunguhan. Kumikilos ka pero walang motibasyon. Hindi napipiga ng husto ang iyong kakayanan dahil wala namang dahilan. Ang pananampalataya ang kaluluwa ng bawa't gawa at pagkilos natin. Ito ang nagbibigay ng sigla sa bawa't nating pinagkakaabalahan. Ito ang apoy na nagbibigay init sa lahat nating pagkilos. Ito ang nagbubunsod sa ating mangarap ng mataas at abutin ito. Ito ang umaakay sa atin sa kalubusan ng buhay na sa Diyos matatagpuan. Ito ang magbibigay ng kapangyarihan sa ating baguhin ang mundo.



Pananampalataya at gawa. Huwag nating paghiwalayin. Lagi silang magkasama. Habang sinisikap nating pagsanibin ang pananampalataya at gawa may pag-asa tayo sa isang maliwanag at matiwasay na bukas.



MANALANGIN:

Panginoon, dagdagan mo pa ang aking pananampalataya. Sa kabila ng maraming kabiguan sa buhay, magiging matatag ang aking paniniwala at pagtitiwala na may magagawa ako para panibaguhin ang mundo sa tulong ng kapwa at higit sa lahat sa tulong ng iyong biyaya't pagmamahal.

No comments:

Post a Comment